Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 16-17

Ang Paskuwa(A)

16 “Magdiriwang(B) ka sa buwan ng Abib, at ipangingilin ang paskuwa sa Panginoon mong Diyos; sapagkat sa buwan ng Abib ay inilabas ka ng Panginoon mong Diyos sa Ehipto sa gabi.

At iyong iaalay ang paskuwa sa Panginoon mong Diyos, mula sa kawan at sa bakahan, sa lugar na pipiliin ng Panginoon na titirahan ng kanyang pangalan.

Huwag kang kakain ng tinapay na may pampaalsa. Pitong araw na kakainin mo sa paskuwa ang tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kahirapan; sapagkat umalis kang nagmamadali sa lupain ng Ehipto, upang iyong maalala ang araw nang umalis ka sa lupain ng Ehipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.

Walang makikitang pampaalsa sa iyo sa lahat ng iyong mga nasasakupan sa loob ng pitong araw. Alinman sa laman na iyong inihandog sa paglubog ng araw sa unang araw ay walang mananatili sa magdamag hanggang sa umaga.

Huwag mong ihahandog ang paskuwa sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos,

kundi sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos na titirahan ng kanyang pangalan. Doon mo ihahandog ang paskuwa sa pagtatakipsilim, sa paglubog ng araw, sa panahon nang ikaw ay umalis sa Ehipto.

Ito ay iyong lulutuin at kakainin sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos. Kinaumagahan ay babalik ka at uuwi sa iyong mga tolda.

Anim na araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magiging isang taimtim na pagtitipon sa Panginoon mong Diyos; huwag kang gagawa ng anumang gawa sa araw na iyan.

Kapistahan ng Pag-aani(C)

“Pitong(D) sanlinggo ang iyong bibilangin; mula sa panahong pinasimulan mong ilagay ang panggapas sa mga nakatayong trigo ay magpapasimula kang bumilang ng pitong sanlinggo.

10 At ipagdiwang mo ang Pista ng mga Sanlinggo sa Panginoon mong Diyos na may parangal na kusang-loob na handog, na iyong ibibigay ayon sa pagpapala sa iyo ng Panginoon mong Diyos;

11 ikaw at ang iyong anak na lalaki at babae, ang iyong aliping lalaki at babae, ang Levita na nasa loob ng iyong mga bayan, ang dayuhan, ang ulila, ang babaing balo na kasama mo ay magagalak sa harapan ng Panginoon sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos na titirahan ng kanyang pangalan.

12 Iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa Ehipto. Masikap mong gawin ang mga tuntuning ito.

Kapistahan ng mga Tolda(E)

13 “Iyong(F) ipagdiriwang nang pitong araw ang Pista ng mga Tolda,[a] pagkatapos mong matipon ang aning mula sa iyong giikan at sa pisaan ng ubas.

14 Ikaw at ang iyong anak na lalaki at babae, at ang iyong aliping lalaki at babae, ang Levita, ang dayuhan, ang ulila, at ang babaing balo na kasama ng iyong mga bayan ay magagalak sa iyong pagpipista.

15 Pitong araw na ipagdiriwang mo ang pista sa Panginoon mong Diyos sa lugar na pipiliin ng Panginoon, sapagkat pagpapalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng iyong bunga, at sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay, at ikaw ay lubos na magagalak.

16 “Tatlong ulit sa isang taon na ang iyong mga kalalakihan ay haharap sa Panginoon mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin: sa Pista ng Tinapay na walang Pampaalsa, sa Pista ng mga Sanlinggo, at sa Pista ng mga Tolda. Huwag silang haharap sa Panginoon na walang dala.

17 Bawat lalaki ay magbibigay ng kanyang kaya, ayon sa pagpapala na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

Ang Pagsasagawa ng Katarungan

18 “Magtatalaga ka ng mga hukom at ng mga pinuno sa lahat ng mga bayan na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, ayon sa iyong mga lipi, at sila'y maggagawad sa bayan ng matuwid na paghatol.

19 Huwag(G) mong babaluktutin ang katarungan; huwag kang magtatangi ng mga tao, ni tatanggap ng suhol; sapagkat ang suhol ay bumubulag ng mga mata ng marunong, at inililiko ang mga salita ng matuwid.

20 Tanging ang katarungan at katarungan lamang ang iyong susundin, upang mabuhay ka at magmana ng lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

21 “Huwag(H) kang magtatanim ng anumang puno tulad ng sagradong poste[b] sa tabi ng dambana na iyong gagawin para sa Panginoon mong Diyos.

22 Ni(I) huwag kang magtatayo ng haligi na kinapopootan ng Panginoon mong Diyos.

17 “Huwag kang maghahandog sa Panginoon mong Diyos ng baka o tupa na may dungis o anumang kapintasan; sapagkat ito'y karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.

“Kung may matagpuan sa gitna mo, sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, na lalaki o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon mong Diyos, na lumalabag sa kanyang tipan,

at(J) umalis at naglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila, o sa araw, sa buwan, o sa anumang bagay na nasa langit na ipinagbabawal ko,

at ito ay masabi sa iyo, at iyong mabalitaan, ay iyo ngang sisiyasating mabuti. Kung totoo na ang gayong karumaldumal na bagay ay nagawa sa Israel,

ay iyo ngang ilalabas sa iyong mga pintuang-bayan ang lalaki o babaing iyon na gumawa ng bagay na masama at iyong babatuhin ng mga bato ang lalaki at babae, hanggang sila'y mamatay.

Sa(K) bibig ng dalawa o tatlong saksi ay papatayin ang dapat mamatay; sa bibig ng isang saksi ay hindi siya papatayin.

Ang(L) kamay ng mga saksi ay siyang unang papatay sa kanya at pagkatapos ay ang kamay ng buong bayan. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

“Kung magkakaroon ng usapin na napakahirap para sa iyo na hatulan, sa isang uri ng pagpatay at iba pa, karapatang ayon sa batas at iba pa, isang uri ng pananakit at iba pa o anumang usapin sa loob ng iyong mga bayan, ikaw nga'y titindig at pupunta sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos.

Ikaw ay pupunta sa mga paring Levita, at sa magiging hukom sa mga araw na iyon at iyong sisiyasatin; at kanilang ipapaalam sa iyo ang hatol.

10 Iyong ilalapat ang hatol na kanilang ipinaalam sa iyo mula sa lugar na pipiliin ng Panginoon; at masikap na isasagawa ang lahat na kanilang ituturo sa iyo.

11 Ayon sa kautusan na kanilang ituturo sa iyo, at ayon sa hatol na kanilang sasabihin sa iyo ay gagawin mo; huwag kang lilihis sa hatol na kanilang ipinaalam sa iyo, maging sa kanan o sa kaliwa man.

12 Ang taong gumagawa nang may kapangahasan, at hindi nakikinig sa pari na tumatayo upang mangasiwa doon sa harapan ng Panginoon mong Diyos, o sa hukom, ang taong iyon ay papatayin at gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.

13 At maririnig ng buong bayan at matatakot, at di na gagawa pa nang may kapangahasan.

Mga Tagubilin tungkol sa Isang Hari

14 “Kapag(M) dumating ka na sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at iyong maangkin ito, at iyong matirahan, at iyong sasabihin, ‘Ako'y maglalagay ng isang hari na gaya ng lahat ng mga bansang nasa palibot ko’;

15 ilalagay mong hari sa iyo ang pipiliin ng Panginoon mong Diyos. Isa sa iyong mga kapatid ang ilalagay mong hari; huwag kang maglalagay ng isang dayuhan na hindi mo kapatid.

16 Huwag(N) lamang siyang magpaparami ng mga kabayo para sa kanyang sarili, ni pababalikin niya ang bayan sa Ehipto upang siya'y makapagparami ng mga kabayo, sapagkat sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Huwag na ninyong babalikan mula ngayon ang daang iyon.’

17 Ni(O) huwag siyang magpaparami ng mga asawa para sa kanyang sarili, upang huwag maligaw ang kanyang puso, ni huwag siyang magpaparami ng pilak at ginto.

18 “Kapag siya'y uupo sa trono ng kanyang kaharian, ay kanyang susulatin ang isang sipi ng kautusang ito sa isang aklat, na nasa harapan ng mga paring Levita;

19 at iyon ay mamamalagi sa kanya, at kanyang babasahin sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, upang siya'y matutong matakot sa Panginoon niyang Diyos, upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ng mga tuntuning ito;

20 upang ang kanyang puso ay huwag magmataas sa kanyang mga kapatid at huwag siyang tumalikod sa utos, maging sa kanan o sa kaliwa, upang mapahaba niya at ng kanyang mga anak ang kanyang paghahari sa Israel.

Lucas 9:7-27

Naguluhan si Herodes(A)

Nabalitaan(B) noon ni Herodes na tetrarka ang lahat nang nangyari at siya'y naguluhan, sapagkat sinasabi ng ilan na si Juan ay muling binuhay mula sa mga patay,

at ng ilan na si Elias ay nagpakita, at ng mga iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay bumangon.

Sinabi ni Herodes, “Si Juan ay pinugutan ko ng ulo, subalit sino ang taong ito na marami akong naririnig tungkol sa kanya na gayong mga bagay?” At pinagsikapan niyang makita si Jesus.[a]

Pinakain ni Jesus ang Limang Libong Tao(C)

10 Sa kanilang pagbabalik, ibinalita ng mga apostol kay Jesus[b] ang mga bagay na kanilang ginawa. Kanyang isinama sila at palihim na nagtungo sa isang bayan na tinatawag na Bethsaida.

11 Subalit nang malaman ito ng napakaraming tao, sila ay sumunod sa kanya. Sila'y masaya niyang tinanggap at nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga nangangailangan ng pagpapagaling.

12 Nang patapos na ang araw na iyon, lumapit ang labindalawa at sinabi sa kanya, “Paalisin mo ang mga tao upang sila'y makapunta sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibot at makahanap ng matutuluyan at makakain, sapagkat tayo'y narito sa isang ilang na dako.”

13 Subalit sinabi niya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila, “Mayroon tayong hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, malibang kami'y umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito.”

14 Sapagkat mayroon doong halos limang libong lalaki at sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo sila ng pangkat-pangkat na may tiglilimampu bawat isa.”

15 Ginawa nila iyon at pinaupo silang lahat.

16 At pagkakuha niya sa limang tinapay at sa dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala, at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa mga alagad upang ihain sa napakaraming tao.

17 Silang lahat ay kumain at nabusog at pinulot nila ang lahat ng natira, labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(D)

18 Minsan, nang si Jesus[c] ay nananalanging mag-isa, ang mga alagad ay kasama niya at tinanong niya sila, “Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?”

19 Sila'y(E) sumagot, “Si Juan na Tagapagbautismo; subalit sinasabi ng iba, si Elias; at ng iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.”

20 At(F) sinabi niya sa kanila, “Subalit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” At sumagot si Pedro, “Ang Cristo ng Diyos.”

Sinabi ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Pagdurusa at Kamatayan(G)

21 Subalit kanyang ipinagbilin at ipinag-utos sa kanila na huwag itong sabihin kahit kanino,

22 na sinasabi, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda at ng mga punong pari at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin.”

23 At(H) sinabi niya sa lahat, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin.

24 Sapagkat(I) ang sinumang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay maililigtas niya ito.

25 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamit niya ang buong sanlibutan, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kanyang sarili?

26 Sapagkat ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel.

27 Subalit tunay na sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos.”

Mga Awit 72

Awit ni Solomon.

72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
    at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
    at ang iyong dukha ng may katarungan!
Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
    at ang mga burol, sa katuwiran!
Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
    magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
    at ang mapang-api ay kanyang durugin!

Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
    at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
    gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
    at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.

Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
    at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
    at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
    ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
    ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
    lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!

12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
    ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
    at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
    at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.

15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
    at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
    at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
    sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
    ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
    gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
    ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
    at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
    mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.

20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.

Mga Kawikaan 12:8-9

Pinupuri ang tao ayon sa kanyang katinuan,
    ngunit ang may masamang puso ay hahamakin lamang.
Mabuti pa ang taong mapagpakumbaba na gumagawa para sa kanyang sarili,
    kaysa nagkukunwaring dakila na wala namang makain.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001