Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 9:22-10:18

22 Si Abimelec ay namuno sa Israel sa loob ng tatlong taon.

23 At nagsugo ang Diyos ng isang masamang espiritu sa pagitan ni Abimelec at ng mga lalaki sa Shekem; at ang mga lalaki sa Shekem ay nagtaksil kay Abimelec.

24 Ito ay nangyari upang ang karahasan na ginawa sa pitumpung anak ni Jerubaal ay maipaghiganti,[a] at ang kanilang dugo ay singilin kay Abimelec na kanilang kapatid, na siyang pumatay sa kanila, at sa mga lalaki sa Shekem na nagpalakas ng kanyang mga kamay upang patayin ang kanyang mga kapatid.

25 Kaya't tinambangan siya ng mga lalaki sa Shekem sa mga tuktok ng mga bundok; kanilang pinagnakawan ang lahat na dumaan sa daang iyon at ibinalita ito kay Abimelec.

Ang Tangka ni Gaal Laban kay Abimelec

26 Nang dumating sa Shekem si Gaal na anak ni Ebed na kasama ang kanyang mga kapatid, inilagak ng mga lalaki sa Shekem ang kanilang tiwala sa kanya.

27 Sila'y lumabas sa bukid, namitas sa kanilang mga ubasan, pinisa, at nagpista. Pagkatapos ay pumasok sila sa bahay ng kanilang diyos, nagkainan at nag-inuman, at nilait si Abimelec.

28 At sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, “Sino ba si Abimelec at sino ba tayo sa Shekem, upang ating paglingkuran siya? Hindi ba ang anak ni Jerubaal at si Zebul na kanyang pinuno ay naglingkod sa mga tauhan ni Hamor na ama ni Shekem? Bakit tayo maglilingkod sa kanya?

29 Sana ang bayang ito'y mapasailalim ng aking kamay. Kung magkagayon aking paaalisin si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya, ‘Dagdagan mo ang iyong kawal at lumabas ka.’”

30 Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lunsod ang mga salita ni Gaal na anak ni Ebed, ay nagningas ang kanyang galit.

31 At nagpadala siya ng mga sugo kay Abimelec, na nagsabi, “Si Gaal na anak ni Ebed at ang kanyang mga kapatid ay naparoon sa Shekem; at kanilang sinusulsulan[b] ang lunsod laban sa iyo.

32 Kaya't ngayon, umalis kayo sa gabi, ikaw at ang mga lalaking kasama mo, at mag-abang kayo sa bukid.

33 Kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay maaga kang bumangon at lusubin mo ang lunsod. Kapag siya at ang mga taong kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo sa kanila ang hinihingi ng pagkakataon.”

Nagapi ni Abimelec si Gaal

34 Kinagabihan si Abimelec at ang lahat ng apat na pulutong ng mga lalaking kasama niya ay nag-abang sa Shekem.

35 Lumabas si Gaal na anak ni Ebed at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan. Si Abimelec at ang mga taong kasama niya ay tumindig sa pananambang.

36 Nang sila ay makita ni Gaal, kanyang sinabi kay Zebul, “May mga lalaking bumababa mula sa mga tuktok ng bundok!” Sinabi ni Zebul sa kanya, “Ang iyong nakikita'y mga anino ng mga bundok na parang mga lalaki.”

37 Nagsalita uli si Gaal, “Tingnan mo, may mga lalaking bumababa mula sa kalagitnaan ng lupain, at ang isang pulutong ay dumarating mula sa daan ng ensina ng Meonenim.”

38 Nang magkagayo'y sinabi ni Zebul sa kanya, “Nasaan ngayon ang iyong bibig, na iyong sinabi, ‘Sino ba si Abimelec upang tayo'y maglingkod sa kanya?’ Hindi ba ito ang mga taong iyong hinamak? Lumabas ka ngayon at lumaban sa kanila.”

39 At lumabas si Gaal sa unahan ng mga lalaki ng Shekem, at nilabanan si Abimelec.

40 Hinabol siya ni Abimelec at siya'y tumakas sa harap niya, at maraming nabuwal na sugatan hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.

41 Kaya't si Abimelec ay nanirahan sa Aruma; at pinalayas ni Zebul si Gaal at ang kanyang mga kapatid, kaya't sila'y hindi makapanirahan sa Shekem.

42 Nang sumunod na araw ang mga tao ay lumabas sa parang at ibinalita ito kay Abimelec.

43 Kinuha niya ang kanyang mga tauhan at hinati niya sa tatlong pangkat, at nagbantay sa parang. Siya'y tumingin, at kanyang nakita na ang mga tao ay lumalabas sa bayan, siya ay bumangon laban sa kanila at pinatay sila.

44 Si Abimelec at ang pangkat na kasama niya ay sumugod at tumayo sa pasukan ng pintuan ng lunsod, habang ang dalawang pulutong ay sumusugod doon sa lahat ng nasa bukid, at sila'y pinatay nila.

45 Lumaban si Abimelec sa lunsod nang buong araw na iyon. Kanyang sinakop ang lunsod, at pinatay ang mga taong nasa loob niyon. Kanyang giniba ang lunsod at sinabuyan ng asin.

Binihag ang Shekem at ang Tebez

46 Nang mabalitaan iyon ng lahat ng mga lalaki sa Tore ng Shekem, pumasok sila sa kuta ng bahay ng El-berit.

47 Ibinalita kay Abimelec na ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay nagtitipon.

48 Kaya't umakyat si Abimelec sa bundok ng Zalmon at ang mga lalaking kasama niya. Kumuha si Abimelec ng isang palakol, at pumutol ng isang bigkis ng mga kahoy at ipinasan sa kanyang balikat. At sinabi niya sa mga taong kasama niya, “Kung ano ang nakita ninyong ginagawa ko, magmadali kayo, at gawin ninyo ang aking ginawa.”

49 Kaya't bawat isa sa mga tao ay pumutol ng kanya-kanyang bigkis, at sumunod kay Abimelec. Ipinaglalagay nila iyon sa kuta, at sinunog ang kuta sa pamamagitan niyon. Kaya't ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay namatay rin, na may mga isang libong lalaki at babae.

50 Pagkatapos ay pumunta si Abimelec sa Tebez, at nagkampo laban sa Tebez, at sinakop iyon.

51 Ngunit may isang matibay na tore sa loob ng lunsod, at tumakas ang lahat ng lalaki at babae at ang lahat na nasa lunsod at pinagsarhan ang kanilang sarili doon. Pagkatapos ay umakyat sila sa bubungan ng tore.

52 Pumunta si Abimelec sa tore at lumaban, at lumapit sa pintuan ng tore upang sunugin iyon ng apoy.

53 Ngunit(A) may isang babae na naghagis ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan sa ulo ni Abimelec at nabasag ang kanyang bungo.

54 Nang magkagayo'y dali-dali niyang tinawag ang kabataang lalaki na kanyang tagadala ng sandata, at sinabi niya sa kanya, “Bunutin mo ang iyong tabak, at patayin mo ako, baka sabihin tungkol sa akin ng mga tao, ‘Isang babae ang pumatay sa kanya.’” At sinaksak siya ng kanyang batang tauhan, at siya'y namatay.

55 Nang makita ng Israel na patay na si Abimelec, umuwi ang bawat lalaki sa kanya-kanyang bahay.

56 Gayon pinagbayad ng Diyos si Abimelec sa kasamaang ginawa niya sa kanyang ama, sa pagpatay sa kanyang pitumpung kapatid.

57 At ang buong kasamaan ng mga lalaki sa Shekem ay ipinataw ng Diyos sa kanilang mga ulo; at dumating sa kanila ang sumpa ni Jotam na anak ni Jerubaal.

Si Tola at si Jair

10 Pagkatapos ni Abimelec, bumangon upang iligtas ang Israel si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalaking mula sa Isacar; at siya'y nanirahan sa Samir sa lupaing maburol ng Efraim.

Siya'y naghukom sa Israel ng dalawampu't tatlong taon; pagkatapos siya'y namatay at inilibing sa Samir.

Pagkatapos niya'y bumangon si Jair na Gileadita; na naghukom sa Israel nang dalawampu't dalawang taon.

Siya'y may tatlumpung anak na lalaki na sumasakay sa tatlumpung asno, at sila'y may tatlumpung lunsod na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nasa lupain ng Gilead.

At namatay si Jair at inilibing sa Camon.

Ang Israel ay Muling Tumalikod sa Diyos

Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal, kay Astarte, sa mga diyos ng Siria, Sidon, Moab, ng mga Ammonita at sa mga diyos ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang Panginoon at hindi naglingkod sa kanya.

Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ng mga Filisteo at ng mga anak ni Ammon.

Kanilang pinahirapan at inapi ang mga anak ni Israel nang taong iyon. Labingwalong taon nilang pinahirapan ang lahat ng mga anak ni Israel na nasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amoreo, na nasa Gilead.

Ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang labanan din ang Juda, ang Benjamin, at ang sambahayan ni Efraim; anupa't ang Israel ay lubhang nahirapan.

10 Kaya't dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagkat aming pinabayaan ang aming Diyos, at kami ay naglingkod sa mga Baal.”

11 At sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, “Hindi ba't iniligtas ko kayo mula sa mga Ehipcio, sa mga Amoreo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo?

12 Gayundin ang mga Sidonio, mga Amalekita, at ang mga Maonita ay nagpahirap sa inyo. Kayo'y dumaing sa akin, at iniligtas ko kayo sa kanilang mga kamay.

13 Gayunma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos, kaya't hindi ko na kayo ililigtas.

14 Humayo kayo at dumaing sa mga diyos na inyong pinili; hayaang iligtas nila kayo sa panahon ng inyong kapighatian.”

15 At sinabi ng mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala. Gawin mo sa amin ang anumang gusto mo, iligtas mo lamang kami sa araw na ito.”

16 Kaya't kanilang inalis sa kanila ang ibang mga diyos, at naglingkod sa Panginoon at ang kanyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa kapighatian ng Israel.

17 Pagkatapos ang mga anak ni Ammon ay nagtipon, at nagkampo sa Gilead. At ang mga anak ni Israel ay nagtitipon, at nagkampo sa Mizpa.

18 Ang taong-bayan, at ang mga pinuno sa Gilead ay nag-usap, “Sino ang lalaking magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? Siya'y magiging pinuno sa lahat ng taga-Gilead.”

Lucas 24:13-53

Ang Paglalakad Patungong Emaus(A)

13 Nang araw ding iyon, dalawa sa kanila ang patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, na may animnapung estadia[a] ang layo sa Jerusalem,

14 at pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari.

15 Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit at naglakbay na kasama nila.

16 Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya.

17 At sinabi niya sa kanila, “Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?” At sila'y tumigil na nalulungkot.

18 Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, “Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?”

19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” At sinabi nila sa kanya, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan,

20 at kung paanong siya ay ibinigay ng mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan, at siya'y ipinako sa krus.

21 Subalit umasa kami na siya ang tutubos sa Israel.[b] Oo, at bukod sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.

22 Bukod dito, binigla kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Sila ay maagang pumunta sa libingan,

23 at nang hindi nila matagpuan ang kanyang bangkay, sila ay bumalik. Sinabi nilang sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya'y buháy.

24 Pumaroon sa libingan ang ilang kasama namin at nakita nila ang ayon sa sinabi ng mga babae, subalit siya'y hindi nila nakita.”

25 At sinabi niya sa kanila, “O napakahangal naman ninyo at napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta!

26 Hindi ba kailangang ang Cristo ay magdusa ng mga bagay na ito at pagkatapos ay pumasok sa kanyang kaluwalhatian?”

27 At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan.

28 Nang sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa.

29 Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, “Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw.” At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.

30 Habang siya'y nakaupong kasalo nila sa hapag, kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan. Ito'y kanyang pinagputul-putol at ibinigay sa kanila.

31 Nabuksan ang kanilang mga mata, siya'y nakilala nila, at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.

32 Sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin,[c] habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?”

33 Sa oras ding iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem at naratnang nagkakatipon ang labing-isa at ang kanilang mga kasama.

34 Sinasabi nila, “Talagang bumangon ang Panginoon at nagpakita kay Simon!”

35 At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay.

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(B)

36 Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus[d] ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.”[e]

37 Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

38 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso?

39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”

[40 Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.]

41 Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?”

42 At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda.

43 Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila.

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.”

45 At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan.

46 Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw;

47 at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem.

48 Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.

49 At(C) tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.”

Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus(D)

50 Kanyang(E) inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan.

51 At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit].

52 Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan.

53 At sila'y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos.[f]

Mga Awit 100

Isang Awit para sa Handog na Pasasalamat.

100 Sumigaw kayo na may kagalakan sa Panginoon, lahat na mga lupain!
    Maglingkod kayo sa Panginoon na may kagalakan;
    magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan.

Kilalanin ninyo na ang Panginoon ay Diyos!
    Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya;
    tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan.

Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat,
    at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri!
    Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya!

Sapagkat(A) ang Panginoon ay mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
    at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi.

Mga Kawikaan 14:11-12

11 Ang bahay ng masama ay magigiba,
    ngunit ang tolda ng matuwid ay sasagana.
12 Mayroong(A) daan na tila matuwid sa isang tao,
    ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001