Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Bilang 15

Batas tungkol sa handog na pinaraan sa apoy.

15 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupain na inyong mga tahanan, na aking ibibigay sa inyo,

(A)At maghahandog kayo sa Panginoon ng pinaraan sa apoy na handog na susunugin, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng (B)kusang handog, o sa (C)inyong mga takdang kapistahan, upang gawing masarap na (D)amoy sa Panginoon, na mula sa bakahan, o mula sa kawan:

(E)Kung gayon ay maghandog sa Panginoon (F)yaong maghahandog ng alay ng isang handog na harina, na ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng (G)ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis:

(H)At ng alak na inuming handog, na ikaapat na bahagi ng isang hin, ang iyong ihahanda na kalakip ng handog na susunugin, o ng hain, sa bawa't kordero.

(I)O kung isang tupang lalake, ay iyong ihahanda na pinakahandog na harina, ang dalawang ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis:

At bilang pinakainuming handog ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

At pagka maghahanda ka ng isang toro na handog na susunugin, o upang ihain, sa katuparan ng isang panata, o (J)upang mga handog sa Panginoon tungkol sa kapayapaan;

Ay kaniyang ihahandog nga na kalakip ng toro ang isang handog na harina na tatlong ikasangpung bahagi ng isang efa ng mainam na harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis.

10 At iyong ihahandog na pinakainuming handog ay kalahating hin ng alak na pinakahandog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

11 (K)Gayon gagawin sa bawa't toro, o sa bawa't tupang lalake, o sa bawa't korderong lalake, o sa mga anak ng kambing.

12 Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyong gagawin sa bawa't isa ayon sa kanilang bilang.

13 Lahat ng tubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon.

14 At kung ang isang taga ibang bayan ay makipamayang kasama ninyo, o sinomang nasa gitna ninyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon; ay kaniyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa.

15 (L)Sa kapisanan ay magkakaroon ng isang palatuntunan sa inyo, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa inyo, (M)isang palatuntunan magpakailan man sa buong panahon ng inyong mga lahi: kung paano kayo, ay magiging gayon din ang taga ibang bayan sa harap ng Panginoon.

16 Isang kautusan at isang ayos ay magkakaroon sa inyo, at sa taga ibang bayan sa nakikipamayan sa inyo.

17 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagpasok ninyo sa lupaing aking pinagdadalhan sa inyo,

19 (N)Ay mangyayari nga, na pagkain ninyo ng tinapay sa lupain, ay maghahandog kayo ng isang handog na itinaas sa Panginoon.

20 (O)Sa pinaka una sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay na pinakahandog na itinaas: kung (P)paano ninyo ginagawa ang handog na itinaas tungkol sa giikan, ay gayon ninyo itataas ito.

21 Sa pinaka una sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog na itinaas sa buong panahon ng inyong mga lahi.

22 (Q)At pagka kayo'y nagkamali, at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinalita ng Panginoon kay Moises,

23 Sa makatuwid baga'y lahat ng iniutos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na lagdaan kayo ng utos ng Panginoon, at sa haharapin sa buong panahon ng inyong mga lahi;

24 Ay mangyayari nga na kung magkasala ng walang malay, na hindi nalalaman ng kapisanan, na ang buong kapisanan ay maghahandog ng isang guyang toro na pinakahandog na susunugin, na pinakamasarap na amoy sa Panginoon, na (R)kalakip ng handog na harina niyaon at inuming handog niyaon, ayon sa ayos, (S)at isang lalaking kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan.

25 (T)At itutubos ng saserdote sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, at sila'y patatawarin; sapagka't isang kamalian, at kanilang dinala ang kanilang alay, na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog dahil sa kasalanan sa harap ng Panginoon, dahil sa kanilang kamalian:

26 At ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila; sapagka't tungkol sa buong bayang nakagawa ng walang malay.

Handog sa pagkakasala na walang malay.

27 (U)At kung ang isang tao ay nagkasala ng walang malay, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae ng unang taon na pinakahandog dahil sa kasalanan.

28 (V)At itutubos ng saserdote sa taong nagkamali, kung tunay na siya'y nagkasala ng walang malay sa harap ng Panginoon, upang itubos sa kaniya; at siya'y patatawarin.

29 Kayo'y magkakaroon ng (W)isang kautusan sa kaniya na nagkasala ng walang malay, sa kaniya na ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel, at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila.

30 (X)Nguni't ang tao na makagawa ng anoman ng buong kapusukan, maging tubo sa lupain o taga ibang lupa, ay lumapastangan sa Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa gitna ng kaniyang bayan.

31 Sapagka't kaniyang (Y)hinamak ang salita ng Panginoon, at kaniyang sinira ang kaniyang utos; ang taong yaon ay lubos na ihihiwalay, ang kaniyang kasamaan ay tataglayin niya.

Ang kaparusahan sa pagsalangsang sa batas ng sabbath.

32 At samantalang ang mga anak ni Israel ay nangasa ilang, ay nakasumpong sila ng isang lalake na (Z)namumulot ng kahoy sa araw ng sabbath.

33 At silang nakasumpong sa kaniya na namumulot ng kahoy, ay dinala siya kay Moises, at kay Aaron, at sa buong kapisanan.

34 (AA)At kanilang inilagay siya sa bilangguan, sapagka't hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kaniya.

35 At sinabi ng Panginoon kay Moises, (AB)Ang lalake ay walang pagsalang papatayin; (AC)babatuhin siya ng buong kapisanan sa labas ng kampamento.

36 At inilabas siya ng buong kapisanan sa kampamento at kanilang binato siya hanggang sa mamatay ng mga bato; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ipinagutos ang paglalagay ng tirintas.

37 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

38 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila (AD)na sila'y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga lahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawa't laylayan ng isang panaling bughaw:

39 At sa inyo'y magiging isang tirintas, upang inyong mamasdan, at inyong maalaala ang lahat ng mga utos ng Panginoon, at inyong tuparin; at upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso (AE)at sa inyong sariling mga mata, na (AF)siya ninyong ipinangaapid:

40 Upang inyong maalaala at gawin ang lahat ng aking mga utos, (AG)at maging banal kayo sa inyong Dios.

41 Ako ang Panginoon ninyong Dios, na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang maging inyong Dios: ako ang Panginoon ninyong Dios.

Mga Awit 51

Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David: nang si (A)Nathan na propeta, ay dumating sa kaniya, pagkatapos na siya'y makapasok kay Bath-seba.

51 (B)Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob:
Ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan (C)ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.
(D)Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan,
At linisin mo ako sa aking kasalanan.
Sapagka't (E)kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang:
At ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.
(F)Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala,
At nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin:
(G)Upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka,
At maging malinis pag humahatol ka.
(H)Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan;
At sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,
Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap;
At sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.
(I)Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis:
Hugasan mo ako (J)at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.
Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan;
Upang (K)ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.
Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan,
At pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.
10 Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios;
At (L)magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Huwag mo akong paalisin sa (M)iyong harapan;
(N)At huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas:
At alalayan ako (O)ng kusang espiritu.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga mananalangsang ang iyong mga lakad;
At ang mga makasalanan ay (P)mangahihikayat sa iyo.
14 Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan;
At ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.
15 Oh Panginoon, bukhin mo ang aking mga labi;
At ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.
16 Sapagka't (Q)hindi ka nalulugod sa hain; na kung dili ay bibigyan kita:
Wala kang kaluguran sa handog na susunugin.
17 (R)Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob:
Isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.
18 (S)Gawan mo ng mabuti ang iyong mabuting kasayahan sa Sion:
(T)Itayo mo ang mga kuta ng Jerusalem.
19 Kung magkagayo'y malulugod ka (U)sa mga hain ng katuwiran,
Sa handog na susunugin at sa (V)handog na susunuging buo:
Kung magkagayo'y mangaghahandog sila ng mga toro sa iyong dambana.

Isaias 5

Ang talinhaga ng ubasan.

Paawitin ninyo ako sa (A)aking pinakamamahal, ng awit ng aking minamahal tungkol (B)sa kaniyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay (C)may ubasan sa isang mainam na burol:

At kaniyang binangbangan ang palibot at inalis ang mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, at nagtayo ng isang moog sa gitna niyaon, at tinabasan din naman ng isang pisaan ng ubas: (D)at kaniyang hinintay na magbunga ng ubas, at nagbunga ng ubas gubat.

At ngayon, Oh mga nananahan sa Jerusalem at mga tao sa Juda, hatulan ninyo, isinasamo ko sa inyo, ako at ang aking ubasan.

Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa? ano't nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, nagbunga ng ubas gubat?

At ngayo'y aking sasaysayin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan: aking aalisin ang bakod na siit niyaon, at sasalantain; aking ibabagsak ang bakod niyaon at mayayapakan:

At aking pababayaang sira; hindi kakapunin o bubukirin man; kundi magsisitubo ay mga dawag at mga tinik: akin ding iuutos sa mga alapaap, na huwag nilang ulanan.

Sapagka't (E)ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sangbahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang kaniyang maligayang pananim: at siya'y naghihintay ng kahatulan, nguni't narito, kapighatian; ng katuwiran, nguni't narito, daing.

Ang mga Aba ay iniukol sa makasalanan.

Sa aba nila, na nangaguugpong ng (F)bahay sa bahay, na nangaglalagay ng bukid sa bukid hanggang sa mawalan ng pagitan, at kayo'y magsisitahang magisa sa gitna ng lupain!

Sa aking mga pakinig ay sinasabi ng Panginoon ng mga hukbo, Sa katotohana'y maraming bahay ang magigiba, malalaki at magaganda, na walang mananahan.

10 Sapagka't sangpung acre ng ubasan ay mangagbubunga ng isang (G)bath, at isang homer na binhi ay magbubunga ng isang epa.

11 Sa aba nila (H)na nagsisibangong maaga sa umaga, upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin; na nagtatagal hanggang sa kalaliman ng gabi, hanggang sa magalab ang alak sa kanila!

12 At ang alpa at ang viola, ang pandareta at ang plauta, at ang alak, ay nangasa kanilang mga kapistahan: nguni't (I)hindi nila pinakundanganan ang gawa ng Panginoon, o ginunita man nila (J)ang gawa ng kaniyang mga kamay.

13 Kaya't ang aking bayan ay nasok sa pagkabihag, sa kasalatan sa kaalaman: at ang kanilang mararangal na tao ay nangagugutom, at ang kanilang karamihan ay nangahahandusay sa uhaw.

14 Kaya't pinalaki ng Sheol ang kaniyang nasa, at ibinuka ang kaniyang bibig ng walang sukat: at ang kanilang kaluwalhatian, at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan, at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon.

15 At ang (K)taong hamak ay pinayuyukod, at ang makapangyarihang tao ay pinapagpapakumbaba, at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba:

16 (L)Nguni't ang Panginoon ng mga hukbo ay nabunyi sa kahatulan, at ang Dios na Banal ay inaring banal sa katuwiran.

17 Kung magkagayo'y sasabsab ang mga kordero na gaya sa kanilang sabsaban, at (M)ang mga sirang dako ng matataba ay kakanin ng mga (N)palaboy.

18 Sa aba nila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng walang kabuluhan, at ng kasalanan na tila panali ng kariton:

19 Na nagsasabi, (O)Magmaliksi siya, madaliin niya ang kaniyang gawa upang aming makita: at lumapit at dumating nawa ang payo ng Banal ng Israel upang aming maalaman!

20 Sa aba nila na nagsisitawag ng mabuti ay masama, at ng masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait!

21 Sa aba nila na pantas sa kanilang sariling mga mata, (P)at mabait sa kanilang sariling paningin!

22 Sa aba nila na malakas (Q)uminom ng alak, at mga taong malakas sa paghahalo ng matapang na inumin:

23 Na (R)nagsisiaring ganap sa masama (S)dahil sa suhol, at inaalis ang katuwiran sa matuwid!

24 Kaya't kung paanong ang liyab ng apoy ay pumupugnaw ng pinagputulan ng trigo, at kung paanong ang tuyong damo ay nasusupok sa alab, gayon magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat, at ang kanilang bulaklak ay iilanglang na gaya ng alabok: sapagka't kanilang itinakuwil ang kautusan ng Panginoon ng mga hukbo, at (T)hinamak ang salita ng (U)Banal ng Israel.

25 Kaya't (V)nagalab ang galit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at iniunat niya ang kaniyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila, at ang mga burol ay nanginig, at ang kanilang mga bangkay ay naging dumi sa gitna ng mga lansangan. Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kaniyang galit, kundi laging nakaunat ang kaniyang kamay.

26 At siya'y magtataas ng watawat (W)sa mga bansa mula sa malayo, at (X)susutsutan sila mula sa (Y)wakas ng lupa: at, narito, sila'y darating na lubhang nagmamadali:

27 Walang mapapagod o matitisod man sa kanila; walang iidlip o matutulog man; ni hindi man kakalagin ang pamigkis ng kanilang mga balakang, o mapapatid man ang mga panali ng kanilang mga panyapak:

28 Na ang kanilang mga pana ay hasa, at lahat nilang busog ay nangakaakma; ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay maibibilang na parang pingkiang bato, at ang kanilang mga gulong ay parang ipoipo:

29 Ang kanilang angal ay magiging gaya ng sa leon, sila'y magsisiangal na gaya ng mga batang leon: oo, sila'y magsisiangal, at magsisipangal ng huli, at tatangayin, at walang magliligtas.

30 At ang mga yao'y magsisiangal laban sa kanila (Z)sa araw na yaon na gaya ng hugong ng dagat: at (AA)kung tingnan ang lupain, narito, kadiliman at kahirapan, at ang liwanag ay magdidilim sa mga ulap niyaon.

Mga Hebreo 12

12 Kaya't yamang nakukubkob tayo ng makapal na bilang ng mga saksi, itabi namang walang liwag ang bawa't (A)pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa atin, at (B)ating takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa harapan natin,

Na masdan natin si Jesus na gumawa at (C)sumakdal ng ating pananampalataya, (D)na siya dahil sa kagalakang inilagay sa harapan niya ay nagtiis ng krus, na niwalang bahala ang kahihiyan, at (E)umupo sa kanan ng luklukan ng Dios.

Sapagka't (F)dilidilihin ninyo yaong nagtiis ng (G)gayong pagsalangsang ng mga makasalanan laban sa kaniyang sarili, upang kayo'y huwag magsihina, na manglupaypay sa inyong mga kaluluwa.

Hindi pa kayo (H)nakikipaglaban hanggang sa mabubo ang dugo, na nakikipagaway laban sa kasalanan:

At inyong nilimot ang iniaral na ipinakikipagtalo sa inyong tulad sa mga anak,

(I)Anak ko, huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon,
O manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya;
Sapagka't pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig,
At hinahampas ang bawa't tinatanggap na anak.

Na dahil sa ito'y parusa kayo'y nagtitiis; inaari kayo ng (J)Dios na tulad sa mga anak; sapagka't alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama?

Datapuwa't kung kayo'y hindi pinarurusahan, (K)na pawang naranasan ng lahat, kung gayo'y mga anak sa ligaw kayo, at hindi tunay na anak.

Bukod dito, tayo'y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo'y parusahan, at sila'y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo'y pasasakop (L)sa Ama ng mga espiritu, at tayo'y mabubuhay?

10 Sapagka't katotohanang tayo'y pinarusahan nilang ilang araw ayon sa kanilang minagaling; nguni't siya'y sa kapakinabangan natin, (M)upang tayo'y makabahagi ng kaniyang kabanalan.

11 Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; (N)gayon ma'y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito.

12 Kaya't itaas ninyo (O)ang mga kamay na nakababa, ang mga tuhod namang nanginginig;

13 At magsigawa kayo ng matuwid na landas (P)sa inyong mga paa, upang huwag maligaw ang pilay, (Q)kundi bagkus gumaling.

14 Sundin ninyo (R)ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, (S)at ang pagpapakabanal (T)na kung wala ito'y sinoman ay di makakakita sa Panginoon:

15 Na pakaingatan na baka ang sinoma'y di makaabot sa biyaya ng Dios; baka kayo'y bagabagin ng anomang ugat ng kapaitan na sumisibol, at dahil dito'y mahawa ang marami;

16 Baka magkaroon ng sinomang (U)mapakiapid, (V)o mapaglapastangan, gaya ni (W)Esau, na sa isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kaniyang sariling pagkapanganay.

17 Sapagka't nalalaman ninyo na bagama't pagkatapos ay ninanasa niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil; sapagka't wala na siyang nasumpungang pagkakataon ng pagsisisi sa kaniyang ama, bagama't pinagsisikapan niyang mapilit (X)na lumuluha.

18 Sapagka't hindi kayo nagsilapit (Y)sa bundok na nahihipo, at nagliliyab sa apoy, at sa kapusikitan, at sa kadiliman, at sa unos,

19 At (Z)tunog ng pakakak, at tinig ng mga salita; na ang nakarinig ng tinig na ito ay (AA)nagsipamanhik na huwag nang sa kanila'y salitain pa ang anomang salita;

20 Sapagka't hindi matiis ang iniuutos, (AB)Kahit ang isang hayop kung tumungtong sa bundok ay babatuhin;

21 At totoong kakilakilabot (AC)ang napanood, ano pa't sinabi ni Moises, Ako'y totoong nasisindak at nanginginig:

22 Datapuwa't (AD)nagsilapit kayo sa bundok ng Sion, at sa (AE)bayan ng Dios na buhay, ang (AF)Jerusalem sa kalangitan, at sa mga di mabilang na hukbo ng mga anghel,

23 Sa pangkalahatang (AG)pulong at iglesia ng mga (AH)panganay (AI)na nangatatala sa langit, at sa Dios na Hukom ng lahat, at mga espiritu ng mga taong ganap na pinasakdal,

24 At kay Jesus (AJ)na tagapamagitan ng bagong tipan, at (AK)dugong pangwisik na nagsasalita ng (AL)lalong mabuti kay sa dugo ni Abel.

25 Pagingatan ninyong kayo'y huwag tumanggi sa nagsasalita. Sapagka't (AM)kung hindi nakatanan ang mga nagsitanggi sa (AN)nagbalita sa kanila sa ibabaw ng lupa, ay lalo pa tayong hindi makatatanan na nagsisihiwalay Doon sa nagbabalitang buhat sa langit:

26 (AO)Na ang tinig na yaon ay nagpayanig noon ng lupa: datapuwa't ngayo'y nangako siya, na nagsasabi, (AP)Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ng langit.

27 At itong salita, Minsan pang, ay pinakakahuluganan ang pagaalis niyaong mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang mamalagi ang mga hindi niyanig.

28 Kaya't pagkatanggap ng isang kahariang hindi magagalaw, ay magkaroon tayo ng biyayang sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayong may paggalang at katakutan ng paglilingkod na nakalulugod sa Dios:

29 Sapagka't ang Dios natin ay isang (AQ)apoy na mamumugnaw.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978