Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 9:3-10:43

Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai,

sila ay kumilos na may katusuhan. Sila ay umalis at naghanda ng mga baon, at nagpasan ng mga lumang sako sa kanilang mga asno at mga sisidlang balat ng alak na luma, punit at tinahi-tahi,

at mga tagpi-tagping sandalyas sa kanilang mga paa, at ng mga lumang bihisan na suot nila; at ang lahat ng tinapay na kanilang baon ay tuyo at inaamag.

Sila'y pumunta kay Josue sa kampo sa Gilgal, at sinabi sa kanya at sa mga Israelita, “Kami ay mula sa malayong lupain, ngayon nga'y makipagtipan kayo sa amin.”

Ngunit sinabi(A) ng mga Israelita sa mga Heveo, “Marahil kayo'y naninirahang kasama namin; paano kami makikipagtipan sa inyo?”

At kanilang sinabi kay Josue, “Kami ay iyong mga lingkod.” Sinabi naman ni Josue sa kanila, “Sino kayo at saan kayo galing?”

Sinabi nila sa kanya, “Mula sa napakalayong lupain ay dumating ang iyong mga lingkod dahil sa pangalan ng Panginoon mong Diyos, sapagkat aming nabalitaan ang kabantugan niya, at ang lahat niyang ginawa sa Ehipto,

10 at(B) lahat ng kanyang ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon na hari ng Hesbon, at kay Og na hari ng Basan, na nasa Astarot.

11 Ang aming matatanda at ang lahat ng mamamayan sa aming lupain ay nagsalita sa amin, ‘Magbaon kayo sa inyong kamay para sa paglalakbay, at humayo kayo upang salubungin sila, at inyong sabihin sa kanila, “Kami ay inyong mga lingkod, at ngayo'y makipagtipan kayo sa amin.”’

12 Itong aming tinapay ay kinuha naming mainit pa bilang baon namin mula sa aming mga bahay nang araw na kami ay lumabas na patungo sa inyo. Ngunit ngayon, ito ay tuyo at inaamag;

13 at itong mga sisidlang balat ng alak ay bago nang aming punuin ang mga ito, Ngunit ngayon ay mga punit na, at itong aming mga bihisan at aming mga sandalyas ay naluma dahil sa napakalayong paglalakbay.

14 Kinuha ng mga tao sa Israel ang kanilang baon, at hindi humingi ng payo sa Panginoon.

15 Si Josue ay nakipagpayapaan sa kanila at nakipagtipan sa kanila, at hinayaan silang mabuhay; at ang mga pinuno ng kapulungan ay sumumpa sa kanila.

16 Sa katapusan ng tatlong araw, pagkatapos na sila'y makapagtipan sa kanila, kanilang nabalitaan na sila'y kanilang kalapit bayan, at sila'y naninirahang kasama nila.

17 Kaya't ang anak ni Israel ay naglakbay at dumating sa kanilang mga bayan sa ikatlong araw. Ang kanila ngang mga bayan ay Gibeon, Cefira, Beerot, at Kiryat-jearim.

18 Hindi sila sinaktan ng mga anak ni Israel, sapagkat ang mga pinuno ng kapulungan ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel. At ang buong kapulungan ay nagbulung-bulungan laban sa mga pinuno.

19 Ngunit sinabi ng lahat ng mga pinuno sa buong kapulungan, “Kami ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel; kaya't hindi natin sila magagalaw.

20 Ito ang ating gagawin sa kanila: hahayaan natin silang mabuhay upang ang poot ay huwag mapasaatin dahil sa sumpa na ating isinumpa sa kanila.”

21 Sinabi ng mga pinuno sa kanila, “Hayaan silang mabuhay.” Kaya't sila'y naging tagaputol ng kahoy at tagasalok ng tubig para sa buong kapulungan gaya nang sinabi ng mga pinuno sa kanila.

22 Ipinatawag sila ni Josue at sinabi sa kanila, “Bakit ninyo kami dinaya sa pagsasabing, ‘Kami ay napakalayo sa inyo;’ samantalang sa katotohanan ay naninirahan kayong kasama namin?

23 Ngayon nga'y sumpain kayo, at ang ilan sa inyo ay laging magiging mga alipin, mga tagaputol ng kahoy at tagasalok ng tubig para sa bahay ng aking Diyos.”

24 At sila'y sumagot kay Josue, “Sapagkat tunay na naisalaysay sa iyong mga lingkod, kung paanong iniutos ng Panginoon ninyong Diyos kay Moises na kanyang lingkod na ibibigay sa inyo ang buong lupain, at inyong pupuksain ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harapan ninyo; kaya't natakot kaming mainam para sa aming buhay dahil sa inyo, at aming ginawa ang bagay na ito.

25 Kami ay nasa iyong kamay; kung ano ang inaakala mong mabuti at matuwid na gawin sa amin ay gawin mo.”

26 Gayon ang ginawa niya sa kanila at kanyang iniligtas sila sa kamay ng mga anak ni Israel, at sila'y hindi nila pinatay.

27 Ngunit nang araw na iyon ay ginawa sila ni Josue na mga tagaputol ng kahoy at mga tagasalok ng tubig para sa kapulungan at sa dambana ng Panginoon sa dakong kanyang pipiliin hanggang sa araw na ito.

Ang mga Amoreo ay Natalo

10 Nang mabalitaan ni Adonizedek na hari ng Jerusalem kung paanong nasakop ni Josue ang Ai at ganap itong winasak (gaya ng kanyang ginawa sa Jerico at sa hari niyon, gayundin ang kanyang ginawa sa Ai at sa hari niyon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga-Gibeon, at naging kasama nila;

sila ay masyadong natakot sapagkat ang Gibeon ay malaking lunsod na gaya ng isa sa mga lunsod ng hari, at sapagkat higit na malaki kaysa Ai, at ang lahat ng lalaki roon ay makapangyarihan.

Kaya't si Adonizedek na hari ng Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari ng Hebron, at kay Piram na hari ng Jarmut, at kay Jafia na hari ng Lakish, at kay Debir na hari ng Eglon na ipinasasabi,

“Pumarito kayo at tulungan ninyo ako, at patayin natin ang Gibeon, sapagkat ito ay nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.”

Kaya't tinipon ng limang hari ng mga Amoreo, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon ang kanilang hukbo at nagkampo laban sa Gibeon, at nakipagdigma laban dito.

At ang mga tao sa Gibeon ay nagpasugo kay Josue sa kampo sa Gilgal, na sinasabi, “Huwag mong iwan ang iyong mga lingkod. Pumarito ka agad sa amin, iligtas at tulungan mo kami, sapagkat ang lahat ng mga hari ng mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol ay nagtipon laban sa amin.”

Kaya't umahon si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pandigma na kasama niya, at ang lahat ng mga matatapang na mandirigma.

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag mo silang katakutan sapagkat ibinigay ko sila sa iyong mga kamay; walang lalaki sa kanila na makakatayo laban sa iyo.”

Kaya't si Josue ay biglang dumating sa kanila; siya'y umahon mula sa Gilgal sa buong magdamag.

10 Nilito sila ng Panginoon sa harapan ng Israel, at kanyang pinatay sila sa isang kakilakilabot na patayan sa Gibeon, at kanyang hinabol sila sa daang paahon sa Bet-horon at tinugis sila hanggang sa Azeka at sa Makeda.

11 Habang tumatakas sa harapan ng Israel samantalang sila'y pababa sa Bet-horon ay binagsakan sila ng Panginoon sa Azeka ng malalaking bato mula sa langit at sila'y namatay. Higit na marami ang namatay sa pamamagitan ng mga batong granizo kaysa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.

12 Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa Panginoon nang araw na ibinigay ng Panginoon ang mga Amoreo sa harapan ng mga anak ni Israel; at kanyang sinabi sa paningin ng Israel,

“Araw, tumigil ka sa Gibeon;
    at ikaw, Buwan, sa libis ng Aijalon.”
13 At(C) ang araw ay tumigil at ang buwan ay huminto,
    hanggang sa ang bansa ay nakapaghiganti sa kanyang mga kaaway.

Hindi ba ito'y nakasulat sa aklat ni Jaser? Ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.

14 At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyon bago noon o pagkatapos noon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng isang tao; sapagkat ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.

15 At bumalik si Josue kasama ang buong Israel sa kampo sa Gilgal.

Nagapi ni Josue ang Limang Hari

16 Samantala, ang limang haring ito ay tumakas at nagtago sa yungib sa Makeda.

17 At ibinalita kay Josue, “Ang limang hari ay natagpuang nagtatago sa yungib sa Makeda.”

18 Sinabi ni Josue, “Magpagulong kayo ng malalaking bato sa bunganga ng yungib, at maglagay kayo ng mga lalaki roon upang magbantay sa kanila.

19 Ngunit huwag kayong magsitigil; habulin ninyo ang inyong mga kaaway at tugisin ang kahuli-hulihan sa kanila. Huwag ninyong hayaang makapasok sila sa kanilang mga lunsod sapagkat ibinigay sila ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.”

20 Pagkatapos silang patayin ni Josue at ng mga anak ni Israel sa isang kakilakilabot na patayan hanggang sa nalipol at ang nalabi sa kanila ay pumasok sa mga may pader na lunsod,

21 ang buong bayan ay bumalik na ligtas kay Josue sa kampo ng Makeda; walang sinumang nangahas magsalita laban sa sinumang Israelita.

22 Kaya't sinabi ni Josue, “Inyong buksan ang bunganga ng yungib at dalhin ninyo sa akin ang limang haring nasa yungib.”

23 Gayon ang kanilang ginawa at inilabas ang limang hari mula sa yungib, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon.

24 Nang kanilang mailabas ang mga haring iyon kay Josue, ipinatawag ni Josue ang lahat ng lalaki sa Israel at sinabi sa mga pinuno ng mga lalaking mandirigma na sumama sa kanya, “Lumapit kayo, ilagay ninyo ang inyong mga paa sa mga leeg ng mga haring ito.” At sila'y lumapit at inilagay ang kanilang mga paa sa kanilang mga leeg.

25 At sinabi ni Josue sa kanila, “Huwag kayong matakot ni mabagabag; kayo'y magpakalakas at magpakatapang, sapagkat ganito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ninyong mga kaaway na inyong nilalabanan.”

26 Pagkatapos ay pinatay sila ni Josue at ibinitin sila sa limang punungkahoy. Sila'y ibinitin sa mga punungkahoy hanggang sa kinahapunan.

27 Ngunit sa paglubog ng araw, si Josue ay nag-utos at kanilang ibinaba sila sa mga punungkahoy, at kanilang itinapon sa yungib na kanilang pinagtaguan, at kanilang nilagyan ng malalaking bato ang bunganga ng yungib na nananatili hanggang sa araw na ito.

28 Sinakop ni Josue ang Makeda nang araw na iyon, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang hari niyon. Kanyang lubos na nilipol ang lahat ng tao na naroon; wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari ng Makeda ang gaya ng kanyang ginawa sa hari ng Jerico.

29 Si Josue ay dumaan mula sa Makeda, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Libna, at nilabanan ang Libna.

30 Ibinigay rin ng Panginoon, pati ang hari niyon sa kamay ng Israel; at kanyang pinatay ng talim ng tabak ang bawat taong naroon. Wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari niyon ang gaya ng kanyang ginawa sa hari sa Jerico.

31 At dumaan si Josue mula sa Libna, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Lakish, at nagkampo laban doon, at lumaban doon.

32 Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa kamay ng Israel at kanyang sinakop sa ikalawang araw. Lahat ng mga taong naroroon ay kanyang pinatay ng talim ng tabak, gaya ng kanyang ginawa sa Libna.

33 Pagkatapos ay umahon si Horam na hari sa Gezer upang tulungan ang Lakish. Siya at ang kanyang bayan ay pinatay ni Josue, hanggang sa siya'y walang iniwang may buhay.

34 Dumaan si Josue mula sa Lakish, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Eglon; at sila'y nagkampo at nakipaglaban doon.

35 Kanilang sinakop iyon nang araw na iyon at pinatay ng talim ng tabak, at ang lahat na taong naroon, gaya ng kanyang ginawa sa Lakish.

36 At umahon si Josue at ang buong Israel mula sa Eglon hanggang sa Hebron; at sila'y nakipaglaban doon.

37 At kanilang sinakop at pinatay ng talim ng tabak ang hari niyon, ang lahat ng mga lunsod niyon, at ang lahat ng taong naroon. Wala siyang itinira gaya ng kanyang ginawa sa Eglon; kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon.

38 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa Debir at nakipaglaban doon.

39 At kanyang sinakop ito at ang hari niyon, at ang lahat ng mga bayan niyon; at kanilang pinatay ng talim ng tabak at lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon; wala siyang iniwang nalabi; kung paano ang kanyang ginawa sa Hebron, ay gayon ang kanyang ginawa sa Debir, at sa hari nito; gaya nang kanyang ginawa sa Libna at sa hari nito.

40 Ganito ginapi ni Josue ang buong lupain, ang lupaing maburol, at ang Negeb,[a] at ang mababang lupain, at ang mga libis, at ang lahat ng mga hari niyon. Wala siyang itinira, kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat na humihinga, gaya ng iniutos ng Panginoong Diyos ng Israel.

41 At ginapi sila ni Josue mula sa Kadesh-barnea hanggang sa Gaza, at ang buong lupain ng Goshen, hanggang sa Gibeon.

42 At ang lahat ng mga haring ito at ang kanilang lupain ay sinakop ni Josue sa isang panahon sapagkat ang Israel ay ipinaglaban ng Panginoong Diyos ng Israel.

43 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa kampo sa Gilgal.

Lucas 16:19-17:10

Ang Mayamang Lalaki at si Lazaro

19 “Mayroong isang taong mayaman na nagsusuot ng kulay ube at pinong lino at nagpipista araw-araw sa maraming pagkain.

20 At sa kanyang pintuan ay nakahandusay ang isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, na punô ng mga sugat,

21 na naghahangad na makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Maging ang mga aso ay lumalapit at hinihimuran ang kanyang mga sugat.

22 At nangyari, namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay din naman ang mayaman at inilibing.

23 At mula sa Hades na kanyang pinagdurusahan ay tumingala siya at nakita sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang kandungan.

24 Siya'y sumigaw at sinabi, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’

25 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na sa iyong buhay ay tinanggap mo ang iyong mabubuting bagay, at si Lazaro naman ay ang masasamang bagay. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito at ikaw ay nagdurusa.

26 Bukod dito, may isang malaking banging inilagay sa pagitan natin, upang ang mga nagnanais tumawid buhat dito patungo sa inyo ay hindi maaari at wala ring makatatawid mula riyan patungo sa amin.’

27 At sinabi niya, ‘Kung gayo'y ipinapakiusap ko sa iyo, ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama,

28 sapagkat ako'y may limang kapatid na lalaki, upang magpatotoo sa kanila nang hindi rin sila mapunta sa dakong ito ng pagdurusa.

29 Subalit sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, hayaan mo silang makinig sa kanila.’

30 Sinabi niya, ‘Hindi, amang Abraham, subalit kung ang isang mula sa mga patay ay pumunta sa kanila, sila'y magsisisi.’

31 At sinabi niya sa kanya, ‘Kung hindi nila pinapakinggan si Moises at ang mga propeta, hindi rin sila mahihikayat, kahit may isang bumangon mula sa mga patay.’”

Pagpapatawad sa Kapatid(A)

17 Sinabi ni Jesus[a] sa kanyang mga alagad, “Hindi maaaring di dumating ang mga kadahilanan ng pagkatisod, subalit kahabag-habag ang sinuman na pinanggagalingan niyon.

Mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang batong panggiling, at ihagis siya sa dagat, kaysa siya ang maging sanhi ng pagkatisod ng isa sa maliliit na ito.

Mag-ingat(B) kayo sa inyong sarili. Kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya, at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya.

Kung siya'y magkasala laban sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at pitong ulit siyang bumalik sa iyo, na nagsasabi, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.”

Pananampalataya

Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang pananampalataya namin.”

Sinabi ng Panginoon, “Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng isang binhi ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim ka sa dagat,’ susundin kayo nito.

Katungkulan ng Isang Lingkod

“Sino sa inyo, na mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang magsasabi sa kanya pagkagaling sa bukid, ‘Pumarito ka agad at maupo sa hapag ng pagkain.’

Sa halip, hindi ba niya sasabihin sa kanya, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbigkis ka, paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom, pagkatapos ay kumain ka at uminom’?

Pinasasalamatan ba niya ang alipin, sapagkat ginawa niya ang iniutos sa kanya?

10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniutos sa inyo, inyong sabihin, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan.’”

Mga Awit 83

Isang Awit. Awit ni Asaf.

83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
    huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
    silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
    sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
    upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
    laban sa iyo ay nagtipanan sila—
ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
    ang Moab at ang mga Hagrita,
ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
    ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
    sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)

Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
    gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
    na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
    lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
    ang mga pastulan ng Diyos.”

13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
    parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
    gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
    at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
    O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
    malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
    na Panginoon ang pangalan,
    ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.

Mga Kawikaan 13:4

Ang kaluluwa ng tamad ay nagnanasa at walang nakukuha,
    ngunit ang kaluluwa ng masipag ay tutustusang sagana.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001