Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 24

Nagsalita si Josue sa Bayan sa Shekem

24 Tinipon ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Shekem, at tinawag ang matatanda ng Israel at ang kanilang mga pinuno, mga hukom, mga tagapamahala; at sila'y humarap sa Diyos.

Sinabi(A) ni Josue sa buong bayan, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang inyong mga ninuno ay nanirahan nang unang panahon sa kabila ng Ilog, si Terah, na ama ni Abraham at ama ni Nahor, at sila'y naglingkod sa ibang mga diyos.

Kinuha(B) ko ang inyong amang si Abraham mula sa kabila ng Ilog at pinatnubayan ko siya sa buong lupain ng Canaan, at pinarami ko ang kanyang binhi at ibinigay ko sa kanya si Isaac.

Kay(C) Isaac ay ibinigay ko sina Jacob at Esau; at ibinigay ko kay Esau ang bundok ng Seir upang angkinin; at si Jacob at ang kanyang mga anak ay lumusong sa Ehipto.

Sinugo(D) ko sina Moises at Aaron at sinalot ko ang Ehipto sa pamamagitan ng aking ginawa sa gitna niyon; at pagkatapos ay inilabas ko kayo.

At(E) inilabas ko ang inyong mga ninuno sa Ehipto, at kayo'y dumating sa dagat. Hinabol ng mga karwahe at ng mga mangangabayo ng mga Ehipcio ang inyong mga ninuno hanggang sa Dagat na Pula.

At nang sila'y tumangis sa Panginoon, nilagyan niya ng kadiliman ang pagitan ninyo at ang mga Ehipcio, at itinabon ang dagat sa kanila at tinakpan sila. Nakita ng inyong mga mata kung ano ang aking ginawa sa Ehipto at kayo'y nanirahan sa ilang nang matagal na panahon.

Pagkatapos(F) ay dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo na naninirahan sa kabila ng Jordan, at sila'y nakipaglaban sa inyo. Ibinigay ko sila sa inyong kamay, at inyong inangkin ang kanilang lupain at nilipol ko sila sa harapan ninyo.

Nang(G) magkagayo'y tumindig si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab, at nilabanan ang Israel; at siya'y nagsugo at inanyayahan si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo.

10 Ngunit hindi ko pinakinggan si Balaam; kaya't binasbasan niya kayo. Gayon ko kayo iniligtas sa kanyang kamay.

11 Nang(H) kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico, ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, gayundin ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Heveo, at ang mga Jebuseo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay.

12 Sinugo(I) ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo na sa harapan ninyo ay itinaboy ang dalawang hari ng mga Amoreo, iyon ay hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong pana.

13 At(J) aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo pinagpaguran at ng mga lunsod na hindi ninyo itinayo, at ang mga iyon ay inyong tinatahanan. Kayo'y kumakain ng bunga ng mga ubasan at olibo na hindi ninyo itinanim.’

14 “Ngayon nga'y matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa katapatan at sa katotohanan. Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog at sa Ehipto, at inyong paglingkuran ang Panginoon.

15 Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon.”

16 At ang taong-bayan ay sumagot, “Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon upang maglingkod sa ibang mga diyos.

17 Sapagkat ang Panginoon nating Diyos ang nagdala sa atin at sa ating mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, papalabas sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang iyon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinuntahan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan.

18 Itinaboy ng Panginoon sa harapan natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amoreo na naninirahan sa lupain. Dahil dito kami ay maglilingkod din sa Panginoon sapagkat siya'y ating Diyos.”

19 Subalit sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y hindi makakapaglingkod sa Panginoon sapagkat siya'y isang banal na Diyos; siya'y Diyos na mapanibughuin; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsuway ni ang inyong mga kasalanan.

20 Kapag inyong tinalikuran ang Panginoon at naglingkod sa ibang mga diyos, siya ay hihiwalay at kayo ay sasaktan at lilipulin, pagkatapos na kanyang gawan kayo ng mabuti.”

21 At sinabi ng bayan kay Josue, “Hindi; kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.”

22 At sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili ang Panginoon upang paglingkuran siya.” At sinabi nila, “Kami ay mga saksi.”

23 Sinabi niya, “Kung gayon ay alisin ninyo ang ibang mga diyos na nasa gitna ninyo at ilapit ninyo ang inyong puso sa Panginoon, na Diyos ng Israel.”

24 At sinabi ng bayan kay Josue, “Ang Panginoon nating Diyos ay aming paglilingkuran, at ang kanyang tinig ay aming susundin.”

25 Kaya't nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na iyon at gumawa ng mga tuntunin at batas para sa kanila sa Shekem.

26 Isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Diyos; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng ensina na nasa tabi ng santuwaryo ng Panginoon.

27 Sinabi ni Josue sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagkat narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa atin; kaya't ito'y magiging saksi laban sa inyo, kapag itinakuwil ninyo ang inyong Diyos.”

28 Sa gayo'y pinauwi ni Josue ang bayan patungo sa kanilang pamana.

Namatay Sina Josue at Eleazar

29 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Josue na anak ni Nun na lingkod ng Panginoon ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon.

30 Kanilang(K) inilibing siya sa kanyang sariling pamana sa Timnat-sera, na nasa lupaing maburol ng Efraim sa hilaga ng bundok ng Gaas.

31 At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang naiwang buháy pagkamatay ni Josue at nakaalam ng lahat ng mga ginawa ng Panginoon para sa Israel.

32 Ang(L) mga buto ni Jose na dinala ng mga anak ni Israel mula sa Ehipto ay inilibing nila sa Shekem, sa bahagi ng lupang binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang isandaang pirasong salapi; iyon ay naging pamana sa mga anak ni Jose.

33 Namatay si Eleazar na anak ni Aaron at kanilang inilibing siya sa Gibeah, ang bayan ni Finehas na kanyang anak, na ibinigay sa kanya sa lupaing maburol ng Efraim.

Lucas 21:1-28

Ang Handog ng Babaing Balo(A)

21 Siya'y tumingala, at nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng kanilang mga handog sa kabang-yaman.

Nakita rin niya ang isang mahirap na babaing balo na naglalagay ng dalawang kusing.

At sinabi niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na babaing balong ito ay naglagay ng higit kaysa kanilang lahat.

Sapagkat silang lahat ay naglagay mula sa kanilang kasaganaan, samantalang siya mula sa kanyang kahirapan ay inilagay ang lahat ng kanyang kabuhayan.”

Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagkawasak ng Templo(B)

At habang nagsasalita ang ilan tungkol sa templo, kung paanong ito'y napalamutian ng magagandang bato at ng mga handog ay kanyang sinabi,

“Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita ay darating ang mga araw na walang maiiwan dito ni isang bato sa ibabaw ng kapwa bato, na hindi ibabagsak.”

Kanilang tinanong siya, “Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda kapag malapit nang mangyari ang mga bagay na ito?”

At sinabi niya, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw, sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Ako siya!’ at, ‘Malapit na ang panahon!’ Huwag kayong sumunod sa kanila.

At kapag kayo'y nakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong matakot. Sapagkat kailangang mangyari muna ang mga bagay na ito, subalit hindi pa ito ang wakas.”

10 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Babangon ang isang bansa laban sa bansa at ang isang kaharian laban sa kaharian.

11 Magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot, at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit.

12 Subalit bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito ay pagbubuhatan nila kayo ng kanilang mga kamay at uusigin. Dadalhin kayo sa mga sinagoga, sa mga bilangguan at ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan.

13 Ito ay magiging pagkakataon upang kayo ay magpatotoo.

14 Ipasiya(C) ninyo sa inyong mga puso na huwag humanda na ipagtanggol ang sarili,

15 sapagkat bibigyan ko kayo ng salita at karunungan na hindi malalabanan o matututulan man ng lahat ng sumasalungat sa inyo.

16 Kayo'y ipagkakanulo maging ng mga magulang at mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang iba sa inyo.

17 Kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.

18 Subalit hindi mawawala sa anumang paraan kahit isang buhok ng inyong ulo.

19 Sa inyong pagtitiis ay makakamit ninyo ang inyong mga kaluluwa.

Nagsalita si Jesus tungkol sa Pagbagsak ng Jerusalem(D)

20 “Subalit kapag nakita ninyong pinaliligiran ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin nga ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na.

21 Kaya't ang mga nasa Judea ay dapat tumakas patungo sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng lunsod ay lumabas, at ang mga nasa labas ng lupain ay huwag pumasok doon;

22 sapagkat(E) ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng mga bagay na nasusulat.

23 Kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng malaking pagdurusa sa ibabaw ng lupa at poot laban sa sambayanang ito.

24 Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa. Yuyurakan ang Jerusalem ng mga Hentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Hentil.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(F)

25 “At(G) magkakaroon ng mga tanda sa araw, at buwan, at mga bituin, at sa lupa'y magkakaroon ng kahirapan sa mga bansa, na nalilito dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong.

26 Ang mga tao ay manlulupaypay dahil sa takot, at mangangamba sa mga bagay na darating sa daigdig, sapagkat ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig.

27 Pagkatapos(H) ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa isang ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

28 Kapag nagsimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumingala kayo at itaas ninyo ang inyong mga ulo, sapagkat malapit na ang katubusan ninyo.”

Mga Awit 89:38-52

38 Ngunit ngayo'y iyong itinakuwil at tinanggihan,
    ikaw ay punô ng galit sa iyong pinahiran ng langis.
39 Iyong tinalikuran ang tipan ng iyong lingkod;
    dinungisan mo ang kanyang korona sa alabok.
40 Giniba mo ang lahat ng mga pader niya,
    ang kanyang mga tanggulan ay iginuho mo pa.
41 Sinamsaman siya ng lahat ng dumadaan sa lansangan,
    siya'y naging katawa-tawa sa kanyang kapwa.
42 Iyong itinaas ang kanang kamay ng kanyang mga kaaway;
    iyong pinagalak ang lahat niyang mga kalaban.
43 Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kanyang tabak,
    at hindi mo siya itinayo sa pakikipaglaban.
44 Ginawa mong maglaho ang kanyang kakinangan,
    at sa lupa'y inihagis mo ang kanyang trono.
45 Iyong pinaikli ang mga araw ng kanyang kabataan,
    tinakpan mo siya ng kahihiyan. (Selah)

46 O Panginoon, hanggang kailan ka magkukubli? Magpakailanman?
    Ang pagniningas ng iyong poot na parang apoy ay hanggang kailan?
47 Alalahanin mo kung ano ang sukat ng buhay ko,
    sa anong walang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao!
48 Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan?
    Maililigtas ba niya ang kanyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah)

49 Panginoon, nasaan ang dati mong tapat na pag-ibig,
    na iyong isinumpang may katapatan kay David?
50 Alalahanin mo, O Panginoon, kung paano nilibak ang lingkod mo,
    kung paanong sa aking dibdib ang paghamak ng mga bayan ay taglay ko,
51 na itinuya ng iyong mga kaaway, O Panginoon,
    na sa pamamagitan nito ay kanilang pinagtatawanan ang mga bakas ng iyong pinahiran ng langis.
52 Purihin ang Panginoon magpakailanman!
Amen at Amen.

Mga Kawikaan 13:20-23

20 Ang lumalakad na kasama ng matatalino ay magiging matalino rin,
    ngunit ang kasama ng mga hangal, kapahamakan ang daranasin.
21 Ang kasawian ay humahabol sa mga makasalanan,
    ngunit ang matuwid ay ginagantimpalaan ng kasaganaan.
22 Ang mabuting tao ay nag-iiwan ng mana sa mga anak ng kanyang mga anak;
    ngunit ang kayamanan ng makasalanan, para sa matuwid ay nakalagak.
23 Ang binungkal na lupa ng dukha ay maraming pagkaing ibinibigay,
    ngunit naaagaw iyon dahil sa kawalan ng katarungan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001