Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 33

Binasbasan ni Moises ang mga Lipi ni Israel

33 Ito ang basbas na iginawad ni Moises, ang tao ng Diyos, sa mga anak ni Israel bago siya namatay.

At kanyang sinabi,

“Ang Panginoo'y nanggaling sa Sinai,
    at lumitaw sa Seir patungo sa kanila;
    siya'y lumiwanag mula sa bundok ng Paran,
at siya'y may kasamang laksa-laksang mga banal:
    sa kanyang kanang kamay ay ang kanyang sariling hukbo.
Oo, iniibig niya ang bayan:
    lahat ng kanyang mga banal ay nasa iyong kamay;
sila'y sumunod sa iyong mga yapak,
    na tumatanggap ng tagubilin mula sa iyo.
Si Moises ay nag-atas sa atin ng isang kautusan,
    isang pamana para sa kapulungan ni Jacob.
Nagkaroon ng hari sa Jeshurun,
    nang magkatipon ang mga pinuno ng bayan,
    pati ang lahat ng mga lipi ni Israel.
“Mabuhay nawa ang Ruben, at huwag mamatay;
    kahit kaunti man ang kanyang mga tao.”

At ito ang sinabi niya tungkol sa Juda:

“Dinggin mo, Panginoon, ang tinig ng Juda,
    at dalhin mo siya sa kanyang bayan:
sa pamamagitan ng iyong mga kamay ay ipaglaban siya,
    at maging katulong laban sa kanyang mga kaaway.”

At(A) tungkol kay Levi ay kanyang sinabi,

“Ang iyong Tumim at ang iyong Urim ay para sa inyong mga banal,
na iyong sinubok sa Massah,
    nakipagtunggali ka sa kanya sa mga tubig ng Meriba;
na siyang nagsabi tungkol sa kanyang ama at ina,
    ‘Hindi ko siya nakita;’
ni hindi niya kinilala ang kanyang mga kapatid,
    ni kinilala niya ang kanyang sariling mga anak.
Sapagkat kanilang sinunod ang iyong salita,
    at ginaganap ang iyong tipan.
10 Ituturo nila ang iyong batas kay Jacob,
    at ang iyong mga kautusan sa Israel;
sila'y maglalagay ng insenso sa harapan mo,
    at ng buong handog na sinusunog sa ibabaw ng iyong dambana.
11 Basbasan mo, Panginoon, ang kanyang kalakasan,
    at tanggapin mo ang gawa ng kanyang mga kamay;
baliin mo ang mga balakang ng mga naghihimagsik laban sa kanya,
    at ang mga napopoot sa kanya, upang sila'y huwag nang muling bumangon.”

12 Tungkol kay Benjamin ay kanyang sinabi,

“Ang minamahal ng Panginoon ay maninirahang ligtas sa siping niya;
na kinakanlungan siya buong araw,
    oo, siya'y maninirahan sa pagitan ng kanyang mga balikat.”

13 At tungkol kay Jose ay kanyang sinabi,

“Pagpalain nawa ng Panginoon ang kanyang lupain,
    sa pinakamabuti mula sa langit, sa hamog,
    at sa kalaliman na nasa ilalim,
14 at sa pinakamabuti sa mga bunga ng araw,
    at sa mga pinakamabuting bunga ng mga buwan,
15 at sa pinakamagandang bunga ng matandang bundok,
    at sa mga pinakamabuti sa mga burol na walang hanggan,
16 at sa pinakamabuti sa lupa at sa lahat ng naroroon;
    at ang kanyang mabuting kalooban na naninirahan sa mababang punungkahoy:
dumating nawa ito sa ulo ni Jose,
    at sa tuktok ng ulo niya na itinalaga sa kanyang mga kapatid.
17 Gaya ng panganay ng kanyang baka, kaluwalhatian ay sa kanya,
    at ang mga sungay ng mabangis na toro ay kanyang mga sungay;
sa pamamagitan ng mga iyon ay itutulak niya ang mga bayan
    hanggang sa mga hangganan ng lupa,
at sila ang sampung libu-libo ni Efraim,
    at sila ang libu-libo ni Manases.”

18 At tungkol kay Zebulon ay kanyang sinabi,

“Magalak ka, Zebulon, sa iyong paglabas;
    at ikaw, Isacar, sa iyong mga tolda.
19 Kanilang tatawagin ang mga bayan sa bundok;
    maghahandog sila ng mga matuwid na alay;
sapagkat kanilang sisipsipin ang mga kasaganaan ng mga dagat,
    at ang natatagong kayamanan sa buhanginan.”

20 At tungkol kay Gad, ay kanyang sinabi,

“Pagpalain ang nagpalaki kay Gad:
    siya'y mabubuhay na parang isang leon,
    at lalapain ang bisig at ang bao ng ulo.
21 Kanyang pinili ang pinakamabuti sa lupain para sa kanya,
    sapagkat doon nakatago ang bahagi ng isang pinuno,
at siya'y dumating sa mga pinuno ng bayan,
    kanyang isinagawa ang katuwiran ng Panginoon,
    at ang kanyang mga batas sa Israel.”

22 At tungkol kay Dan ay kanyang sinabi,

“Si Dan ay anak ng leon,
    na lumukso mula sa Basan.”

23 At tungkol kay Neftali ay kanyang sinabi,

“O Neftali, na busog ng mabuting kalooban,
    at puspos ng pagpapala ng Panginoon;
    angkinin mo ang kanluran at ang timog.”

24 At tungkol kay Aser ay kanyang sinabi,

“Pagpalain si Aser nang higit sa ibang mga anak;
    itangi nawa siya ng kanyang mga kapatid,
    at ilubog ang kanyang paa sa langis.
25 Ang iyong mga halang ay magiging bakal at tanso;
    kung paano ang iyong mga araw ay gayon nawa ang iyong lakas.
26 “Walang gaya ng Diyos, O Jeshurun,
    na sumasakay sa langit dahil sa pagtulong sa iyo,
    at sa himpapawid dahil sa kanyang karangalan.
27 Ang walang hanggang Diyos ay isang kanlungan,
    at sa ibaba'y ang walang hanggang mga bisig.
At kanyang palalayasin ang kaaway sa harapan mo,
    at sinabi, ‘Puksain.’
28 Kaya't ang Israel ay ligtas na namumuhay,
    ang bukal ni Jacob sa lupain ng trigo at alak,
    oo, ang kanyang mga langit ay magbababa ng hamog.
29 Mapalad ka, O Israel! Sino ang gaya mo,
    bayang iniligtas ng Panginoon,
ang kalasag na iyong tulong,
    ang tabak ng iyong tagumpay!
At ang iyong mga kaaway ay manginginig sa harapan mo,
    at ikaw ay tutuntong sa kanilang mga matataas na dako.”

Lucas 13:1-21

Magsisi o Mamatay

13 Nang panahong iyon, mayroong ilan na naroon na nagsabi sa kanya tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga iyon ay inihalo ni Pilato sa mga alay nila.

At sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo na ang mga taga-Galileang iyon ay higit na makasalanan kaysa lahat ng mga taga-Galilea, dahil sila'y nagdusa nang gayon?

Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila.

O ang labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam at sila'y napatay, inaakala ba ninyo na sila'y higit na maysala kaysa lahat ng taong naninirahan sa Jerusalem?

Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, kayong lahat ay mapapahamak ding tulad nila.”

Talinghaga ng Punong Igos na Walang Bunga

Isinalaysay niya ang talinghagang ito: “Ang isang tao ay may isang puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Siya'y pumunta upang maghanap ng bunga roon, subalit walang nakita.

Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tingnan ninyo, tatlong taon na akong pumaparito na humahanap ng bunga sa punong igos na ito, at wala akong makita. Putulin mo ito. Bakit sinasayang nito ang lupa?’

At sumagot siya sa kanya, “Panginoon, hayaan mo muna sa taóng ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot at malagyan ng pataba.

At kung ito ay magbunga sa susunod na taon, ay mabuti; subalit kung hindi, maaari mo na itong putulin.”

Pinagaling ni Jesus nang Araw ng Sabbath ang Babaing may Sakit

10 Noon ay nagtuturo siya sa isa sa mga sinagoga nang araw ng Sabbath.

11 At naroon ang isang babae na may espiritu ng karamdaman sa loob ng labingwalong taon. Siya ay baluktot at hindi niya kayang tumayo ng talagang matuwid.

12 Nang siya'y makita ni Jesus, kanyang tinawag siya at sinabi sa kanya, “Babae, pinalaya ka na sa iyong sakit.”

13 Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa kanya at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos.

14 Subalit(A) ang pinuno ng sinagoga, na galit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa Sabbath, ay nagsabi sa maraming tao, “May anim na araw na dapat gumawa, pumarito kayo sa mga araw na iyon at kayo'y pagagalingin at hindi sa araw ng Sabbath.”

15 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo sa Sabbath ang kanyang bakang lalaki o ang kanyang asno mula sa sabsaban at ito'y inilalabas upang painumin?

16 At hindi ba dapat na ang babaing ito na anak ni Abraham, na ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon ay kalagan sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabbath?”

17 Nang sabihin niya ang mga bagay na ito, napahiya ang lahat ng kanyang mga kaaway at nagalak ang maraming tao dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kanyang ginawa.

Talinghaga ng Butil ng Mustasa(B)

18 Sinabi niya, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos at sa ano ko ito ihahambing?

19 Ito ay tulad sa isang butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang halamanan. Ito'y tumubo, naging isang punungkahoy at dumapo sa mga sanga nito ang mga ibon sa himpapawid.”

Talinghaga ng Pampaalsa(C)

20 At muling sinabi niya, “Sa ano ko ihahambing ang kaharian ng Diyos?

21 Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo[a] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nahaluang lahat ng pampaalsa.”

Mga Awit 78:65-72

65 Nang magkagayon ang Panginoon sa pagtulog ay gumising,
    gaya ng malakas na tao na sumisigaw dahil sa pagkalasing.
66 At sinaktan niya sa likod ang kanyang mga kaaway;
    sa walang hanggang kahihiyan, kanya silang inilagay.

67 Ang tolda ni Jose ay kanyang itinakuwil,
    hindi niya pinili ang lipi ni Efraim;
68 kundi ang lipi ni Juda ang kanyang pinili,
    ang bundok ng Zion na kanyang minamahal.
69 Itinayo niya ang kanyang santuwaryo na gaya ng mga kataasan,
    gaya ng lupa na kanyang itinatag magpakailanman.
70 Pinili(A) niya si David na lingkod niya,
    at kanyang kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa.
71 Mula sa pag-aalaga ng mga pasusuhing tupa siya ay kanyang dinala,
    upang maging pastol ng Jacob na bayan niya,
    ng Israel na kanyang pamana.
72 Kaya't siya'y nagpastol sa kanila ayon sa katapatan ng kanyang puso,
    at kanyang pinatnubayan sila ng sanay na mga kamay.

Mga Kawikaan 12:25

25 Nagpapabigat sa puso ng tao ang pagkabalisa,
    ngunit ang mabuting salita ay nagpapasaya sa kanya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001