Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 11-12

Tinalo ni Josue si Jabin at Kanyang mga Kasama

11 Nang mabalitaan ito ni Jabin na hari sa Hazor, siya'y nagpasugo kay Jobab na hari sa Madon, at sa hari sa Simron, at sa hari sa Acsaf,

at sa mga hari na nasa hilaga, sa lupaing maburol, at sa Araba sa timog ng Cinerot at sa mababang lupain, at sa mga kaitaasan ng Dor sa kanluran,

sa Cananeo sa silangan at kanluran, sa Amoreo, sa Heteo, sa Perezeo, sa Jebuseo sa lupaing maburol, at sa Heveo sa ibaba ng Hermon, sa lupain ng Mizpa.

At sila'y lumabas, kasama ang kanilang mga hukbo, napakaraming tao na gaya ng mga buhangin na nasa baybayin ng dagat sa dami, na may napakaraming kabayo at karwahe.

Pinagsama-sama ng mga haring ito ang kanilang mga hukbo at dumating at sama-samang nagkampo sa tubig ng Merom upang labanan ang Israel.

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila sapagkat bukas, sa ganitong oras ay ibibigay ko silang lahat na patay sa harapan ng Israel; pipilayan ninyo ang kanilang mga kabayo at susunugin ng apoy ang kanilang mga karwahe.”

Kaya't biglang dumating sa kanila si Josue at ang lahat niyang mga mandirigma sa tabi ng tubig ng Merom, at sinalakay sila.

Ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Israel, at kanilang pinuksa at hinabol sila hanggang sa malaking Sidon, at hanggang sa Misrefot-maim, at hanggang sa libis ng Mizpa, sa dakong silangan at pinatay nila sila hanggang sa wala silang iniwan sa kanila na nalabi.

Ginawa ni Josue sa kanila ang gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya; kanyang pinilayan ang kanilang mga kabayo, at sinunog ng apoy ang kanilang mga karwahe.

10 Bumalik si Josue nang panahong iyon at sinakop ang Hazor, at pinatay ng tabak ang hari nito, sapagkat nang una ang Hazor ay puno ng lahat ng mga kahariang iyon.

11 Kanilang pinatay ng talim ng tabak ang lahat ng taong naroon, na kanilang lubos na nilipol; walang naiwan na may hininga, at kanyang sinunog ang Hazor.

12 Lahat ng mga lunsod ng mga haring iyon at lahat ng mga hari ng mga iyon ay sinakop ni Josue, at kanyang pinatay sila ng talim ng tabak at lubos na nilipol sila; gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon.

13 Ngunit tungkol sa mga lunsod na nakatayo sa kanilang mga bunton ay walang sinunog ang Israel, maliban sa Hazor na sinunog ni Josue.

14 Ang lahat na nasamsam sa mga lunsod na ito at ang mga hayop ay kinuha ng mga anak ni Israel bilang samsam para sa kanilang sarili; ngunit ang bawat tao ay pinatay nila ng talim ng tabak hanggang sa kanilang nalipol sila, ni hindi sila nag-iwan ng anumang may hininga.

15 Kung paanong nag-utos ang Panginoon kay Moises na kanyang lingkod ay gayon nag-utos si Moises kay Josue, at gayon ang ginawa ni Josue; wala siyang iniwang hindi ginawa sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Nasasakupang Kinuha ni Josue

16 Kaya't sinakop ni Josue ang buong lupaing iyon, ang lupaing maburol, ang buong Negeb, ang buong lupain ng Goshen, ang mababang lupain, ang Araba, at ang lupaing maburol ng Israel, at ang mababang lupain niyon,

17 mula sa bundok ng Halak na paahon sa Seir, hanggang sa Baal-gad sa libis ng Lebanon sa ibaba ng bundok Hermon; at kinuha niya ang lahat ng kanilang mga hari, at kanyang pinatay sila.

18 Si Josue ay matagal na panahong nakipagdigmaan sa lahat ng mga haring iyon.

19 Walang bayang nakipagpayapaan sa mga anak ni Israel, maliban sa mga Heveo na mga taga-Gibeon; kanilang kinuhang lahat sa pakikipaglaban.

20 Sapagkat(A) pinapagmatigas ng Panginoon ang kanilang puso upang pumaroon laban sa Israel sa pakikipaglaban, upang kanilang mapuksa silang lubos, at huwag silang magtamo ng biyaya, kundi kanyang mapuksa sila, gaya nang iniutos ng Panginoon kay Moises.

21 Nang panahong iyon dumating si Josue at pinuksa ang mga Anakim mula sa lupaing maburol, Hebron, Debir, Anab, at sa buong lupaing maburol ng Juda, at sa buong lupaing maburol ng Israel; pinuksa silang lubos ni Josue pati ng kanilang mga bayan.

22 Walang naiwan sa mga Anakim sa lupain ng mga anak ni Israel; tanging sa Gaza, Gat, at sa Asdod lamang siya nag-iwan ng iilan.

23 Kaya't sinakop ni Josue ang buong lupain ayon sa lahat ng sinabi ng Panginoon kay Moises; at ibinigay ito ni Josue bilang pamana sa Israel, ayon sa kanilang pagkakabahagi sang-ayon sa kanilang mga lipi. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikipagdigma.

Mga Haring Tinalo ni Moises

12 Ang(B) mga ito ang mga hari sa lupain na pinatay ng mga anak ni Israel, at inangkin ang kanilang lupain sa kabila ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon, at ang buong Araba na dakong silangan:

si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon at namuno mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon at ang gitna ng libis, at ang kalahati ng Gilead, hanggang sa ilog Jaboc na hangganan ng mga anak ni Ammon;

at ang Araba hanggang sa dagat ng Cinerot patungong silangan, at sa dakong Bet-jesimot hanggang sa dagat ng Araba, sa Dagat na Alat, patungong timog sa paanan ng mga libis ng Pisga;

at ang hangganan ni Og na hari sa Basan, sa nalabi sa mga Refaim na nakatira sa Astarot at sa Edrei,

at namuno sa bundok ng Hermon, at sa Saleca, at sa buong Basan, hanggang sa hangganan ng mga Geshureo at ng mga Maacatita, at ng kalahati ng Gilead, na hangganan ni Sihon na hari sa Hesbon.

Pinatay(C) sila ni Moises na lingkod ng Panginoon at ng mga anak ni Israel; at ibinigay ni Moises na lingkod ng Panginoon na pag-aari ng mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.

Mga Haring Tinalo ni Josue

Ang mga ito'y ang mga hari ng lupain na tinalo ni Josue at ng mga anak ni Israel sa kabila ng Jordan na dakong kanluran, mula sa Baal-gad na libis ng Lebanon hanggang sa bundok ng Halak, na paahon sa Seir (at ibinigay ni Josue na pag-aari sa mga lipi ng Israel ayon sa kanilang pagkakabaha-bahagi;

sa lupaing maburol, at sa mababang lupain, at sa Araba, at sa mga libis, at sa ilang, at sa Timog; ang lupain ng mga Heteo, ang Amoreo, at ang Cananeo, ang Perezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo);

ang hari ng Jerico, isa; ang hari sa Ai na nasa tabi ng Bethel, isa;

10 ang hari ng Jerusalem, isa; ang hari ng Hebron, isa;

11 ang hari ng Jarmut, isa; ang hari ng Lakish, isa;

12 ang hari ng Eglon, isa; ang hari ng Gezer, isa;

13 ang hari ng Debir, isa; ang hari ng Geder, isa;

14 ang hari ng Horma, isa; ang hari ng Arad, isa;

15 ang hari ng Libna, isa; ang hari ng Adullam, isa;

16 ang hari ng Makeda, isa; ang hari ng Bethel, isa;

17 ang hari ng Tapua, isa; ang hari ng Hefer, isa;

18 ang hari ng Afec, isa; ang hari ng Lasaron, isa;

19 ang hari ng Madon, isa; ang hari ng Hazor, isa;

20 ang hari ng Simron-meron, isa; ang hari ng Acsaf, isa;

21 ang hari ng Taanac, isa; ang hari ng Megido, isa;

22 ang hari ng Kedes, isa; ang hari ng Jokneam sa Carmel, isa;

23 ang hari ng Dor sa kaitaasan ng Dor, isa; ang hari ng mga bansa sa Gilgal, isa;

24 ang hari ng Tirsa, isa; lahat ng mga hari ay tatlumpu't isa.

Lucas 17:11-37

Pinagaling ni Jesus ang Sampung Ketongin

11 Habang patungo sa Jerusalem, si Jesus[a] ay dumaan sa pagitan ng Samaria at Galilea.

12 At sa pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin, na nakatayo sa malayo.

13 Sila'y nagsisigaw at nagsabi, “Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin.”

14 Nang(A) kanyang makita sila ay sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo at kayo'y magpakita sa mga pari.” Habang sila'y umaalis, sila ay nagiging malinis.

15 Nang makita ng isa sa kanila na siya'y gumaling na, siya ay bumalik na pinupuri ng malakas na tinig ang Diyos.

16 Siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus[b] na nagpapasalamat sa kanya. Siya'y isang Samaritano.

17 At nagtanong si Jesus, “Hindi ba sampu ang nalinis? Nasaan ang siyam?

18 Wala bang natagpuang bumalik at nagbigay papuri sa Diyos, maliban sa dayuhang ito?”

19 At sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumindig ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Ang Pagdating ng Kaharian(B)

20 Palibhasa'y tinanong si Jesus[c] ng mga Fariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, kanyang sinagot sila, “Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na may mga palatandaang makikita.

21 At di rin nila sasabihin, ‘Tingnan ninyo, naririto o naroroon!’ Sapagkat masdan ninyo, ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.”

22 Sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita.

23 At sasabihin nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroroon’ o ‘Tingnan ninyo, naririto!’ Huwag kayong pumaroon o sumunod sa kanila.

24 Sapagkat kung paanong ang kidlat ay kumikislap at pinaliliwanag ang langit mula sa isang panig hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa kanyang araw.

25 Subalit kailangan muna siyang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.

26 At(C) kung paano ang nangyari sa mga araw ni Noe, ay gayundin naman ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao.

27 Sila'y(D) kumakain at umiinom, nag-aasawa at sila'y pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe at dumating ang baha, at nilipol silang lahat.

28 Gayundin(E) ang nangyari sa mga araw ni Lot. Sila'y kumakain at umiinom, bumibili at nagbibili, nagtatanim at nagtatayo.

29 Subalit nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat.

30 Gayundin naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay mahayag.

31 Sa(F) araw na iyon, ang nasa bubungan na ang pag-aari niya ay nasa bahay, ay huwag nang manaog upang kunin ang mga ito. Gayundin, ang nasa bukid ay huwag nang bumalik.

32 Alalahanin(G) ninyo ang asawa ni Lot.

33 Sinumang(H) nagsisikap ingatan ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit ang sinumang nawalan ng kanyang buhay ay maiingatan iyon.

34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay may dalawa sa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.

35 May dalawang magkasamang magtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan.”

36 (Pupunta sa bukid ang dalawang lalaki; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan.)

37 At sinabi nila sa kanya, “Saan, Panginoon?” Sinabi niya sa kanila, “Kung saan naroon ang bangkay ay doon magtitipon ang mga buwitre.”

Mga Awit 84

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.

84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.

Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)

Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.

O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
    pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
    tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
    ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
    kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
    siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
    sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!

Mga Kawikaan 13:5-6

Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan,
    ngunit ang gawa ng masama ay kahiyahiya at kasuklamsuklam.
Ang may matuwid na lakad ay binabantayan ng katuwiran,
    ngunit ibinabagsak ng pagkakasala ang makasalanan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001