Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 1:1-2:9

Ang Pagsakop sa Bezec, Jerusalem, Hebron, Kiryat-sefer at Iba pa

Pagkamatay ni Josue, itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon na sinasabi, “Sino ang mangunguna sa amin upang labanan ang mga Cananeo?”

Sinabi ng Panginoon, “Ang Juda ang mangunguna. Ibinigay ko na ang lupain sa kanyang kamay.”

Sinabi ng Juda sa Simeon na kanyang kapatid, “Sumama ka sa akin sa lupaing inilaan sa akin upang ating kalabanin ang mga Cananeo. Ako nama'y sasama sa iyo sa lupaing nakalaan sa iyo.” Kaya't ang Simeon ay sumama sa kanya.

At umahon ang Juda at ibinigay ng Panginoon ang mga Cananeo at mga Perezeo sa kanilang kamay. Natalo nila ang sampung libong lalaki sa Bezec.

Kanilang natagpuan si Adoni-bezek sa Bezec at siya'y nilabanan nila, at kanilang tinalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo.

Ngunit tumakas si Adoni-bezek, kaya't kanilang hinabol siya hanggang sa nahuli, at pinutol nila ang mga hinlalaki sa kanyang kamay at paa.

Sinabi ni Adoni-bezek, “Pitumpung hari na pinutulan ng mga hinlalaki sa kamay at paa ang namumulot ng kanilang pagkain sa ilalim ng aking hapag. Kung paano ang aking ginawa ay gayon ako pinaghigantihan ng Diyos.” Dinala nila siya sa Jerusalem, at siya'y namatay roon.

At ang mga anak ni Juda ay lumaban sa Jerusalem at sinakop ito. Pinatay nila ito ng talim ng tabak, at sinunog ng apoy ang lunsod.

Pagkatapos, ang mga anak ni Juda ay lumusong upang lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa mga lupaing maburol, at sa Negeb, at sa kapatagan.

10 Ang Juda ay lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa Hebron (ang pangalan ng Hebron nang una ay Kiryat-arba); at kanilang tinalo ang Sesai, at ang Ahiman, at ang Talmai.

11 Mula roo'y lumaban sila sa mga taga-Debir. (Ang pangalan nga ng Debir nang una ay Kiryat-sefer.)

12 Sinabi ni Caleb, “Ang sumalakay sa Kiryat-sefer at sumakop doon ay ibibigay ko sa kanya si Acsa na aking anak bilang asawa.”

13 Si Otniel na anak ni Kenaz, nakababatang kapatid ni Caleb, ay siyang sumakop; at ibinigay niya sa kanya si Acsa na kanyang anak bilang asawa.

14 Nang makipisan siya sa kanya, kanyang hinimok siya na humingi sa kanyang ama ng isang bukid; at siya'y bumaba sa kanyang asno, at sinabi ni Caleb sa kanya, “Anong ibig mo?”

15 Sinabi ni Acsa sa kanya, “Bigyan mo ako ng isang kaloob; yamang inilagay mo ako sa lupain ng Negeb, bigyan mo rin ako ng mga bukal ng tubig.” At ibinigay ni Caleb sa kanya ang mga bukal sa itaas, at ang mga bukal sa ibaba.

16 Ang mga anak ni Kineo, na biyenan ni Moises ay umahong kasama ng mga anak ni Juda mula sa lunsod ng mga palma hanggang sa ilang ng Juda na malapit sa Arad; at sila'y naparoon at nanirahang kasama ng mga tao.

17 Ang Juda ay sumama kay Simeon na kanyang kapatid, at kanilang tinalo ang mga Cananeo na nanirahan sa Sefath at lubos na pinuksa ito. Ang pangalan ng bayan ay tinawag na Horma.

18 Sinakop din naman ng Juda ang Gaza pati ang nasasakupan niyon at ang Ascalon pati ang nasasakupan niyon, at ang Ekron pati ang nasasakupan niyon.

19 Ang Panginoon ay sumama sa Juda at kanyang inangkin ang mga lupaing maburol; ngunit hindi niya mapalayas ang mga naninirahan sa kapatagan, dahil sa sila'y may mga karwaheng bakal.

20 Kanilang(A) ibinigay ang Hebron kay Caleb, gaya nang sinabi ni Moises at kanyang pinalayas doon ang tatlong anak ni Anak.

21 Hindi(B) pinalayas ng mga anak ni Benjamin ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem; kaya't ang mga Jebuseo ay nanirahang kasama ng mga anak ni Benjamin sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.

22 Ang sambahayan ni Jose ay umahon din laban sa Bethel; at ang Panginoon ay kasama nila.

23 Ang sambahayan ni Jose ay nagsugo upang tiktikan ang Bethel. (Ang pangalan nga ng bayan nang una ay Luz.)

24 Nakakita ang mga espiya ng isang lalaki na lumalabas sa lunsod at kanilang sinabi sa kanya, “Ituro mo sa amin ang pasukan sa lunsod at magiging mabuti kami sa iyo.”

25 At itinuro niya sa kanila ang pasukan sa lunsod, at kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga tao sa lunsod ngunit pinaalis ang lalaki at ang kanyang buong sambahayan.

26 Kaya't ang lalaki ay pumasok sa lupain ng mga Heteo, at nagtayo ng isang bayan, at tinawag ang pangalan niyon na Luz: iyon ang pangalan niyon hanggang sa araw na ito.

Ang mga Bayang Hindi pa Nasasakop

27 Hindi(C) pinalayas ng Manases ang mga naninirahan sa Bet-shan at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Taanac at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Dor at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Ibleam at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Megido at ang mga nayon niyon; kundi ang mga Cananeo ay nanatiling nakatira sa lupaing iyon.

28 Nang lumakas ang Israel, kanilang sapilitang pinagawa ang mga Cananeo, ngunit hindi nila lubos na pinalayas.

29 Hindi(D) pinalayas ni Efraim ang mga Cananeo na naninirahan sa Gezer; kundi ang mga Cananeo ay nanirahan sa Gezer na kasama nila.

30 Hindi pinalayas ni Zebulon ang mga naninirahan sa Chitron, ni ang mga naninirahan sa Naalol; kundi ang mga Cananeo ay nanirahang kasama nila, at naging saklaw ng sapilitang paggawa.

31 Hindi pinalayas ng Aser ang mga naninirahan sa Aco, ni ang mga naninirahan sa Sidon, ni ang naninirahan sa Alab, ni ang naninirahan sa Aczib, ni ang naninirahan sa Helba, ni ang naninirahan sa Afec, ni ang naninirahan sa Rehob;

32 kundi ang mga Aserita ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, na mga naninirahan sa lupaing iyon sapagkat hindi nila pinalayas sila.

33 Hindi pinalayas ng Neftali ang mga naninirahan sa Bet-shemes, ni ang mga naninirahan sa Bet-anat; kundi nanirahang kasama ng mga Cananeo na naninirahan sa lupaing iyon. Gayunman ang mga naninirahan sa Bet-shemes at naninirahan sa Bet-anat ay naging saklaw ng sapilitang paggawa para sa kanila.

34 Pinaurong ng mga Amoreo ang mga anak ni Dan sa mga lupaing maburol sapagkat ayaw nilang payagang sila'y bumaba sa kapatagan.

35 Nagpilit ang mga Amoreo na manirahan sa bundok ng Heres, sa Aijalon, at sa Shaalbim. Gayunman, lalong naging makapangyarihan[a] ang sambahayan ni Jose sa kanila at sila'y inilagay sa sapilitang paggawa.

36 Ang hangganan ng mga Amoreo ay mula sa daang paakyat ng Acrabim, mula sa Sela at paitaas.

Ang Anghel ng Panginoon sa Boquim

Umakyat ang anghel ng Panginoon sa Boquim mula sa Gilgal. Kanyang sinabi, “Kayo'y pinaahon ko mula sa Ehipto, at dinala ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno. Sinabi kong, ‘Kailanma'y hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo,

at(E) huwag kayong makikipagtipan sa mga naninirahan sa lupaing ito; inyong wawasakin ang kanilang mga dambana.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking utos. Ano itong ginawa ninyo?

Kaya't sinasabi ko ngayon, Hindi ko sila palalayasin sa harap ninyo; kundi sila'y magiging mga kalaban[b] ninyo, at ang kanilang mga diyos ay magiging bitag sa inyo.”

Nang sabihin ng anghel ng Panginoon ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, inilakas ng bayan ang kanilang tinig at umiyak.

At kanilang tinawag ang pangalan ng dakong iyon na Boquim; at sila'y nag-alay doon sa Panginoon.

Ang Pagkamatay ni Josue

Nang mapaalis na ni Josue ang taong-bayan, pumaroon ang bawat isa sa mga anak ni Israel sa kanyang mana upang angkinin ang lupa.

Naglingkod ang bayan sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang huling namatay kay Josue na nakakita ng mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa Israel.

Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ng Panginoon, ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon.

Kanilang(F) inilibing siya sa hangganan ng kanyang mana, sa Timnat-heres, sa maburol na lupain ng Efraim na nasa hilaga ng bundok Gaas.

Lucas 21:29-22:13

Ang Aral tungkol sa Puno ng Igos(A)

29 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga: “Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punungkahoy;

30 kapag mayroon na silang mga dahon ay nakikita mismo ninyo at nalalaman na malapit na ang tag-araw.

31 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, nalalaman ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.

32 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

33 Ang langit at ang lupa ay lilipas, subalit ang aking salita ay hindi lilipas.

Kailangang Magbantay

34 “Subalit mag-ingat kayo sa inyong sarili, baka magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at kalasingan, at sa mga alalahanin ukol sa buhay na ito, at biglang dumating ang araw na iyon na parang bitag.

35 Sapagkat ito ay darating sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa.

36 Subalit maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao.”

37 Araw-araw(B) ay nagtuturo siya sa templo; subalit sa gabi ay lumalabas siya at ginugugol ang magdamag sa bundok na tinatawag na Olibo.

38 At lahat ng mga tao ay maagang pumaparoon sa kanya sa templo upang pakinggan siya.

Ang Pakana Laban kay Jesus(C)

22 Ang(D) pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskuwa, ay papalapit na.

Naghahanap ng paraan ang mga punong pari at ang mga eskriba kung paano nila maipapapatay si Jesus[a] sapagkat natatakot sila sa mga tao.

Sumang-ayon si Judas na Ipagkanulo si Jesus(E)

Pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na isa sa labindalawa.

Siya'y umalis at nakipag-usap sa mga punong pari at mga punong-kawal kung paanong kanyang maipagkakanulo siya sa kanila.

At sila'y natuwa at nagkasundong bigyan siya ng salapi.

Kaya't pumayag siya at humanap ng tamang pagkakataon upang kanyang maipagkanulo siya sa kanila na hindi kaharap ang maraming tao.

Ang Paghahanda para sa Paskuwa(F)

Dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na noon ay kailangang ihandog ang kordero ng Paskuwa.

Kaya't isinugo ni Jesus[b] sina Pedro at Juan, na sinasabi, “Humayo kayo at ihanda ninyo ang paskuwa para sa atin, upang ating kainin ito.”

At kanilang sinabi sa kanya, “Saan mo gustong ihanda namin ito?”

10 At kanyang sinabi sa kanila, “Narito, pagpasok ninyo sa lunsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kanyang papasukan.

11 At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Sinasabi ng Guro sa iyo, “Saan ang silid para sa panauhin na doon ay aking kakainin ang Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?”’

12 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan. Doon kayo maghanda.”

13 At humayo sila, at natagpuan ito ayon sa sinabi niya sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa.

Mga Awit 90-91

IKAAPAT NA AKLAT

Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.

90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
    sa lahat ng salinlahi.
Bago nilikha ang mga bundok,
    o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
    ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.

Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
    at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
    ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
    o gaya ng isang gabing pagbabantay.

Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
    kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
    sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.

Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
    at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
    sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.

Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
    na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
    o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
    ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.

11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
    at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
    upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.

13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
    Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
    upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
    at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
    at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
    at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
    oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.

Ang Diyos ang Ating Tagapag-ingat

91 Siyang naninirahan sa tirahan ng Kataas-taasan,
    ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan,
sasabihin ko sa Panginoon, “Aking muog at aking kanlungan,
    aking Diyos na siya kong pinagtitiwalaan.”
Sapagkat ililigtas ka niya sa bitag ng maninilo,
    at sa nakakamatay na salot.
Kanyang tatakpan ka ng mga bagwis niya,
    at sa ilalim ng kanyang mga pakpak ay manganganlong ka;
    ang kanyang katapatan ay baluti at panangga.
Ang mga nakakakilabot sa gabi ay di mo katatakutan,
    ni ang pana na nagliliparan kapag araw;
ni ang salot na lihim na bumubuntot sa kadiliman,
    ni ang pagkawasak na sumisira sa katanghalian.
Mabubuwal sa iyong tabi ang isang libo,
    sa iyong kanan ay sampung libo,
    ngunit ito'y hindi lalapit sa iyo.
Mamamasdan mo lamang sa pamamagitan ng iyong mga mata,
    at iyong makikita ang parusa sa masama.

Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay aking kanlungan!
    Ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan;
10 walang kasamaang darating sa iyo,
    walang parusang lalapit sa tolda mo.
11 Sapagkat(B) siya'y magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,
    upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka.
12 Sa(C) kanilang mga kamay ay dadalhin ka nila,
    baka sa isang bato'y matisod ang iyong paa.
13 Iyong(D) tatapakan ang leon at ang ulupong,
    tatapakan mo ng iyong paa ang ahas at batang leon.

14 Sapagkat siya'y kumapit sa akin na may pag-ibig, ililigtas ko siya,
    iingatan ko siya sapagkat ang aking pangalan ay nalalaman niya.
15 Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya;
    ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan,
    sasagipin ko siya at pararangalan ko siya.
16 Aking bubusugin siya ng mahabang buhay,
    at ipapakita sa kanya ang aking pagliligtas.

Mga Kawikaan 13:24-25

24 Ang hindi gumagamit ng pamalo ay napopoot sa anak niya,
    ngunit ang umiibig sa kanya ay matiyagang dumidisiplina.
25 Ang matuwid ay may sapat upang masiyahan,
    ngunit ang tiyan ng masama ay mangangailangan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001