Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the GNT. Switch to the GNT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 7:16-9:2

16 Kinaumagahan maagang bumangon si Josue, at inilapit ang Israel ayon sa kanilang mga lipi, at ang lipi ni Juda ay napili.

17 Kanyang inilapit ang angkan ni Juda at napili ang angkan ng mga Zeraita. Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa angkan ng mga Zeraita, at si Zabdi ay napili.

18 Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa kanyang sambahayan at si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda, ay napili.

19 At sinabi ni Josue kay Acan, “Anak ko, luwalhatiin mo ang Panginoong Diyos ng Israel, at magtapat ka sa kanya. Sabihin mo sa akin ngayon kung ano ang iyong ginawa; huwag mong ilihim iyon sa akin.”

20 Sumagot si Acan kay Josue, “Sa katotohanan ay nagkasala ako laban sa Panginoong Diyos ng Israel, at ganito ang aking ginawa.

21 Nang aking makita sa mga sinamsam ang isang magandang balabal na mula sa Shinar, ang dalawang daang siklong pilak, at ang isang barang ginto na limampung siklo ang timbang ay akin ngang ninasa, at kinuha. Ang mga iyon ay nakabaon sa lupa sa gitna ng aking tolda at ang pilak ay nasa ilalim niyon.”

22 Kaya't nagpadala si Josue ng mga sugo at kanilang tinakbo ang tolda at nakitang iyon ay nakatago sa kanyang tolda, at ang pilak ay nasa ilalim niyon.

23 Kanilang kinuha ang mga iyon palabas ng tolda at dinala kay Josue, at sa lahat ng mga anak ni Israel; at kanilang inilapag ang mga iyon sa harapan ng Panginoon.

24 Kinuha ni Josue at ng buong Israel na kasama niya si Acan na anak ni Zera, at ang pilak, balabal, barang ginto, ang kanyang mga anak na lalaki at babae, ang kanyang mga baka, mga asno, mga tupa, ang kanyang tolda, at ang lahat niyang ari-arian, at kanilang dinala sila sa libis ng Acor.

25 At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami dinalhan ng kaguluhan? Dinadalhan ka ng Panginoon ng kaguluhan sa araw na ito.” At pinagbabato siya ng mga bato ng buong Israel at kanilang sinunog sila sa apoy.

26 Kanilang binuntunan siya ng mataas na bunton ng mga bato hanggang sa araw na ito; at ang Panginoon ay tumalikod sa bangis ng kanyang galit. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Acor,[a] hanggang sa araw na ito.

Sinakop at Winasak ang Ai

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot, ni manlumo; isama mo ang lahat ng lalaking mandirigma. Umahon ka ngayon sa Ai. Tingnan mo, ibinigay ko sa iyong kamay ang hari ng Ai, ang kanyang sambahayan, ang kanyang lunsod, at ang kanyang lupain.

Iyong gagawin sa Ai at sa kanyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa hari niyon; tanging ang samsam at ang mga hayop nila ang iyong kukunin bilang samsam ninyo; tambangan mo ang bayan sa likuran.”

Kaya't humanda si Josue at ang lahat ng lalaking mandirigma upang umahon sa Ai. Pumili si Josue ng tatlumpung libong lalaking matatapang na mandirigma at sinugo sila kinagabihan.

At iniutos niya sa kanila, “Narito, tambangan ninyo ang lunsod sa likuran; huwag kayong masyadong lalayo sa lunsod kundi manatili kayong nakahanda.

Ako at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa lunsod. Kapag sila'y lumabas laban sa amin gaya ng una ay tatakbuhan namin sila sa harap nila,

at sila'y lalabas upang kami ay habulin hanggang sa aming mailayo sila sa lunsod, sapagkat kanilang sasabihin, ‘Sila'y tumatakas sa harap natin na gaya ng una; kaya't tatakbuhan namin sila sa harap nila.

Pagkatapos, mula sa pananambang ay inyong sasakupin ang lunsod, sapagkat ibibigay ito ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.

Kapag inyong nasakop ang lunsod ay inyong sisilaban ng apoy ang lunsod at gagawin ang ayon sa iniutos ng Panginoon. Narito, inuutusan ko kayo.”

Sila'y pinahayo ni Josue at sila'y pumunta sa dakong pagtatambangan at lumagay sa pagitan ng Bethel at ng Ai sa gawing kanluran ng Ai. Samantalang si Josue ay tumigil nang gabing iyon na kasama ng bayan.

10 Kinaumagahan, si Josue ay maagang bumangon at tinipon ang mga tao, at umahon patungo sa Ai kasama ang mga matanda ng Israel sa unahan ng bayan.

11 Ang buong bayan at ang lahat ng lalaking mandirigmang kasama niya ay umahon at lumapit sa harapan ng lunsod at nagkampo sa dakong hilaga ng Ai. Mayroong isang libis sa pagitan niya at ng Ai.

12 Kumuha siya ng may limang libong lalaki at sila'y inilagay niyang panambang sa pagitan ng Bethel at ng Ai, sa dakong kanluran ng lunsod.

13 Kaya't inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilaga ng lunsod, at ang kanilang mga panambang sa kanluran ng lunsod. Ngunit pinalipas ni Josue ang gabing iyon sa libis.

14 Nang ito ay makita ng hari ng Ai, siya at ang kanyang buong bayan, at ang mga lalaki sa lunsod ay nagmamadaling lumabas upang labanan ang Israel sa itinakdang lugar sa harapan ng Araba. Ngunit hindi niya nalalaman na may mananambang laban sa kanya sa likuran ng lunsod.

15 Si Josue at ang buong Israel ay nagkunwaring nadaig sa harapan nila, at tumakbo sila patungo sa ilang.

16 Kaya't ang lahat ng mga tao na nasa loob ng lunsod ay tinawag upang habulin sila, at habang kanilang hinahabol sina Josue, sila ay napapalayo sa lunsod.

17 Walang lalaking naiwan sa Ai o sa Bethel na hindi lumabas upang habulin ang Israel. Kanilang iniwang bukas ang lunsod at hinabol ang Israel.

18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Itaas mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Ai sapagkat ibibigay ko iyon sa iyong kamay.” At itinaas ni Josue ang sibat na nasa kanyang kamay sa gawi ng lunsod.

19 Pagkaunat niya ng kanyang kamay, ang mga mananambang ay mabilis na tumayo sa kanilang kinalalagyan, at sila'y tumakbo at pumasok sa bayan at sinakop ito; at nagmamadali nilang sinunog ang lunsod.

20 Nang lumingon ang mga lalaki ng Ai sa likuran nila ay kanilang nakita na ang usok ng lunsod ay pumapailanglang sa langit. Wala silang kapangyarihan na makatakas sa daang ito o sa daang iyon; sapagkat ang bayan na tumakas patungo sa ilang ay bumaling sa mga humahabol.

21 Nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng mananambang ang lunsod at ang usok ng lunsod ay pumailanglang, sila ay muling bumalik at pinatay ang mga lalaki ng Ai.

22 Ang iba'y lumabas sa lunsod laban sa kanila, kaya't sila'y nasa gitna ng Israel, na ang iba'y sa dakong ito, at ang iba'y sa dakong iyon. Pinatay sila ng Israel, at hindi nila hinayaang sila'y mabuhay o makatakas.

23 Ngunit ang hari ng Ai ay hinuli nilang buháy at dinala kay Josue.

24 Pagkatapos mapatay ng Israel ang lahat ng mga naninirahan sa Ai, sa ilang na doon ay hinabol at nabuwal silang lahat sa pamamagitan ng talim ng tabak, ay bumalik ang buong Israel sa Ai at nilipol ito ng talim ng tabak.

25 Ang lahat ng nabuwal nang araw na iyon sa mga mamamayan ng Ai, maging lalaki o babae ay labindalawang libo.

26 Sapagkat hindi iniurong ni Josue ang kanyang kamay kundi ginamit ang sibat hanggang sa kanyang lubos na mapuksa ang lahat ng mga taga-Ai.

27 Tanging ang hayop at ang samsam sa lunsod na iyon ang kinuha ng Israel bilang samsam, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang iniutos kay Josue.

28 Kaya't sinunog ni Josue ang Ai, at ginawang isang bunton ng pagkawasak na naroon hanggang sa araw na ito.

29 At binitay niya ang hari ng Ai sa isang punungkahoy nang kinahapunan. Sa paglubog ng araw ay iniutos ni Josue na ibaba nila ang kanyang bangkay sa punungkahoy at ihagis sa pasukan ng pintuan ng lunsod. Iyon ay tinabunan ng malaking bunton ng mga bato na naroon hanggang sa araw na ito.

Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal

30 Pagkatapos(A) ay nagtayo si Josue sa bundok ng Ebal ng isang dambana para sa Panginoong Diyos ng Israel,

31 gaya(B) ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambanang mula sa hindi tinapyasang mga bato at hindi ginamitan ng kagamitang bakal ng sinumang tao. Doon ay naghandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog, at nag-alay ng mga handog pangkapayapaan.

32 Sumulat siya sa mga bato ng isang sipi ng kautusan ni Moises na kanyang sinulat sa harapan ng mga anak ni Israel.

33 At(C) ang buong Israel, maging dayuhan o katutubong mamamayan kasama ang kanilang matatanda at mga pinuno at ang kanilang mga hukom, ay tumayo sa magkabilang panig ng kaban at sa harapan ng mga paring Levita, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon. Ang kalahati sa kanila ay sa harapan ng bundok Gerizim at ang kalahati ay sa harapan ng bundok Ebal; gaya ng iniutos nang una ni Moises na lingkod ng Panginoon na kanilang basbasan ang bayan ng Israel.

34 Pagkatapos ay kanyang binasa ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan.

35 Walang salita sa lahat ng iniutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, sa mga babae, mga bata, at mga dayuhang naninirahang kasama nila.

Nilinlang ng mga Gibeonita si Josue

Nang mabalitaan ito ng lahat ng haring nasa kabila ng Jordan sa lupaing maburol at sa mga kapatagan, at sa lahat ng baybayin ng Malaking Dagat sa tapat ng Lebanon: ang mga Heteo, mga Amoreo, mga Cananeo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo—

sila ay nagkaisang magtipon upang labanan si Josue at ang Israel.

Lucas 16:1-18

Ang Tusong Katiwala

16 Sinabi rin ni Jesus[a] sa mga alagad, “May isang taong mayaman na may isang katiwala, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng taong ito ang kanyang mga kayamanan.

At kanyang tinawag siya, at sa kanya'y sinabi, ‘Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.’

Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Anong gagawin ko yamang inaalis sa akin ng aking panginoon ang pagiging katiwala? Hindi ko kayang maghukay at nahihiya akong mamalimos.

Naipasiya ko na ang aking gagawin, upang matanggap ako ng mga tao sa kanilang bahay kapag pinaalis na ako sa pagiging katiwala.’

Kaya't nang tawagin niyang isa-isa ang mga may utang sa kanyang panginoon, ay sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa aking panginoon?’

At sinabi niya, ‘Isang daang takal na langis.’ At sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at maupo ka at isulat mo kaagad ang limampu.’

Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, ‘Magkano ang utang mo?’ Sinabi niya, ‘Isang daang takal na trigo.’ Sinabi niya sa kanya, ‘Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang walumpu.’

At pinuri ng panginoon ang madayang katiwala, sapagkat siya'y gumawang may katusuhan, sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay higit na tuso sa pakikitungo sa sarili nilang lahi kaysa mga anak ng liwanag.

At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan upang kung ito'y maubos na, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tahanan.[b]

10 “Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di-tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami.

11 Kung kayo nga'y hindi naging tapat sa kayamanan ng kalikuan, sino ang magtitiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan?

12 At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sarili ninyong pag-aari.

13 Walang(A) aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya'y magiging tapat sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.”[c]

Ang Kautusan at ang Kaharian ng Diyos(B)

14 Narinig ng mga Fariseo na pawang maibigin sa salapi ang lahat ng mga bagay na ito at kanilang tinuya si Jesus.[d]

15 At sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga nagmamatuwid sa inyong sarili sa paningin ng mga tao, subalit nalalaman ng Diyos ang inyong mga puso. Sapagkat ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos.

16 “Ang(C) kautusan at ang mga propeta ay hanggang kay Juan; mula noon, ang magandang balita ng kaharian ng Diyos ay ipinangangaral, at ang bawat isa ay sapilitang pumapasok doon.[e]

17 Ngunit(D) mas madali pa para sa langit at lupa na lumipas, kaysa maalis ang isang kudlit sa kautusan.

18 “Ang(E) bawat humihiwalay sa kanyang asawang babae at nag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang nag-aasawa sa babaing hiniwalayan ng kanyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya.

Mga Awit 82

Ang Awit ni Asaf.

82 Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos;
    siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos.
“Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan,
    at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah)
Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila;
    panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha.
Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan;
    iligtas ninyo sila sa kamay ng masama.”

Wala silang kaalaman o pang-unawa,
    sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman;
    lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig.
Aking(A) sinasabi, “Kayo'y mga diyos,
    kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan.
Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao,
    at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno.”

Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa;
    sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa!

Mga Kawikaan 13:2-3

Ang tao mula sa bunga ng kanyang bibig ay kakain ng kabutihan,
    ngunit ang pagnanasa ng mandaraya ay karahasan.
Ang nag-iingat ng kanyang bibig ay nag-iingat ng kanyang buhay;
    ngunit ang nagbubuka nang maluwang ng kanyang mga labi ay hahantong sa kapahamakan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001