Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the ESV. Switch to the ESV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 8:18-9:21

Sina Zeba at Zalmuna ay Nahuli at Pinatay

18 Pagkatapos ay kanyang sinabi kina Zeba at Zalmuna, “Nasaan ang mga lalaking inyong pinatay sa Tabor?” Sila'y sumagot, “Kung ano ikaw ay gayon sila; bawat isa sa kanila; kahawig sila ng mga anak ng hari.”

19 At kanyang sinabi, “Sila'y aking mga kapatid, mga anak na lalaki ng aking ina; buháy ang Panginoon, kung inyong iniligtas silang buháy, hindi ko sana kayo papatayin.”

20 Kaya't sinabi niya kay Jeter na kanyang panganay, “Tumindig ka at patayin mo sila.” Ngunit ang binata ay hindi bumunot ng tabak, sapagkat siya'y natakot, dahil siya'y bata pa.

21 Nang magkagayo'y sinabi nina Zeba at Zalmuna, “Tumindig ka, at sugurin mo kami, sapagkat kung ano ang lalaki ay gayon ang kanyang lakas.” Tumindig nga si Gideon at pinatay sina Zeba at Zalmuna, at kanyang kinuha ang mga hiyas na may hugis kalahating buwan na nasa mga leeg ng kanilang mga kamelyo.

22 Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki ng Israel kay Gideon, “Mamuno ka sa amin, ikaw, ang iyong anak at ang iyong apo, sapagkat iniligtas mo kami sa kamay ng Midian.”

23 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Hindi ako mamumuno sa inyo, o mamumuno man ang aking anak sa inyo. Ang Panginoon ang mamumuno sa inyo.”

24 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Mayroon akong kahilingan sa inyo. Ibigay ng bawat isa sa inyo sa akin ang mga hikaw na kanyang samsam.” (Sapagkat sila'y may mga gintong hikaw, dahil sa sila'y mga Ismaelita.)

25 At sumagot sila, “Ibibigay namin nang kusa ang mga ito.” Sila'y naglatag ng isang balabal, at inilagay roon ng bawat isa ang mga hikaw na kanyang samsam.

26 Ang timbang ng mga gintong hikaw na kanyang hiniling ay isanlibo at pitong daang siklong ginto, bukod pa ang mga hiyas na may anyong kalahating buwan, at ang mga hikaw at ang mga damit na kulay-ube na suot ng mga hari ng Midian, at bukod pa ang mga tanikala na nasa leeg ng kanilang mga kamelyo.

27 Ginawa ito ni Gideon na isang efod at inilagay sa kanyang lunsod, sa Ofra; at ang buong Israel ay naging babaing haliparot na sumusunod doon at ito'y naging bitag kay Gideon at sa kanyang sambahayan.

28 Gayon napasuko ang Midian sa harap ng mga anak ni Israel, at hindi na nila nakaya pang lumaban.[a] At ang lupain ay nagpahinga ng apatnapung taon sa mga araw ni Gideon.

29 Si Jerubaal na anak ni Joas ay humayo at nanirahan sa kanyang sariling bahay.

30 Nagkaroon si Gideon ng pitumpung anak, mga sarili niyang binhi, sapagkat marami siyang asawa.

31 Ang kanyang asawang-lingkod na nasa Shekem ay nagkaanak naman sa kanya ng isang lalaki, at kanyang tinawag ang pangalan niya na Abimelec.

32 Si Gideon na anak ni Joas ay namatay na may katandaan at inilibing sa libingan ni Joas na kanyang ama, sa Ofra ng mga Abiezerita.

33 Pagkamatay ni Gideon, ang mga anak ni Israel ay bumalik at sumamba sa mga Baal, at kanilang ginawang diyos nila ang Baal-berit.

34 At hindi naalala ng mga anak ni Israel ang Panginoon nilang Diyos na nagligtas sa kanila sa kamay ng lahat nilang mga kaaway sa buong palibot.

35 Hindi sila nagpakita ng kabutihan sa sambahayan ni Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, bilang ganti sa lahat ng kabutihan na kanyang ipinakita sa Israel.

Pinatay ni Abimelec ang mga Anak ni Gideon

Si Abimelec na anak ni Jerubaal ay nagtungo sa Shekem sa mga kapatid ng kanyang ina, at sinabi sa kanila at sa buong angkan ng sambahayan ng kanyang ina,

“Sabihin ninyo sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, ‘Alin ang mas mabuti para sa inyo, na lahat ng pitumpung anak na lalaki ni Jerubaal ay mamuno sa inyo, o isa ang mamuno sa inyo?’ Alalahanin din naman ninyo na ako ay inyong buto at inyong laman.”

At sinalita ng mga kamag-anak ng kanyang ina ang lahat ng mga salitang ito sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, at ang kanilang puso ay sumunod kay Abimelec, sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y ating kapatid.”

Kanilang binigyan siya ng pitumpung pirasong pilak mula sa templo ni Baal-berit, na siyang iniupa ni Abimelec sa mga taong bandido at mga palaboy, na ang mga ito'y ang sumunod sa kanya.

Siya'y naparoon sa bahay ng kanyang ama sa Ofra, at pinatay ang kanyang mga kapatid na mga anak ni Jerubaal, na pitumpung katao, sa ibabaw ng isang bato. Ngunit si Jotam na bunsong anak ni Jerubaal ay nalabi, sapagkat siya'y nagtago.

Lahat ng mga lalaki sa Shekem ay nagtipun-tipon pati ang buong Bet-milo. Sila'y humayo at kanilang ginawang hari si Abimelec, sa tabi ng ensina ng haliging nasa Shekem.

Ang Pabula ni Jotam

Nang ito ay napabalita kay Jotam, siya'y humayo at tumayo sa tuktok ng bundok Gerizim, at pasigaw na sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ako, kayong mga lalaki sa Shekem, upang pakinggan kayo ng Diyos.

Minsan, ang mga punungkahoy ay humayo upang magtalaga ng hari sa kanila; at kanilang sinabi sa puno ng olibo, ‘Maghari ka sa amin.’

Ngunit sinabi ng puno ng olibo sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking katabaan, na nakapagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao, upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’

10 At sinabi ng mga punungkahoy sa puno ng igos, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’

11 Ngunit sinabi ng puno ng igos sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking katamisan at ang aking mabuting bunga, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’

12 At sinabi ng mga punungkahoy sa ubas, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’

13 Ngunit sinabi ng ubas sa kanila, ‘Akin bang iiwan ang aking alak na nagpapasaya sa mga diyos at sa mga tao, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?’

14 Pagkatapos ay sinabi ng lahat ng mga punungkahoy sa dawag, ‘Halika, at maghari ka sa amin.’

15 At sinabi ng dawag sa mga punungkahoy, ‘Kung tunay na ako'y inyong itinatalagang hari sa inyo, pumarito nga kayo at manganlong kayo sa aking lilim. Kung hindi, hayaan ninyong lumabas ang apoy sa dawag at lamunin ang mga sedro ng Lebanon.’

16 “Ngunit ngayon, kung tapat at matuwid ninyong ginawang hari si Abimelec, at kung nakitungo kayo ng mabuti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan, at kayo'y gumawa sa kanya ng marapat sa kanyang mga gawa,

17 sapagkat ipinaglaban kayo ng aking ama at isinuong ang kanyang buhay, at iniligtas kayo sa kamay ng Midian,

18 at kayo'y bumangon laban sa sambahayan ng aking ama sa araw na ito, at pinatay ninyo ang kanyang mga anak, na pitumpung lalaki sa ibabaw ng isang bato, at ginawa ninyong hari si Abimelec, na anak ng kanyang asawang-lingkod, sa mga mamamayan sa Shekem, sapagkat siya'y inyong kapatid,

19 kung tapat nga at matuwid na kayo'y gumanti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan sa araw na ito, magalak nga kayo kay Abimelec at magalak naman siya sa inyo.

20 Ngunit kung hindi, ay lumabas ang apoy mula kay Abimelec, at lamunin ang mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo; at lumabas ang apoy sa mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo at lamunin si Abimelec.”

21 Pagkatapos, si Jotam ay patakbong tumakas, nagtungo sa Beer at nanirahan doon dahil sa takot kay Abimelec na kanyang kapatid.

Lucas 23:44-24:12

Ang Kamatayan ni Jesus(A)

44 Nang magtatanghaling-tapat na, nagdilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon,

45 habang(B) madilim ang araw; at napunit sa gitna ang tabing ng templo.

46 Si(C) Jesus ay sumigaw ng malakas at nagsabi, “Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu.” At pagkasabi nito ay nalagot ang kanyang hininga.

47 Nang makita ng senturion ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay na ito'y isang taong matuwid.”

48 At ang lahat ng mga taong nagkatipon upang makita ang panoorin, nang makita nila ang mga bagay na nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib.

49 At(D) ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kanya'y sumunod buhat sa Galilea ay nakatayo sa malayo at nakita ang mga bagay na ito.

Ang Paglilibing kay Jesus(E)

50 Mayroong isang mabuti at matuwid na lalaking ang pangalan ay Jose, na bagaman kaanib ng sanggunian,

51 ay hindi sang-ayon sa kanilang panukala at gawa. Siya'y mula sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at siya'y naghihintay sa kaharian ng Diyos.

52 Ang taong ito'y lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.

53 At ito'y ibinaba niya, binalot ng isang telang lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang naililibing.

54 Noo'y araw ng Paghahanda, at malapit na ang Sabbath.

55 Ang mga babae na sumama sa kanya mula sa Galilea ay sumunod at tiningnan ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay.

56 Sila'y(F) umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila'y nagpahinga ayon sa kautusan.

Nabuhay Muli si Jesus(G)

24 Subalit nang unang araw ng sanlinggo sa pagbubukang-liwayway, pumunta sila sa libingan, dala ang mga pabango na kanilang inihanda.

At nakita nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.

Subalit nang sila'y pumasok ay hindi nila nakita ang bangkay.[a]

Habang sila'y nagtataka tungkol dito, biglang may dalawang lalaki na nakasisilaw ang mga damit ang tumayo sa tabi nila.

Ang mga babae ay natakot at isinubsob ang kanilang mga mukha sa lupa, subalit sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa gitna ng mga patay?

Wala(H) siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya'y nasa Galilea pa,

na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng mga makasalanan, at ipako sa krus, at muling mabuhay sa ikatlong araw.”

At naalala nila ang kanyang mga salita,

at pagbabalik mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa.

10 Ang nagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila.

11 Subalit ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan.

[12 Subalit tumayo si Pedro at tumakbo sa libingan. Siya'y yumukod at pagtingin niya sa loob ay nakita niya ang mga telang lino na nasa isang tabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na nagtataka sa nangyari.]

Mga Awit 99

99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
    Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
    siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
    Siya'y banal!
Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
    magsisamba kayo sa kanyang paanan!
    Siya'y banal.

Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
    si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
    Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
    kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
    at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.

O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
    ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
    at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
    sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!

Mga Kawikaan 14:9-10

Hinahamak ng hangal ang handog para sa kasalanan,
    ngunit tinatamasa ng matuwid ang mabuting kalooban.
10 Nalalaman ng puso ang kanyang sariling kapaitan,
    at walang dayuhang nakikibahagi sa kanyang kagalakan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001