Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 29-30

Ang Tipan ng Panginoon sa Israel sa Lupain ng Moab

29 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kanyang ginawa sa kanila sa Horeb.

Tinawag ni Moises ang buong Israel at sinabi sa kanila, “Inyong nakita ang lahat na ginawa ng Panginoon sa harapan ng inyong paningin sa lupain ng Ehipto, kay Faraon at sa lahat ng kanyang lingkod at kanyang buong lupain;

ang malaking pagsubok na nakita ng inyong mga mata, ang mga tanda, at ang mga dakilang kababalaghan.

Ngunit hindi kayo binigyan ng Panginoon ng isipang makakaunawa, at ng mga matang makakakita, at ng mga pandinig na makakarinig, hanggang sa araw na ito.

Pinatnubayan ko kayo ng apatnapung taon sa ilang; ang inyong mga damit ay hindi naluma, at ang inyong sandalyas ay hindi nasira sa inyong paa.

Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing, upang inyong malaman na ako ang Panginoon ninyong Diyos.

At(A) nang kayo'y dumating sa dakong ito, si Sihon na hari ng Hesbon at si Og na hari ng Basan ay lumabas laban sa atin sa pakikidigma at ating tinalo sila.

Ating(B) sinakop ang kanilang lupain at ibinigay natin bilang pamana sa mga Rubenita, Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.

Kaya't ingatan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong gawin upang kayo'y magtagumpay sa lahat ng inyong ginagawa.

10 “Kayong lahat ay nakatayo sa araw na ito sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos; ang inyong mga puno, ang inyong mga lipi, ang inyong matatanda, at ang inyong mga pinuno, lahat ng mga lalaki sa Israel,

11 ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang dayuhan na nasa gitna ng inyong mga kampo mula sa inyong mangangahoy hanggang sa tagasalok ng inyong tubig;

12 upang ikaw ay makipagtipan sa Panginoon mong Diyos, at sa kanyang pangako na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Diyos sa araw na ito;

13 upang kanyang itatag ka sa araw na ito bilang isang bayan, at upang siya'y maging iyong Diyos, na gaya ng kanyang ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.

14 Hindi lamang sa inyo ko ginagawa ang tipang ito at ang pangakong ito;

15 kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harapan ng Panginoon nating Diyos, at gayundin sa hindi natin kasama sa araw na ito;

16 “(Sapagkat nalalaman ninyo kung paanong nanirahan tayo sa lupain ng Ehipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;

17 at inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal na bagay, at ang kanilang mga diyus-diyosan na yari sa kahoy, bato, pilak at ginto na nasa gitna nila.)

18 Baka(C) magkaroon sa gitna ninyo ng lalaki, o babae, o angkan, o lipi na ang puso'y humiwalay sa araw na ito sa ating Panginoong Diyos, upang maglingkod sa mga diyos ng mga bansang iyon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nakalalason at ng mapait na bunga;

19 na kapag kanyang narinig ang mga salita ng sumpang ito ay kanyang basbasan ang kanyang sarili sa kanyang puso, na sasabihin, ‘Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso.’ Makapagpapaalis ito ng basa-basa at pagkatuyo.

20 Hindi siya patatawarin ng Panginoon, kundi ang galit at paninibugho ng Panginoon ay mag-uusok laban sa taong iyon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay mapapasa kanya at papawiin ng Panginoon ang kanyang pangalan sa ilalim ng langit.

21 Ihihiwalay siya ng Panginoon sa lahat ng mga lipi sa Israel para sa sakuna, ayon sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan.

22 Ang mga lahing darating, ang inyong mga anak na babangon pagkamatay ninyo, at ang dayuhan na magmumula sa malayong lupain ay magsasabi, kapag nakita nila ang mga salot ng lupaing iyon, at ang sakit na inilagay ng Panginoon,

23 at(D) ang buong lupaing iyon ay sunóg na asupre, at asin, na hindi nahahasikan, hindi nagbubunga, ni walang tumutubong damo, na gaya ng nangyari sa pagkawasak ng Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboyin, na winasak ng Panginoon sa kanyang matinding galit.

24 Kaya't lahat ng mga bansa ay magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupaing ito? Ano ang dahilan ng pagpapakita ng ganitong matinding galit?’

25 Kaya't sasabihin ng mga tao, ‘Sapagkat kanilang tinalikuran ang tipan ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na kanyang ginawa sa kanila nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto;

26 at sila'y humayo at naglingkod sa ibang mga diyos, at sinamba nila ang mga diyos na hindi nila nakilala na hindi niya ibinigay sa kanila.

27 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-init laban sa lupaing ito, at dinala sa kanya ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito.

28 Sila'y binunot ng Panginoon sa kanilang lupain dahil sa galit, sa poot, at sa malaking pagngingitngit, at sila'y itinaboy sa ibang lupain, gaya sa araw na ito.’

29 “Ang mga bagay na lihim ay para sa Panginoon nating Diyos, ngunit ang mga bagay na hayag ay para sa atin at sa ating mga anak magpakailanman, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.

Mga Pasubali sa Pagsasauli at Pagpapala

30 “Kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo, ang pagpapala at ang sumpa na inilagay ko sa harapan mo, at iyong bulay-bulayin ang mga iyon sa gitna ng lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa iyo ng Panginoon mong Diyos

at magbalik ka sa Panginoon mong Diyos at sundin mo at ng iyong mga anak nang buong puso at kaluluwa ang kanyang tinig ayon sa lahat na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito,

babawiin[a] ng Panginoon mong Diyos ang iyong pagkabihag at mahahabag sa iyo. Ibabalik at titipunin ka sa lahat ng mga bayang pinagkalatan sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

Kung ang pagkakabihag sa iyo ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng langit, mula roo'y titipunin at kukunin ka ng Panginoon mong Diyos.

Dadalhin ka ng Panginoon mong Diyos sa lupaing inangkin ng iyong mga ninuno, at iyong aangkinin, at gagawan ka niya ng mabuti at pararamihin ka niya nang higit kaysa iyong mga ninuno.

Tutuliin ng Panginoon mong Diyos ang iyong puso at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso at kaluluwa mo, upang ikaw ay mabuhay.

Lahat ng mga sumpang ito ng Panginoon mong Diyos ay darating sa mga kaaway at sa kanila na napopoot at umusig sa iyo.

Kung magkagayon ikaw ay babalik at susunod sa tinig ng Panginoon at iyong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

Pasasaganain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay, sa bunga ng iyong katawan, sa anak ng iyong bakahan, at sa bunga ng iyong lupa. Sapagkat muling magagalak ang Panginoon sa pagpapasagana sa iyo, gaya ng kanyang ikinagalak sa iyong mga ninuno,

10 kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Diyos at tutuparin mo ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntuning nasusulat sa aklat na ito ng kautusan; kung ikaw ay manunumbalik sa Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, at kaluluwa.

11 “Sapagkat ang utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay hindi napakabigat para sa iyo, ni malayo.

12 Wala(E) ito sa langit, upang huwag mong sabihin, ‘Sinong aakyat sa langit para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?’

13 Ni wala sa kabila ng dagat upang huwag mong sabihin, ‘Sino ang daraan sa dagat para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?’

14 Kundi ang salita ay napakalapit sa iyo, ito ay nasa iyong bibig, at nasa iyong puso, kaya't ito ay iyong magagawa.

15 “Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo sa araw na ito ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan;

16 at iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan. Tuparin mo ang kanyang mga utos, ang kanyang mga tuntunin, at mga batas upang ikaw ay mabuhay at dumami, at pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong pinapasok upang angkinin.

17 Ngunit kung ang iyong puso ay tumalikod at hindi mo diringgin, kundi maliligaw at sasamba ka sa ibang mga diyos, at maglilingkod ka sa kanila;

18 ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito na kayo'y tiyak na mapupuksa. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa ibabaw ng lupaing tatawirin ninyo sa kabila ng Jordan, upang pasukin at angkinin.

19 Tinatawagan ko ang langit at ang lupa bilang saksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking inilagay sa harapan mo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at sumpa. Kaya't piliin mo at ng iyong binhi ang buhay upang ikaw ay mabuhay.

20 Ibigin(F) mo ang Panginoon mong Diyos, sundin ang kanyang tinig, at manatili ka sa kanya; sapagkat ang kahulugan niyon sa iyo ay buhay, at haba ng iyong mga araw, upang matirahan mo ang lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.”

Lucas 11:37-12:7

Tinuligsa ni Jesus ang mga Fariseo at ang mga Dalubhasa sa Kautusan(A)

37 Samantalang siya'y nagsasalita, inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya. Kaya't siya'y pumasok at naupo sa hapag-kainan.

38 Ang Fariseo ay nagtaka nang makita si Jesus na hindi muna naghugas bago kumain.

39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, subalit sa loob kayo'y punô ng kasakiman at kasamaan.

40 Kayong mga hangal, di ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob?

41 Subalit ilimos ninyo ang mga bagay na nasa loob at ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.

42 Subalit(B) kahabag-habag kayong mga Fariseo! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, ng ruda[a] at ng bawat gulayin, ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, na hindi pinababayaan ang iba.

43 Kahabag-habag kayong mga Fariseo! Inyong iniibig ang upuang pandangal sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan.

44 Kahabag-habag kayo! Sapagkat kayo'y tulad sa mga libingang walang palatandaan, at di nalalaman ng mga tao na sila'y lumalakad sa ibabaw nito.”

45 Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ay sumagot sa kanya, “Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong nilalait.”

46 Subalit sinabi niya, “Kahabag-habag din kayong mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasaning mahihirap dalhin, samantalang hindi man lamang hinahawakan ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasanin.

47 Kahabag-habag kayo! Sapagkat inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, gayong sila'y pinatay ng inyong mga ninuno.

48 Kayo nga'y mga saksi at sumang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno, sapagkat pinatay nila ang mga propeta at itinayo ninyo ang kanilang mga libingan.

49 Kaya't sinasabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at ang ilan sa kanila ay kanilang papatayin at uusigin,’

50 upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na dumanak mula pa nang itatag ang sanlibutan;

51 mula(C) sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito.

52 Kahabag-habag kayong mga dalubhasa sa kautusan, sapagkat kinuha ninyo ang susi ng karunungan. Kayo mismo ay hindi pumasok, at inyong hinadlangan ang mga pumapasok.”

53 Paglabas niya roon, nagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na pag-initan siya nang matindi at pagtatanungin siya tungkol sa maraming bagay,

54 na nag-aabang sa kanya upang hulihin siya sa kanyang sasabihin.

Ang Babala Laban sa Pagkukunwari(D)

12 Samantala,(E) nang magkatipon ang libu-libong tao, na anupa't sila'y nagkakatapakan na sa isa't isa, nagpasimula siyang magsalita muna sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagkukunwari.

Walang(F) bagay na natatakpan na hindi mabubunyag, at walang bagay na natatago na hindi malalaman.

Kaya't ang anumang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa mga lihim na silid ay ipagsisigawan sa mga bubungan.

Ang Dapat Katakutan(G)

“Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos ay wala na silang magagawa.

Subalit ipapakita ko sa inyo kung sino ang inyong dapat katakutan; katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang magtapon sa impiyerno.[b] Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan.

Hindi ba ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos.

Ngunit maging ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang na lahat. Huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.

Mga Awit 78:1-31

Maskil ni Asaf.

78 O bayan ko, sa aking turo ay makinig;
    ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig.
Aking(A) bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga;
    ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una,
mga bagay na aming narinig at nalaman,
    na sinabi sa amin ng aming mga magulang.
Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli,
    kundi sasabihin sa darating na salinlahi,
ang maluluwalhating gawa ng Panginoon, at ang kanyang kalakasan,
    at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa.

Sa Jacob siya'y nagtatag ng patotoo,
    at sa Israel ay nagtalaga ng kautusan,
na kanyang iniutos sa aming mga magulang,
    upang sa kanilang mga anak ay kanilang ituro naman;
upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi,
    ng mga batang di pa ipinapanganak,
na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak,
    upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos,
at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos,
    kundi ingatan ang kanyang mga utos;
upang huwag silang maging gaya ng kanilang mga ninuno,
    isang matigas ang ulo at salinlahing mapanghimagsik,
isang salinlahing ang puso ay di ginawang matuwid,
    at ang kanilang diwa ay di-tapat sa Diyos.

Ang mga anak ni Efraim ay mga mamamana, na may sandatang pana,
    ay nagsitalikod sa araw ng pakikidigma.
10 Ang tipan ng Diyos ay hindi nila iningatan,
    kundi tumangging lumakad ayon sa kanyang kautusan.
11 Kanilang nalimutan ang mga nagawa niya,
    at ang mga himalang ipinakita niya sa kanila.
12 Sa(B) paningin ng kanilang mga magulang ay gumawa siya ng mga kababalaghan,
    sa lupain ng Ehipto, sa kaparangan ng Zoan.
13 Hinawi(C) niya ang dagat at pinaraan niya sila roon,
    at kanyang pinatayo ang tubig na parang isang bunton.
14 Sa(D) araw ay pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap,
    at sa buong gabi ay sa pamamagitan ng apoy na nagliliyab.
15 Kanyang(E) biniyak ang mga bato sa ilang,
    at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman.
16 Nagpabukal siya ng mga batis mula sa bato,
    at nagpaagos ng tubig na parang mga ilog.

17 Gayunma'y lalo pa silang nagkasala laban sa kanya,
    na naghihimagsik laban sa Kataas-taasan sa ilang.
18 At(F) kanilang sinubok ang Diyos sa puso nila,
    sa paghingi ng pagkain na kanilang pinakananasa.
19 Sila'y nagsalita laban sa Diyos, na nagsasabi,
    “Makakapaghanda ba ang Diyos ng hapag sa ilang?
20 Upang tubig ay dumaloy ang bato'y kanyang hinataw,
    at ang mga bukal ay umapaw.
Makapagbibigay rin ba siya ng tinapay,
    o makapagdudulot ng karne sa kanyang bayan?”

21 Kaya't nang marinig ng Panginoon, siya'y napuno ng poot,
    isang apoy ang nag-alab laban sa Jacob,
    ang kanyang galit naman ay lumaki laban sa Israel;
22 sapagkat sa Diyos sila'y hindi nanampalataya,
    at sa kanyang kaligtasan sila'y hindi nagtiwala.
23 Gayunma'y ang langit sa itaas ay kanyang inutusan,
    at ang mga pintuan ng langit ay kanyang binuksan;
24 at(G) kanyang pinaulanan sila ng manna na makakain,
    at binigyan sila ng butil ng langit.
25 Kumain ang tao ng tinapay ng mga anghel;
    kanyang pinadalhan sila ng saganang pagkain.
26 Pinahihip niya ang hanging silangan sa kalangitan,
    at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, pinarating niya ang hanging timugan.
27 Kanyang pinaulanan sila ng karne na parang alabok,
    ng mga ibong may pakpak na parang buhangin sa mga dagat;
28 pinalagpak niya ang mga iyon sa gitna ng kanilang kampo,
    sa palibot ng kanilang mga tinitirhan.
29 At sila'y kumain at nabusog na mainam,
    sapagkat ibinigay niya sa kanila ang kanilang kinasasabikan.
30 Ngunit bago nabigyang kasiyahan ang kanilang pananabik,
    samantalang ang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig,
31 ang galit ng Diyos ay nag-alab laban sa kanila,
    at pinatay niya ang pinakamalakas sa kanila,
    at sinaktan ang mga piling lalaki ng Israel.

Mga Kawikaan 12:19-20

19 Ang labi ng katotohanan ay nagtatagal kailanman,
    ngunit ang sinungaling na dila ay panandalian lamang.
20 Ang pandaraya ay nasa puso ng mga kumakatha ng kasamaan,
    ngunit ang nagpaplano ng kabutihan ay may kagalakan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001