Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 13-14

Mga Lupaing Dapat Pang Sakupin

13 Si Josue ay matanda na at puspos ng mga taon. Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Ikaw ay matanda na, puspos na ng mga taon, at may nalalabi pang maraming lupain na sasakupin.

Ito ang mga lupaing nalalabi: ang lahat ng lupain ng mga Filisteo, at ang lahat ng sa mga Geshureo:

mula sa Sihor na nasa silangan ng Ehipto, hanggang sa hangganan ng Ekron sa dakong hilaga na kabilang sa mga Cananeo: ang limang pinuno ng mga Filisteo, ang mga Gazeo, Asdodeo, Ascaloneo, Geteo, Acronneo, at ang mga Heveo,

sa timog: ang lahat ng lupain ng mga Cananeo, at ang Mehara, na pag-aari ng mga Sidonio hanggang sa Afec, hanggang sa hangganan ng mga Amoreo;

at ang lupain ng mga Gebalita at ang buong Lebanon, sa dakong sinisikatan ng araw, mula sa Baal-gad, sa ibaba ng bundok Hermon hanggang sa pasukan sa Hamat;

ang(A) lahat ng naninirahan sa lupaing maburol mula sa Lebanon hanggang sa Misrefot-maim, samakatuwid ay lahat ng mga Sidonio; sila'y aking itataboy mula sa harapan ng mga anak ni Israel: lamang ay ibabahagi mo sa Israel bilang pamana, gaya ng iniutos ko sa iyo.

Kaya ngayon, hatiin mo ang lupaing ito bilang pamana sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi ni Manases.”

Ang Paghahati sa Lupaing nasa Silangan ng Jordan

Kasama(B) nito, tinanggap ng mga Rubenita at ng mga Gadita ang kanilang mana na ibinigay sa kanila ni Moises, sa kabila ng Jordan na dakong silangan gaya ng ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon;

mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon, at ang bayan na nasa gitna ng libis, at ang buong kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon;

10 at ang lahat ng lunsod ni Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghahari sa Hesbon hanggang sa hangganan ng mga anak ni Ammon;

11 at ang Gilead, ang hangganan ng mga Geshureo at ng mga Maacatita at ang buong bundok ng Hermon, at ang buong Basan hanggang sa Saleca;

12 ang buong kaharian ni Og sa Basan, na naghari sa Astarot at sa Edrei (siya lamang nalabi sa mga Refaim); ang mga ito ang nagapi at itinaboy ni Moises.

13 Gayunma'y hindi itinaboy ng mga anak ni Israel ang mga Geshureo, ni ang mga Maacatita; kundi ang Geshur at ang Maacat ay nanirahan sa loob ng Israel hanggang sa araw na ito.

14 Ang(C) lipi lamang ni Levi ang hindi niya binigyan ng pamana; ang mga handog na pinaraan sa apoy sa Panginoong Diyos ng Israel ay kanilang pamana, gaya ng sinabi niya sa kanya.

Ang Ipinamana kay Ruben

15 At nagbigay si Moises ng pamana sa lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa kanilang mga angkan.

16 Ang kanilang hangganan ay mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at ang lunsod na nasa gitna ng libis, at ang buong kapatagan sa tabi ng Medeba;

17 ang Hesbon at ang lahat ng mga bayan nito na nasa kapatagan; ang Dibon at ang Bamot-baal, at ang Bet-baalmeon;

18 ang Jahaz, Kedemot, at ang Mefaat;

19 ang Kiryataim, Sibma, Zeret-shahar, sa burol ng libis;

20 ang Bet-peor, ang mga libis ng Pisga, ang Bet-jesimoth;

21 at ang lahat ng mga lunsod sa kapatagan at ang buong kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo na naghari sa Hesbon, na ginapi ni Moises kasama ang mga pinuno sa Midian; sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at si Reba, na mga pinuno ni Sihon, na nanirahan sa lupain.

22 Maging si Balaam na anak ni Beor na manghuhula ay pinatay ng tabak ng mga anak ni Israel sa mga nalabi sa kanilang pinatay.

23 Ang hangganan ng mga anak ni Ruben ay ang Jordan at ang hangganan nito. Ito ang pamana sa mga anak ni Ruben ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon.

Ang Ipinamana kay Gad

24 Ibinigay ni Moises sa lipi ni Gad, sa mga anak ni Gad, ang ayon sa kanilang mga angkan.

25 Ang kanilang hangganan ay ang Jazer, at ang lahat na lunsod ng Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga anak ni Ammon hanggang sa Aroer na nasa tapat ng Rabba;

26 at mula sa Hesbon hanggang sa Ramat-mizpa, at sa Betonim; at mula sa Mahanaim hanggang sa nasasakupan ng Debir.

27 At sa libis, ang Bet-haram, Bet-nimra, Sucot, Zafon, at ang nalabi sa kaharian ni Sihon na hari sa Hesbon, na ang Jordan ang hangganan nito, hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng dagat ng Cineret, sa kabila ng Jordan sa dakong silangan.

28 Ito ang pamana sa mga anak ni Gad ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon.

Ang Ipinamana sa Kalahating Lipi ni Manases

29 Si Moises ay nagbigay ng pamana sa kalahating lipi ni Manases: at ito ay ibinigay sa kalahating lipi ng mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan.

30 Ang kanilang hangganan ay mula sa Mahanaim, ang buong Basan, ang buong kaharian ni Og na hari sa Basan at ang lahat ng mga lunsod ng Jair na nasa Basan, animnapung bayan.

31 Ang kalahati ng Gilead at ang Astarot at ang Edrei, ang mga lunsod ng kaharian ni Og sa Basan, ay sa mga anak ni Makirita na anak ni Manases, samakatuwid ay sa kalahati ng mga anak ni Makirita ayon sa kanilang mga angkan.

32 Ito ang mga pamana na ibinahagi ni Moises sa mga kapatagan ng Moab, sa kabila ng Jordan sa silangan ng Jerico.

33 Ngunit(D) sa lipi ni Levi ay walang ibinigay na pamana si Moises; ang Panginoon na Diyos ng Israel ay kanilang pamana, gaya ng kanyang sinabi sa kanila.

Ang Paghahati sa Lupaing Nasa Kanluran ng Jordan

14 Ito ang mga pamanang tinanggap ng mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan, na ipinamahagi sa kanila ng paring si Eleazar, at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel,

sa(E) pamamagitan ng palabunutan ng kanilang mana, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi.

Sapagkat(F) nabigyan na ni Moises ng pamana ang dalawang lipi at ang kalahating lipi sa kabila ng Jordan; ngunit sa mga Levita ay wala siyang ibinigay na pamana sa kanila.

Sapagkat ang mga anak ni Jose ay naging dalawang lipi, ang Manases at ang Efraim; at wala ng bahaging ibinigay sa mga Levita sa lupain, liban sa mga lunsod na matitirahan, pati ng mga pastulan para sa kanilang hayop at sa kanilang pag-aari.

Kung paano iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, at kanilang ipinamahagi ang lupain.

Ang Hebron ay Ibinigay kay Caleb

Nang(G) magkagayo'y lumapit ang mga anak ni Juda kay Josue sa Gilgal; at sinabi sa kanya ni Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, “Nalalaman ninyo ang sinabi ng Panginoon kay Moises, na tao ng Diyos, tungkol sa akin at tungkol sa iyo sa Kadesh-barnea.

Ako'y(H) apatnapung taon nang ako'y suguin ni Moises na lingkod ng Panginoon mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain; at dinalhan ko siya ng ulat na gaya ng nasa aking puso.

Subalit pinapanghina ng mga kapatid na kasama ko ang puso ng bayan; ngunit ako'y lubos na sumunod sa Panginoon kong Diyos.

At(I) si Moises ay sumumpa nang araw na iyon, ‘Tunay na ang lupaing tinuntungan ng iyong paa ay magiging isang pamana sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman, sapagkat lubos kang sumunod sa Panginoon kong Diyos.’

10 At ngayon, gaya ng kanyang sinabi, iningatan akong buháy ng Panginoon, nitong apatnapu't limang taon, mula nang panahong sabihin ng Panginoon ang salitang ito kay Moises, samantalang lumalakad ang Israel sa ilang. Sa araw na ito ako'y walumpu't limang taong gulang na.

11 Gayunma'y malakas pa ako hanggang sa araw na ito na gaya ng araw na suguin ako ni Moises. Kung ano ang lakas ko noon, ay gayon ang lakas ko ngayon sa pakikidigma, at gayundin sa paglabas-pasok.

12 Ngayon nga'y ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito na sinabi ng Panginoon nang araw na iyon; sapagkat nabalitaan mo nang araw na iyon kung paanong nariyan ang mga Anakim, na mga lunsod na malalaki at may pader; marahil ay sasamahan ako ng Panginoon, at maitataboy ko sila na gaya ng sinabi ng Panginoon.”

13 At binasbasan siya ni Josue at kanyang ibinigay ang Hebron kay Caleb na anak ni Jefone, bilang pamana niya.

14 Kaya't ang Hebron ay naging pamana ni Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo hanggang sa araw na ito; sapagkat kanyang lubos na sinunod ang Panginoon, ang Diyos ng Israel.

15 Ang pangalan ng Hebron nang una ay Kiryat-arba; itong Arba ang pinakadakilang lalaki sa mga Anakim. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikidigma.

Lucas 18:1-17

Ang Talinghaga ng Balo at ng Hukom

18 At isinalaysay ni Jesus[a] sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay.

Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang.

At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.’

May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, ‘Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao,

subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.’”

At sinabi ng Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom.

At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila?

Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?”

Talinghaga ng Fariseo at ang Maniningil ng Buwis

Isinalaysay rin niya ang talinghagang ito sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili, na sila'y matutuwid at hinahamak ang iba.

10 “Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin. Ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis.

11 Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, ‘Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya, o gaya man ng maniningil ng buwis na ito.

12 Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!’

13 Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, ‘Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.’

14 Sinasabi(A) ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring-ganap sa halip na ang isa. Sapagkat ang bawat nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, ngunit ang nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas.”

Binasbasan ni Jesus ang mga Sanggol(B)

15 Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila.

16 Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.

17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon.”

Mga Awit 85

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.

85 Panginoon, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain,
    ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob.
Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan,
    pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah)
Inalis mo ang lahat ng poot mo,
    tumalikod ka sa bangis ng galit mo.

O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin,
    at alisin mo ang iyong galit sa amin.
Magagalit ka ba sa amin magpakailanman?
    Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi?
Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo,
    upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
O Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo,
    at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo.

Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
    sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
    at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
    upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
    ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
    at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
    at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
    at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.

Mga Kawikaan 13:7-8

May nagkukunwaring mayaman, subalit wala naman,
    may nagpapanggap na dukha, gayunma'y napakayaman.
Ang pantubos sa buhay ng tao ay ang kanyang kayamanan,
    ngunit ang dukha ay walang banta sa kanyang buhay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001