Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 26-27

Mga Handog mula sa Inani

26 “Kapag nakapasok ka sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana, at iyong naangkin at iyong tinitirhan;

kukunin(A) mo ang bahagi ng una sa lahat ng bunga ng lupain na iyong aanihin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, iyong isisilid sa isang buslo. Ikaw ay pupunta sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos, bilang tahanan ng kanyang pangalan.

Pupunta ka sa pari na nangangasiwa nang araw na iyon at sasabihin mo sa kanya, ‘Aking ipinahahayag sa araw na ito sa Panginoon mong Diyos, na ako'y dumating na sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa aming mga magulang na ibibigay sa amin.’

Kukunin ng pari ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harapan ng dambana ng Panginoon mong Diyos.

“At ikaw ay sasagot at magsasabi sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Ang aking ama ay isang lagalag na taga-Aram. Siya ay bumaba sa Ehipto at nanirahan doon, na iilan sa bilang, at doo'y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal.

Kami ay pinagmalupitan, pinahirapan at inatangan kami ng mabigat na pagkaalipin ng mga Ehipcio.

Kami ay dumaing sa Panginoon, sa Diyos ng aming mga ninuno at pinakinggan ng Panginoon ang aming tinig, kanyang nakita ang aming kahirapan, ang aming gawa, at ang aming kaapihan.

Inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto ng kamay na makapangyarihan, ng unat na bisig, ng malaking pagkasindak, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan;

at dinala niya kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing ito, na lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.

10 At ngayon, dala ko ang una sa mga bunga ng lupa na ibinigay mo sa akin, O Panginoon.’ Iyong ilalapag sa harapan ng Panginoon mong Diyos, at sasamba ka sa harapan ng Panginoon mong Diyos.

11 Kaya ikaw, kasama ang mga Levita at ang mga dayuhang naninirahang kasama mo, ay magdiriwang sa lahat ng kasaganaang ibinigay sa iyo ng Panginoon at sa iyong sambahayan.

12 “Pagkatapos(B) mong maibigay ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasampung bahagi, na ibinibigay ito sa Levita, sa mga dayuhan, sa ulila, sa babaing balo, upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga bayan, at mabusog,

13 kung gayo'y iyong sasabihin sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Aking inalis ang mga bagay na banal sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo, ayon sa lahat ng utos na iyong iniutos sa akin; hindi ko nilabag ang anuman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ang mga iyon.

14 Hindi ko iyon kinain habang ako'y nagluluksa, ni inilabas ko nang ako'y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay. Aking pinakinggan ang tinig ng Panginoon kong Diyos; aking ginawa ayon sa lahat ng iniutos mo sa akin.

15 Tumingin ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno, na isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.’

Ang Sariling Bayan ng Panginoon

16 “Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos na tuparin mo ang mga tuntunin at mga batas na ito; iyo ngang maingat na tutuparin ng buong puso at kaluluwa mo.

17 Ipinahayag mo sa araw na ito na ang Panginoon ay iyong Diyos, at ikaw ay lalakad sa kanyang mga daan, at iyong gaganapin ang kanyang mga tuntunin at mga utos at mga batas, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.

18 Ipinahayag(C) ng Panginoon sa araw na ito na ikaw ay isang sambayanan na kanyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, na iyong tutuparin ang lahat ng kanyang utos,

19 upang itaas ka sa lahat ng bansa na kanyang nilikha, sa ikapupuri, sa ikababantog, sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi.”

Kautusan ng Diyos na Nakasulat sa mga Bato

27 Pagkatapos, si Moises at ang matatanda sa Israel ay nag-utos sa taong-bayan, na sinasabi, “Tuparin ninyo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.

Sa(D) araw na iyong tawirin ang Jordan patungo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ay maglalagay ka ng malalaking bato, at tatapalan ninyo ng plaster.

Isusulat ninyo sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito kapag ikaw ay tumawid upang pumasok sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno.

Pagtawid mo sa Jordan, ilalagay ninyo ang mga batong ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal at iyong tatapalan ng plaster.

Doo'y(E) magtatayo ka ng isang batong dambana sa Panginoon mong Diyos, na hindi gagamitan ng kasangkapang bakal.

Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Diyos, at maghahandog ka roon ng mga handog na sinusunog sa Panginoon mong Diyos.

Ikaw ay mag-aalay ng mga handog pangkapayapaan at iyong kakainin doon; at ikaw ay magagalak sa harapan ng Panginoon mong Diyos;

at isusulat mo nang malinaw sa mga batong iyon ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.”

Si Moises at ang mga paring Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, “Tumahimik ka at pakinggan mo, O Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Diyos.

10 Kaya't sundin mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.”

Mga Sumpa sa Pagsuway

11 Inatasan ni Moises ang bayan ng araw na iyon, na sinasabi:

12 “Pagtawid(F) ninyo sa Jordan, ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Gerizim upang basbasan ang bayan: Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin;

13 at ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa: Ruben, Gad, Aser, Zebulon, Dan, at Neftali.

14 Ang mga Levita ay sasagot at magsasalita sa malakas na tinig sa lahat ng mga lalaki sa Israel.

15 “‘Sumpain(G) ang taong gumagawa ng larawang inukit o inanyuan, isang karumaldumal sa Panginoon na gawa ng mga kamay ng manggagawa at lihim na inilagay sa isang dako.’ At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, ‘Amen.’

16 “‘Sumpain(H) ang sumisira ng puri ng kanyang ama o ng kanyang ina.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

17 “‘Sumpain(I) ang mag-aalis ng muhon ng kanyang kapwa.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

18 “‘Sumpain(J) ang magliligaw ng bulag sa daan.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

19 “‘Sumpain(K) ang bumabaluktot ng katarungan para sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

20 “‘Sumpain(L) ang sumisiping sa asawa ng kanyang ama, sapagkat kanyang inililitaw ang balabal ng kanyang ama.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

21 “‘Sumpain(M) ang sumisiping sa alinmang hayop.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

22 “‘Sumpain(N) ang sumisiping sa kanyang kapatid na babae, sa anak ng kanyang ama, o sa anak na babae ng kanyang ina.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

23 “‘Sumpain(O) ang sumisiping sa kanyang biyenang babae.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

24 “‘Sumpain ang pumapatay ng lihim sa kanyang kapwa.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

25 “‘Sumpain ang tumatanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

26 “‘Sumpain(P) ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

Lucas 10:38-11:13

Dinalaw ni Jesus sina Marta at Maria

38 Sa(A) pagpapatuloy nila sa kanilang lakad, pumasok siya sa isang nayon. Isang babaing ang pangalan ay Marta ang tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay.

39 At siya'y may isang kapatid na tinatawag na Maria na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang salita.

40 Ngunit si Marta ay naaabala sa maraming paglilingkod. Siya'y lumapit sa kanya at sinabi, “Panginoon, wala bang anuman sa iyo na pinabayaan ako ng aking kapatid na maglingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kanya na tulungan ako.”

41 Subalit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kanya, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay;

42 subalit isang bagay ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi kukunin sa kanya.”

Ang Turo ni Jesus tungkol sa Panalangin(B)

11 Siya'y nanalangin sa isang lugar at nang siya'y makatapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin, gaya ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad.”

Sinabi niya sa kanila, “Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin,

‘Ama,[a] sambahin nawa ang pangalan mo.
    Dumating nawa ang kaharian mo.
    Ibigay mo sa amin sa bawat araw ang aming pang-araw-araw na pagkain.
At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan,
    sapagkat pinatatawad naman namin ang bawat nagkakautang sa amin,
at huwag mo kaming dalhin sa tukso.’”

Sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo ang mayroong kaibigan at kayo ay pumunta sa kanya nang hatinggabi at magsabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay;

sapagkat dumating ang isa kong kaibigan mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’

At siyang nasa loob ay sasagot, ‘Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!’

Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan, ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya'y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya.

At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makakakita; tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan.

10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan.

11 Mayroon ba sa inyong isang ama, na kung humingi ang kanyang anak ng[b] isda ay ahas ang ibibigay sa halip na isda?

12 O kung siya'y humingi ng itlog, bibigyan kaya niya ng alakdan?

13 Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya?”

Mga Awit 76

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
    ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
    sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
    ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)

Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
    kaysa mga bundok na walang hanggan.
Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
    sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
    ang makagamit ng kanilang mga kamay.
Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
    ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.

Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
    Sinong makakatayo sa iyong harapan,
    kapag minsang ang galit ay napukaw?
Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
    ang lupa ay natakot, at tumahimik,
nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
    upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)

10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
    ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
    magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
    sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
    na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.

Mga Kawikaan 12:15-17

15 Ang lakad ng hangal, sa sarili niyang paningin ay wasto,
    ngunit ang marunong ay nakikinig sa payo.
16 Ang pagkayamot ng hangal ay agad nahahalata,
    ngunit hindi pinapansin ng matalino ang pagkutya.
17 Ang nagsasabi ng katotohanan ay nagbibigay ng tapat na katibayan,
    ngunit ang sinungaling na saksi ay nagsasalita ng kadayaan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001