Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 3-4

Tumawid ang Israel sa Jordan

Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue at kasama ang lahat ng mga anak ni Israel ay umalis sa Shittim at dumating sa Jordan. Sila'y nagkampo muna doon bago tumawid.

Pagkatapos ng tatlong araw, ang mga pinuno ay dumaan sa gitna ng kampo;

at iniutos nila sa taong-bayan, na sinasabi, “Kapag nakita ninyo ang kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos na dala ng mga paring Levita, ay aalis kayo sa inyong kinaroroonan. Susundan ninyo iyon

upang malaman ninyo ang daan na nararapat ninyong paroonan; sapagkat hindi pa ninyo nadadaanan ang daang ito noong una. Gayunma'y magkakaroon ng agwat sa pagitan ninyo at sa kaban ng may dalawang libong siko ang sukat. Huwag kayong lalapit nang higit na malapit roon.”

At sinabi ni Josue sa bayan, “Magpakabanal kayo; sapagkat bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.”

At nagsalita si Josue sa mga pari, “Buhatin ninyo ang kaban ng tipan at mauna kayo sa bayan.” At kanilang binuhat ang kaban ng tipan, at nauna sa bayan.

At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay pasisimulan kong gawing dakila ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala na kung paanong ako'y kasama ni Moises ay gayon ako sa iyo.

Iyong uutusan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan ay tumigil kayo sa Jordan.’”

Sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, “Lumapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng Panginoon ninyong Diyos.”

10 At sinabi ni Josue, “Sa ganito ay inyong makikilala na ang buháy na Diyos ay kasama ninyo, at walang pagsalang kanyang itataboy sa harapan ninyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo, at ang Jebuseo.

11 Narito ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay mauuna sa inyo sa Jordan.

12 Ngayon ay kumuha kayo ng labindalawang lalaki sa mga lipi ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.

13 Kapag ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng Panginoon, ang Panginoon ng buong lupa, ay tumuntong sa tubig ng Jordan, ang tubig ng Jordan ay hihinto sa pag-agos, maging ang tubig na bumababang mula sa itaas; at ang mga ito ay tatayo na isang bunton.”

14 At nangyari nang umalis ang bayan sa kanilang mga tolda upang tumawid sa Jordan, nasa unahan ng bayan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan.

15 Nang dumating sa Jordan ang mga may dala ng kaban, at ang mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ay nabasa sa gilid ng tubig, (sapagkat inaapawan ng Jordan ang lahat nitong pampang sa buong panahon ng pag-aani,)

16 ang tubig na bumababa mula sa itaas ay tumigil, at naging isang bunton na malayo sa Adam, ang bayang nasa tabi ng Zaretan, samantalang ang umaagos tungo sa dagat ng Araba, na Dagat ng Asin ay ganap na nahawi. At ang bayan ay tumawid sa tapat ng Jerico.

17 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ay panatag na tumayo sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan, samantalang ang buong Israel ay dumaan sa tuyong lupa hanggang sa nakatawid sa Jordan ang buong bansa.

Inilagay ang mga Batong Alaala

At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng Panginoon kay Josue,

“Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi,

at iutos ninyo sa kanila, ‘Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.’”

Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.

At sinabi ni Josue sa kanila, “Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng Panginoon ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;

upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, ‘Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?’

Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman.”

Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ni Josue, at pumasan ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag ang mga iyon doon.

At si Josue ay nagpasalansan ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, at ang mga iyon ay naroon hanggang sa araw na ito.

10 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos sabihin ni Josue sa bayan ang bawat bagay na iniutos ng Panginoon ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue; at ang bayan ay tumawid na nagmamadali.

11 Nang ganap nang nakatawid ang buong bayan, ang kaban ng Panginoon at ang mga pari ay itinawid sa harapan ng bayan.

12 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, ay tumawid na may sandata sa harapan ng mga anak ni Israel, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila.

13 May apatnapung libo na may sandata sa pakikidigma ang tumawid sa harapan ng Panginoon na patungo sa pakikibaka sa mga kapatagan ng Jerico.

14 Nang araw na iyon ay dinakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y gumalang sa kanya, gaya ng kanilang paggalang kay Moises sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.

15 Ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,

16 “Iutos mo sa mga pari na nagdadala ng kaban ng patotoo na sila'y umahon mula sa Jordan.”

17 Kaya't nag-utos si Josue sa mga pari, “Umahon kayo mula sa Jordan.”

18 Nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang tumuntong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari, ang tubig ng Jordan ay bumalik sa kanilang lugar at umapaw sa pampang na gaya ng dati.

19 Ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasampung araw ng unang buwan, at humimpil sa Gilgal, sa hangganang silangan ng Jerico.

20 Ang labindalawang bato na kanilang kinuha sa Jordan ay isinalansan ni Josue sa Gilgal.

21 At siya'y nagsalita sa mga anak ni Israel, “Kapag itinanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, ‘Anong kahulugan ng mga batong ito?’

22 Inyo ngang ipapaalam sa mga anak ninyo, na sinasabi, ‘Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.’

23 Sapagkat tinuyo ng Panginoon ninyong Diyos ang tubig ng Jordan sa harapan ninyo, hanggang sa kayo'y nakatawid, gaya ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa Dagat na Pula, na kanyang tinuyo para sa amin hanggang sa kami ay nakatawid;

24 upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa na makapangyarihan ang kamay ng Panginoon, upang sila'y matakot sa Panginoon ninyong Diyos magpakailanman.

Lucas 14:7-35

Kapakumbabaan at Pagpapatuloy ng Panauhin

Nang mapansin niya na pinipili ng mga panauhin ang mga upuang pandangal; siya ay nagsalaysay sa kanila ng isang talinghaga.

“Kapag(A) inanyayahan ka ng sinuman sa kasalan, huwag kang uupo sa upuang pandangal; baka mayroon siyang inanyayahang higit na kilalang tao kaysa iyo,

at ang nag-anyaya sa inyong dalawa ay lumapit at nagsabi sa iyo, ‘Ibigay mo sa taong ito ang lugar mo.’ Sa gayon, ay magsisimula kang pumunta na napapahiya sa pinakamababang lugar.

10 Sa halip, kapag inaanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakamababang lugar upang kung dumating ang nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, pumunta ka sa mas mataas.’ Kung gayo'y magkakaroon ka ng karangalan sa harap ng lahat ng mga kasalo mong nakaupo sa hapag.

11 Sapagkat(B) ang bawat nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.”

12 Sinabi rin naman niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o mayayamang kapitbahay, baka ikaw naman ay kanilang anyayahan at ikaw ay gantihan.

13 Subalit kung naghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga lumpo, ang mga bulag,

14 at pagpapalain ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo. Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

Talinghaga ng Malaking Hapunan(C)

15 Nang marinig ito ng isa sa nakaupong kasalo niya sa hapag ay sinabi nito sa kanya, “Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos.”

16 Subalit sinabi ni Jesus[a] sa kanya, “May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan.

17 At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kanyang alipin upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halikayo, sapagkat ang lahat ay handa na.’

18 Ngunit silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una sa kanya, ‘Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’

19 Sinabi ng isa pa, ‘Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila'y subukin. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.’

20 Sinabi ng iba, ‘Ako'y nagpakasal kaya't hindi ako makakarating.’

21 At bumalik ang alipin, at iniulat ang mga bagay na ito sa kanyang panginoon. Sa galit ng may-ari ng bahay ay sinabi sa kanyang alipin, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag, at ang mga lumpo.’

22 At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunman ay maluwag pa.’

23 At sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok upang mapuno ang aking bahay.’

24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na alinman sa mga taong iyon na inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking hapunan.”

Ang Halaga ng Pagiging Isang Alagad(D)

25 Noon ay sumama sa kanya ang napakaraming tao. Siya'y humarap sa kanila at sa kanila'y sinabi,

26 “Kung(E) ang sinuman ay lumalapit sa akin at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, ina, asawang babae, mga anak, mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, at maging sa kanyang sariling buhay ay hindi maaaring maging alagad ko.

27 Sinumang(F) hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

28 Sapagkat sino sa inyo na nagnanais magtayo ng isang tore, ang hindi muna uupo at aalamin ang magugugol kung mayroon siyang sapat upang matapos ito?

29 Baka kung mailagay na niya ang pundasyon at hindi makayang tapusin, ang lahat ng mga makakakita ay magpapasimulang siya'y libakin,

30 na nagsasabi, ‘Nagsimula ang taong ito na magtayo, at hindi na kayang tapusin.’

31 O sinong hari, na pupunta sa pakikidigma laban sa ibang hari, ang hindi muna uupo at mag-iisip kung siya na may sampung libo ay kayang humarap sa may dalawampung libo na dumarating laban sa kanya?

32 At kung hindi, samantalang malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng isang sugo at hihilingin ang mga kasunduan sa kapayapaan.

33 Kaya't ang sinuman sa inyo na hindi magtakuwil sa lahat ng kanyang tinatangkilik ay hindi maaaring maging alagad ko.

Asin na Walang Halaga(G)

34 “Mabuti ang asin, subalit kung ang asin ay mawalan ng kanyang lasa, paano maibabalik ang alat nito?

35 Ito ay hindi nababagay maging sa lupa o sa tambakan man ng dumi; itinatapon nila ito. Ang may mga taingang ipandirinig ay makinig!”

Mga Awit 80

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Patotoo ni Asaf. Isang Awit.

80 O(A) Pastol ng Israel, iyong pakinggan,
    ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan;
ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag
    sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases!
Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan,
    at pumarito ka upang kami'y iligtas.
Panunumbalikin mo kami, O Diyos;
    paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!

O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo?
Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha,
    at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana.
Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa,
    at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama.

Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
    paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!

Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
    iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
Inihanda mo ang lupa para doon,
    ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
    ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
    at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
    anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
    at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.

14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
    Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15     ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
    at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16 Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol;
    sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17 Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo,
    sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18 Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo;
    bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19 Panunumbalikin mo kami, O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
    paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!

Mga Kawikaan 12:27-28

27 Hindi makakahuli ng hayop ang taong tamad,
    ngunit magkakamit ng mahalagang kayamanan ang masipag.
28 Nasa daan ng katuwiran ang buhay;
    ngunit ang landas ng kamalian ay tungo sa kamatayan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001