Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 28

Mga Pagpapala sa Pagsunod(A)

28 “Kung(B) susundin mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos at maingat mong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, itataas ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng mga bansa sa lupa;

at ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Diyos.

Magiging mapalad ka sa lunsod, at magiging mapalad ka sa parang.

Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, ang bunga ng iyong lupa, ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.

Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong masahan ng harina.

Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok at magiging mapalad ka sa iyong paglabas.

“Tatalunin ng Panginoon sa harapan mo ang iyong mga kaaway na babangon laban sa iyo; sila'y lalabas laban sa iyo sa isang landas at tatakas sa harapan mo sa pitong landas.

Igagawad sa iyo ng Panginoon ang kanyang pagpapala sa iyong mga kamalig at sa lahat ng iyong gagawin at pagpapalain ka niya sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

Itatatag ka ng Panginoon na isang banal na bayan para sa kanya, gaya ng kanyang ipinangako sa iyo, kung iyong gaganapin ang mga utos ng Panginoon mong Diyos, at lalakad ka sa kanyang mga daan.

10 Makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng Panginoon at sila'y matatakot sa iyo.

11 Ikaw ay pasasaganain ng Panginoon sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno upang ibigay sa iyo.

12 Bubuksan ng Panginoon para sa iyo ang kanyang kamalig na punung-puno, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang pagpalain ang lahat mong ginagawa. Ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram.

13 Gagawin ka ng Panginoon na ulo at hindi buntot; ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim—kung iyong papakinggan ang mga utos ng Panginoon mong Diyos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong susundin at gagawin.

14 Huwag kang lilihis sa alinmang salita na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, sa kanan o sa kaliwa, upang sumunod sa ibang mga diyos at paglingkuran sila.

Mga Ibubunga ng Pagsuway(C)

15 “Ngunit kung hindi mo papakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lahat ng kanyang mga utos at tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo.

16 Susumpain ka sa bayan, at susumpain ka sa parang.

17 Susumpain ang iyong buslo at ang iyong masahan ng harina.

18 Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan.

19 Susumpain ka sa iyong pagpasok at susumpain ka sa iyong paglabas.

20 “Ipararating ng Panginoon sa iyo ang sumpa, ang pagkalito at pagkabigo sa lahat ng iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal at mapuksa dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, sapagkat pinabayaan mo ako.

21 Ikakapit sa iyo ng Panginoon ang salot hanggang sa maubos ka sa lupa na iyong pupuntahan upang angkinin.

22 Sasalutin ka ng Panginoon ng pagkaubos, lagnat, pamamaga, nag-aapoy na init, pagkatuyo,[a] ng salot ng hangin, at ng amag; at kanilang hahabulin ka hanggang sa ikaw ay malipol.

23 Ang mga langit na nasa itaas ng iyong ulo ay magiging tanso, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal.

24 Ang ipauulan ng Panginoon sa iyong lupa ay abo at alabok; mula sa langit ay bababa ito sa iyo hanggang sa ikaw ay mawasak.

25 “Ipatatalo ka ng Panginoon sa harapan ng iyong mga kaaway. Ikaw ay lalabas sa isang landas laban sa kanila at tatakas sa pitong landas sa harapan nila, at ikaw ay magiging katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa lupa.

26 Ang iyong bangkay ay magiging pagkain sa lahat ng mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa at walang taong bubugaw sa kanila.

27 Sasalutin ka ng Panginoon ng bukol sa Ehipto, ng mga ulser, ng pangangati, at ng galis na hindi mapapagaling.

28 Sasaktan ka ng Panginoon ng pagkabaliw, ng pagkabulag, at ng pagkalito ng isipan;

29 at ikaw ay mangangapa sa katanghaliang-tapat na gaya ng bulag na nag-aapuhap sa kadiliman at hindi ka giginhawa sa iyong mga lakad. Ikaw ay laging aapihin at pagnanakawan, at walang taong tutulong sa iyo.

30 Ikaw ay mag-aasawa at ibang lalaki ang sisiping sa kanya; ikaw ay magtatayo ng isang bahay at hindi mo tatahanan. Ikaw ay magtatanim ng ubasan at hindi mo mapapakinabangan ang bunga niyon.

31 Ang iyong baka ay papatayin sa iyong paningin, at hindi mo makakain iyon; ang iyong asno ay aagawin sa harapan ng iyong mukha at hindi na maibabalik sa iyo. Ang iyong tupa ay ibibigay sa iyong mga kaaway at walang tutulong sa iyo.

32 Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay ibibigay sa ibang bayan; at ang iyong paningin ay titingin at mapapagod nang paghihintay sa kanila sa buong araw; at ikaw ay walang magagawa.

33 Ang bunga ng iyong lupa at lahat ng iyong gawa ay kakainin ng bansang di mo kilala; at ikaw ay laging aapihin at gigipitin;

34 kaya't ikaw ay masisiraan ng isip dahil sa tanawin na makikita ng iyong mga mata.

35 Sasaktan ka ng Panginoon sa mga tuhod at sa mga hita ng isang masamang bukol na hindi mo mapapagaling, mula sa talampakan ng iyong paa hanggang sa bao ng iyong ulo.

36 “Dadalhin ka ng Panginoon at ang haring ilalagay mo upang manguna sa iyo sa isang bansang hindi mo nakilala, maging ng iyong mga ninuno at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato.

37 Ikaw ay magiging katatakutan, isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng bayang pagdadalhan sa iyo ng Panginoon.

38 Magdadala ka ng maraming binhi sa bukid, ngunit kakaunti ang iyong titipunin; sapagkat uubusin ng balang.

39 Ikaw ay magtatanim ng ubasan at iyong aalagaan, ngunit hindi ka iinom ng alak, ni mamimitas; sapagkat kakainin iyon ng uod.

40 Magkakaroon ka ng mga puno ng olibo sa lahat ng iyong mga nasasakupan ngunit hindi ka magpapahid ng langis; sapagkat ang iyong olibo ay malalagas.

41 Ikaw ay magkakaanak ng mga lalaki at mga babae, ngunit sila'y hindi magiging iyo; sapagkat sila'y pupunta sa pagkabihag.

42 Lahat ng iyong punungkahoy at bunga ng iyong lupa ay aangkinin ng balang.

43 Ang dayuhan na nakatira sa gitna mo ay tataas nang higit sa iyo habang ikaw ay bababa nang pababa.

44 Siya'y magpapahiram sa iyo, at ikaw ay hindi magpapahiram sa kanya. Siya'y magiging ulo at ikaw ay magiging buntot.

45 Lahat ng mga sumpang ito ay darating sa iyo at hahabulin ka at aabutan ka, hanggang ikaw ay mawasak, sapagkat hindi mo pinakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at hindi mo tinupad ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo.

46 Ang mga iyon ay magiging isang tanda at isang kababalaghan sa iyo, at sa iyong lahi magpakailanman.

47 “Sapagkat hindi ka naglingkod na may kagalakan at may kasayahan ng puso sa Panginoon mong Diyos, dahil sa kasaganaan ng lahat ng mga bagay.

48 Kaya't maglilingkod ka sa iyong mga kaaway na susuguin ng Panginoon laban sa iyo, sa gutom, uhaw, kahubaran, at kakulangan sa lahat ng mga bagay. Lalagyan ka niya ng isang pamatok na bakal sa iyong leeg hanggang sa maibuwal ka niya.

49 Magdadala ang Panginoon ng isang bansang laban sa iyo mula sa malayo mula sa katapusan ng lupa, na gaya ng paglipad ng agila; isang bansang ang wika'y hindi mo nauunawaan;

50 bansang may mabangis na mukha na hindi igagalang ang pagkatao ng matanda, ni mahahabag sa bata.

51 Kanyang kakainin ang anak ng iyong hayop at ang bunga ng iyong lupa, hanggang sa ikaw ay mawasak. Wala ring ititira sa iyong trigo, alak, o langis, ng karagdagan ng iyong bakahan, o ng anak ng iyong kawan, hanggang sa ikaw ay mapuksa niya.

52 Kanyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong bayan, hanggang sa ang mataas at may pader na kuta na iyong pinagtitiwalaan ay bumagsak sa iyong buong lupain. Kanyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga bayan sa buong lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

53 At kakain ka ng bunga ng iyong sariling katawan, ng laman ng iyong mga anak na lalaki at babae na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, sa pagkakubkob at sa paghihirap na ipaparanas sa iyo ng iyong mga kaaway.

54 Maging ang lalaking pinakamabait at mahabagin sa inyo ay magkakait ng pagkain sa kanyang kapatid, sa kanyang asawa na kanyang niyayakap at sa huli sa nalalabi sa kanyang mga anak;

55 kaya't hindi niya ibibigay sa alinman sa kanila ang laman ng kanyang mga anak na kanyang kakainin, sapagkat walang natira sa kanya sa pagkubkob at sa paghihirap na ipinaranas sa iyo ng iyong mga kaaway sa lahat ng iyong mga bayan.

56 Ang pinakamahinhin at pinakamaselang babae sa gitna mo, na hindi pa mangangahas na ituntong ang talampakan ng kanyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagiging maselan ay magiging masama ang kanyang mata sa kanyang asawa at sa kanyang anak na lalaki at babae;

57 at(D) sa kanyang isinilang na lumabas sa pagitan ng kanyang mga hita at sa kanyang mga anak na kanyang panganganak; sapagkat lihim niyang kakainin sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kahirapang ipinaranas sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga bayan.

58 “Kung hindi mo gagawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, ang ‘ Panginoon mong Diyos,’

59 kung magkagayo'y ipapadala ng Panginoon sa inyo at sa inyong mga anak ang di-pangkaraniwang kahirapan, matindi at walang katapusan, at malubhang karamdaman na tumatagal.

60 Muli niyang ipapadala sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Ehipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo.

61 Bawat sakit, at bawat salot na hindi nakasulat sa aklat ng kautusang ito'y ipararating nga sa iyo ng Panginoon, hanggang sa ikaw ay mapuksa.

62 Kayo'y maiiwang iilan sa bilang samantalang noon kayo'y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng Panginoon mong Diyos.

63 Kung paanong ang Panginoon ay natutuwa na gawan kayo ng mabuti at paramihin kayo, ay gayon magagalak ang Panginoon sa inyo na kayo'y lipulin at puksain. Kayo'y palalayasin sa lupain na inyong pinapasok upang angkinin.

64 Pangangalatin kayo ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato na hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno.

65 Sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa, kundi bibigyan ka doon ng Panginoon ng isang nanginginig na puso, lumalabong paningin, at nanghihinang kaluluwa.

66 Ang iyong buhay ay mabibitin sa pag-aalinlangan sa harapan mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiyakan ang iyong buhay.

67 Sa kinaumagahan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y gumabi na!’ at sa kinagabihan ay iyong sasabihin, ‘Sana'y mag-umaga na!’—dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa tanawing makikita ng iyong paningin.

68 Pababalikin ka ng Panginoon sa Ehipto sa pamamagitan ng mga barko, na sa daan ay aking sinabi sa iyo, ‘Hindi mo na muling gagawin;’ at doo'y ipagbibili ninyo ang inyong mga sarili sa mga kaaway bilang aliping lalaki at babae, at hindi kayo bibilhin ng sinuman.”

Lucas 11:14-36

Jesus at Beelzebul(A)

14 At noon ay nagpalayas si Jesus[a] ng isang demonyong pipi. Nang makalabas na ang demonyo, ang dating pipi ay nagsalita at namangha ang maraming tao.

15 Subalit(B) sinabi ng ilan sa kanila, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, na pinuno ng mga demonyo.”

16 At(C) ang iba naman upang siya ay subukin ay hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit.

17 Subalit dahil batid niya ang kanilang iniisip ay sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay nawawasak at ang bahay na laban sa sarili[b] ay nagigiba.

18 At kung si Satanas ay nahahati rin laban sa kanyang sarili, paanong tatatag ang kanyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul.

19 At kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas sila ng inyong mga anak? Kaya't sila ang inyong magiging mga hukom.

20 Ngunit kung sa pamamagitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos.

21 Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ay nagbabantay sa kanyang sariling palasyo, ang kanyang mga ari-arian ay ligtas.

22 Subalit kung may dumating na mas malakas kaysa kanya at siya'y talunin, kukunin nito sa kanya ang lahat ng sandata na kanyang pinagtiwalaan at ipamimigay nito ang mga nasamsam niya.

23 Ang(D) hindi panig sa akin ay laban sa akin at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat.

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(E)

24 “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala ito sa mga lugar na walang tubig at humahanap ng mapapagpahingahan; at kapag hindi nakatagpo ay sinasabi nito, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’

25 At pagdating nito ay natagpuan nitong nawalisan at maayos na.

26 Kaya't umaalis siya at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit pang masasama kaysa kanya. Sila'y pumapasok at tumitira roon at ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa noong una.”

Ang Tunay na Mapalad

27 Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, isang babaing mula sa maraming tao ang nagsalita sa malakas na tinig at sinabi sa kanya, “Mapalad ang sinapupunang sa iyo'y nagdala at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.”

28 Subalit sinabi niya, “Sa halip, mapalad silang nakikinig sa salita ng Diyos at sinusunod ito.”

Ang Tanda ni Jonas(F)

29 Nang(G) dumarami ang nagkakatipong mga tao, nagsimula siyang magsalita, “Ang lahing ito'y isang masamang lahi. Ito'y humahanap ng isang tanda, subalit walang tanda na ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas.

30 Kung(H) paanong si Jonas ay naging tanda sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao sa lahing ito.

31 Ang(I) reyna ng Timog ay babangon sa paghuhukom kasama ang mga tao ng lahing ito at kanyang hahatulan sila. Sapagkat siya'y dumating galing sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon, at narito ang isang higit pang dakila kaysa kay Solomon.

32 Ang(J) mga tao sa Ninive ay babangon sa paghuhukom kasama ng lahing ito at ito'y kanilang hahatulan, sapagkat sila'y nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at narito, ang isang higit pang dakila kaysa kay Jonas.

Ang Liwanag ng Katawan(K)

33 Walang(L) sinuman na pagkatapos magsindi ng ilawan ay inilalagay ito sa isang tagong lugar o sa ilalim ng takalan, kundi sa patungan ng ilaw upang makita ng mga pumapasok ang liwanag.

34 Ang ilawan ng katawan ay ang iyong mata. Kung malusog ang iyong mata, ang buong katawan mo ay punô ng liwanag. Subalit kung ito'y hindi malusog, ang katawan mo ay punô ng kadiliman.

35 Kaya't maging maingat kayo baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman.

36 Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay punô ng liwanag at walang bahaging madilim, ito'y mapupuno ng liwanag, gaya ng ilawang may liwanag na nagliliwanag sa iyo.”

Mga Awit 77

Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Salmo ni Asaf.

77 Ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
    at ako'y dadaing ng malakas;
ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
    at papakinggan niya ako.
Hinahanap ko ang Panginoon sa araw ng aking kaguluhan;
    sa gabi'y nakaunat ang aking kamay, at hindi nangangalay;
    ang kaluluwa ko'y tumatangging mabigyang kaaliwan.
Naaalala ko ang Diyos, at ako'y nababalisa;
    nang ako'y nagdaramdam, ang diwa ko'y nanlulupaypay. (Selah)

Pinigilan mong magsara ang talukap ng aking mga mata,
    ako'y totoong naguguluhan at hindi ako makapagsalita.
Ginugunita ko ang mga unang araw,
    ang mga taóng nagdaan.
Sa gabi'y nakikipag-usap ako sa aking puso;
    ako'y magbubulay-bulay sa aking puso at ang aking diwa ay magsisiyasat.
“Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailanman?
    At hindi na ba muling masisiyahan?
Ang kanya bang tapat na pag-ibig ay huminto na magpakailanman?
    Ang kanya bang mga pangako sa lahat ng panahon ay nawakasan?
Nakalimot na ba ang Diyos na maging mapagbiyaya?
    Sa kanya bang galit ay isinara niya ang kanyang awa? (Selah)
10 At aking sinabi, “Ipinaghihinagpis ko
    na ang kanang kamay ng Kataas-taasan ay nagbago.”

11 Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon;
    oo, aking aalalahanin ang mga kahanga-hangang gawa mo noong unang panahon.
12 Ako'y magbubulay-bulay sa lahat mong mga gawa,
    at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
13 Ang iyong daan, O Diyos, ay banal.
    Sinong diyos ang dakila na gaya ng aming Diyos?
14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan,
    na nagpahayag ng iyong kalakasan sa gitna ng mga bayan.
15 Tinubos mo ng iyong kamay ang iyong bayan,
    ang mga anak ni Jacob at ni Jose. (Selah)

16 Nang makita ka ng tubig, O Diyos;
    nang makita ka ng tubig, sila'y natakot:
    oo, ang kalaliman ay nanginig.
17 Ang alapaap ay nagbuhos ng tubig;
    nagpakulog ang himpapawid,
    ang mga palaso mo ay humagibis sa bawat panig.
18 Ang tunog ng iyong kulog ay nasa ipu-ipo;
    pinagliwanag ng mga kidlat ang daigdig;
    ang lupa ay nanginig at nayanig.
19 Ang daan mo'y nasa dagat,
    ang landas mo'y nasa malalaking tubig;
    gayunman ang bakas mo'y hindi nakita.
20 Iyong pinatnubayan ang iyong bayan na parang kawan
    sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.

Mga Kawikaan 12:18

18 Mga salitang padalus-dalos ay parang ulos ng espada,
    ngunit ang dila ng pantas ay kagalingan ang dala.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001