Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 31:1-32:27

Si Josue ang Pumalit kay Moises

31 Si Moises ay nagpatuloy sa pagsasalita ng mga salitang ito sa buong Israel.

Kanyang(A) sinabi sa kanila, “Ako'y isandaan at dalawampung taon na sa araw na ito; hindi na ako makalalabas-pasok, at sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Huwag kang tatawid sa Jordang ito.’

Mauuna ang Panginoon mong Diyos at kanyang pupuksain ang mga bansang ito sa harapan mo at ito ay iyong aangkinin. Si Josue ay mauuna sa iyo gaya ng sinabi ng Panginoon.

Gagawin(B) sa kanila ng Panginoon ang gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain na kanyang winasak.

Ibibigay sila ng Panginoon sa harapan mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa lahat ng utos na aking iniutos sa iyo.

Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot ni masindak sa kanila sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan.”

At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kanya sa paningin ng buong Israel, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat ikaw ay maglalakbay na kasama ng bayang ito patungo sa lupaing ipinangakong ibibigay at ipapamana ng Panginoon sa kanilang mga ninuno.

Ang(C) Panginoon ang siyang mangunguna sa iyo. Siya'y sasaiyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan; huwag kang matatakot ni manlulupaypay.”

Ang Batas ay Dapat Basahin Tuwing Ikapitong Taon

Isinulat ni Moises ang kautusang ito at ibinigay sa mga pari na mga anak ni Levi, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at sa lahat ng matatanda sa Israel.

10 Iniutos(D) sa kanila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagpapalaya, sa Pista ng mga Tolda,

11 kapag ang buong Israel ay haharap sa Panginoon mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harapan ng buong Israel sa kanilang pandinig.

12 Tipunin mo ang mamamayan, ang mga lalaki, mga babae, mga bata, mga dayuhan na nasa loob ng iyong mga bayan upang kanilang marinig at upang sila'y matutong matakot sa Panginoon mong Diyos, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito;

13 at upang ang kanilang mga anak na hindi nakakaalam nito ay makarinig at matutong matakot sa Panginoon ninyong Diyos, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong paroroonan na inyong tatawirin sa Jordan upang angkinin.”

Huling mga Tagubilin ng Panginoon kay Moises

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit na ang mga araw na ikaw ay mamamatay. Tawagin mo si Josue, at humarap kayo sa toldang tipanan upang siya'y aking mapagbilinan.” Sina Moises at Josue ay humayo at humarap sa toldang tipanan.

15 Ang Panginoon ay nagpakita sa Tolda sa isang haliging ulap; ang haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.

16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ikaw ay malapit ng mamatay na kasama ng iyong mga ninuno. Ang bayang ito'y babangon at makikiapid sa mga di-kilalang diyos sa lupain na kanilang paroroonan upang makasama nila, at ako'y tatalikuran nila at sisirain ang aking tipan na aking ginawa sa kanila.

17 Kung magkagayo'y ang aking galit ay mag-aalab laban sa kanila sa araw na iyon. Pababayaan ko sila, at ikukubli ko ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila. At kanilang sasabihin sa araw na iyon, ‘Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Diyos ay wala sa gitna natin?’

18 Tiyak na ikukubli ko ang aking mukha sa araw na iyon dahil sa lahat ng kasamaang kanilang ginawa, sapagkat sila'y bumaling sa ibang mga diyos.

19 Ngayon nga'y isulat ninyo para sa inyo ang awit na ito, at ituro sa mga anak ni Israel; ilagay mo sa kanilang mga bibig upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel.

20 Sapagkat kapag sila'y naipasok ko na sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot na ipinangako sa kanilang mga ninuno at sila'y nakakain, nabusog at tumaba, ay babaling at paglilingkuran nila ang ibang mga diyos, at ako'y hahamakin nila, at sisirain ang aking tipan.

21 At kapag ang maraming kasamaan at kaguluhan ay dumating sa kanila, magpapatotoo ang awit na ito sa harapan nila bilang saksi; sapagkat hindi ito malilimutan sa mga bibig ng kanilang binhi. Sapagkat nalalaman ko ang kanilang iniisip, na kanilang binabalak gawin, bago ko sila dinala sa lupaing ipinangako kong ibibigay.”

22 Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding iyon at itinuro sa mga anak ni Israel.

23 Kanyang(E) pinagbilinan si Josue na anak ni Nun at sinabi, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat iyong ipapasok ang mga anak ni Israel sa lupaing ipinangakong ibibigay ko sa kanila; at ako'y magiging kasama mo.”

24 Pagkatapos maisulat ni Moises ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat hanggang sa katapusan,

25 nag-utos si Moises sa mga Levita na may dala ng kaban ng tipan ng Panginoon,

26 “Kunin ninyo itong aklat ng kautusan at ilagay ninyo sa tabi ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos, upang doo'y maging saksi laban sa iyo.

27 Sapagkat nalalaman ko ang inyong paghihimagsik, at ang katigasan ng inyong ulo. Habang nabubuhay pa akong kasama ninyo sa araw na ito, kayo'y naging mapaghimagsik na laban sa Panginoon at gaano pa kaya pagkamatay ko?

28 Tipunin mo ang matatanda sa iyong mga lipi at ang inyong mga pinuno upang masabi ko ang mga salitang ito sa kanilang pandinig, at tawagin ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa kanila.

29 Sapagkat alam ko na pagkamatay ko, kayo'y magiging masama at maliligaw sa daang itinuro sa inyo at ang kasamaan ay sasapit sa inyo sa mga huling araw. Sapagkat inyong gagawin ang masama sa paningin ng Panginoon, upang siya'y galitin ninyo sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay.”

Ang Awit ni Moises

30 Binigkas ni Moises ang mga salita ng awit na ito hanggang sa natapos, sa pandinig ng buong kapulungan ng Israel:

32 “Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita,
    at pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig.
Ang aking aral ay papatak na parang ulan;
    ang aking salita ay bababa na parang hamog;
gaya ng ambon sa malambot na damo,
    at gaya ng mahinang ambon sa pananim.
Sapagkat aking ihahayag ang pangalan ng Panginoon;
    dakilain ninyo ang ating Diyos!
“Siya ang Bato, ang kanyang gawa ay sakdal;
    sapagkat lahat ng kanyang daan ay katarungan.
Isang Diyos na tapat at walang kasamaan,
    siya ay matuwid at banal.
Sila'y nagpakasama,
    sila'y hindi kanyang mga anak, dahilan sa kanilang kapintasan;
    isang lahing liko at tampalasan.
Ganyan ba ninyo gagantihan ang Panginoon,
    O hangal at di-matalinong bayan?
Hindi ba siya ang iyong ama na lumalang sa iyo?
    Kanyang nilalang ka, at itinatag ka.
Alalahanin mo ang mga naunang araw,
    isipin mo ang mga taon ng maraming salinlahi;
itanong mo sa iyong ama at kanyang ibabalita sa iyo;
    sa iyong matatanda, at kanilang sasabihin sa iyo.
Nang(F) ibigay ng Kataas-taasan sa mga bansa ang kanilang pamana,
    nang kanyang ihiwalay ang mga anak ng tao,
kanyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan,
    ayon sa bilang ng mga anak ni Israel.
Sapagkat ang bahagi ng Panginoon ay ang kanyang bayan;
    si Jacob ang bahaging pamana niya.
10 “Kanyang natagpuan siya sa isang ilang na lupain,
    at sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang;
kanyang pinaligiran siya, kanyang nilingap siya,
    kanyang iningatan siyang parang sarili niyang mga mata.
11 Gaya ng agila na ginagalaw ang kanyang pugad,
    na pumapagaspas sa kanyang mga inakay,
kanyang ibinubuka ang kanyang mga pakpak, na kinukuha sila,
    kanyang dinadala sa ibabaw ng kanyang mga pakpak:
12 tanging ang Panginoon ang pumapatnubay sa kanya,
    at walang ibang diyos na kasama siya.
13 Kanyang pinasakay siya sa matataas na dako ng lupa,
    at siya'y kumain ng bunga ng bukirin,
at kanyang pinainom ng pulot na mula sa bato,
    at ng langis na mula sa batong kiskisan.
14 Ng mantika mula sa baka, at gatas mula sa tupa,
    na may taba ng mga kordero,
at ng mga tupang lalaki sa Basan, at mga kambing,
    ng pinakamabuti sa mga trigo;
    at sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak.
15 “Ngunit tumaba si Jeshurun at nanipa;
    ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis.
Nang magkagayo'y tinalikuran niya ang Diyos na lumalang sa kanya,
    at hinamak ang Bato ng kanyang kaligtasan.
16 Siya'y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga diyos,
    sa pamamagitan ng mga karumaldumal, kanilang ibinunsod siya sa pagkagalit.
17 Sila'y(G) naghandog sa mga demonyo na hindi Diyos,
    sa mga diyos na hindi nila nakilala,
sa mga bagong diyos na kalilitaw pa lamang,
    na hindi kinatakutan ng inyong mga ninuno.
18 Hindi mo pinansin ang Batong nanganak sa iyo,
    at kinalimutan mo ang Diyos na lumalang sa iyo.
19 “At nakita ito ng Panginoon, at kinapootan sila,
    dahil sa panggagalit ng kanyang mga anak na lalaki at babae.
20 At kanyang sinabi, ‘Aking ikukubli ang aking mukha sa kanila,
    aking titingnan kung ano ang kanilang magiging wakas;
sapagkat sila'y isang napakasamang lahi,
    mga anak na walang katapatan.
21 Kinilos(H) nila ako sa paninibugho doon sa hindi diyos;
    ginalit nila ako sa kanilang mga diyus-diyosan.
Kaya't paninibughuin ko sila sa mga hindi bayan;
    aking gagalitin sila sa pamamagitan ng isang hangal na bansa.
22 Sapagkat may apoy na nag-aalab sa aking galit,
    at nagniningas hanggang sa Sheol,
at lalamunin ang lupa pati ang tubo nito,
    at pag-aapuyin ang saligan ng mga bundok.
23 “‘Aking dadaganan sila ng mga kasamaan;
    aking uubusin ang aking pana sa kanila.
24 Sila'y mapupugnaw sa gutom,
    at lalamunin ng maningas na init,
    at ng nakalalasong salot;
at ang mga ngipin ng mga hayop ay isusugo ko sa kanila,
    pati ng kamandag ng gumagapang sa alabok.
25 Sa labas ay namimighati ang tabak,
    at sa mga silid ay malaking takot;
kapwa mawawasak ang binata at dalaga,
    ang sanggol pati ng lalaking may uban.
26 Aking sinabi, “Ikakalat ko sila sa malayo,
    aking aalisin ang alaala nila sa mga tao,”
27 kung hindi ko kinatatakutan ang panghahamon ng kaaway;
    baka ang kanilang mga kalaban ay humatol ng mali,
baka kanilang sabihin, “Ang aming kamay ay matagumpay,
    at hindi ginawa ng Panginoon ang lahat ng ito.”’

Lucas 12:8-34

Ang Pagkilala at Pagkakaila kay Jesus(A)

“At sinasabi ko sa inyo, ang bawat kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos.

Subalit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ipagkakaila sa harap ng mga anghel ng Diyos.

10 At(B) ang bawat bumigkas ng salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang magsalita ng kalapastanganan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

11 Kapag(C) kayo'y dinala nila sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapangyarihan ay huwag kayong mag-alala kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin,

12 sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”

Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal

13 Sinabi sa kanya ng isa sa maraming tao, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.”

14 Subalit sinabi niya sa kanya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin upang maging hukom o tagapamahagi sa inyo?”

15 Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”

16 Nagsalaysay siya sa kanila ng isang talinghaga: “Ang lupain ng taong mayaman ay namunga ng sagana.

17 Inisip niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko, sapagkat wala akong mapaglalagyan ng aking mga ani?’

18 Sinabi niya, ‘Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko titipunin ang lahat ng aking mga butil at mga pag-aari.’

19 At sasabihin ko sa aking kaluluwa ‘Kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakaimbak para sa maraming taon; magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, magsaya ka.’

20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal, sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa; at kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’

21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos.”

Pagtitiwala sa Diyos(D)

22 At sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin; o sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot.

23 Sapagkat ang buhay ay higit kaysa pagkain at ang katawan ay higit kaysa damit.

24 Pansinin ninyo ang mga uwak. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas man. Sila'y walang imbakan ni kamalig man, subalit sila'y pinapakain ng Diyos. Gaano pang higit kayong mahalaga kaysa mga ibon!

25 At sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras sa haba ng kanyang buhay?[a]

26 Kung hindi nga ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit mag-aalala kayo tungkol sa mga ibang bagay?

27 Pansinin(E) ninyo ang mga liryo, kung paano silang tumutubo. Hindi sila nagpapagal o humahabi man, subalit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagbihis na gaya ng isa sa mga ito.

28 Ngunit kung dinadamitan ng Diyos nang ganito ang damo sa parang na ngayon ay buháy, at sa kinabukasan ay itinatapon sa pugon, gaano pa kaya kayo na kanyang dadamitan, O kayong maliliit ang pananampalataya?

29 At huwag ninyong laging hanapin kung ano ang inyong kakainin, kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabalisa.

30 Sapagkat ang mga bagay na ito ang siyang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.

31 Subalit, hanapin ninyo ang kanyang kaharian at lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo.

Kayamanan sa Langit(F)

32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nakakalugod sa inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.

33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at kayo'y magbigay ng limos. Gumawa kayo para sa inyong mga sarili ng mga supot na hindi naluluma, ng isang kayamanan sa langit na hindi nauubos, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang bukbok.

34 Sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso.

Mga Awit 78:32-55

32 Sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin silang nagkasala;
    sa kabila ng kanyang mga kababalaghan ay hindi sila sumampalataya.
33 Kaya't kanyang winakasan ang kanilang mga araw sa walang kabuluhan,
    at ang kanilang mga taon sa biglang kakilabutan.
34 Nang kanyang pagpapatayin sila, siya'y kanilang hinanap;
    sila'y nagsisi at hinanap ang Diyos nang masikap.
35 Kanilang naalala na ang kanilang malaking bato ay ang Diyos,
    ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang manunubos.
36 Ngunit kanilang tinuya siya ng bibig nila,
    nagsinungaling sila sa kanya sa pamamagitan ng kanilang mga dila.
37 Sapagkat(A) ang puso nila ay hindi tapat sa kanya,
    ni naging tapat man sila sa tipan niya.
38 Gayunman siya, palibhasa'y mahabagin,
    pinatawad niya ang kanilang kasamaan
    at hindi sila nilipol;
madalas na pinipigil niya ang kanyang galit,
    at hindi pinupukaw ang lahat niyang poot.
39 Kanyang naalala na sila'y laman lamang;
    isang dumaraang hangin at hindi na muling babalik.
40 Kaydalas na naghimagsik sila laban sa kanya sa ilang,
    at sa disyerto siya'y kanilang pinagdamdam.
41 Ang Diyos ay tinukso nilang paulit-ulit,
    at ang Banal ng Israel ay kanilang ginalit.
42 Hindi nila inalaala ang kanyang kapangyarihan,
    ni ang araw nang kanyang tubusin sila mula sa kalaban;
43 nang gawin niya sa Ehipto ang kanyang palatandaan,
    at ang kanyang mga kababalaghan sa kaparangan ng Zoan.
44 Ginawa(B) niyang dugo ang mga ilog nila,
    upang hindi sila makainom sa kanilang mga sapa.
45 Kanyang(C) pinadalhan sila ng mga pulutong ng mga bangaw, na lumamon sa kanila;
    at ng mga palaka, na sa kanila'y pumuksa.
46 Ibinigay(D) niya sa higad ang kanilang mga halaman,
    at ang bunga ng kanilang paggawa sa balang.
47 Sinira(E) niya ang kanilang ubasan ng ulang yelo,
    at ng namuong hamog ang kanilang mga sikomoro.
48 Ibinigay niya sa yelong-ulan ang kanilang mga hayop,
    at ang kanilang mga kawan sa mga kidlat at kulog.
49 Sa kanila'y pinakawalan niya ang bangis ng kanyang galit,
    poot, bagsik, at ligalig,
    isang pulutong ng mga pumupuksang anghel.
50 Para sa kanyang galit gumagawa siya ng daraanan;
    ang kanilang kaluluwa ay hindi niya iniligtas sa kamatayan,
    kundi ibinigay sa salot ang kanilang buhay.
51 Ang(F) lahat ng panganay sa Ehipto ay kanyang pinatay,
    ang unang labas ng kanilang lakas sa mga tolda ni Ham.
52 Pagkatapos(G) ay inakay niya na parang mga tupa ang kanyang bayan,
    at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan.
53 At(H) kanyang tiwasay na inakay sila, kaya't hindi sila nasindak;
    ngunit ang kanilang mga kaaway ay tinabunan ng dagat.
54 At(I) kanyang dinala sila sa kanyang lupaing banal,
    sa bundok na pinagtagumpayan ng kanyang kanang kamay.
55 Pinalayas(J) niya ang mga bansa sa kanilang harapan,
    at sa pamamagitan ng pising panulat pinagbaha-bahagi niya ang mga ito bilang pamana,
    at ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda'y pinatahanan.

Mga Kawikaan 12:21-23

21 Walang mangyayaring kapahamakan sa matuwid,
    ngunit ang masama ay napupuno ng panganib.
22 Mga sinungaling na labi sa Panginoon ay kasuklamsuklam,
    ngunit ang gumagawa nang may katotohanan ay kanyang kinalulugdan.
23 Ang taong marunong ay nagkukubli ng kaalaman;
    ngunit ipinahahayag ng puso ng mga hangal ang kanilang kahangalan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001