Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GW. Switch to the GW to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 23-25

Ang mga Di-Kabilang sa Kapulungan

23 “Ang sinumang nadurog ang itlog o naputol ang ari ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon.

“Ang isang anak sa labas ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon; kahit na hanggang sa ikasampung salinlahi ay walang papasok sa kanyang mga anak sa kapulungan ng Panginoon.

“Ang(A) isang Amonita o Moabita ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon; hanggang sa ikasampung salinlahi ay wala sa kanilang maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon magpakailanman.

Sapagkat(B) hindi nila kayo sinalubong sa daan na may tinapay at tubig nang kayo'y dumating mula sa Ehipto; at sapagkat inupahan nila laban sa iyo si Balaam na anak ni Beor mula sa Petor ng Mesopotamia upang sumpain ka.

Gayunma'y(C) hindi pinakinggan ng Panginoon mong Diyos si Balaam; kundi ginawang pagpapala ng Panginoon mong Diyos ang sumpa sa iyo sapagkat minamahal ka ng Panginoon mong Diyos.

Huwag mong hahanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang pag-unlad sa lahat ng iyong mga araw magpakailanman.

“Huwag mong kasusuklaman ang Edomita sapagkat siya'y iyong kapatid. Huwag mong kasusuklaman ang mga Ehipcio, sapagkat ikaw ay naging dayuhan sa kanyang lupain.

Ang mga anak ng ikatlong salinlahi na ipinanganak sa kanila ay makakapasok sa kapulungan ng Panginoon.

Pagpapanatili ng Kalinisan sa Kampo

“Kapag ikaw ay lalabas sa kampo laban sa iyong mga kaaway, lalayo ka sa bawat masamang bagay.

10 “Kung mayroong sinumang lalaki sa inyo na hindi malinis dahil sa anumang nangyari sa kanya sa kinagabihan, lalabas siya sa kampo; hindi siya papasok sa loob ng kampo.

11 Ngunit sa pagsapit ng gabi, siya'y maliligo sa tubig at kapag lubog na ang araw, ay papasok siya sa kampo.

12 “Magkakaroon ka rin ng isang pook sa labas ng kampo na ikaw ay lalabas doon;

13 at ikaw ay magkakaroon din ng isang kahoy na kabilang sa iyong mga sandata. Kapag ikaw ay dudumi sa labas, gagawa ka ng hukay sa pamamagitan nito at pagkatapos ay tatabunan mo ang iyong dumi.

14 Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay lumalakad sa gitna ng iyong kampo upang iligtas ka at ibigay ang iyong mga kaaway sa harapan mo, kaya't ang iyong kampo ay magiging banal upang huwag siyang makakita ng anumang kahiyahiyang bagay sa gitna ninyo at lumayo sa iyo.

Iba't ibang mga Batas

15 “Huwag mong ibabalik sa kanyang panginoon ang isang aliping tumakas sa kanyang panginoon at pumunta sa iyo.

16 Siya'y maninirahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kanyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga bayan na kanyang nais; huwag mo siyang pagmamalupitan.

17 “Huwag(D) magkakaroon ng bayarang babae[a] sa mga anak na babae ng Israel, ni magkakaroon ng bayarang lalaki[b] sa mga anak na lalaki ng Israel.

18 Huwag mong dadalhin ang upa sa isang masamang babae, o ang pasahod sa isang aso sa bahay ng Panginoon mong Diyos para sa anumang panata, sapagkat ang mga ito ay kapwa karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.

19 “Huwag(E) kang magpapahiram na may patubo sa iyong kapatid, patubo ng salapi, patubo ng kakainin, patubo ng anumang bagay na ipinapahiram na may patubo.

20 Sa isang dayuhan ay makapagpapahiram ka na may patubo, ngunit sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may patubo upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gagawin mo sa lupain na malapit mo nang pasukin upang angkinin.

21 “Kapag(F) ikaw ay gagawa ng isang panata sa Panginoon mong Diyos, huwag kang magiging mabagal sa pagbabayad nito, sapagkat tiyak na hihingin sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at ikaw ay magkakasala.

22 Ngunit kung iiwasan mong gumawa ng panata, ito ay hindi magiging kasalanan sa iyo.

23 Maingat mong isasagawa ang lumabas sa iyong mga labi, ayon sa iyong kusang loob na ipinanata sa Panginoon mong Diyos, na ipinangako ng iyong bibig.

24 “Kapag ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapwa ay makakakain ka ng mga nagustuhan mong ubas hanggang sa ikaw ay mabusog; ngunit huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.

25 Kapag ikaw ay lumapit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa, mapipitas mo ng iyong kamay ang mga uhay; ngunit huwag kang gagamit ng karit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa.

Paghihiwalay at Muling Pag-aasawa

24 “Kapag(G) ang isang lalaki ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, at kung ang babae ay hindi kalugdan ng kanyang paningin, sapagkat natagpuan niya itong may isang kahiyahiyang bagay, lalagda ang lalaki ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibibigay niya sa kanyang kamay. Kanyang palalabasin siya sa kanyang bahay,

at pagkaalis niya sa bahay ng lalaki ay makakahayo siya at makakapag-asawa sa ibang lalaki;

kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibigay sa kanyang kamay, at palabasin siya sa kanyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa na kumuha sa kanya upang maging asawa niya;

hindi na siya muling makukuha upang maging asawa ng kanyang unang asawa na humiwalay sa kanya, pagkatapos na siya'y marumihan; sapagkat iyo'y karumaldumal sa harapan ng Panginoon. Huwag mong dadalhan ng pagkakasala ang lupain na ibinibigay bilang pamana sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

Iba't ibang mga Batas

“Kapag ang isang lalaki ay bagong kasal, hindi siya lalabas upang sumama sa hukbo ni mamamahala ng anumang katungkulan. Siya'y magiging malaya sa bahay sa loob ng isang taon at kanyang pasasayahin ang kanyang asawa na kanyang kinuha.

“Walang taong kukuha ng gilingan o ng batong nasa itaas ng gilingan bilang isang sangla, sapagkat para na niyang kinuha bilang sangla ang buhay.

“Kung(H) ang sinuman ay matagpuang nagnanakaw ng sinuman sa kanyang mga kapatid sa mga anak ni Israel, at kanyang inalipin siya o ipinagbili siya, ang magnanakaw na iyon ay papatayin. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

“Mag-ingat(I) ka sa salot na ketong. Masikap mong gawin ang ayon sa lahat ng ituturo sa iyo ng mga paring Levita. Kung paanong iniutos ko sa kanila ay gayon mo isasagawa.

Alalahanin(J) mo ang ginawa ng Panginoon mong Diyos kay Miriam sa daan nang kayo'y lumalabas sa Ehipto.

10 “Kapag(K) ikaw ay magpapahiram sa iyong kapwa ng anumang bagay, huwag kang papasok sa kanyang bahay upang kunin ang kanyang sangla.

11 Ikaw ay tatayo sa labas, at ang taong iyong pinahihiram ang maglalabas ng sangla sa iyo.

12 Kung siya'y taong mahirap ay huwag kang matutulog na nasa iyo ang sangla niya.

13 Isasauli mo sa kanya ang sangla paglubog ng araw, upang siya'y matulog sa kanyang balabal at pagpalain ka. Ito ay magiging katuwiran mo sa harapan ng Panginoon mong Diyos.

14 “Huwag(L) mong pagmamalupitan ang isang upahang manggagawa na dukha at nangangailangan, maging siya'y mula sa iyong mga kapatid, o sa mga dayuhan na nasa lupain mo sa loob ng iyong mga bayan.

15 Ibibigay mo sa kanya ang kanyang upa sa araw na kinita niya iyon, bago lumubog ang araw sapagkat siya'y mahirap at itinalaga niya roon ang kanyang puso; baka siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo at maging kasalanan mo.

16 “Ang(M) mga magulang ay hindi papatayin dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawat tao'y papatayin dahil sa kanyang sariling kasalanan.

17 “Huwag(N) mong babaluktutin ang katarungan sa dayuhan ni sa ulila; ni huwag mong kukuning sangla ang damit ng babaing balo;

18 kundi aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa Ehipto at tinubos ka ng Panginoon mong Diyos mula roon; kaya't iniuutos ko sa iyong gawin mo ito.

19 “Kapag(O) inaani mo ang iyong ani sa bukid at nalimutan mo ang isang bigkis sa bukid ay huwag mong babalikan upang kunin iyon. Iyon ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo, upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay.

20 Kapag pinipitasan mo ang iyong puno ng olibo ay huwag mong babalikan ang mga nalampasan; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.

21 Kapag ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.

22 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto; kaya't iniuutos ko na gawin mo ito.

25 “Kung magkaroon ng usapin ang mga tao at sila'y pumunta sa hukuman, at sila'y hahatulan; kanilang pawawalang-sala ang matuwid at parurusahan ang salarin.

Kung ang salarin ay nararapat hagupitin, padadapain siya ng hukom sa lupa, at hahagupitin sa kanyang harapan na may bilang ng hagupit ayon sa kanyang pagkakasala.

Apatnapung(P) hagupit ang ibibigay sa kanya, huwag lalampas; baka kung siya'y hagupitin niya nang higit sa bilang na ito, ang iyong kapatid ay maging hamak sa iyong paningin.

“Huwag(Q) mong bubusalan ang baka kapag gumigiik.

Katungkulan para sa Namatay na Kapatid

“Kung(R) ang magkapatid ay naninirahang magkasama, at isa sa kanila'y namatay at walang anak, ang asawang babae ng namatay ay huwag mag-aasawa ng isang dayuhan o sa labas ng pamilya. Ang kapatid na lalaki ng kanyang asawa ay sisiping sa kanya, kukunin siya bilang asawa, at tutuparin sa kanya ang tungkulin ng kapatid na namatay.

Ang panganay na kanyang ipapanganak ay papalit sa pangalan ng kanyang kapatid na namatay upang ang kanyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel.

At(S) kung ayaw kunin ng lalaki ang asawa ng kanyang kapatid, ang asawa ng kanyang kapatid ay pupunta sa pintuang-bayan sa matatanda, at sasabihin, ‘Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kanyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng kapatid na namatay.’

Kung magkagayo'y tatawagin siya ng matatanda sa kanyang bayan at makikipag-usap sa kanya; at kung siya'y magpumilit at sabihin, ‘Ayaw kong kunin siya;’

ang asawa ng kanyang kapatid ay lalapit sa kanya sa harapan ng matatanda at huhubarin ang sandalyas sa kanyang mga paa, at luluraan siya sa mukha; at siya'y sasagot at sasabihin, ‘Ganyan ang gagawin sa lalaking ayaw magtindig ng sambahayan ng kanyang kapatid.’

10 At ang kanyang pangala'y tatawagin sa Israel, ‘Ang bahay ng hinubaran ng sandalyas.’

Iba Pang mga Batas

11 “Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawang babae ng isa ay lumapit upang iligtas ang kanyang asawa sa kamay ng nananakit sa kanya sa pamamagitan ng pag-uunat niya ng kanyang kamay at paghawak sa maselang bahagi ng lalaki,

12 iyo ngang puputulin ang kamay ng babae. Huwag kang magpapakita ng habag.

13 “Huwag(T) kang magkakaroon sa iyong supot ng dalawang uri ng pabigat, isang malaki at isang maliit.

14 Huwag kang magkakaroon sa iyong bahay ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit.

15 Magkaroon ka lamang ng isang tunay at tapat na pabigat; magkaroon ka lamang ng isang tunay at tapat na takalan upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

16 Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng gayong mga bagay, ang lahat ng gumagawa ng pandaraya ay kasuklamsuklam sa Panginoon mong Diyos.

Ang Utos na Patayin ang mga Amalekita

17 “Alalahanin(U) mo ang ginawa sa iyo ng Amalek sa daan nang ikaw ay lumabas sa Ehipto;

18 kung paanong sinalubong ka niya sa daan, at pinatay niya ang mga kahuli-hulihan sa iyo, ang lahat na mahina sa hulihan mo, nang ikaw ay pagod at nanghihina; at siya'y hindi natakot sa Diyos.

19 Kaya't kapag binigyan ka ng Panginoon mong Diyos ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway sa palibot, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos na pinakamana upang angkinin ay iyong papawiin ang alaala ng Amalek sa ilalim ng langit; huwag mong kakalimutan.

Lucas 10:13-37

Ang Bayang Hindi Sumampalataya(A)

13 “Kahabag-habag(B) ka Corazin! Kahabag-habag ka, Bethsaida! Sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi, na nakaupong may damit-sako at abo.

14 Subalit higit na mapagtitiisan pa sa paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa inyo.

15 At(C) ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ikaw ay ibababa sa Hades.

16 “Ang(D) nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil, at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang nagsugo sa akin.”

Ang Pagbabalik ng Pitumpu

17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan na nagsabi, “Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa iyong pangalan!”

18 At sinabi niya sa kanila, “Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit.

19 Tingnan ninyo,(E) binigyan ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo.

20 Gayunman, huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit.”

Nagalak si Jesus(F)

21 Nang oras ding iyon, nagalak siya sa Espiritu Santo[a] at sinabi, “Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong ikinubli ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakakalugod sa iyong harapan.

22 Ang(G) lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak, maliban sa Ama, at kung sino ang Ama maliban sa Anak at kaninumang ninanais ng Anak na pagpahayagan niya.”

23 At pagharap niya sa mga alagad ay palihim niyang sinabi, “Mapapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita.

24 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi nila narinig.”

Ang Talinghaga ng Mabuting Samaritano

25 At(H) may isang dalubhasa sa kautusan ang tumindig upang si Jesus[b] ay subukin na nagsasabi, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”

26 Sinabi niya sa kanya, “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang nabasa mo?”

27 At(I) sumagot siya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.”

28 At(J) sinabi niya sa kanya, “Tumpak ang sagot mo, gawin mo ito at mabubuhay ka.”

29 Subalit sa pagnanais niya na ipagmatuwid ang kanyang sarili ay sinabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?”

30 Sumagot si Jesus, “May isang taong bumaba mula sa Jerusalem patungo sa Jerico at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, hinubaran siya ng mga ito at binugbog. Pagkatapos ay umalis sila at iniwan siyang halos patay.

31 At nagkataong bumababa sa daang iyon ang isang pari. Nang kanyang makita ito, siya ay dumaan sa kabilang panig.

32 Gayundin ang isang Levita, nang dumating siya sa lugar na iyon at kanyang nakita ang taong iyon, siya ay dumaan sa kabilang panig.

33 Subalit(K) ang isang Samaritano, sa kanyang paglalakbay ay dumating sa kanyang kinaroroonan; at nang kanyang makita ang taong iyon, siya ay nahabag.

34 Kanyang nilapitan siya at tinalian ang kanyang mga sugat pagkatapos buhusan ng langis at alak. Pagkatapos isakay sa kanyang sariling hayop, siya ay dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan.

35 Nang sumunod na araw, dumukot siya ng dalawang denario at ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi niya, ‘Alagaan mo siya, at sa anumang karagdagan mo pang gastusin ay babayaran kita sa aking pagbabalik.’

36 Ano sa palagay mo, alin sa tatlong ito, ang naging kapwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?”

37 At sinabi niya, “Ang nagpakita ng habag sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, at gayundin ang gawin mo.”

Mga Awit 75

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Puksain. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

75 Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos;
    kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan.
Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan.

At sa aking piniling takdang panahon,
    may katarungan akong hahatol.
Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito,
    ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah)
Aking sinabi sa hambog, “Huwag kang magyabang,”
    at sa masama, “Huwag mong itaas ang iyong sungay;
huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas,
    huwag kang magsalita nang may matigas na ulo.”

Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran,
    ni mula man sa ilang ang pagkataas;
kundi ang Diyos ang hukom,
    ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman.
Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang kopa,
    may alak na bumubula, hinalong totoo;
at kanyang ibubuhos ang laman nito,
    tunay na ang masasama sa lupa
    ay ibubuhos at iinumin ang latak nito.
Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman,
    ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob.
10 Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin,
    ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas.

Mga Kawikaan 12:12-14

12 Ang matatag na tore ng masama ay nawawasak,
    ngunit ang ugat ng matuwid ay nananatiling matatag.
13 Sa pagsalangsang ng mga labi nasisilo ang masamang tao,
    ngunit ang matuwid ay nakakatakas sa gulo.
14 Ang tao ay masisiyahan sa kabutihan sa pamamagitan ng bunga ng kanyang bibig;
    at ang mga gawain ng mga kamay ng tao sa kanya'y bumabalik.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001