Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 21-22

Tungkol sa Hindi Nalulutas na Pagpatay

21 “Kung sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin ay may matagpuang pinatay na nakabulagta sa parang at hindi malaman kung sinong pumatay sa kanya,

lalabas ang iyong matatanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinaslang;

at ang matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok.

Ang matatanda sa bayang iyon ay dadalhin ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa naaararo ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis.

Ang mga pari na mga anak ni Levi ay lalapit sapagkat sila ang pinili ng Panginoon mong Diyos na mangasiwa sa kanya at upang magbasbas sa pangalan ng Panginoon; at sa pamamagitan ng kanilang salita ay pagpapasiyahan ang bawat pagtatalo at bawat pananakit.

At lahat ng matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis;

at sila'y sasagot at sasabihin, ‘Ang aming kamay ay hindi nagpadanak ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata na ito'y dumanak.

Patawarin mo, O Panginoon, ang iyong bayang Israel na iyong tinubos, at huwag mong ilagay ang dugong walang sala sa gitna ng iyong bayang Israel, at ang dugo'y ipatatawad sa kanila.’

Gayon mo aalisin ang pagkakasala ng dugong walang sala sa gitna mo, kapag gagawin mo ang matuwid sa paningin ng Panginoon.

Tungkol sa mga Babaing Bihag ng Digmaan

10 “Kapag ikaw ay lumabas upang makipagdigma laban sa iyong mga kaaway, at ibibigay sila ng Panginoon mong Diyos sa iyong mga kamay, at dadalhin mo silang bihag,

11 at makakakita ka sa mga bihag ng isang magandang babae at magkaroon ka ng pagnanais na kunin siya para sa iyo bilang asawa,

12 dadalhin mo siya sa iyong bahay, kanyang aahitan ang kanyang ulo, at gugupitin ang kanyang mga kuko;

13 at kanyang huhubarin ang suot na pagkabihag sa kanya at maninirahan sa iyong bahay. Iiyakan niya ang kanyang ama at ang kanyang ina sa loob ng isang buwan; at pagkatapos noo'y sisiping ka sa kanya. Ikaw ay magiging asawa niya, at siya'y magiging iyong asawa.

14 Kung di mo siya magustuhan ay pababayaan mo siyang pumunta kung saan niya ibig. Ngunit huwag mo siyang ipagbibili para sa salapi, huwag mo siyang ituring na alipin, yamang ipinahiya mo siya.

Tungkol sa Pamana sa Panganay

15 “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa na ang isa'y minamahal, at ang isa'y kinapopootan, at kapwa magkaanak sa kanya ang minamahal at ang kinapopootan, at kung ang naging panganay ay sa kinapopootan,

16 kung gayon sa araw na kanyang itakda na ibigay ang kanyang mga ari-arian bilang pamana sa kanyang mga anak, siya ay hindi pinahihintulutang gawing panganay ang anak ng minamahal na higit sa anak ng kinapopootan na siyang panganay.

17 Dapat niyang kilalaning panganay ang anak ng kinapopootan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng dalawang bahagi sa lahat ng mayroon siya, sapagkat siya ang pasimula ng kanyang lakas at ang karapatan ng pagkapanganay ay kanya.

Tungkol sa Masuwaying Anak

18 “Kung ang isang tao ay may anak na matigas ang ulo at mapaghimagsik, at ayaw makinig sa tinig ng kanyang ama, o sa tinig ng kanyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila,

19 hahawakan siya ng kanyang ama at ina at dadalhin sa matatanda sa kanyang bayan, sa pintuang-bayan sa lugar na kaniyang tinatahanan.

20 Kanilang sasabihin sa matatanda sa kanyang bayan, ‘Itong aming anak ay matigas ang ulo at mapaghimagsik at ayaw niyang pakinggan ang aming tinig; siya'y matakaw at maglalasing.’

21 Kung gayon, ang lahat ng mga lalaki sa kanyang bayan ay babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. Ito'y maririnig ng buong Israel, at sila'y matatakot.

Iba't ibang mga Batas

22 “Kung ang isang lalaki ay magkasala ng kasalanang nararapat sa kamatayan at siya'y patayin, at siya'y ibinitin mo sa isang punungkahoy;

23 ang(A) kanyang bangkay ay hindi dapat manatili nang magdamag sa punungkahoy. Dapat siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang taong binitay ay isinumpa ng Diyos upang huwag mong marumihan ang iyong lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana.

22 “Huwag(B) mong hahayaang maligaw ang baka ng iyong kapatid o ang kanyang tupa, o ikaw ay magkait ng tulong[a] sa kanila; ibabalik mo ang mga iyon sa iyong kapatid.

Kung ang iyong kapatid ay malayo sa iyo o kung hindi mo siya kilala, iuuwi mo ito sa iyong bahay at mananatili sa iyo hanggang sa hanapin ng may-ari, at kung gayo'y isasauli mo sa kanya.

Gayundin ang iyong gagawin sa kanyang asno; gayundin ang iyong gagawin sa kanyang damit, at gayundin ang iyong gagawin sa bawat nawalang bagay ng iyong kapatid na nawala sa kanya at iyong natagpuan. Huwag kang magkait ng tulong.

Huwag mong hahayaang nakatumba sa daan ang asno ng iyong kapatid o ang kanyang baka at hindi mo pansinin. Tutulong ka na muling maitayo niya.

“Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalaki, ni ang lalaki ay magsusuot ng damit ng babae; sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.

“Kung nagkataong ang isang pugad ng ibon ay matagpuan mo sa daan, o sa anumang punungkahoy, o sa lupa, na may mga inakay, o mga itlog at lumilimlim ang inahin sa mga inakay, o sa mga itlog, huwag mong kukunin ang inahin na kasama ng mga inakay.

Pakawalan mo ang inahin, ngunit ang inakay ay makukuha mo para sa iyo; para sa kabutihan mo at upang ikaw ay mabuhay nang mahaba.

“Kapag ikaw ay magtatayo ng isang bagong bahay, gagawa ka ng isang harang para sa iyong bubungan upang huwag kang magkaroon ng dugo ng maysala sa iyong bahay, kung ang sinumang tao ay mahulog mula roon.

“Huwag(C) mong tatamnan ang iyong ubasan ng dalawang magkaibang binhi, baka ang lahat ng bunga ay masira, ang binhi na iyong inihasik at ang bunga ng ubasan.

10 Huwag kang mag-aararo na may isang baka at isang asno ang magkatuwang.

11 Huwag kang magsusuot ng magkahalong tela, ng lana at lino na magkasama.

12 “Gagawa(D) ka para sa iyo ng mga tirintas sa apat na laylayan ng iyong balabal, na itinatakip mo sa iyo.

Tungkol sa Pagtatalik

13 “Kung ang sinumang lalaki ay mag-asawa at pagkatapos sumiping sa babae,[b] ay kanyang kapootan siya,

14 at kanyang pagbintangan ng mga kahiyahiyang bagay at siraan siya ng dangal sa pamamagitan ng pagsasabing, ‘Aking kinuha ang babaing ito, ngunit nang sipingan ko siya ay hindi ko natagpuan sa kanya ang mga tanda ng pagkabirhen.’

15 Kung magkagayo'y, ang ama at ina ng dalaga ay magbibigay ng mga katibayan ng pagkabirhen ng babae sa matatanda sa lunsod sa pintuang-bayan;

16 at sasabihin ng ama ng dalaga sa matatanda, ‘Ibinigay ko ang aking anak sa lalaking ito upang maging asawa ngunit kanyang kinapootan siya.

17 Kanyang pinagbibintangan siya ng mga kahiyahiyang bagay sa pagsasabing, “Hindi ko natagpuan sa iyong anak ang mga katibayan ng pagkabirhen;” gayunma'y ito ang mga tanda ng pagkabirhen ng aking anak.’ At kanilang ilaladlad ang kasuotan sa harapan ng matatanda sa bayan.

18 Kukunin ng matatanda sa lunsod na iyon ang lalaki at siya'y hahagupitin;

19 at kanilang pagbabayarin siya ng isang daang siklong pilak at ibibigay sa ama ng dalaga sapagkat kanyang siniraang-puri ang isang dalaga ng Israel. Siya'y mananatili bilang kanyang asawa; hindi niya mapapalayas ang babae sa lahat ng kanyang mga araw.

20 Ngunit kung ang bagay na ito ay totoo na ang mga tanda ng pagkabirhen ay hindi natagpuan sa dalaga,

21 kanila ngang ilalabas ang dalaga sa pintuan ng bahay ng kanyang ama, at babatuhin siya ng mga bato ng mga lalaki sa kanyang bayan upang siya'y mamatay. Nagkasala siya ng kahangalan sa Israel sa paggawa ng kahalayan sa bahay ng kanyang ama; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

22 “Kung ang isang lalaki ay matagpuang sumisiping sa isang babaing may asawa, kapwa sila papatayin, ang lalaki na sumiping sa babae at ang babae. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.

23 “Kung ang isang dalaga ay nakatakdang ikasal sa isang lalaki, at natagpuan siya ng isang lalaki sa bayan, at sumiping sa kanya;

24 kapwa mo sila ilalabas sa pintuan ng lunsod na iyon at inyong babatuhin sila ng mga bato upang sila'y mamatay; ang dalaga, sapagkat hindi siya sumigaw kahit na siya ay nasa lunsod, at ang lalaki, sapagkat nilapastangan niya ang asawa ng kanyang kapwa. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

25 “Ngunit kung matagpuan ng lalaki sa parang ang isang dalagang nakatakdang ikasal, at pilitin siya ng lalaki na sipingan siya, ang lalaki lamang na sumiping sa kanya ang papatayin.

26 Ngunit ang dalaga ay huwag mong gagawan ng anuman; sa dalaga ay walang anumang kasalanang nararapat ikamatay, sapagkat ang usaping ito ay gaya ng isang lalaking dinaluhong at pinatay ang kanyang kapwa.

27 Yamang kanyang natagpuan ang dalaga sa parang, ang dalagang nakatakdang ikasal ay maaaring sumigaw ngunit walang magliligtas sa kanya.

28 “Kung(E) matagpuan ng isang lalaki ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal, at kanyang sinunggaban at sinipingan siya, at sila'y nahuli sa akto,

29 ang lalaking sumiping sa kanya ay magbibigay sa ama ng dalaga ng limampung siklong pilak, at ang dalaga ay magiging kanyang asawa. Sapagkat kanyang nilapastangan siya, hindi niya maaaring hiwalayan ang dalaga hangga't siya ay nabubuhay.

30 “Huwag(F) kukunin ng isang lalaki ang asawa ng kanyang ama at huwag ililitaw ang balabal ng kanyang ama.

Lucas 9:51-10:12

Hindi Tinanggap si Jesus sa Nayon ng mga Samaritano

51 Nang malapit na ang mga araw upang siya'y tanggapin sa itaas, itinutok niya ang kanyang sarili[a] sa pagpunta sa Jerusalem.

52 Nagpadala siya ng mga sugo na una sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya.

53 Subalit hindi nila tinanggap siya, sapagkat siya[b] ay nakatutok sa Jerusalem.

54 At(A) nang makita ito nina Santiago at Juan na kanyang mga alagad ay sinabi nila, “Panginoon, ibig mo bang kami ay magpababa ng apoy mula sa langit upang sila'y tupukin?”[c]

55 Subalit humarap siya at sila'y sinaway.[d] At sila'y pumunta sa ibang nayon.

Ang mga Nais Sumunod kay Jesus(B)

57 Habang naglalakad sila sa daan ay may nagsabi sa kanya, “Ako'y susunod sa iyo saan ka man magpunta.”

58 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang mga asong-gubat ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang mapaghiligan man lamang ng kanyang ulo.”

59 Sinabi niya sa iba, “Sumunod ka sa akin.” Subalit siya'y sumagot, “Panginoon, hayaan mo muna akong umalis at ilibing ko ang aking ama.”

60 Subalit sinabi ni Jesus[e] sa kanya, “Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.”

61 At(C) sinabi naman ng isa pa, “Ako'y susunod sa iyo, Panginoon, subalit hayaan mo muna akong magpaalam sa mga nasa bahay ko.”

62 Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Walang sinumang humahawak sa araro at tumitingin sa mga nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Isinugo ni Jesus ang Pitumpu

10 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu,[f] at sila'y sinugong dala-dalawa, na una sa kanya sa bawat bayan at dako na kanyang pupuntahan.

At(D) sinabi niya sa kanila, “Totoong marami ang aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.

Humayo(E) kayo, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat.

Huwag(F) kayong magdadala ng lalagyan ng salapi, o supot, o mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.

Sa alinmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo, ‘Kapayapaan nawa sa bahay na ito.’

At kung doon ay may anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kanya. Subalit kung wala, ito ay babalik sa inyo.

At(G) manatili kayo sa bahay ring iyon. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.

At sa alinmang bayan kayo pumasok at kayo'y kanilang tanggapin ay kainin ninyo ang anumang inihahain sa inyo.

Pagalingin ninyo ang mga maysakit na naroroon at sabihin ninyo sa kanila, ‘Ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’

10 Subalit(H) sa alinmang bayan kayo pumasok at hindi kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga lansangan nito at inyong sabihin,

11 ‘Maging ang alikabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa ay ipinapagpag namin laban sa inyo; subalit alamin ninyo ito, ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.’

12 Sinasabi(I) ko sa inyo, higit pang mapagtitiisan sa araw na iyon ang Sodoma kaysa bayang iyon.

Mga Awit 74

Maskil ni Asaf.

74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
    Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
    na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
    At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
    winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!

Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
    itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
    sa kagubatan ng mga punungkahoy.
At lahat ng mga kahoy na nililok
    ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
    hanggang sa lupa,
    nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
    kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
    wala nang propeta pa;
    at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
    Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
    Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!

12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
    na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
    binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
    ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
    iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
    iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
    iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.

18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
    at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
    huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
    sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
    purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
    alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
    ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!

Mga Kawikaan 12:11

11 Siyang nagbubungkal ng kanyang lupa ay magkakaroon ng tinapay na sagana,
    ngunit siyang sumusunod sa walang kabuluhang bagay ay walang unawa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001