Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 2:10-3:31

10 Ang buong lahing iyon ay nalakip din sa kanilang mga magulang. Doon ay may ibang salinlahing bumangon pagkamatay nila na hindi kilala ang Panginoon, ni ang mga bagay na kanyang ginawa para sa Israel.

Naglingkod kay Baal ang Bayan

11 Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga Baal.

12 Kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto. Sumunod sila sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila'y yumukod sa mga iyon; at kanilang ginalit ang Panginoon.

13 Kanilang tinalikuran ang Panginoon, at naglingkod sa mga Baal at Astarte.

14 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel, at kanyang ibinigay sila sa mga manloloob. Kanyang ipinagbili sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway sa palibot, anupa't sila'y hindi na makatagal sa kanilang mga kaaway.

15 Saan man sila humayo, ang kamay ng Panginoon ay laban sa kanila sa ikasasama nila, gaya nang ibinabala at isinumpa sa kanila ng Panginoon, sila'y nagipit na mabuti.

16 Kaya't ang Panginoon ay naglagay ng mga hukom na nagligtas sa kanila sa kapangyarihan ng mga nanloob sa kanila.

17 Gayunma'y hindi nila pinakinggan ang kanilang mga hukom, kundi sila'y sumamba sa ibang mga diyos, at kanilang niyukuran ang mga iyon. Hindi nagtagal, sila'y lumihis sa daan na nilakaran ng kanilang mga ninuno na sumunod sa mga utos ng Panginoon; hindi sila sumunod sa kanilang halimbawa.

18 Tuwing maglalagay ng hukom ang Panginoon para sa kanila, ang Panginoon ay kasama ng hukom, at kanyang iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom, sapagkat naawa ang Panginoon dahil sa kanilang daing, dahil sa mga nagpahirap at nang-api sa kanila.

19 Ngunit pagkamatay ng hukom, sila'y tumalikod at kumilos na mas masama pa kaysa kanilang mga ninuno. Sila'y sumunod sa ibang mga diyos pinaglingkuran at niyuyukuran ang mga ito. Hindi nila inihinto ang alinman sa kanilang mga gawa, ni ang kanilang mga pagmamatigas.

20 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel; at kanyang sinabi, “Sapagkat sinuway ng bayang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga ninuno, at hindi dininig ang aking tinig.

21 Kaya't hindi ko na palalayasin sa harap nila ang alinman sa mga bansang iniwan ni Josue nang siya'y mamatay;

22 upang sa pamamagitan nila'y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng Panginoon upang lakaran nila, na gaya ng ginawa ng kanilang mga ninuno.”

23 Kaya't iniwan ng Panginoon ang mga bansang iyon, sila'y hindi niya agad pinalayas, ni ibinigay sila sa kamay ni Josue.

Ang mga Bansang Iniwan ng Panginoon upang Subukin ang Israel

Ito ang mga bansang iniwan ng Panginoon upang subukin ang mga Israelita na walang karanasan sa pakikipaglaban sa Canaan;

Iyon ay upang malaman ng mga salinlahi ng mga anak ni Israel ang pakikipaglabanan, upang turuan sa pakikipaglaban ang mga hindi nakaranas nito noong una.

Ang nabanggit ay ang limang pinuno ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, mga Sidonio, at mga Heveo na naninirahan sa bundok ng Lebanon, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamat.

Ang mga ito ay upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, at malaman kung kanilang papakinggan ang mga utos ng Panginoon, na kanyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.

Kaya't ang mga anak ni Israel ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, mga Heteo, mga Amoreo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo.

Kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, at naglingkod sa kanilang mga diyos.

Si Otniel ang Siyang Naging Hukom

Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Diyos, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Ashera.

Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Cushan-risataim, na hari sa Mesopotamia; at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Cushan-risataim ng walong taon.

Ngunit nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel, ang Panginoon ay nagbangon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, samakatuwid ay si Otniel na anak ni Kenaz, na nakababatang kapatid ni Caleb.

10 Ang Espiritu ng Panginoon ay sumakanya, at siya'y naging hukom sa Israel. Siya'y lumabas sa pakikipaglaban, at ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay si Cushan-risataim na hari sa Mesopotamia at ang kanyang kamay ay nanaig laban kay Cushan-risataim.

11 Kaya't nagpahinga ang lupain ng apatnapung taon. At si Otniel na anak ni Kenaz ay namatay.

12 Muling gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon. Pinatatag ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagkat kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.

13 Kanyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalek at siya'y humayo at tinalo niya ang Israel, at kanilang inangkin ang lunsod ng mga puno ng palma.

14 Ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na hari ng Moab ng labingwalong taon.

Naging Hukom si Ehud

15 Ngunit nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, humirang para sa kanila ang Panginoon ng isang tagapagligtas, si Ehud na anak ni Gera, ang Benjaminita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel ay nagpadala ng buwis sa pamamagitan niya kay Eglon na hari ng Moab.

16 Si Ehud ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kanyang ibinigkis sa loob ng kanyang suot, sa kanyang dakong kanang hita.

17 Kanyang inihandog ang buwis kay Eglon na hari ng Moab; at si Eglon ay lalaking napakataba.

18 Pagkatapos makapaghandog ng buwis, pinaalis niya ang mga taong nagdala ng kaloob.

19 Ngunit siya ay bumalik mula sa tibagan ng bato na malapit sa Gilgal, at nagsabi, “Ako'y may isang lihim na mensahe sa iyo, O hari.” At kanyang sinabi, “Tumahimik ka.” At ang lahat ng kanyang tagapaglingkod ay umalis sa kanyang harapan.

20 Si Ehud ay lumapit sa kanya habang siya'y nakaupong mag-isa sa kanyang malamig na silid sa itaas. Sinabi ni Ehud, “Ako'y may dalang mensahe sa iyo na mula sa Diyos.” Siya'y tumindig sa kanyang upuan.

21 At inabot ni Ehud ng kanyang kaliwang kamay ang tabak mula sa kanyang kanang hita, at isinaksak sa tiyan ni Eglon.

22 Pati ang puluhan ay sumuot na kasunod ng talim, at natikom ang taba sa tabak, sapagkat hindi niya binunot ang tabak sa kanyang tiyan; at lumabas ang dumi.

23 Nang magkagayo'y lumabas si Ehud sa pintuan, at pinagsarhan niya ng mga pintuan ang silid sa itaas at ikinandado ang mga ito.

24 Nang makalabas siya ay dumating ang kanyang mga katulong. Kanilang nakita na ang mga pintuan ng silid sa itaas ay nakakandado; at kanilang sinabi, “Maaaring siya ay dumudumi[a] sa malamig na silid.”

25 Sila'y naghintay hanggang sa sila'y mag-alala. Nang hindi pa niya buksan ang mga pintuan ng silid sa itaas, sila'y kumuha ng susi at binuksan ang mga ito. Nakita nilang ang kanilang panginoon ay patay na nakabulagta sa sahig.

26 Tumakas si Ehud samantalang sila'y naghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seira.

27 Pagdating niya ay kanyang hinipan ang trumpeta sa lupaing maburol ng Efraim, at ang mga anak ni Israel ay lumusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y nasa unahan nila.

28 Kanyang sinabi sa kanila, “Sumunod kayo sa akin; sapagkat ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay.” At sila'y lumusong na kasunod niya, sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinumang tao.

29 Ang kanilang napatay nang panahong iyon ay may sampung libo sa mga Moabita, lahat ng malalakas, matitipuno ang katawan; at doo'y walang nakatakas na lalaki.

30 Gayon nalupig ang Moab nang araw na iyon, sa ilalim ng kamay ng Israel. At ang lupain ay nagpahinga ng walumpung taon.

Tinalo ni Shamgar ang mga Filisteo

31 Kasunod niya'y dumating si Shamgar, na anak ni Anat, na nakapatay ng animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng panundot sa baka; at kanya ring iniligtas ang Israel.

Lucas 22:14-34

Ang Hapunan ng Panginoon(A)

14 Nang dumating ang oras ay naupo siya sa hapag, at ang mga apostol ay kasama niya.

15 Sinabi niya sa kanila, “Pinakahahangad kong kainin na kasalo kayo ang kordero ng Paskuwang ito bago ako magdusa,

16 sapagkat sinasabi ko sa inyo, ito'y hindi ko kakainin[a] hanggang sa ito'y ganapin sa kaharian ng Diyos.”

17 At siya'y tumanggap ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat, sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at inyong paghati-hatian.

18 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.”

19 At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, kanyang pinagputul-putol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, “Ito'y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”

20 Gayundin(B) naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo.[b]

21 Subalit(C) tingnan ninyo, ang nagkakanulo sa akin ay kasama ko, at ang kamay niya ay nasa hapag.

22 Sapagkat ang Anak ng Tao ay patungo ayon sa itinakda, subalit kahabag-habag ang taong nagkakanulo sa kanya!”

23 At sila'y nagsimulang magtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa nito.

Ang Pagtatalu-talo tungkol sa Kadakilaan

24 Nagkaroon(D) ng isang pagtatalu-talo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ituturing na pinakadakila.

25 At(E) kanyang sinabi sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay nagpapapanginoon sa kanila; at ang mga may awtoridad sa kanila'y tinatawag na mga tagapagpala.

26 Subalit(F) sa inyo'y hindi gayon. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang maging pinakabata at ang pinuno ang siyang naglilingkod.

27 Sapagkat(G) alin ang higit na dakila, ang nakaupo ba sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Subalit ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod.

28 “Kayo'y yaong patuloy na kasama ko sa mga pagsubok sa akin.

29 At inilalaan ko sa inyo kung paanong ang Ama ay naglaan para sa akin ng isang kaharian,

30 upang(H) kayo'y kumain at uminom sa aking hapag sa kaharian ko, at kayo'y umupo sa mga trono, na hinuhukuman ang labindalawang lipi ni Israel.”

Sinabi ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(I)

31 “Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo,

32 subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid.”

33 At sinabi niya sa kanya, “Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan.”

34 Sinabi ni Jesus,[c] “Sinasabi ko sa iyo, Pedro, ang manok ay hindi titilaok sa araw na ito hanggang hindi mo ako naipagkakaila ng tatlong ulit.”

Mga Awit 92-93

Isang Awit para sa Sabbath.

92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
    ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
    at sa gabi ng katapatan mo,
sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
    at sa matunog na himig ng lira.
Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
    sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.
Kay dakila ng iyong mga gawa, O Panginoon!
    Ang iyong kaisipan ay napakalalim!
Ang taong mapurol ay hindi makakaalam;
    hindi ito mauunawaan ng hangal:
bagaman parang damo na ang masama ay lumilitaw,
    at umuunlad ang mga gumagawa ng kasamaan,
sila'y nakatalaga sa pagkawasak magpakailanman,
    ngunit ikaw, O Panginoon, ay mataas magpakailanman.
Sapagkat, O Panginoon, ang mga kaaway mo,
    sapagkat malilipol ang mga kaaway mo;
    lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mangangalat.

10 Ngunit itinaas mo ang sungay ko, na gaya ng sa mailap na toro,
    ng sariwang langis ako'y binuhusan mo.
11 Nakita ng aking mata ang pagbagsak ng aking mga kaaway,
    narinig ng aking mga tainga ang kapahamakan ng tumitindig laban sa akin.

12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
    at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
    sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
    sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
    siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.

Ang Diyos na Hari

93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
    ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
    Ang trono mo'y natatag noong una;
    ikaw ay mula sa walang pasimula.
Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
    kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
    ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!

Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
    ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
    O Panginoon, magpakailanman.

Mga Kawikaan 14:1-2

14 Ang matalinong babae[a] ay nagtatayo ng kanyang bahay,
    ngunit binubunot ito ng hangal ng sarili niyang mga kamay.
Ang lumalakad sa katuwiran sa Panginoon ay gumagalang,
    ngunit ang suwail sa kanyang mga lakad sa kanya'y lumalapastangan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001