Add parallel Print Page Options

20 Pagkatapos ay mahigpit niyang ipinagbilin sa mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.

Ipinahayag ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(A)

21 Mula ng panahong iyon ay pinasimulan ni Jesus na ipaliwanag sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem at magtiis ng maraming bagay sa kamay ng matatanda, ng mga punong pari at mga eskriba. Siya'y papatayin at muling bubuhayin sa ikatlong araw.

22 At inilayo siya ni Pedro at sinimulang pigilan siya, na sinasabi, “Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman mangyayari ito sa iyo.”

23 Ngunit lumingon siya at sinabi kay Pedro, “Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin; sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”

24 Pagkatapos(B) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.

25 Sapagkat(C) ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[a] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.

26 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?

27 Sapagkat(D) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa.

28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kanyang kaharian.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 16:25 o kaluluwa .

30 Mahigpit na iniutos niya sa kanila na huwag nilang sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.

Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)

31 Pagkatapos ay pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at patayin at pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay.

32 At maliwanag na sinabi niya ang salitang ito. Inilayo siya ni Pedro at pinasimulang siya'y sawayin.

33 Subalit paglingon niya at pagtingin sa kanyang mga alagad, sinaway niya si Pedro at sinabi, “Umalis ka diyan,[a] Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa tao.”

34 Tinawag(B) niya ang maraming tao pati ang kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, “Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.

35 Sapagkat(C) ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon.

36 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay?

37 Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay?

38 Sapagkat ang sinumang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng Tao, pagdating niyang nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.”

Sinabi niya sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos na dumarating na may kapangyarihan.”

Footnotes

  1. Marcos 8:33 Sa Griyego ay diyan ka sa likuran ko .