Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 16-18

Ang Ipinamana kina Efraim at Manases

16 Ang kabahagi ng mga anak ni Jose ay mula sa Jordan sa Jerico, sa silangan ng mga tubig ng Jerico, hanggang sa ilang na paakyat sa Jerico at patuloy sa lupaing maburol hanggang sa Bethel;

at papalabas mula sa Bethel na patungo sa Luz at patuloy sa nasasakupan ng mga Arkita na patungo sa Atarot;

at pababa sa kanluran sa nasasakupan ng mga Jafleto, hanggang sa nasasakupan ng Bet-horon sa ibaba, hanggang sa Gezer: at ang mga labasan nito ay sa dagat.

Efraim

Tinanggap ng mga anak ni Jose, Manases at Efraim ang kanilang mana.

Ang nasasakupan ng mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan ay ito: ang hangganan ng kanilang mana sa silangan ay Atarot-adar, hanggang sa Bet-horon sa itaas.

Ang hangganan ay palabas sa kanluran sa Micmetat, sa hilaga; at ang hangganan ay paliko sa silangan hanggang sa Tanat-silo at patuloy sa silangan ng Janoa;

at pababa mula sa Janoa na patungo sa Atarot at sa Naara, at abot hanggang sa Jerico, at papalabas sa Jordan.

Mula sa Tapua ay patuloy ang hangganan sa kanluran sa batis ng Cana; at ang labasan niyon ay sa dagat. Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan,

pati ang mga bayang ibinukod sa mga anak ni Efraim sa gitna ng pamana sa mga anak ni Manases, lahat ng mga bayan kabilang ang kanilang mga nayon.

10 Gayunma'y(A) hindi nila pinalayas ang mga Cananeo na naninirahan sa Gezer, kaya't ang mga Cananeo ay nanirahan sa gitna ng Efraim hanggang sa araw na ito, ngunit naging mga aliping sapilitang pinagagawa.

Ang Pamana sa mga Anak ni Manases

17 At binigyan ng kabahagi ang lipi ni Manases, sapagkat siya ang panganay ni Jose. Kay Makir na panganay ni Manases, na ama ni Gilead ay ang Gilead at ang Basan, sapagkat siya'y lalaking mandirigma.

Binigyan din ng kabahagi ang iba pang mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan: sina Abiezer, Helec, at Asriel, Shekem, Hefer, at Semida; ang mga ito ang mga anak na lalaki ni Manases na anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan.

Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer, na anak ni Gilead na anak ni Makir, na anak ni Manases, ay hindi nagkaroon ng mga anak na lalaki kundi mga babae; ito ang mga pangalan ng kanyang mga anak: Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.

Sila'y(B) lumapit sa harapan ng paring si Eleazar at sa harapan ni Josue na anak ni Nun, at sa harapan ng mga pinuno at sinabi, “Iniutos ng Panginoon kay Moises na bigyan kami ng pamana kasama ng aming mga kapatid na lalaki,” kaya't ayon sa utos ng Panginoon ay kanyang binigyan sila ng pamana kasama ng mga kapatid ng kanilang ama.

Kaya't napabigay ang sampung bahagi kay Manases, bukod sa lupain ng Gilead at ang Basan, na nasa kabila ng Jordan;

sapagkat ang mga anak na babae ni Manases ay tumanggap ng pamana kasama ng kanyang mga anak na lalaki; at ang lupain ng Gilead ay ibinahagi sa iba pang mga anak ni Manases.

Ang nasasakupan ng Manases ay mula sa Aser hanggang sa Micmetat, na nasa tapat ng Shekem; at ang hangganan ay patuloy sa kanan, hanggang sa mga taga-En-tapua.

Ang lupain ng Tapua ay para kay Manases; ngunit ang bayan ng Tapua sa hangganan ng Manases ay para sa mga anak ni Efraim.

Ang hangganan ay pababa hanggang sa batis ng Cana, na dakong timog ng batis; ang mga bayang ito ay para kay Efraim sa gitna ng mga bayan ng Manases at ang hangganan ng Manases ay nasa dakong hilaga ng batis, at ang labasan ay sa dagat;

10 Ang dakong timog ay kay Efraim, at ang dakong hilaga ay kay Manases, at ang dagat ay hangganan niyon; hanggang sa Aser sa hilaga at sa Isacar sa silangan.

11 Sa loob ng lupain nina Isacar at Aser ay napabigay ang Bet-shan at ang mga nayon niyon kay Manases at ang Ibleam at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Dor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Endor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Taanac at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Megido, at ang mga nayon niyon, at ang ikatlo ay Nafat.

12 Gayunma'y(C) hindi maangkin ng mga anak ni Manases ang mga bayang iyon; kundi ang mga Cananeo ay nagpilit na manirahan sa lupain.

13 Ngunit nang ang mga anak ni Israel ay lumakas, kanilang inilagay ang mga Cananeo sa sapilitang paggawa ngunit hindi nila lubos na pinalayas.

14 Ang mga anak ni Jose ay nagsalita kay Josue, “Bakit ang ibinigay mo sa akin bilang pamana ay isa lamang lote at isang bahagi, bagaman ako'y isang malaking sambayanan, sapagkat pinagpala ako hanggang ngayon ng Panginoon?”

15 At sinabi ni Josue sa kanila, “Kung ikaw ay isang malaking bayan, umahon ka sa gubat, at doon ay magbukas ka ng lupain para sa iyong sarili sa lupain ng mga Perezeo at ng mga Refaim; yamang ang lupaing maburol ng Efraim ay makipot para sa iyo.

16 Sinabi naman ng mga anak ni Jose, “Ang lupaing maburol ay hindi sapat para sa amin; at ang lahat ng mga Cananeo na naninirahan sa lupain ng libis, ang mga naninirahan sa Bet-shan at sa mga nayon niyon, gayundin ang mga nasa libis ng Jezreel ay may mga karwaheng bakal.”

17 At sinabi ni Josue sa sambahayan ni Jose, ni Efraim at ni Manases, “Ikaw ay malaking bayan, at may dakilang kapangyarihan; hindi marapat sa iyo ang isang bahagi lamang;

18 kundi ang lupaing maburol ay magiging iyo. Bagaman isang gubat, ito ay mahahawan ninyo at maaangkin hanggang sa kanyang pinakadulong hangganan. Mapapalayas mo ang mga Cananeo, bagaman sila'y may mga karwaheng bakal, at bagaman sila'y malalakas.”

Ang Pagbabaha-bahagi sa Nalabing Lupain

18 Kaya't ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay nagtipun-tipon sa Shilo, at doon ay itinayo ang toldang tipanan. Ang lupain ay napasailalim sa kanilang pangangasiwa.

May nalalabi pang pitong lipi sa mga anak ni Israel na hindi pa nababahaginan ng kanilang pamana.

At sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, “Hanggang kailan kayo magpapakatamad na pasukin ang lupaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, ng Diyos ng inyong mga ninuno?

Magbigay kayo ng tatlong lalaki sa bawat lipi; sila'y aking susuguin upang pasimulan nilang pasukin ang lupain, at ito ay iginuguhit ayon sa kanilang pamana, pagkatapos sila'y babalik sa akin.

Hahatiin nila iyon sa pitong bahagi: at ang Juda ay mananatili sa kanyang nasasakupan sa timog, at ang sambahayan ni Jose ay sa kanilang nasasakupan sa hilaga.

Inyong iguguhit ang lupain sa pitong bahagi, at inyong dadalhin ang pagkaguhit dito sa akin at magpapalabunutan para sa inyo sa harap ng Panginoon nating Diyos.

Ang mga Levita ay walang bahagi sa gitna ninyo sapagkat ang pagkapari sa Panginoon ay siyang pamana para sa kanila; ang Gad, at ang Ruben at ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang pamana sa kabila ng Jordan na dakong silangan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon.”

At ang mga lalaki ay nagsimula na sa kanilang lakad at ibinilin ni Josue sa mga humayo na iguhit ang lupain, “Libutin ninyo ang buong lupain. Iguhit ninyo at bumalik kayo sa akin at magpapalabunutan para sa inyo sa harap ng Panginoon sa Shilo.”

Kaya't ang mga lalaki ay humayo at lumibot sa lupain, at hinati sa pito ang mga bayan. Pagkatapos na maiguhit ito sa isang aklat, sila'y bumalik kay Josue sa kampo sa Shilo.

10 At ginawa ni Josue ang palabunutan para sa kanila sa Shilo sa harap ng Panginoon; at doon ay binahagi ni Josue ang lupain sa mga anak ni Israel ayon sa kanilang mga bahagi.

Ang Ipinamana kay Benjamin

11 Ang lupain ng lipi ng mga anak ni Benjamin ay lumabas ayon sa kanilang mga angkan, at ang lupaing napatapat dito ay nasa pagitan ng lipi ni Juda at ng lipi ni Jose.

12 Ang kanilang hangganan sa hilaga ay mula sa Jordan; at ang hangganan ay paakyat sa hilaga ng Jerico, at paakyat sa lupaing maburol sa kanluran, at ang dulo nito ay sa ilang ng Bet-haven.

13 Mula roon, ang hangganan ay patuloy hanggang sa Luz, sa tabi ng Luz (na siyang Bethel), sa timog, at ang hangganan ay pababa sa Atarot-adar, sa tabi ng bundok na nasa timog ng Bet-horon sa ibaba.

14 At ang hangganan ay patuloy at paliko sa kanluran sa dakong timog mula sa bundok na nakalatag sa harap ng Bet-horon, at ang mga dulo niyon ay sa Kiryat-baal (na siyang Kiryat-jearim), na lunsod ng mga anak ni Juda; ito ang bahaging kanluran.

15 Ang bahaging timog ay mula sa dakong labas ng Kiryat-jearim at ang hangganan ay palabas sa kanluran, at palabas sa bukal ng tubig ng Neftoa:

16 Ang hangganan ay pababa sa gilid ng bundok na nakalatag sa harap ng libis ng anak ni Hinom, na nasa libis ng Refaim sa hilaga; at pababa sa libis ni Hinom, sa gawing timog, sa tabi ng mga Jebuseo at pababa sa En-rogel;

17 at paliko sa hilaga at palabas sa En-shemes, at palabas sa Gelilot na nasa tapat ng paakyat sa Adumim; at pababa sa bato ng Bohan na anak ni Ruben,

18 at patuloy hanggang sa hilaga sa tagiliran ng Araba at ito ay pababa sa Araba;

19 Ang hangganan ay patuloy sa hilaga ng Bet-hogla. Ang hangganan ay nagtatapos sa hilagang look ng Dagat na Alat, sa dulong timog ng Jordan; ito ang hangganan sa timog.

20 Ang hangganan ng Jordan ay sa bahaging silangan. Ito ang pamana sa mga lipi ni Benjamin ayon sa mga hangganan niyon sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan.

21 Ang mga lunsod ng lipi ng mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan ay ang Jerico, Bet-hogla, Emec-casis,

22 Bet-araba, Samaraim, Bethel,

23 Avim, Para, Ofra,

24 Cefar-hamonai, Ofni, Geba, labindalawang lunsod at ang mga nayon nito;

25 Gibeon, Rama, Beerot,

26 Mizpe, Cefira, Moza,

27 Rekem, Irpeel, Tarala,

28 Zela, Elef, at Jebus (na siyang Jerusalem), Gibeah, at Kiryat-jearim; labing-apat na lunsod pati ang mga nayon nito. Ito ang pamana sa mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan.

Lucas 19:1-27

Si Jesus at si Zaqueo

19 Siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico,

at doon ay may isang lalaki na ang pangalan ay Zaqueo. Siya'y isang punong maniningil ng buwis at mayaman.

Nagsikap siyang makita kung sino si Jesus, subalit hindi magawa dahil sa karamihan ng mga tao, sapagkat siya'y pandak.

Kaya't tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita siya, sapagkat siya'y daraan sa daang iyon.

At nang dumating si Jesus[a] sa lugar na iyon, siya'y tumingala, at sinabi sa kanya, “Zaqueo, dali ka at bumaba ka; sapagkat kailangang ako'y tumuloy sa bahay mo ngayon.”

Kaya't siya'y nagmadali, bumaba, at natutuwa siyang tinanggap.

Nang kanilang makita ito ay nagbulungan silang lahat, na nagsasabi, “Siya'y pumasok upang maging panauhin ng isang taong makasalanan.”

Si Zaqueo ay tumindig at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha at kung sa pamamagitan ng pandaraya ay may kinuha ako sa kanino mang tao, babayaran ko siya ng apat na ulit.”

At sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating sa bahay na ito ngayon ang kaligtasan, sapagkat siya man ay anak din ni Abraham.

10 Sapagkat(A) ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala.”

Ang Talinghaga ng Sampung Mina[b](B)

11 Samantalang(C) pinapakinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya at nagsalaysay ng isang talinghaga, sapagkat siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagkat kanilang inakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag na kaagad.

12 Sinabi nga niya, “Isang maharlikang tao ang pumunta sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian at pagkatapos ay bumalik.

13 Tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.’

14 Subalit kinapootan siya ng kanyang mga mamamayan at nagsugo sila sa kanya ng kinatawan na nagsasabi, ‘Ayaw namin na ang taong ito'y maghari sa amin.’

15 Nang siya'y bumalik, pagkatapos matanggap ang kaharian, sinabi niyang tawagin ang mga aliping binigyan niya ng salapi, upang malaman niya kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal.

16 Dumating ang una, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng sampung mina pa.’

17 At sinabi niya sa kanya, ‘Magaling, mabuting alipin. Sapagkat naging tapat ka sa kakaunti, mamahala ka sa sampung lunsod.’

18 Dumating ang ikalawa, na nagsasabi, ‘Panginoon, tumubo ang iyong mina ng limang mina.’

19 Sinabi niya sa kanya, ‘Ikaw ay mamamahala sa limang lunsod.’

20 Dumating ang isa pa, na nagsasabi, ‘Panginoon, narito ang iyong mina na aking itinago sa isang panyo;

21 ako'y natakot sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mahigpit, kinukuha mo ang hindi mo itinabi, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.’

22 Sinabi niya sa kanya, ‘Hinahatulan kita mula sa sarili mong bibig, ikaw na masamang alipin. Alam mo na ako'y taong mahigpit, na kumukuha ng hindi ko itinabi, at gumagapas ng hindi ko inihasik.

23 Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang aking salapi sa bangko at nang sa aking pagbalik ay makuha ko iyon pati ng tinubo?’

24 At sinabi niya sa mga nakatayo, ‘Kunin ninyo sa kanya ang mina, at ibigay ninyo sa may sampung mina.’

25 Sinabi nila sa kanya, ‘Panginoon, siya'y mayroong sampung mina.’

26 ‘Sinasabi(D) ko sa inyo na sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay; subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.

27 Ngunit itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito at patayin sila sa harapan ko.’”

Mga Awit 87

Awit ng mga Anak ni Kora. Isang Awit.

87 Ang kanyang saligan ay nasa mga banal na bundok,
    minamahal ng Panginoon ang sa Zion na mga pintuan,
    higit kaysa lahat ng kay Jacob na tahanan.
Maluluwalhating bagay ang ibinabalita tungkol sa iyo,
    O lunsod ng Diyos. (Selah)

Kabilang sa mga nakakakilala sa akin ay binabanggit ko si Rahab at ang Babilonia,
    narito, ang Filistia at Tiro, kasama ng Etiopia—
    “Ang isang ito ay ipinanganak doon.”
At tungkol sa Zion ay sasabihin,
    “Ang isang ito at ang isang iyon ay ipinanganak sa kanya;”
    sapagkat mismong ang Kataas-taasan ang magtatatag sa kanya.
Ang Panginoon ay magbibilang habang kanyang itinatala ang mga bayan,
    “Ang isang ito ay ipinanganak doon.” (Selah)

Ang mga mang-aawit at mananayaw ay kapwa nagsasabi,
    “Lahat ng aking mga bukal ay nasa iyo.”

Mga Kawikaan 13:11

11 Mauubos ang kayamanang nakuha sa madaling paraan,
    ngunit siyang unti-unting nagtitipon ay madaragdagan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001