Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 34 - Josue 2

Ang Kamatayan ni Moises

34 Pagkatapos ay umakyat si Moises sa bundok ng Nebo mula sa mga kapatagan ng Moab, sa taluktok ng Pisga, na nasa tapat ng Jerico. At ipinakita sa kanya ng Panginoon ang buong lupain ng Gilead hanggang sa Dan,

ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at ng Manases, at ang buong lupain ng Juda hanggang sa dagat sa kanluran,

ang Negeb at ang kapatagan ng libis ng Jerico na lunsod ng mga puno ng palma hanggang sa Zoar.

At(A) sinabi ng Panginoon sa kanya, “Ito ang lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na sinasabi, ‘Aking ibibigay sa iyong binhi;’ aking ipinakita sa iyo, ngunit hindi ka daraan doon.”

Kaya't si Moises na lingkod ng Panginoon ay namatay sa lupain ng Moab ayon sa salita ng Panginoon.

Kanyang inilibing siya sa libis sa lupain ng Moab na nasa tapat ng Bet-peor; ngunit walang sinumang tao ang nakakaalam ng libingan niya hanggang sa araw na ito.

Si Moises ay isandaan at dalawampung taong gulang nang siya'y mamatay. Ang kanyang mata'y hindi lumabo, ni ang kanyang likas na lakas ay humina.

At ipinagluksa ng mga anak ni Israel si Moises nang tatlumpung araw sa mga kapatagan ng Moab, at natapos ang mga araw ng pagtangis at pagluluksa para kay Moises.

Si Josue na anak ni Nun ay puspos ng espiritu ng karunungan, sapagkat ipinatong ni Moises ang kanyang mga kamay sa kanya. Pinakinggan siya ng mga anak ni Israel, at ginawa nila ang gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

10 At(B) wala pang bumangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na kilala ng Panginoon nang mukhaan.

11 Walang tulad niya dahil sa lahat ng mga tanda at mga kababalaghang iniutos ng Panginoon na gawin niya sa lupain ng Ehipto, kay Faraon, at sa lahat ng kanyang mga lingkod, at sa kanyang buong lupain,

12 at dahil sa makapangyarihang kamay at sa dakila at kakilakilabot na ginawa ni Moises sa paningin ng buong Israel.

Iniuutos ng Diyos kay Josue na Sakupin ang Canaan

Nangyari nga, pagkamatay ni Moises na lingkod ng Panginoon, ang Panginoon ay nagsalita kay Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na sinasabi,

“Si Moises na aking lingkod ay patay na. Tumindig ka at tumawid sa Jordang ito, ikaw at ang buong bayang ito hanggang sa lupain na aking ibinibigay sa kanila, sa mga anak ni Israel.

Bawat(C) dakong tuntungan ng talampakan ng inyong paa ay naibigay ko na sa inyo, gaya ng sinabi ko kay Moises.

Mula sa ilang at sa Lebanon na ito, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates, sa buong lupain ng mga Heteo, at hanggang sa Malaking Dagat sa dakong nilulubugan ng araw ay magiging inyong nasasakupan.

Walang(D) sinumang tao ang magtatagumpay laban sa iyo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; kung paanong ako'y nakasama ni Moises, ako'y makakasama mo rin. Hindi kita iiwan ni pababayaan man.

Magpakalakas(E) ka at magpakatapang na mabuti, sapagkat ipapamana mo sa bayang ito ang lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanilang mga ninuno.

Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti. Gawin mo ang ayon sa lahat ng kautusang iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay maging matagumpay saan ka man pumunta.

Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag aalisin sa iyong bibig, kundi ito ay iyong pagbubulay-bulayan araw at gabi, upang iyong masunod ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo'y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at magtatamo ka ng tagumpay.

Hindi ba't inutusan kita? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay; sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon.”

Nag-utos si Josue sa Bayan

10 Nang magkagayo'y nag-utos si Josue sa mga pinuno ng bayan, na sinasabi,

11 “Kayo'y pumasok sa gitna ng kampo at ipag-utos sa mga tao, na sinasabi, ‘Maghanda kayo ng baon sapagkat sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang pumasok at angkinin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.’”

12 Sinabi(F) ni Josue sa mga Rubenita, sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases,

13 “Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na sinasabi, ‘Binibigyan kayo ng lugar ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Diyos, at ibibigay sa inyo ang lupaing ito.’

14 Ang inyong mga asawa, mga bata, at mga hayop ay mananatili sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa kabila ng Jordan; ngunit lahat ng mandirigma ay tatawid na may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid, at tutulungan sila;

15 hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng Panginoon ang inyong mga kapatid na gaya ninyo, at maangkin nila ang lupaing ibinibigay sa kanila ng Panginoon ninyong Diyos. Kung magkagayo'y babalik kayo sa lupain na inyong pag-aari, at inyong aariin, na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa kabila ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw.”

16 At sila'y sumagot kay Josue, na sinasabi, “Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay pupunta kami.

17 Kung paanong pinakinggan namin si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin papakinggan. Sumaiyo nawa ang Panginoon mong Diyos na gaya kay Moises.

18 Sinumang maghihimagsik laban sa iyong utos, at hindi makikinig sa iyong mga salita sa lahat ng iyong iniuutos sa kanya ay ipapapatay; magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti.”

Nagpadala ng Espiya si Josue sa Jerico

Si(G) Josue na anak ni Nun ay palihim na nagsugo mula sa Shittim ng dalawang lalaki bilang tiktik, na sinasabi, “Humayo kayo, tingnan ninyo ang lupain, at ang Jerico.” At sila'y humayo at pumasok sa bahay ng isang upahang babae[a] na ang pangalan ay Rahab, at nakituloy doon.

At ito'y ibinalita sa hari sa Jerico, na sinasabi, “Tingnan ninyo, may mga lalaki mula sa Israel na pumasok dito ngayong gabi upang siyasatin ang lupain.”

Kaya't ang hari ng Jerico ay nagpasugo kay Rahab, na sinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking dumating sa iyo, at pumasok sa iyong bahay. Sila'y naparito upang siyasatin ang buong lupain.”

Subalit isinama ng babae ang dalawang lalaki at naikubli na sila. Pagkatapos ay sinabi niya, “Oo, ang mga lalaki ay naparito sa akin, ngunit hindi ko alam kung taga-saan sila.

Sa oras ng pagsasara ng pintuang-bayan, nang madilim na, ang mga lalaki ay lumabas at hindi ko alam kung saan sila pumunta. Habulin ninyo sila kaagad, sapagkat aabutan ninyo sila.”

Gayunman, kanyang napaakyat na sila sa bubungan, at ikinubli sila sa mga tangkay ng lino na kanyang inilagay na maayos sa bubungan.

Hinabol sila ng mga tao sa daang patungo sa Jordan hanggang sa mga tawiran, at pagkalabas ng humabol sa kanila, ay kanilang sinarhan ang pintuan.

Bago sila natulog ay kanyang inakyat sila sa bubungan;

at sinabi niya sa mga lalaki, “Nalalaman ko na ibinigay sa inyo ng Panginoon ang lupain, at ang pagkatakot sa inyo ay dumating sa amin, at ang lahat ng nanirahan sa lupain ay nanghihina sa harapan ninyo.

10 Sapagkat(H) aming nabalitaan kung paanong tinuyo ng Panginoon ang tubig sa Dagat na Pula sa harapan ninyo, nang kayo'y lumabas sa Ehipto; at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon at kay Og, na inyong lubos na pinuksa.

11 Nang mabalitaan namin iyon ay nanlumo ang aming puso, ni walang tapang na naiwan sa sinumang tao dahil sa inyo, sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba.

12 Kaya't ngayon, sumumpa kayo sa akin sa Panginoon, yamang ako'y nagmagandang-loob sa inyo ay magmagandang-loob naman kayo sa sambahayan ng aking magulang. Bigyan ninyo ako ng tunay na tanda

13 na ililigtas ninyong buháy ang aking ama, ang aking ina, ang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ang lahat nilang ari-arian, at inyong ililigtas ang aming mga buhay sa kamatayan.”

14 At sinabi ng mga lalaki sa kanya, “Ang aming buhay ay sa iyo kung hindi ninyo ihahayag itong aming pakay. Kapag ibinigay sa amin ng Panginoon ang lupain, kami ay magmamagandang-loob at magiging tapat sa inyo.”

15 Nang magkagayo'y kanyang pinababa sila sa pamamagitan ng isang lubid sa bintana, sapagkat ang kanyang bahay ay nasa pader ng bayan, at siya'y nakatira sa pader.

16 Sinabi niya sa kanila, “Pumaroon kayo sa bundok, baka kayo'y abutan ng mga humahabol sa inyo; at kayo'y magkubli roon ng tatlong araw, hanggang sa bumalik ang mga humahabol, at pagkatapos ay makakahayo na kayo ng inyong lakad.”

17 At sinabi ng mga lalaki sa kanya, “Kami ay mapapalaya mula sa sumpang ito, na iyong ipinasumpa sa amin.

18 Kapag kami ay pumasok sa lupain, itatali mo itong panaling pula sa bintana na ginamit mo sa pagpapababa sa amin. Titipunin mo sa loob ng bahay ang iyong ama, ang iyong ina, ang iyong mga kapatid, at ang buong sambahayan ng iyong ama.

19 Kung may sinumang lumabas sa mga lansangan mula sa pintuan ng iyong bahay, sila ang mananagot sa sarili nilang kamatayan, at kami ay magiging walang kasalanan. Ngunit kung may magbuhat ng kamay sa sinumang kasama mo sa bahay, kami ang mananagot sa kanyang kamatayan.

20 Ngunit kung iyong ihayag itong aming pakay ay magiging malaya kami sa sumpa na iyong ipinagawa sa amin.”

21 At kanyang sinabi, “Ayon sa inyong mga salita ay siya nawang mangyari.” At kanyang pinapagpaalam sila at sila'y umalis, at itinali niya ang panaling pula sa bintana.

22 Sila'y umalis at pumaroon sa bundok, at nanatili roon ng tatlong araw, hanggang sa bumalik ang mga humahabol. Hinanap sila ng mga humahabol sa lahat ng daan, ngunit hindi sila natagpuan.

23 Pagkatapos ay bumalik ang dalawang lalaki mula sa bundok. Sila'y tumawid at naparoon kay Josue na anak ni Nun at kanilang isinalaysay sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila.

24 Kanilang sinabi kay Josue, “Tunay na ibinigay ng Panginoon sa ating mga kamay ang buong lupain; at bukod dito'y nanghina sa takot ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harapan natin.”

Lucas 13:22-14:6

Ang Makipot na Pintuan(A)

22 Si Jesus[a] ay nagpatuloy sa kanyang lakad sa mga bayan at mga nayon na nagtuturo habang naglalakbay patungo sa Jerusalem.

23 At may nagsabi sa kanya, “Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?” At sinabi niya sa kanila,

24 “Magsikap kayong pumasok sa makipot na pintuan, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magsisikap na pumasok at hindi makakapasok.

25 Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at maisara na ang pinto, magsisimula kayong tumayo sa labas at tutuktok sa pintuan, na magsasabi, ‘Panginoon, pagbuksan mo kami.’ At siya'y sasagot sa inyo, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling.’

26 Kaya't magsisimula kayong magsabi, ‘Kami ay kasama mong kumain at uminom at nagturo ka sa aming mga lansangan.’

27 Subalit(B) sasabihin niya, ‘Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayas kayo, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’

28 Magkakaroon(C) ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin kapag nakita na ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Diyos, at kayo mismo'y inihahagis sa labas.

29 At(D) may mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa timog at hilaga, at uupo sa hapag sa kaharian ng Diyos.

30 Sa(E) katunayan, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.”

Ang Pag-ibig ni Jesus para sa Jerusalem(F)

31 Dumating nang oras ding iyon ang ilang Fariseo na nagsabi sa kanya, “Lumabas ka na at umalis dito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes.”

32 At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at inyong sabihin sa asong-gubat na iyon, ‘Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos ko ang aking gawain.

33 Gayunma'y kailangang ako'y magpatuloy sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa, sapagkat hindi maaari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.’

34 O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!

35 Tingnan ninyo,(G) sa inyo'y iniwan ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’”

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Sakit

14 Isang Sabbath, nang pumasok si Jesus[b] sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain, kanilang minamatyagan siya.

At noon, sa kanyang harapan ay may isang lalaking namamanas.

Nakipag-usap si Jesus sa mga dalubhasa sa kautusan at sa mga Fariseo, na sinasabi, “Ipinahihintulot ba o hindi na magpagaling sa Sabbath?”

Subalit sila'y hindi umimik. At siya'y hinawakan ni Jesus,[c] pinagaling, at pinahayo.

At(H) sinabi niya sa kanila, “Sino sa inyo, kung ang anak[d] o bakang lalaki ay nahulog sa hukay, hindi ba agad ninyo iaahon sa araw ng Sabbath?”

At hindi sila nakasagot sa mga bagay na ito.

Mga Awit 79

Awit ni Asaf.

79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
    kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
    ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
    bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
    ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
    sa palibot ng Jerusalem;
    at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
    ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
    Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
    hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
    na hindi tumatawag sa pangalan mo!
Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
    at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.

Huwag mong alalahanin laban sa amin
    ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
    sapagkat kami ay lubhang pinababa.
Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
    para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
    alang-alang sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa,
    “Nasaan ang kanilang Diyos?”
Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod
    ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata.

11 Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan,
    ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay!
12 Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa
    ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon.
13 Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan,
    ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman;
    sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay.

Mga Kawikaan 12:26

26 Ang matuwid sa kanyang kapwa ay patnubay,
    ngunit ang lakad ng masama sa kanila'y nakapagpapaligaw.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001