Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 22:21-23:16

21 Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pinuno ng mga sambahayan ng Israel.

22 “Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Nalalaman niya; at hayaang malaman ng Israel! Kung paghihimagsik nga o kataksilan sa Panginoon, huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,

23 sa pagtatayo namin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung aming ginawa upang paghandugan ng mga handog na sinusunog o handog na butil o handog pangkapayapaan, ay mismong ang Panginoon ang maghihiganti.

24 Hindi, kundi ginawa namin iyon dahil sa takot na sa darating na panahon ay sasabihin ng inyong mga anak, ‘Anong pakialam ninyo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel?

25 Sapagkat ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak nina Ruben at Gad; kayo'y walang bahagi sa Panginoon.’ Kaya't patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagsamba sa Panginoon.

26 Kaya't aming sinabi, ‘Magtayo tayo ngayon ng isang dambana, hindi para sa handog na sinusunog, ni dahil sa alay man,

27 kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya sa pamamagitan ng aming mga handog na sinusunog, alay, at mga handog pangkapayapaan; baka sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, “Kayo'y walang bahagi sa Panginoon.”’

28 At inakala namin, kapag ito ay sinabi sa amin o sa aming mga anak sa panahong darating, ay aming sasabihin, ‘Tingnan ninyo ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga ninuno, hindi para sa handog na sinusunog, ni sa alay, kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.’

29 Huwag nawang mangyari sa amin na kami ay maghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana para sa handog na sinusunog, handog na butil, o alay na hindi sa dambana ng Panginoon nating Diyos na nakatayo sa harap ng kanyang tabernakulo.”

30 Nang marinig ng paring si Finehas, at ng mga pinuno ng kapulungan ng mga puno ng mga angkan ng Israel na kasama niya ang mga sinabi ng mga anak nina Ruben, Gad, at Manases, sila ay nasiyahan.

31 Sinabi ni Finehas na anak ng paring si Eleazar sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa mga anak ni Manases, “Sa araw na ito ay nalalaman namin na ang Panginoon ay kasama natin, sapagkat kayo'y hindi nagkasala ng kataksilang ito laban sa Panginoon. Ngayo'y inyong iniligtas ang mga anak ni Israel mula sa kamay ng Panginoon.”

32 At si Finehas na anak ng paring si Eleazar at ang mga pinuno ay bumalik mula sa mga anak nina Ruben at Gad sa lupain ng Gilead, at nagtungo sa lupain ng Canaan, sa sambayanan ng Israel, at sila ay dinalhan nila ng balita.

33 Ang ulat ay ikinatuwa ng mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Diyos at hindi na nagsalita pa ng pakikidigma laban sa kanila, na wasakin ang lupaing tinitirhan ng mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad.

34 Ang dambana ay tinawag na Saksi ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: “Sapagkat,” wika nila, “ito ay saksi sa pagitan natin na ang Panginoon ay Diyos.”

Ang Pamamaalam ni Josue

23 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, nang mabigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa lahat nilang mga kaaway sa palibot, at si Josue ay matanda na at puspos na ng mga taon,

ay tinawag ni Josue ang buong Israel, ang kanilang matatanda, mga pinuno, mga hukom, at ang kanilang mga tagapamahala, at sinabi sa kanila, “Ako'y matanda na at puspos na ng mga taon.

Inyong nakita ang lahat ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bansang ito para sa inyo; sapagkat lumaban ang Panginoon ninyong Diyos para sa inyo.

Narito, aking itinatakda sa inyo bilang pamana sa inyong mga lipi ang mga bansang nalalabi pati ang mga bansang aking inihiwalay, mula sa Jordan hanggang sa Malaking Dagat sa kanluran.

Itataboy sila ng Panginoon ninyong Diyos mula sa harapan ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aangkinin ang kanilang lupain na gaya ng ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo.

Kaya't kayo'y magpakatatag na mabuti at maingat na gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, at huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa;

huwag kayong makihalo sa mga bansang ito na nalalabi sa gitna ninyo; huwag din ninyong banggitin ang mga pangalan ng kanilang mga diyos, ni susumpa sa pamamagitan nila, ni maglilingkod o yuyukod sa mga iyon;

kundi humawak kayo sa Panginoon ninyong Diyos na gaya ng inyong ginawa hanggang sa araw na ito.

Sapagkat pinalayas ng Panginoon sa harapan ninyo ang malalaki at malalakas na bansa; at tungkol sa inyo, ay walang tao na nakatagal sa harapan ninyo hanggang sa araw na ito.

10 Magagawa(A) ng isa sa inyo na mapatakbo ang isanlibo sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ang nakikipaglaban para sa inyo, gaya ng ipinangako niya sa inyo.

11 Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili, ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos.

12 Sapagkat kapag kayo'y tumalikod at sumanib sa nalabi sa mga bansang ito na naiwan sa gitna ninyo, at kayo'y nagsipag-asawa sa kanilang mga kababaihan, at sila sa inyo,

13 ay alamin ninyong lubos na hindi patuloy na palalayasin ng Panginoon ninyong Diyos ang mga bansang ito sa inyong paningin, kundi sila'y magiging silo at bitag sa inyo, isang panghampas sa inyong tagiliran at mga tinik sa inyong mga mata hanggang sa kayo'y mapuksa dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.

14 “At ngayon, sa araw na ito ay malapit na akong humayo sa lakad ng buong lupa, at nalalaman ninyo sa inyong mga puso at kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat na mga mabuting bagay na ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos tungkol sa inyo; lahat ay nangyari sa inyo, wala kahit isang bagay na nagkulang.

15 Kaya't kung paanong ang lahat ng mga mabuting bagay na ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos ay nangyari sa inyo, ay gayundin dadalhin ng Panginoon sa inyo ang lahat ng masasamang bagay, hanggang sa kayo'y mapuksa niya dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.

16 Kapag sinuway ninyo ang tipan ng Panginoon ninyong Diyos na kanyang iniutos sa inyo, at humayo at naglingkod sa ibang mga diyos at yumukod sa mga iyon, ang galit ng Panginoon ay mag-iinit laban sa inyo, at kayo'y kaagad na mapupuksa sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa inyo.”

Lucas 20:27-47

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay(A)

27 May(B) lumapit sa kanyang ilang Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay.

28 At(C) kanilang tinanong siya, “Guro, isinulat ni Moises para sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang tao ay mamatay, na may iniwang asawa subalit walang anak, pakakasalan ng lalaki ang balo at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid.

29 Ngayon, mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak;

30 gayundin ang pangalawa;

31 at pinakasalan ng pangatlo ang babae, at namatay ang pito na pawang walang iniwang anak.

32 Pagkatapos ay namatay naman ang babae.

33 Kaya't sa muling pagkabuhay, sino ang magiging asawa ng babaing iyon sapagkat siya'y naging asawa ng pito.

34 At sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang mga anak ng panahong ito ay nag-aasawa at pinag-aasawa,

35 subalit ang mga itinuturing na karapat-dapat makaabot sa panahong iyon at sa muling pagkabuhay mula sa mga patay, ay hindi nag-aasawa o pinag-aasawa.

36 Hindi na sila mamamatay pa, sapagkat katulad na sila ng mga anghel at sila'y mga anak ng Diyos, palibhasa'y mga anak ng muling pagkabuhay.

37 Subalit(D) ang tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay ay ipinakita maging ni Moises sa kasaysayan tungkol sa mababang punungkahoy, na doon ay tinawag niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.

38 Ngunit siya'y hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat sa kanya silang lahat ay nabubuhay.”

39 At ang ilan sa mga eskriba ay sumagot, “Guro, mahusay ang iyong pagsagot.”

40 Sapagkat hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng anuman.

Mga Tanong tungkol sa Anak ni David(E)

41 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Paano nila nasasabi na ang Cristo ay anak ni David?

42 Gayong(F) si David mismo ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa aking kanan,
43     hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa.”’

44 Tinatawag siya ni David na Panginoon, kaya't paanong siya'y naging anak niya?”

Ang Babala tungkol sa mga Eskriba(G)

45 At sa pandinig ng lahat ng mga tao ay sinabi niya sa kanyang mga alagad,

46 “Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais lumakad na may mahahabang damit, at gustung-gusto ang mga pagpupugay sa mga pamilihan, ang pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang mga mararangal na lugar sa mga handaan.

47 Nilalamon nila ang mga bahay ng mga balo, at sa pagkukunwari ay nananalangin sila ng mahahaba. Sila ay tatanggap ng lalong malaking kahatulan.”

Mga Awit 89:14-37

14 Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono,
    ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo.
15 Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw,
    na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O Panginoon;
16 na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw;
    at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran.
17 Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas,
    sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas.
18 Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa Panginoon,
    ang aming hari sa Banal ng Israel.

19 Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi,
    “Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan;
    aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan.
20 Si(A) David na aking lingkod ay aking natagpuan,
    ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran,
21 na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag,
    ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya.
22 Hindi siya malilinlang ng kaaway;
    ni hindi siya masasaktan ng masama.
23 Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya,
    at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya.
24 Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya,
    at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya.
25 Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat,
    at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog.
26 Siya'y dadaing sa akin, ‘Ikaw ay Ama ko,
    Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.’
27 Gagawin(B) ko siyang panganay,
    ang pinakamataas sa mga hari sa lupa.
28 Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat,
    at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag.
29 Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman,
    at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit.
30 Kung tatalikuran ang aking kautusan ng kanyang mga anak,
    at hindi lumakad sa aking mga batas,
31 at ang aking mga tuntunin ay kanilang labagin,
    at ang aking mga utos ay hindi nila sundin,
32 kung magkagayo'y ang kanilang mga pagsuway, sa pamamagitan ng pamalo ay aking parurusahan,
    at sa pamamagitan ng mga hampas ang kanilang kasamaan.
33 Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pagmamahal,
    o maging hindi tunay sa aking katapatan.
34 Ang aking tipan ay hindi ko lalabagin,
    ni ang salita na lumabas sa aking mga labi ay aking babaguhin.
35 Minsan at magpakailanman ay sumumpa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan,
    kay David ay hindi ako magsisinungaling.
36 Ang kanyang mga lahi ay mananatili magpakailanman;
    ang kanyang trono ay magiging gaya ng araw sa aking harapan.
37 Gaya ng buwan, ito ay matatatag magpakailanman,
    at tapat ang saksi sa kalangitan.” (Selah)

Mga Kawikaan 13:17-19

17 Ang masamang sugo ay naghuhulog sa tao sa kaguluhan,
    ngunit ang tapat na sugo ay may dalang kagalingan.
18 Kahirapan at kahihiyan ang darating sa nagtatakuwil ng pangaral,
    ngunit siyang nakikinig sa saway ay pararangalan.
19 Ang pagnanasang natupad ay matamis sa kaluluwa;
    ngunit kasuklamsuklam sa mga hangal ang humiwalay sa masama.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001