Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 32:28-52

28 “Sapagkat sila'y bansang salat sa payo,
    at walang kaalaman sa kanila.
29 O kung sila'y mga pantas, kanilang mauunawaan ito,
    at malalaman nila ang kanilang wakas!
30 Paano hahabulin ng isa ang isanlibo,
    at patatakbuhin ng dalawa ang sampung libo,
malibang ipinagbili sila ng kanilang Bato,
    at ibinigay na sila ng Panginoon?
31 Sapagkat ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato,
    kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom.
32 Sapagkat ang kanilang puno ng ubas ay mula sa ubasan sa Sodoma,
    at mula sa mga parang ng Gomorra.
Ang kanilang ubas ay ubas ng apdo,
    ang kanilang mga buwig ay mapait,
33 ang kanilang alak ay kamandag ng mga dragon,
    at mabagsik na kamandag ng mga ahas.
34 “Hindi ba ito'y nakalaan sa akin,
    na natatatakan sa aking mga kabang-yaman?
35 Ang(A) paghihiganti ay akin, at ang gantimpala,
    sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa;
sapagkat ang araw ng kanilang kapahamakan ay malapit na,
    at ang mga bagay na darating sa kanila ay nagmamadali.
36 Sapagkat(B) hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
    at mahahabag sa kanyang mga lingkod.
Kapag nakita niyang ang kanilang kapangyarihan ay wala na,
    at wala ng nalalabi, bihag man o malaya.
37 At kanyang sasabihin, ‘Saan naroon ang kanilang mga diyos,
    ang bato na kanilang pinagkanlungan?
38 Sino ang kumain ng taba ng kanilang mga handog,
    at uminom ng alak ng kanilang handog na inumin?
Pabangunin sila at tulungan ka,
    at sila'y maging inyong pag-iingat!
39 “‘Tingnan ninyo ngayon, ako, samakatuwid ay Ako nga,
    at walang diyos liban sa akin;
ako'y pumapatay at ako'y bumubuhay;
    ako'y sumusugat at ako'y nagpapagaling;
    at walang makakaligtas sa aking kamay.
40 Sapagkat aking itinataas ang aking kamay sa langit,
    at sumusumpa, ‘Buháy ako magpakailanman.
41 Kung ihahasa ko ang aking makintab na tabak,
    at ang aking kamay ay humawak sa hatol,
ako'y maghihiganti sa aking mga kaaway,
    at aking gagantihan ang mga napopoot sa akin.
42 At aking lalasingin ng dugo ang aking palaso,
    at ang aking tabak ay sasakmal ng laman;
ng dugo ng patay at ng mga bihag,
    mula sa ulong may mahabang buhok ng mga pinuno ng kaaway.’
43 “Magalak(C) kayo, O mga bansa, kasama ng kanyang bayan;
    sapagkat ipaghihiganti niya ang dugo ng kanyang mga lingkod,
at maghihiganti sa kanyang mga kalaban,
    at patatawarin ang kanyang lupain, ang kanyang bayan.”

44 At si Moises ay pumaroon at sinabi ang lahat ng mga salita ng awit na ito sa pandinig ng bayan, siya at si Josue[a] na anak ni Nun.

Huling Tagubilin ni Moises

45 Pagkatapos sabihin ni Moises ang lahat ng mga salitang ito sa buong Israel,

46 ay kanyang sinabi sa kanila, “Ilagay ninyo sa puso ang lahat ng mga salita na aking pinapatotohanan sa inyo sa araw na ito, na inyong iuutos sa inyong mga anak upang gawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.

47 Sapagkat ito'y hindi hamak na bagay sa inyo; sapagkat ito'y inyong buhay, at sa pamamagitan ng bagay na ito ay inyong pahahabain ang inyong mga araw sa lupain na inyong itinawid sa Jordan upang angkinin.”

Pinasampa si Moises sa Bundok ng Nebo

48 Ang(D) Panginoon ay nagsalita kay Moises nang araw ding iyon,

49 “Umakyat ka sa bundok na ito ng Abarim, sa bundok ng Nebo na nasa lupain ng Moab, na nasa tapat ng Jerico. Tanawin mo ang lupain ng Canaan, na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel bilang pag-aari.

50 Mamamatay ka sa bundok na iyong inakyat at isasama ka sa iyong angkan, gaya ni Aaron na iyong kapatid na namatay sa bundok ng Hor at isinama sa kanyang angkan.

51 Sapagkat kayo'y sumuway sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel sa tubig ng Meriba ng Kadesh, sa ilang ng Zin; sapagkat hindi ninyo ako itinuring na banal sa gitna ng mga anak ni Israel.

52 Gayunma'y makikita mo ang lupain sa harapan mo, ngunit hindi ka makakapasok sa lupain na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel.”

Lucas 12:35-59

Mga Lingkod na Handa

35 “Bigkisan(A) ninyo ang inyong mga baywang at paliwanagin ninyo ang inyong mga ilawan.

36 At(B) maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon na magbalik mula sa kasalan upang agad nilang mapagbuksan siya kapag siya ay dumating na at tumuktok.

37 Mapapalad ang mga aliping iyon na madatnan ng panginoon na nagbabantay kapag siya ay dumating. Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, bibigkisan niya ang kanyang baywang, sila'y papaupuin sa hapag-kainan at siya ay lalapit at paglilingkuran sila.

38 At kung siya'y dumating sa hatinggabi, o sa magmamadaling-araw na, at matagpuan silang gayon ay mapapalad ang mga aliping iyon.

39 Subalit(C) alamin ninyo ito, kung nalalaman ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y[a] hindi magpapabayang mapasok ang kanyang bahay.

40 Dapat din kayong maging handa, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Tapat at Di-tapat na Alipin(D)

41 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, sinasabi mo ba ang talinghagang ito para sa amin, o para sa lahat?”

42 At sinabi ng Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala na pagkakatiwalaan ng kanyang panginoon sa kanyang mga alipin, upang sila'y bigyan ng kanilang bahaging pagkain sa tamang panahon?

43 Mapalad ang aliping iyon, na maratnan ng kanyang panginoon na gayon ang ginagawa.

44 Tunay na sinasabi ko sa inyo, sa kanya ipagkakatiwala ang lahat niyang ari-arian.

45 Subalit kung sabihin ng alipin iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagdating ng aking panginoon;’ at pinasimulan niyang bugbugin ang mga aliping lalaki at mga aliping babae; at siya'y kumain, uminom, at naglasing,

46 ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman. Siya'y pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat.

47 At ang aliping iyon na nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda at hindi ginawa ang ayon sa kalooban nito ay papaluin nang marami.

48 Subalit ang hindi nakakaalam at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga palo ay papaluin ng kaunti. Ngunit sa bawat binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya, at sa kanya na pinagkatiwalaan ng marami ay higit na marami ang kanilang hihingin sa kanya.

Si Jesus ang Sanhi ng Pagkakabaha-bahagi(E)

49 “Ako'y naparito upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sana na ito ay nagniningas na!

50 Ako'y(F) mayroong bautismo na ibabautismo sa akin, at ako'y nababagabag hanggang hindi ito nagaganap!

51 Sa palagay ba ninyo ay pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Hindi! Sinasabi ko sa inyo, sa halip ay pagkakabaha-bahagi.

52 Sapagkat mula ngayon ang lima sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi; tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo.

53 Sila'y(G) magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki, at ang anak na lalaki laban sa ama; ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa kanyang ina; ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae.”

Pagbibigay-kahulugan sa Panahon(H)

54 Sinabi rin niya sa napakaraming tao, “Kapag may nakita kayong ulap na tumataas sa kanluran ay agad ninyong sinasabi na may darating na malakas na ulan, at gayon nga ang nangyayari.

55 At kapag nakikita ninyong humihihip ang hanging habagat ay sinasabi ninyo, na magkakaroon ng matinding init, at ito'y nangyayari.

56 Kayong mga mapagkunwari! Marunong kayong magbigay ng kahulugan sa anyo ng lupa at ng langit, subalit bakit hindi kayo marunong magbigay ng kahulugan sa kasalukuyang panahon?

Makipag-ayos sa Iyong Kalaban(I)

57 At bakit hindi ninyo hatulan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid?

58 Kaya habang patungo ka sa hukom na kasama ang sa iyo'y nagsakdal, sa daan ay sikapin mo nang makipag-ayos sa kanya, kung hindi ay kakaladkarin ka niya sa hukom, at ibibigay ka ng hukom sa punong-tanod, at ipapasok ka ng punong-tanod sa bilangguan.

59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang kusing.”

Mga Awit 78:56-64

56 Gayunma'y(A) kanilang sinubukan at naghimagsik sila sa Diyos na Kataas-taasan,
    at ang kanyang mga patotoo ay hindi iningatan;
57 kundi tumalikod at gumawang may kataksilan na gaya ng kanilang mga magulang;
    sila'y bumaluktot na gaya ng mandarayang pana.
58 Sapagkat kanilang ginalit siya sa pamamagitan ng kanilang matataas na dako,
    kanilang pinapanibugho siya sa pamamagitan ng kanilang mga larawang nililok.
59 Nang marinig ito ng Diyos, sa poot siya ay napuspos,
    at ang Israel ay kinayamutang lubos.
60 Kanyang(B) pinabayaan ang kanyang tahanan sa Shilo,
    ang tolda na kanyang inilagay sa gitna ng mga tao;
61 at(C) ibinigay sa pagkabihag ang kanyang kalakasan,
    ang kanyang kaluwalhatian sa kamay ng kaaway.
62 Ibinigay niya ang kanyang bayan sa espada,
    at ibinulalas ang kanyang poot sa kanyang mana.
63 Nilamon ng apoy ang kanilang kabinataan,
    at ang mga dalaga nila'y walang awit ng kasalan.
64 Ang kanilang mga pari ay ibinuwal ng tabak;
    at ang mga balo nila'y hindi makaiyak.

Mga Kawikaan 12:24

24 Ang kamay ng masipag ay mamamahala,
ngunit ang tamad ay malalagay sa sapilitang paggawa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001