M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga anak na babae ni Salphaad.
27 Nang magkagayo'y nagsilapit ang mga anak na babae ni (A)Salphaad, na anak ni Hepher, na anak ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ni Manases, na anak ni Jose; at ito ang mga pangalan ng kaniyang mga anak: Maala, at Noa, at Hogla, at Milca, at Tirsa.
2 At sila'y nagsitayo sa harap ni Moises, at sa harap ni Eleazar na saserdote, at sa harap ng mga prinsipe at ng buong kapisanan, sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan, na sinasabi,
3 (B)Ang aming ama ay namatay sa ilang, at siya'y hindi kasama ng nagpipisang magkakasama laban sa Panginoon, sa pulutong ni Core: kundi siya'y namatay sa kaniyang sariling kasalanan; at hindi nagkaanak ng lalake.
4 Bakit ang pangalan ng aming ama ay aalisin sa angkan niya, sapagka't siya'y hindi nagkaanak ng lalake? (C)Bigyan ninyo kami ng pagaari sa gitna ng mga kapatid ng aming ama.
5 At dinala ni Moises ang kanilang usap sa harap ng Panginoon.
6 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
7 Ang mga anak na babae ni Salphaad ay nagsasalita ng matuwid: (D)bibigyan mo nga sila ng isang pagaari na pinakamana sa gitna ng mga kapatid ng kanilang ama; at iyong isasalin ang mana ng kanilang ama sa kanila.
8 At iyong sasalitain sa mga anak ni Israel, na iyong sasabihin, Kung ang isang lalake ay mamatay, at walang anak na lalake, ay inyo ngang isasalin ang kaniyang mana sa kaniyang anak na babae.
9 At kung siya'y walang anak na babae, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang mga kapatid.
10 At kung siya'y walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa mga kapatid ng kaniyang ama.
11 At kung ang kaniyang ama ay walang kapatid, ay inyo ngang ibibigay ang kaniyang mana sa kaniyang (E)kamaganak na pinakamalapit sa kaniya sa kaniyang angkan, at kaniyang aariin: at sa mga anak ni Israel ay magiging isang (F)palatuntunan ng kahatulan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Si Moises ay pinagsabihan tungkol sa kaniyang pagkamatay.
12 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (G)Sumampa ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel.
13 At pagkakita mo niyaon ay (H)malalakip ka rin naman sa iyong bayan, na gaya ng pagkalakip ni Aaron na iyong kapatid:
14 (I)Sapagka't kayo'y nanghimagsik laban sa aking salita sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapisanan, na ipakilala ninyong banal ako sa harap ng mga mata nila sa tubig. (Ito ang (J)tubig ng Meriba sa Cades sa ilang ng Zin.)
Si Josue ang humalili kay Moises.
15 At sinalita ni Moises sa Panginoon, na sinasabi,
16 Maghalal ang Panginoon, ang (K)Dios ng mga diwa ng lahat ng laman, ng isang lalake sa kapisanan,
17 (L)Na makalalabas sa harap nila, at makapapasok sa harap nila, at makapaglalabas sa kanila, at makapagpapasok sa kanila; upang ang kapisanan ng Panginoon ay huwag maging (M)parang mga tupa na walang pastor.
18 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Ipagsama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalake na (N)kinakasihan ng Espiritu, at (O)ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya;
19 At iharap mo siya kay Eleazar na saserdote, at sa buong kapisanan; at (P)pagbilinan mo siya sa kanilang paningin.
20 At lalagyan mo siya ng iyong karangalan upang (Q)sundin siya ng buong kapisanan ng mga anak ni Israel.
21 At siya'y tatayo sa harap ni Eleazar na saserdote, na siyang (R)maguusisa tungkol sa kaniya, ng hatol ng (S)Urim sa harap ng Panginoon: sa kaniyang salita, ay lalabas sila, at sa kaniyang salita, ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, sa makatuwid baga'y ang buong kapisanan.
22 At ginawa ni Moises gaya ng iniutos ng Panginoon sa kaniya: at kaniyang ipinagsama si Josue, at kaniyang iniharap kay Eleazar na saserdote, at sa buong kapisanan:
23 At kaniyang ipinatong ang mga kamay niya sa kaniya, at pinagbilinan niya siya, gaya ng sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Sa Pangulong Manunugtog. (A)Awit ni David; upang umalaala.
70 (B)Magmadali ka, Oh Dios, na iligtas mo ako;
Magmadali ka na tulungan mo ako, Oh Panginoon.
2 Mangapahiya at mangalito sila,
Na nagsisiusig ng aking kaluluwa:
Mangapatalikod sila at mangadala sa kasiraang puri.
Silang nangaliligaya sa aking kapahamakan.
3 (C)Mangapatalikod sila dahil sa kanilang kahihiyan.
Silang nangagsasabi, Aha, Aha.
4 Mangagalak at mangatuwa sa iyo ang lahat na nagsisihanap sa iyo;
At magsabing lagi yaong umiibig ng iyong kaligtasan:
Dakilain ang Dios.
5 Nguni't ako'y dukha at mapagkailangan;
(D)Magmadali ka sa akin, Oh Dios:
Ikaw ay aking katulong at aking tagapagligtas;
Oh Panginoon, huwag kang magluwat.
Panalangin ng isang matandang tao sa pagliligtas.
71 Sa iyo (E)Oh Panginoon, nanganganlong ako:
Huwag akong mapahiya kailan man.
2 (F)Iligtas mo ako sa iyong katuwiran, at sagipin mo ako:
(G)Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at iligtas mo ako,
3 (H)Ikaw ay maging kanlungan ng aking tahanan, na aking kapaparunang lagi:
(I)Ikaw ay nagbigay utos na iligtas ako;
Sapagka't ikaw ay aking malaking bato at aking kuta.
4 Sagipin mo ako, (J)Oh aking Dios, sa kamay ng masama,
Sa kamay ng liko at mabagsik na tao.
5 Sapagka't ikaw ay (K)aking pagasa, Oh Panginoong Dios:
Ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
6 (L)Sa pamamagitan mo ay naalalayan ako mula sa bahay-bata:
Ikaw ang kumuha sa akin sa tiyan ng aking ina:
Ang pagpuri ko'y magiging laging sa iyo.
7 (M)Ako'y naging isang kagilagilalas sa marami;
Nguni't ikaw ang matibay kong kanlungan.
8 Ang bibig ko'y (N)mapupuno ng pagpuri sa iyo,
At ng iyong karangalan buong araw.
9 (O)Huwag mo akong itakuwil sa katandaan;
Huwag mo akong pabayaan pagka ang aking kalakasan ay nanglulupaypay.
10 Sapagka't ang mga kaaway ko'y nangagsasalita tungkol sa akin:
At silang nagsisibakay ng aking kaluluwa ay nangagsasanggunian,
11 Na nangagsasabi, Pinabayaan siya ng Dios:
Iyong habulin at hulihin siya; sapagka't walang magligtas.
12 (P)Oh Dios, huwag kang lumayo sa akin:
Oh Dios ko, (Q)magmadali kang tulungan mo ako.
13 (R)Mangapahiya at mangalipol sila na mga kaaway ng aking kaluluwa;
Mangatakpan ng pagkaduwahagi at kasiraang puri sila, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.
14 Nguni't ako'y maghihintay na palagi,
At pupuri pa ako sa iyo ng higit at higit.
15 (S)Ang bibig ko'y magsasaysay ng iyong katuwiran,
At ng iyong pagliligtas buong araw;
(T)Sapagka't hindi ko nalalaman ang mga bilang.
16 Ako'y yayao na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Dios:
Aking babanggitin ang iyong katuwiran, sa makatuwid baga'y ang iyo lamang.
17 Oh Dios, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan;
At hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagilagilalas na mga gawa.
18 Oo, pag ako'y tumanda at may uban, Oh Dios, huwag mo akong pabayaan;
Hanggang sa aking maipahayag ang (U)iyong kalakasan sa sumusunod na lahi,
Ang iyong kapangyarihan sa bawa't isa na darating.
19 (V)Ang iyo ring katuwiran, Oh Dios, ay totoong mataas;
Ikaw na (W)gumawa ng dakilang mga bagay,
(X)Oh Dios, sino ang gaya mo.
20 (Y)Ikaw na nagpakita sa amin ng marami at lubhang kabagabagan,
(Z)Bubuhayin mo uli kami,
At ibabangon mo uli kami mula sa mga kalaliman ng lupa.
21 Palaguin mo ang aking kadakilaan,
At bumalik ka uli, at aliwin mo ako.
22 Pupurihin din kita ng salterio,
Ang iyong katotohanan, Oh Dios ko;
Sa iyo'y aawit ako ng mga kapurihan sa pamamagitan ng alpa,
(AA)Oh ikaw na Banal ng Israel.
23 Ang mga labi ko'y mangagagalak na mainam pagka ako'y umaawit ng mga pagpuri sa iyo;
At ang (AB)kaluluwa ko, na iyong tinubos.
24 (AC)Ang dila ko naman ay magsasalita ng iyong katuwiran buong araw:
(AD)Sapagka't sila'y nangapahiya, sila'y nangalito, na nagsisihanap ng aking kapahamakan.
Ang hula tungkol sa Damasco.
17 (A)Ang hula tungkol sa Damasco. (B)Narito, ang Damasco ay naalis sa pagkabayan, at magiging isang buntong ginto.
2 Ang mga bayan ng Aroer ay napabayaan: yao'y magiging sa mga kawan, na (C)hihiga, at walang tatakot.
3 Ang moog sa kuta naman ay mawawala sa Ephraim, (D)at mawawalan ng kaharian ang Damasco, at ang nalabi sa Siria; sila'y magiging gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 At mangyayari sa araw na yaon, na ang kaluwalhatian ng Jacob ay mangliliit, at ang katabaan ng kaniyang laman ay (E)mangangayayat.
5 At (F)mangyayari na gaya ng pamumulot ng mangaani ng nakatayong trigo, at ng panggapas ng kaniyang kamay ng mga uhay; oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay sa libis ng Ephraim.
6 (G)Gayon ma'y maiiwan doon ang mga pinulot, gaya ng pagugog sa puno ng olibo na dalawa o tatlong bunga ay naiiwan sa dulo ng kataastaasang sanga, apat o lima sa kaduluduluhang mga sanga ng mabungang punong kahoy, sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel.
7 Sa araw na yaon ay titingin ang mga tao sa May-lalang (H)sa kanila, ang kanilang mga mata ay magkakaroon ng pitagan sa Banal ng Israel.
8 At sila'y hindi titingin sa mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, o magkakaroon man sila ng pitagan sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa (I)mga Asera, o sa mga larawang araw.
9 Sa araw na yao'y ang kanilang mga matibay na bayan ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan sa harap ng angkan ni Israel: at magiging sira.
10 Sapagka't iyong nilimot ang (J)Dios ng inyong kaligtasan, at hindi mo inalaala ang (K)malaking bato ng iyong kalakasan: kaya't nagtatanim ka ng mga maligayang pananim, at iyong ibinabaon ang punla ng iba:
11 Sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong binabakuran, at sa kinaumagahan ay iyong pinamumulaklak ang iyong binhi; nguni't nawawalan ng ani sa araw ng kalumbayan at sa lubhang kahapisan.
12 Ah, ang kaingay ng maraming bayan, na nagsisiugong na gaya ng ugong ng mga dagat; at ang daluhong ng mga bansa, na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng tubig!
13 Ang mga bansa ay magsisihugos na parang agos ng maraming tubig nguni't sila'y sasawayin niya, at magsisitakas sa malayo, at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin, at gaya ng ipoipong alabok sa harap ng bagyo.
14 Sa gabi ay narito ang kakilabutan; at bago dumating ang umaga ay wala na sila. (L)Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin, at ang palad nila na nangagnanakaw sa atin.
Ang hula tungkol sa Etiopia.
18 Ah, (M)ang lupain ng pagaspas ng mga pakpak, na nasa dako roon ng mga ilog ng Etiopia:
2 Na nagsusugo ng mga sugo na nangagdadagat, sa makatuwid baga'y sa mga sasakyang papiro sa tubig, na nagsasabi, Magsiyaon kayo, maliliksing sugo, sa (N)bansang mataas at patag, sa bayang kakilakilabot mula sa kanilang pasimula at sa haharapin; sa bansang sumusukat at yumayapak, na ang lupain ay hinahati ng mga ilog!
3 Kayong lahat na nananahan sa sanglibutan, at kayong mga naninirahan sa lupa, pagka ang isang watawat ay (O)nataas sa mga bundok, inyong tingnan; at pagka ang pakakak ay hinipan, makinig kayo.
4 Sapagka't ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, Ako'y tatahimik, at aking mamasdan mula sa aking dakong tahanan, gaya ng malinaw na init sa sikat ng araw, gaya ng ulap na hamog sa init ng pagaani.
5 Sapagka't bago magani, pagka ang bulaklak ay nalagas, at ang bulaklak ay nagiging ubas na nahihinog, kaniyang puputulin ng karit na pangkapon ang mga usbong, at ang mga ladlad na sanga ay kaniyang aalisin at puputulin.
6 Ang mga yaon ay pawang mangaiiwan sa mga ibong mangdadagit sa mga bundok, at sa mga hayop sa lupa: at pagtataginitan ang mga yaon ng mga ibong mangdadagit, at pagtataginawan ang mga yaon ng lahat na hayop sa lupa.
7 Sa panahong yao'y (P)dadalhin ang isang kaloob sa Panginoon ng mga hukbo ng mga taong matataas at makikisig, at mula sa bayang kakilakilabot na mula sa kanilang pasimula hanggang sa haharapin; isang bansa na sumusukat at yumayapak, na ang lupain ay hinahati ng mga ilog, sa dako ng pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, na bundok ng Sion.
5 Sa (A)matatanda nga sa inyo'y umaaral ako, (B)akong matandang kasamahan ninyo, at isang (C)saksi ng mga hirap ni Cristo, na may bahagi naman sa kaluwalhatiang ihahayag:
2 Pangalagaan ninyo ang kawan (D)ng Dios na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni (E)hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip;
3 Ni hindi din naman ang gaya ng kayo'y (F)may pagkapanginoon sa (G)pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo'y maging mga uliran ng kawan.
4 At (H)pagkahayag ng pangulong Pastor, ay magsisitanggap kayo (I)ng di nasisirang putong ng kaluwalhatian.
5 Gayon din naman, kayong mga kabataan, ay magsisuko sa (J)matatanda. Oo, kayong (K)lahat ay mangagbigkis ng kapakumbabaan, na kayo-kayo'y (L)maglingkuran: sapagka't ang (M)Dios ay sumasalangsang sa mga palalo, datapuwa't nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba.
6 Kaya't kayo'y mangagpakababa (N)sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Dios, upang kayo'y kaniyang itaas sa kapanahunan;
7 Na inyong ilagak sa kaniya (O)ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagka't kayo'y ipinagmamalasakit niya.
8 Kayo'y maging mapagpigil, kayo'y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban (P)na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya:
9 Na siya'y labanan ninyong matatag sa inyong pananampalataya, (Q)yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nagaganap sa inyong mga kapatid na nangasa sanglibutan.
10 At ang Dios ng buong biyaya (R)na sa inyo'y tumawag sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, pagkatapos na kayo'y makapagbatang sangdaling panahon, ay siya rin ang magpapasakdal, magpapatibay, at magpapalakas (S)sa inyo.
11 Sumasakaniya nawa (T)ang paghahari magpakailan man. Siya nawa.
12 Sa pamamagitan ni (U)Silvano, na tapat nating (V)kapatid, ayon sa aking palagay sa kaniya, ay sinulatan ko kayo ng maiksi, na aking iniaaral at sinasaksihan na ito ang tunay na (W)biyaya ng Dios: magsitibay kayo dito.
13 Binabati kayo ng nasa Babilonia, na kasamang hinirang; at ni (X)Marcos na aking anak.
14 Mangagbatian kayo (Y)ng halik ng pagibig. (Z)Kapayapaan nawa ang sumainyong lahat na na kay Cristo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978