Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 4-5

Tinalo nina Debora at Barak si Sisera

Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, nang mamatay si Ehud.

Ipinagbili sila ng Panginoon sa kamay ni Jabin na hari ng Canaan, na naghahari sa Hazor; na ang pinuno sa kanyang hukbo ay si Sisera, na naninirahan sa Haroset-hagoiim.

At dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon sapagkat siya'y may siyamnaraang karwaheng bakal; at dalawampung taon niyang lubhang pinahirapan ang mga anak ni Israel.

Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidot, ay siyang hukom ng Israel nang panahong iyon.

Siya ay laging umuupo sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Bethel, sa lupaing maburol ng Efraim; at pinupuntahan siya ng mga anak ni Israel para sa kanyang hatol.

Siya'y nagsugo at ipinatawag si Barak na anak ni Abinoam mula sa Kedes sa Neftali, at sinabi sa kanya, “Inuutusan ka ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Humayo ka, at tipunin mo ang iyong mga tauhan sa bundok ng Tabor, at kumuha ka ng sampung libo sa lipi ni Neftali at sa lipi ni Zebulon.

Aking palalabasin si Sisera, ang pinuno sa hukbo ni Jabin, upang salubungin ka sa Ilog Kishon, kasama ang kanyang mga karwahe at ang kanyang hukbo; at ibibigay ko siya sa iyong kamay.’”

Sinabi ni Barak sa kanya, “Kung sasama ka sa akin ay pupunta ako roon. Ngunit kung hindi ka sasama sa akin ay hindi ako pupunta.”

At kanyang sinabi, “Tiyak na sasama ako sa iyo; gayunma'y ang daan na iyong tatahakin ay hindi patungo sa iyong kapurihan, sapagkat ipagbibili ng Panginoon si Sisera sa kamay ng isang babae.” At si Debora ay tumindig at sumama kay Barak sa Kedes.

10 Tinawag ni Barak ang Zebulon at ang Neftali sa Kedes; at doo'y kasunod niyang umahon ang sampung libong lalaki at si Debora ay umahong kasama niya.

11 Si Eber na Kineo ay humiwalay na sa mga Kineo, ang mga anak ni Hobab, na biyenan ni Moises, at itinayo ang kanyang tolda sa may punong ensina sa Zaananim, na malapit sa Kedes.

12 Nang masabi kay Sisera na si Barak na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor,

13 tinipon ni Sisera ang lahat ng kanyang mga karwahe, na siyamnaraang karwaheng bakal, at ang lahat ng mga lalaking kasama niya, mula sa Haroset-hagoiim hanggang sa Ilog Kishon.

14 At sinabi ni Debora kay Barak, “Tumindig ka! Sapagkat ito ang araw na ibinigay ng Panginoon si Sisera sa iyong kamay. Hindi ba lumabas ang Panginoon sa harap mo?” Kaya't lumusong si Barak mula sa bundok ng Tabor kasama ang sampung libong lalaking sumusunod sa kanya.

15 Itinaboy ng Panginoon si Sisera at ang lahat ng kanyang mga karwahe, at ang buong hukbo niya sa harap ni Barak sa talim ng tabak. Bumaba si Sisera sa kanyang karwahe, at patakbong tumakas.

16 Ngunit hinabol ni Barak ang mga karwahe at ang hukbo, hanggang sa Haroset-hagoiim at ang buong hukbo ni Sisera ay nahulog sa talim ng tabak; wala ni isang lalaking nalabi.

Pinatay ni Jael si Sisera

17 Gayunman ay patakbong tumakas si Sisera patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Eber na Kineo; sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari sa Hazor at ng sambahayan ni Eber na Kineo.

18 Sinalubong ni Jael si Sisera, at sinabi sa kanya, “Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin; huwag kang matakot.” Kaya't siya'y lumiko sa kanya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang alpombra.

19 Sinabi niya sa kanya, “Isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; sapagkat ako'y nauuhaw.” Kaya't binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at kanyang pinainom siya, at tinakpan siya.

20 At sinabi ni Sisera sa kanya, “Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at kapag may taong dumating at magtanong sa iyo, ‘May tao ba riyan?’ ay iyong sasabihin, ‘Wala.’”

21 Ngunit kumuha si Jael, na asawa ni Eber, ng isang tulos ng tolda at kumuha ng isang pamukpok at dahan-dahang lumapit sa kanya. Habang natutulog nang mahimbing si Sisera dahil sa pagod, itinusok ni Jael ang tulos sa kanyang noo hanggang umabot ito sa lupa, at siya'y namatay.

22 Sa paghabol ni Barak kay Sisera ay lumabas si Jael upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo.” Kaya't siya'y pumasok sa kanyang tolda, at naroon si Sisera na patay na nakabulagta at ang tulos ng tolda ay nasa kanyang noo.

23 Gayon nilupig ng Diyos nang araw na iyon si Jabin na hari ng Canaan sa harap ng mga anak ni Israel.

24 Habang tumatagal ay naging higit na malakas ang mga Israelita laban kay Jabin na hari ng Canaan, hanggang sa mapuksa nila si Jabin na hari ng Canaan.

Ang Awit ni Debora

Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam nang araw na iyon,

“Sapagkat ang mga pinuno ay nanguna sa Israel,
    sapagkat kusang inihandog ng bayan ang kanilang sarili,
    purihin ninyo ang Panginoon!
“Makinig kayo, mga hari; pakinggan ninyo, mga prinsipe;
     Panginoon ako'y aawit,
    ako'y gagawa ng himig sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir,
    nang ikaw ay humayo mula sa lupain ng Edom,
ang lupa'y nanginig,
    ang langit naman ay nagpatak,
    oo, ang mga ulap ay nagpatak ng tubig.
Ang(A) mga bundok ay nayanig sa harap ng Panginoon, yaong sa Sinai,
    sa harap ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
“Sa mga araw ni Shamgar na anak ni Anat,
    sa mga araw ni Jael, ang mga paglalakbay ay tumigil,
    at ang mga manlalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.
Ang mga magsasaka ay huminto sa Israel, sila'y tumigil,
hanggang sa akong si Debora ay bumangon,
    bumangon bilang ina sa Israel.
Nang piliin ang mga bagong diyos,
    nasa mga pintuang-bayan ang digmaan.
May nakita bang kalasag o sibat
    sa apatnapung libo sa Israel?
Ang aking puso ay nasa mga pinuno sa Israel,
    na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa bayan;
    purihin ang Panginoon!
10 “Saysayin ninyo, kayong mga nakasakay sa mapuputing asno,
    kayong nakaupo sa maiinam na alpombra,
    at kayong lumalakad sa daan.
11 Sa tugtog ng mga manunugtog sa mga dakong igiban ng tubig,
    doon nila inuulit ang mga tagumpay ng Panginoon,
    ang mga tagumpay ng kanyang magbubukid sa Israel.
“Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.
12 “Gumising ka, gumising ka, Debora!
    Gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit!
Bumangon ka, Barak, at ihatid mo ang iyong mga bihag,
    ikaw na anak ni Abinoam.
13 Bumaba nga ang nalabi sa mga maharlika;
    at ang bayan ng Panginoon ay bumaba dahil sa kanya laban sa mga makapangyarihan.
14 Mula sa Efraim na kanilang ugat, sila ay naghanda patungo sa libis,
    sa likuran mo ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga kamag-anak;
sa Makir nagmula ang mga pinuno,
    at sa Zebulon ang may hawak ng tungkod ng pinuno;
15 ang mga pinuno sa Isacar ay dumating na kasama ni Debora;
    at ang Isacar ay tapat kay Barak,
    sa libis ay dumaluhong sila sa kanyang mga sakong.
Sa gitna ng mga angkan ni Ruben,
    nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
16 Bakit ka nanatili sa gitna ng mga kulungan ng tupa,
    upang makinig ba ng mga pagtawag sa mga kawan?
Sa gitna ng mga angkan ng Ruben,
    nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
17 Ang Gilead ay nanatili sa kabila ng Jordan;
    at ang Dan, bakit siya'y nanatili sa mga barko?
Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat,
    at nanahan sa kanyang mga daong.
18 Ang Zebulon ay isang bayan na nagsuong ng kanilang buhay sa kamatayan,
    gayundin ang Neftali sa matataas na dako ng kaparangan.
19 “Ang mga hari ay dumating, sila'y lumaban;
    nang magkagayo'y lumaban ang mga hari ng Canaan,
sa Taanac na nasa tabi ng tubig sa Megido;
    sila'y hindi nakasamsam ng pilak.
20 Mula sa langit ang mga bituin ay nakipaglaban,
    mula sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisera.
21 Tinangay sila ng rumaragasang Kishon,
    ng rumaragasang agos, ng Ilog Kishon.
    Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas!
22 “Nang magkagayo'y yumabag ang mga paa ng mga kabayo,
    na may pagkaripas, pagkaripas ng kanyang mga kabayong pandigma.
23 “Sumpain si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon,
    sumpain nang mapait ang mga naninirahan doon,
sapagkat sila'y hindi dumating upang tumulong sa Panginoon,
    upang tumulong sa Panginoon, laban sa makapangyarihan.
24 “Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael,
    ang asawa ni Eber na Kineo,
    higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda.
25 Siya'y[a] humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas;
    kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok.
26 Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda,
    at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa;
kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok,
    dinurog niya ang kanyang ulo,
    kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo.
27 Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok,
    siya'y bumulagta sa kanyang paanan,
sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok,
    kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak.
28 “Mula sa bintana siya ay dumungaw,
    ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan:
‘Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating?
    Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?’
29 Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya,
    siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili,
30 ‘Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam?
    Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki;
kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay,
    samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda,
    dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?’
31 “Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!
    Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan.”

At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon.

Lucas 22:35-53

Walang Supot, Pagkain, Sandalyas

35 At(A) sinabi niya sa kanila, “Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, o supot ng pagkain, at mga sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” At kanilang sinabi, “Hindi.”

36 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayundin ang supot ng pagkain. At ang walang tabak ay ipagbili niya ang kanyang balabal, at bumili ng isang tabak.

37 Sapagkat(B) sinasabi ko sa inyo na ang kasulatang ito ay kailangang matupad sa akin, ‘At ibinilang siya sa mga suwail’; sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad.”

38 At sinabi nila, “Panginoon, tingnan ninyo, narito ang dalawang tabak.” Sinabi naman niya sa kanila, “Tama na iyan.”

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(C)

39 At siya'y lumabas at pumaroon, gaya ng kanyang nakaugalian, sa bundok ng mga Olibo at sumunod naman sa kanya ang mga alagad.

40 Nang siya'y dumating sa pook na iyon, ay sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo pumasok sa panahon ng pagsubok.”[a]

41 Siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang pukol ng bato. Siya'y lumuhod at nanalangin,

42 “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma'y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo.”

[43 Nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya.

44 Sa kanyang matinding paghihirap ay nanalangin siya ng higit na taimtim, at ang kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa.]

45 Pagtayo niya mula sa pananalangin, lumapit siya sa mga alagad at naratnan silang natutulog dahil sa kalungkutan,

46 at sinabi sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso.”

Ang Pagdakip kay Jesus(D)

47 Samantalang nagsasalita pa siya, dumating ang maraming tao, at ang lalaking tinatawag na Judas, na isa sa labindalawa ay nangunguna sa kanila. Siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan;

48 subalit sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?”

49 Nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari ay kanilang sinabi, “Panginoon, mananaga ba kami sa pamamagitan ng tabak?”

50 At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang kanang tainga nito.

51 At sumagot si Jesus, “Tigil! Tama na!” At hinawakan niya ang tainga at pinagaling siya.

52 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga punong-kawal sa templo, at sa matatanda, na dumating laban sa kanya, “Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas?

53 Nang(E) ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, hindi ninyo binuhat ang inyong mga kamay laban sa akin. Subalit ito ang inyong oras, at ng kapangyarihan ng kadiliman.”

Mga Awit 94

Ang Diyos na Hukom ng Lahat

94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
    ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
    ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
    hanggang kailan magsasaya ang masama?

Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
    lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
    at ang iyong mana ay sinaktan.
Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
    ang ulila ay kanilang pinatay.
At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
    ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”

Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
    Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
    hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
    sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
    at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
    hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
    hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
    at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.

16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
    Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
    ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
    O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
    ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
    silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
    at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
    at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
    at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
    papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.

Mga Kawikaan 14:3-4

Ang pagsasalita ng hangal ay pamalo sa kanyang likod[a]
    ngunit ang mga labi ng pantas ang sa kanila'y magtataguyod.
Kung saan walang baka ay wala ring butil,
    ngunit ang saganang ani sa lakas ng baka nanggagaling.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001