Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 7:1-8:17

Ang Tatlong Daang Mandirigma

Pagkatapos, si Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, at ang lahat ng mga taong kasama niya ay maagang bumangon, at nagkampo sa tabi ng bukal ng Harod. Ang kampo ng Midian ay nasa dakong hilaga nila, sa may burol ng More, sa libis.

Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Ang mga taong kasama mo ay lubhang napakarami upang aking ibigay ang mga Midianita sa kanilang kamay. Baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sinasabi, ‘Ang sarili kong kamay ang nagligtas sa akin.’

Kaya't(A) ngayo'y ipahayag mo sa pandinig ng mga tao, ‘Sinumang matatakutin at nanginginig ay umuwi na sa bahay.’” At sinubok sila ni Gideon, umuwi ang dalawampu't dalawang libo, at naiwan ang sampung libo.

Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami pa rin ng tao, dalhin mo sila sa tubig at doo'y aking susubukin sila para sa iyo. Sinumang aking sabihin sa iyo, ‘Ang taong ito ay sasama sa iyo;’ iyon ang sasama sa iyo; at ang sinumang sabihin ko sa iyo, ‘Ang taong ito ay hindi sasama sa iyo,’ iyon ay hindi sasama sa iyo.”

Kaya't kanyang dinala ang mga tao sa tubig; at sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Bawat uminom ng tubig sa pamamagitan ng kanyang dila, gaya ng pag-inom ng aso, ay iyong ihihiwalay; gayundin ang bawat lumuhod upang uminom.”

Ang bilang ng mga uminom, na inilagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalaki; ngunit ang lahat ng nalabi sa mga tao ay lumuhod upang uminom ng tubig.

At sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang lalaking uminom ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Midianita sa iyong kamay; at ang iba ay pauwiin mo na sa kanya-kanyang bahay.”

Kaya't kumuha ang mga tao ng mga pagkain at ng kanilang mga trumpeta at kanyang sinugo ang lahat ng mga lalaki sa Israel sa kanya-kanyang tolda, ngunit itinira ang tatlong daang lalaki. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa libis.

Nang gabing iyon ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumangon ka, lusungin mo ang kampo, sapagkat aking ibinigay na ito sa iyong kamay.

10 Ngunit kung natatakot kang lumusong, lumusong ka sa kampo na kasama si Pura na iyong lingkod.

11 Iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay palalakasin upang masalakay mo ang kampo.” Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Pura na kanyang lingkod sa himpilan ng mga lalaking may sandata na nasa kampo.

12 Ang mga Midianita at ang mga Amalekita at ang lahat ng mga taga-silangan ay nakakalat sa libis na parang balang sa dami; at ang kanilang mga kamelyo ay di mabilang na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat.

13 Nang dumating si Gideon, may isang lalaki na nagsasalaysay ng isang panaginip sa kanyang kasama, at kanyang sinabi, “Nagkaroon ako ng isang panaginip. May isang munting tinapay na sebada na gumulong patungo sa kampo ng Midian at umabot sa tolda. Tinamaan ang tolda at iyon ay bumagsak, bumaliktad, at ito'y nawasak.”

14 At sumagot ang kanyang kasama, “Ito'y wala nang iba kundi ang tabak ni Gideon, na anak ni Joas. Siya'y isang lalaking Israelita at sa kanyang kamay ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong hukbo.”

Hinipan ang mga Trumpeta

15 Nang marinig ni Gideon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang kahulugan niyon, siya'y bumalik sa kampo ng Israel, at sinabi, “Tumindig kayo! Ibinigay na ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Midian.”

16 Hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at kanyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga trumpeta, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.

17 At kanyang sinabi sa kanila, “Masdan ninyo ako, at gayundin ang inyong gawin. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, ay gawin ninyo kung ano ang aking gagawin.

18 Kapag hinipan ko at ng lahat ng kasama ko ang trumpeta, ang mga trumpeta sa lahat ng panig ng kampo ay hihipan din, at isigaw ninyo, ‘Para sa Panginoon at para kay Gideon.’”

Nalupig ang Midian

19 Kaya't si Gideon at ang isandaang lalaking kasama niya ay nakarating sa mga hangganan ng kampo sa pasimula ng pagbabantay sa hatinggabi nang halos kahahalili pa lamang ng bantay. Kanilang hinipan ang mga trumpeta at binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.

20 Hinipan ng tatlong pulutong ang mga trumpeta at binasag ang mga banga, na hawak ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga trumpeta sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y nagsigawan, “Ang tabak para sa Panginoon at kay Gideon!”

21 Bawat isa ay nakatayo sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan; sila'y sumigaw at tumakas.

22 Nang kanilang hipan ang tatlong daang trumpeta, pinapaglaban ng Panginoon ang mga kaaway laban sa isa't-isa,[a] at laban sa buong hukbo; at tumakas ang hukbo hanggang sa Bet-sita sa dakong Zerera, hanggang sa hangganan ng Abel-mehola, sa tabi ng Tabat.

23 At ang hukbo ng Israel ay tinipon mula sa Neftali, sa Aser, at sa buong Manases, at kanilang hinabol ang Midian.

24 Nagpadala si Gideon ng mga sugo sa lahat ng lupaing maburol ng Efraim, na sinasabi, “Lusungin ninyo ang Midian, at abangan ninyo sila sa tubig, hanggang sa Bet-bara, at gayundin ang Jordan.” Sa gayo'y ang lahat ng mga lalaki ng Efraim ay tinipon, at inagapan ang tubig hanggang sa Bet-bara, at ang Jordan.

25 Kanilang hinuli ang dalawang prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb. Sa kanilang pagtugis sa Midian, pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Kanilang dinala ang mga ulo nina Oreb at Zeeb kay Gideon sa kabila ng Jordan.

Pinatahimik ni Gideon ang Efraimita

Sinabi ng mga lalaki ng Efraim sa kanya, “Ano itong ginawa mo sa amin at hindi mo kami tinawag nang ikaw ay makipaglaban sa Midian?” At siya'y pinagsalitaan nila nang marahas.

At sinabi niya sa kanila, “Ano ang aking ginawa kung ihahambing sa inyo? Di ba mas mainam ang pamumulot ng ubas ng Efraim kaysa pag-aani ng Abiezer?

Ibinigay(B) ng Diyos sa inyong mga kamay ang mga prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb; ano ang aking magagawa kung ihahambing sa inyo?” Nang magkagayo'y humupa ang kanilang galit sa kanya nang kanyang masabi ito.

Si Gideon ay dumating sa Jordan at siya'y tumawid. Siya at ang tatlong daang lalaki na kasama niya ay nanghihina na ngunit nagpapatuloy pa.

Kaya't sinabi niya sa mga lalaki sa Sucot, “Humihiling ako sa inyong bigyan ninyo ng mga tinapay ang mga taong sumusunod sa akin; sapagkat sila'y nanghihina at aking tinutugis sina Zeba at Zalmuna na mga hari ng Midian.”

Ngunit sinabi ng mga pinuno sa Sucot, “Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo?”

At sinabi ni Gideon, “Kung gayon, kapag ibinigay na ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna sa aking kamay, ay aking yuyurakan ang inyong laman sa mga tinik sa ilang at sa mga dawag.”

Mula roon ay umahon siya sa Penuel, at gayundin ang sinabi niya sa kanila, at sinagot siya ng mga lalaki sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalaki sa Sucot.

At sinabi naman niya sa mga lalaki sa Penuel, “Kapag ako'y bumalik nang payapa ay aking ibabagsak ang toreng ito.”

10 Noon sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor, kasama ang kanilang mga hukbo na may labinlimang libong lalaki. Sila ang nalabi sa buong hukbo ng mga taga-silangan, sapagkat napatay na ang isandaan at dalawampung libong lalaki na humahawak ng tabak.

11 Kaya't si Gideon ay umahon sa daan ng mga naninirahan sa mga tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha, at sinalakay ang hukbo, sapagkat ang hukbo ay hindi nagbabantay.

12 Sina Zeba at Zalmuna ay tumakas; at kanyang tinugis sila at kanyang nahuli ang dalawang hari ng Midian, na sina Zeba at Zalmuna, anupa't nagkagulo ang buong hukbo.

13 Nang si Gideon na anak ni Joas ay bumalik mula sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng daang-paakyat sa Heres,

14 nahuli niya ang isang kabataang lalaking taga-Sucot at siya ay inusisa ni Gideon. Itinala niya sa mga pinuno at matatanda sa Sucot, pitumpu't pitong katao.

15 Pagkatapos, pumunta siya sa mga lalaki sa Sucot, at sinabi, “Narito sina Zeba at Zalmuna. Tungkol sa kanila ay inyo akong tinuya, na inyong sinasabi, ‘Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong mga tauhang pagod?’”

16 Kanyang kinuha ang matatanda sa bayan, at kumuha siya ng mga tinik mula sa ilang at ng mga dawag, at sa pamamagitan ng mga iyon ay kanyang tinuruan ang mga lalaki sa Sucot.

17 Kanyang ibinagsak ang tore ng Penuel, at pinatay ang mga lalaki sa lunsod.

Lucas 23:13-43

Si Jesus ay Hinatulang Mamatay(A)

13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno at ang mga taong-bayan,

14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nag-uudyok na maghimagsik ang bayan. At narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, hindi ko nakitang nagkasala ang taong ito ng alinman sa mga bagay na ibinibintang ninyo laban sa kanya.

15 Maging si Herodes man, sapagkat kanyang ibinalik siya sa atin at tingnan ninyo, wala siyang ginawang anumang nararapat sa kamatayan.

16 Kaya't siya'y aking ipapahagupit at palalayain.”[a]

18 Subalit silang lahat ay sama-samang sumigaw, “Alisin ang taong ito, palayain si Barabas para sa amin.”

19 Ito'y isang taong nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na nangyari sa lunsod, at dahil sa pagpatay ng tao.

20 Si Pilato'y muling nagsalita sa kanila sa kagustuhang palayain si Jesus.

21 Subalit sila'y nagsigawan, “Ipako sa krus, ipako siya sa krus.”

22 Sa ikatlong pagkakataon ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit, anong kasamaan ang ginawa ng taong ito? Wala akong nakitang anumang batayan para sa parusang kamatayan. Kaya't siya'y aking ipapahagupit at saka palalayain.”

23 Subalit pinipilit nilang hingin na ipinagsisigawan na siya'y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig.

24 At ipinasiya ni Pilato na ipagkaloob ang kanilang hinihingi.

25 Pinalaya niya ang taong kanilang hinihiling, ang taong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, subalit kanyang ibinigay si Jesus gaya ng nais nila.

Ipinako si Jesus(B)

26 Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus.

27 Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya.

28 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak.

29 Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, ‘Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!’

30 At(C) sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, ‘Bumagsak kayo sa amin,’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami.’

31 Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo?

32 Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal.

33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.

34 [Sinabi(D) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit.

35 Nakatayong(E) nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili.”

36 Nililibak(F) din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka,

37 at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!”

38 Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, “Ito'y ang Hari ng mga Judio.”

39 Patuloy siyang pinagtawanan[b] ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!”

40 Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?

41 Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama.”

42 Sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.”

43 At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”

Mga Awit 97-98

Ang Diyos na Pinakamataas na Pinuno

97 Ang Panginoon ay naghahari! Magalak ang lupa;
    ang maraming pulo ay matuwa nawa!
Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman;
    ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan.
Apoy ang nasa unahan niya,
    at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot.
Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan;
    nakikita ng lupa at ito'y nayayanig.
Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
    at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian.
Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan,
    na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan;
    lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya.
Narinig ng Zion at siya'y natuwa,
    at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak,
    dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos.
Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay kataas-taasan sa buong lupa;
    ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos.

10 Kayong nagmamahal sa Panginoon, kamuhian ninyo ang kasamaan,
    ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan;
    kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan.
11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid;
    at ang kagalakan para sa may matuwid na puso.
12 Magalak kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
    at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan.

Isang Awit.

98 O umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit;
    sapagkat siya'y gumawa ng mga kagila-gilalas na bagay.
Ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig
    ay nagbigay sa kanya ng tagumpay.
Ipinakilala ng Panginoon ang kanyang tagumpay,
    ipinahayag niya sa paningin ng mga bansa ang kanyang katuwiran.
Kanyang inalaala ang kanyang tapat na pag-ibig at ang kanyang katapatan
    sa sambahayan ng Israel;
Nakita ng lahat ng mga dulo ng lupa
    ang kaligtasan ng aming Diyos.

Sumigaw ang buong lupa na may kagalakan sa Panginoon,
    magpasimula at umawit kayo na may kagalakan at umawit kayo ng mga papuri!
Magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng lira;
    ng lira at ng tunog ng himig!
Sa pamamagitan ng mga trumpeta at tunog ng tambuli,
    sumigaw kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, ang Panginoon!

Humugong ang dagat at ang lahat ng naroon;
    ang sanlibutan at ang naninirahan doon!
Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay;
    sama-samang magsiawit ang mga burol dahil sa kagalakan
sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y darating
    upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan ng matuwid ang sanlibutan,
    at ng katarungan ang mga bayan.

Mga Kawikaan 14:7-8

Umalis ka sa harapan ng isang taong hangal,
    sapagkat doo'y hindi mo matatagpuan ang mga salita ng kaalaman.
Ang karunungan ng matalino ay ang makaunawa ng kanyang daan,
    ngunit ang kahangalan ng mga hangal ay mapanlinlang.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001