Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 24:1-25:46

Pangangalaga sa mga Ilawan(A)

24 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Iutos mo sa mga anak ni Israel na dalhan ka nila ng dalisay na langis ng olibo na hinalo para sa ilawan, upang patuloy na magningas ang ilawan.

Sa labas ng tabing ng patotoo, sa toldang tipanan, ito ay laging aayusin ni Aaron, mula hapon hanggang sa umaga sa harapan ng Panginoon. Ito'y isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi.

Aayusin niyang palagi ang mga ilaw sa ibabaw ng ilawan na yari sa lantay na ginto sa harapan ng Panginoon.

Ang Tinapay na Handog sa Diyos

“Kukuha(B) ka ng piling harina, at sa pamamagitan nito ay magluluto ka ng labindalawang tinapay; dalawang ikasampung bahagi ng efa ang sa bawat tinapay.

Ilalagay mo ang mga iyon sa dalawang hanay, anim sa bawat hanay, sa ibabaw ng hapag na dalisay na ginto.

Maglalagay ka sa bawat hanay ng dalisay na kamanyang, upang maging handog na tanda para sa tinapay bilang handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon.

Sa bawat Sabbath ay palaging aayusin ito ni Aaron sa harapan ng Panginoon para sa mga anak ni Israel, bilang isang tungkuling walang hanggan.

Ito(C) ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak, at ito ay kanilang kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ay kabanal-banalang bahagi para sa kanya mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, isang walang hanggang bahagi.”

Isang Halimbawa ng Makatarungang Pagpaparusa

10 Noon, ang anak na lalaki ng isang babaing Israelita na ang ama'y Ehipcio ay pumunta sa mga anak ni Israel. Nag-away sa kampo ang anak ng babaing Israelita at ang isang Israelita.

11 At nilapastangan ng anak ng babaing Israelita ang Pangalan, sa isang pagsumpa. Siya'y kanilang dinala kay Moises, at ang pangalan ng kanyang ina ay Shelomit, na anak ni Debri sa lipi ni Dan.

12 Kanilang inilagay siya sa bilangguan hanggang sa ang hatol ay ipahayag sa kanila ng Panginoon.

13 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

14 “Dalhin mo ang manlalait sa labas ng kampo; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay magpatong ng kanilang mga kamay sa kanyang ulo, at hayaang batuhin siya ng buong kapulungan.

15 At sasabihin mo sa mga anak ni Israel, “Sinumang lumait sa kanyang Diyos ay mananagot sa kanyang kasalanan.

16 Ang lumapastangan sa pangalan ng Panginoon ay tiyak na papatayin; at babatuhin siya ng buong kapulungan; maging dayuhan o katutubo sa lupain ay papatayin kapag nilapastangan ang Pangalan.

17 Sinumang(D) pumatay ng tao ay papatayin,

18 at ang pumatay ng hayop ay magpapalit nito; buhay sa buhay.

19 Kapag pininsala ng sinuman ang kanyang kapwa, gaya ng kanyang ginawa ay gayundin ang gagawin sa kanya,

20 bali(E) sa bali, mata sa mata, ngipin sa ngipin; ayon sa kanyang pagkapinsala sa tao, siya ay pipinsalain.

21 Ang pumatay ng isang hayop ay magpapalit nito at ang pumatay ng isang tao ay papatayin.

22 Magkakaroon(F) kayo ng isa lamang batas para sa dayuhan at para sa katutubo; sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.”

23 Nagsalita ng gayon si Moises sa mga anak ni Israel, at kanilang dinala ang taong nanlait sa labas ng kampo, at siya'y pinagbabato. At ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Ikapitong Taon(G)

25 At(H) nagsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, na sinasabi,

“Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Pagdating ninyo sa lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang lupain ay mangingilin ng isang Sabbath sa Panginoon.

Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong pupungusan mo ang iyong ubasan, at titipunin mo ang kanyang bunga.

Subalit ang ikapitong taon ay magiging ganap na kapahingahan sa lupain, isang Sabbath sa Panginoon; huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni pupungusan ang iyong ubasan.

Huwag mong aanihin ang kusang tumubo sa iyong inanihan, at huwag mong titipunin ang mga ubas ng iyong ubasan na hindi mo inalagaan; iyon ay magiging taon ng ganap na kapahingahan sa lupain.

At ang bunga sa Sabbath ng lupain ay magiging pagkain mo, at ng iyong aliping lalaki at aliping babae, ng iyong upahang lingkod, ng mga dayuhang naninirahang kasama mo;

ng iyong hayupan at ng mababangis na hayop na nasa iyong lupain. Lahat ng bunga niyon ay magiging inyong pagkain.

Ang Taon ng Pagpapabalik

“Bibilang ka ng pitong Sabbath ng taon, makapitong pitong taon; at lahat ng mga araw ng pitong Sabbath ng mga taon ay magiging apatnapu't siyam na taon sa inyo.

At iyong patutunugin nang malakas ang trumpeta sa ikasampung araw ng ikapitong buwan; sa araw ng pagtubos ay patutunugin mo ang tambuli sa inyong buong lupain.

10 Ipangingilin ninyo ang ikalimampung taon, at ipahahayag ninyo ang kalayaan sa buong lupain sa lahat ng mga mamamayan; at ito'y magiging jubileo sa inyo; at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling ari-arian, at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling sambahayan.

11 Ang ikalimampung taon ay taon ng pagdiriwang para sa inyo, huwag kayong maghahasik ni aanihin ang tumubo sa kanyang sarili, ni titipunin ang mula sa ubasang hindi inalagaan;

12 sapagkat ito ay kapistahan ng pagdiriwang; ito ay banal sa inyo. Kakainin ninyo ang bunga niyan sa bukid.

13 “Sa taóng ito ng pagdiriwang, ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang ari-arian.

14 Kung ikaw ay magbili ng anuman sa iyong kapwa o bumili ng anuman sa kamay ng iyong kapwa, ang bawat isa sa inyo ay huwag manlamang sa kanyang kapatid.

15 Ayon sa bilang ng mga taon pagkaraan ng pagdiriwang, ay bibili ka sa iyong kapwa, ayon sa bilang ng taon ng mga pananim, ay magbibili siya sa iyo.

16 Ayon sa dami ng mga taon ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagkat ipinagbibili niya sa iyo ang bilang ng mga pananim.

17 Huwag aapihin ng sinuman ang kanyang kapwa, kundi matatakot kayo sa inyong Diyos, sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Ang Suliranin ng Ikapitong Taon

18 “Kaya't inyong tutuparin ang aking mga batas, at inyong iingatan ang aking mga tuntunin at inyong isasagawa ang mga iyon; at maninirahan kayong tiwasay sa lupain.

19 Ang lupain ay magbubunga, at kakain kayo hanggang sa mabusog at maninirahan kayong tiwasay doon.

20 At kapag sinabi ninyo, ‘Anong aming kakainin sa ikapitong taon kung hindi kami maghahasik ni magtitipon ng aming mga bunga?’

21 Aking iuutos ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magkakaroon ng bunga para sa tatlong taon.

Pagpapabalik ng Ari-arian

22 “Kapag naghasik kayo sa ikawalong taon, kakainin ninyo ang mula sa dating inani hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa pagdating ng kanyang bunga ay kakainin ninyo ang dating inani.

23 Ang lupain ay hindi maipagbibili magpakailanman, sapagkat akin ang lupain. Kayo'y mga dayuhan at nakikipamayang kasama ko.

24 Kayo ay magkakaloob ng pantubos sa lupain sa buong lupain na inyong pag-aari.

25 “Kung ang iyong kapatid ay naghirap, at ipinagbili ang bahagi ng kanyang mga pag-aari, ang kanyang pinakamalapit na kamag-anak ay darating at tutubusin ang ipinagbili ng kanyang kapatid.

26 Subalit kung ang isang tao ay walang manunubos, at siya'y masagana at nagkaroon ng kakayahang tubusin ito,

27 kanyang bibilangin ang mga taon simula nang ito'y ipagbili, at isasauli ang labis sa taong kanyang pinagbilhan; at babalik siya sa kanyang pag-aari.

28 Ngunit kung siya'y walang sapat upang maibalik sa kanya, kung gayon ang ipinagbili niya ay mapapasa-kamay ng bumili nito hanggang sa taon ng pagdiriwang; at sa pagdiriwang, ito ay bibitiwan at siya ay babalik sa kanyang pag-aari.

29 “At kapag ang isang tao ay nagbili ng kanyang tirahang bahay sa isang napapaderang lunsod, maaari niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos na ito'y maipagbili sapagkat sa buong taon ay magkakaroon siya ng karapatang tumubos.

30 Kung hindi matubos hanggang sa ang isang buong taon ay matapos, kung gayon ang bahay na nasa napapaderang lunsod ay mananatili magpakailanman sa bumili, sa buong panahon ng kanyang lahi; hindi ito mababawi sa panahon ng pagdiriwang.

31 Ngunit ang mga bahay sa mga nayon na walang pader sa palibot ay ibibilang na mga bukirin sa lupain. Ito ay matutubos at ito ay mababawi sa panahon ng pagdiriwang.

32 Tungkol naman sa lunsod ng mga Levita, sa mga bahay sa mga lunsod na kanilang pag-aari, ang mga Levita ay makakatubos sa anumang panahon.

33 Ang gayong ari-arian na maaaring tubusin mula sa mga Levita, mga bahay na ipinagbili na nasa kanilang pag-aari, ay bibitiwan sa panahon ng pagdiriwang, sapagkat ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel.

34 At ang bukid, ang mga bukas na lupain sa kanilang mga lunsod, ay hindi maipagbibili sapagkat ito ay isang walang hanggang pag-aari.

Pautang para sa mga Dukha

35 “Kung(I) naghirap ang iyong kapatid at hindi kayang buhayin ang sarili, ay iyo siyang aalalayan. Mamumuhay siyang kasama mo bilang isang dayuhan at nakikipanuluyan.

36 Huwag kang kukuha sa kanya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Diyos; hayaan mo siyang mabuhay na kasama mo.

37 Huwag(J) kang magbibigay sa kanya ng salapi na may patubo, at huwag mong ibibigay ang iyong pagkain na may pakinabang.

38 Ako ang Panginoon ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang ibigay sa inyo ang lupain ng Canaan at maging inyong Diyos.

Pagpapalaya sa mga Alipin

39 “At(K) kung ang iyong kapatid na kasama mo ay naghirap at ipinagbili sa iyo, huwag mong iaatang sa kanya ang paglilingkod ng isang alipin.

40 Siya'y makakasama mo bilang isang upahang lingkod at bilang isang nakikipanirahan; siya'y maglilingkod sa iyo hanggang sa taon ng pagdiriwang.

41 Pagkatapos ay aalis siya sa iyo, siya at ang kanyang mga anak, at babalik siya sa kanyang sariling sambahayan, at babalik sa pag-aari ng kanyang mga magulang.

42 Sapagkat sila'y aking mga lingkod na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto; sila'y hindi maipagbibili bilang mga alipin.

43 Huwag kang mamumuno sa kanya na may kabagsikan, at ikaw ay matakot sa iyong Diyos.

44 Tungkol sa iyong mga aliping lalaki at aliping babae na maaaring mayroon ka mula sa mga bansang nasa palibot ninyo, sila'y bibilhin ninyo bilang mga aliping lalaki at aliping babae.

45 Maaari din kayong bumili mula sa mga anak ng mga dayuhan na nakikipanirahan sa inyo, at sa kanilang mga sambahayan na kasama ninyo, na kanilang ipinanganak sa inyong lupain, at sila'y magiging inyong pag-aari.

46 At sila'y inyong kukunin bilang pamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo upang maging pag-aari; maiaatang ninyo sa kanila ang paglilingkod magpakailanman. Ngunit sa inyong mga kamag-anak na mga anak ni Israel ay huwag kayong mamumuno na may kabagsikan.

Marcos 10:13-31

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)

13 At dinadala ng mga tao sa kanya ang maliliit na bata upang sila'y kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad.

14 Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.

15 Tunay(B) na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon.”

16 At kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Lalaking Mayaman(C)

17 Nang siya'y naghahanda na sa kanyang paglalakbay, may isang lalaking patakbong lumapit sa kanya, at pagluhod sa kanyang harapan, siya'y tinanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”

18 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.

19 Nalalaman(D) mo ang mga utos: ‘Huwag kang pumatay; Huwag kang mangalunya; Huwag kang magnakaw; Huwag kang sumaksi sa kasinungalingan; Huwag kang mandaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”

20 At sinabi niya sa kanya, “Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking tinupad mula pa sa aking kabataan.”

21 Si Jesus, pagtingin sa kanya ay minahal siya at sinabi, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang lahat at ibigay mo ang salapi[a] sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.”

22 Subalit siya'y nanlumo sa sinabing ito, at siya'y umalis na nalulungkot sapagkat siya'y maraming ari-arian.

23 At sa pagtingin ni Jesus sa palibot ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakahirap para sa mga may kayamanan na pumasok sa kaharian ng Diyos.”

24 At namangha ang mga alagad sa kanyang mga salita. Ngunit muling sumagot sa kanila si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos.

25 Mas madali pa para sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”

26 Sila'y lalong nagtaka at sinabi sa kanya, “Sino nga kaya ang maliligtas?”

27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Sa mga tao, ito'y hindi maaaring mangyari ngunit hindi sa Diyos; sapagkat sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”

28 Si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kanya, “Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.”

29 Sinabi ni Jesus, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga bukid, dahil sa akin, at dahil sa magandang balita,

30 ang hindi makakatanggap ng isandaang ulit, ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may mga pag-uusig; at sa darating na panahon ay walang hanggang buhay.

31 Ngunit(E) ang maraming nauuna ay mahuhuli, at ang huli ay mauuna.”

Mga Awit 44:9-26

Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
    at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
    at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
    at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
    at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.

13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
    ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
    isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
    at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
    dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.

17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
    bagaman hindi ka namin kinalimutan,
    at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
    ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
    at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.

20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
    o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
    Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
    at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.

23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
    Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
    Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
    ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
    Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!

Mga Kawikaan 10:20-21

20 Ang dila ng matuwid ay piling pilak ang katulad,
    ang isipan ng masama ay maliit ang katumbas.
21 Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami,
    ngunit ang hangal ay namamatay sa kakulangan ng bait sa sarili.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001