M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang paglilinis ng marumi sa pamamagitan ng abo ng bakang babae.
19 At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
2 Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang guyang bakang babae, na walang kapintasan, na walang dungis, (A)na hindi pa napapatungan ng pamatok.
3 At ibibigay ninyo kay Eleazar na saserdote, at kaniyang (B)ilalabas sa kampamento at papatayin ng isa sa kaniyang harapan:
4 At si Eleazar na saserdote ay dadampot ng dugo sa pamamagitan ng kaniyang daliri, at (C)magwiwisik ng dugo na makapito sa dakong harap ng tabernakulo ng kapisanan:
5 At susunugin ng isa sa paningin niya ang guyang bakang babae; (D)ang balat niyaon at ang laman niyaon, at ang dugo niyaon, sangpu ng dumi niyaon, ay susunugin niya:
6 At ang saserdote ay kukuha ng (E)kahoy na sedro, at ng isopo, at ng kulay grana, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa guyang bakang babae.
7 (F)Saka lalabhan ng saserdote ang kaniyang mga suot at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampamento at ang saserdote ay magiging marumi hanggang sa hapon.
8 At yaong sumunog sa baka ay maglalaba ng kaniyang mga suot sa tubig at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging marumi hanggang sa hapon.
9 At pupulutin ng isang taong malinis ang mga (G)abo ng guyang bakang babae at ilalagay sa labas ng kampamento sa isang (H)dakong malinis; at iingatan ukol sa kapisanan ng mga anak ni Israel na pinaka (I)tubig para sa karumihan: handog nga dahil sa kasalanan.
10 At yaong pumulot ng mga abo ng guyang bakang babae ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa hapon; at sa mga anak ni Israel at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, ay magiging isang palatuntunan magpakailan man.
11 (J)Ang makahipo ng bangkay ng sinomang tao, ay magiging marumi na pitong araw:
12 (K)Ang gayon ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na yaon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis: nguni't kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, ay hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.
13 Sinomang humipo ng patay, ng bangkay ng taong patay, at hindi maglilinis, ay ihahawa ang (L)tabernakulo ng Panginoon; at ang taong yaon ay ihihiwalay sa Israel: sapagka't ang tubig para sa karumihan ay hindi iniwisik sa kaniya, siya'y magiging marumi; (M)ang kaniyang karumihan ay sumasakaniya pa.
14 Ito ang kautusan pagka ang isang tao ay namamatay sa isang tolda: lahat na pumapasok sa tolda at lahat na nasa tolda ay magiging maruming pitong araw.
15 At bawa't (N)sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon, ay marumi.
16 At sinomang humipo sa luwal na parang ng alin mang pinatay ng tabak, o ng bangkay, o ng buto ng tao, o ng libingan, ay magiging maruming pitong araw.
17 At sa taong marumi, ay kukuha sila ng mga abo sa sunog niyang handog dahil sa kasalanan, sa mga yaon ay ilalagay ang tubig na buhay sa isang sisidlan.
18 At isang malinis na tao ay kukuha ng (O)isopo, at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda at sa lahat ng kasangkapan, at sa mga taong nandoon, at sa humipo ng buto, o ng bangkay, o ng patay, o ng libingan:
19 At iwiwisik ng taong malinis sa marumi sa (P)ikatlong araw, at sa (Q)ikapitong araw: at lilinisin niya siya sa ikapitong araw; at siya'y (R)maglalaba ng kaniyang mga suot, at maliligo sa tubig at magiging malinis sa hapon.
20 Nguni't ang taong magiging marumi, at hindi maglilinis, ay ihihiwalay ang taong yaon sa gitna ng kapulungan, sapagka't kaniyang inihawa ang santuario ng Panginoon: ang tubig para sa karumihan ay hindi nawisik sa kaniya; siya'y marumi.
21 At ito'y magiging isang palatuntunan magpakailan man sa kanila: at yaong nagwiwisik ng tubig para sa karumihan, ay maglalaba ng kaniyang mga suot; at yaong humipo ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa hapon.
22 At (S)anomang hipuin ng taong marumi ay magiging marumi; at ang taong humipo niyaon ay magiging marumi hanggang sa hapon.
Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Jonath-elem-rehokim. Awit ni David: Michtam: nang hulihin siya ng mga (A)Filisteo sa Gat.
56 (B)Maawa ka sa akin, Oh Dios: sapagka't sasakmalin ako ng tao:
Buong araw ay nangbababag siya na pinipighati ako.
2 Ibig akong sakmalin ng aking mga kaaway buong araw:
Sapagka't sila'y maraming may kapalaluan na nagsisilaban sa akin.
3 Sa panahong ako'y matakot,
Aking ilalagak ang aking tiwala sa iyo.
4 Sa Dios (ay pupuri ako ng kaniyang salita),
Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, (C)hindi ako matatakot;
Anong magagawa ng laman sa akin?
5 Buong araw ay binabaligtad nila ang aking mga salita:
Lahat ng kanilang mga pagiisip ay laban sa akin sa ikasasama.
6 Sila'y nagpipisan, (D)sila'y nagsisipagkubli,
Kanilang tinatandaan ang aking mga hakbang,
Gaya ng kanilang (E)pagaabang sa aking kaluluwa.
7 Tatakas ba sila sa pamamagitan ng masama?
Sa galit ay ilugmok mo ang mga bayan, Oh Dios.
8 Iyong isinasaysay ang aking mga paggagala:
(F)Ilagay mo ang aking mga luha sa iyong botelya;
(G)Wala ba sila sa iyong aklat?
9 Tatalikod nga ang aking mga kaaway sa kaarawan na ako'y tumawag:
Ito'y nalalaman ko, sapagka't ang (H)Dios ay kakampi ko.
10 Sa Dios (ay pupuri ako ng salita),
Sa Panginoon (ay pupuri ako ng salita),
11 Sa Dios ay inilagak ko ang aking tiwala, (I)hindi ako matatakot;
Anong magagawa ng tao sa akin?
12 Ang iyong mga panata ay sa akin, Oh Dios:
Ako'y magbabayad ng mga handog na pasalamat sa iyo.
13 Sapagka't (J)iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan:
Hindi mo ba iniligtas ang aking mga paa sa pagkahulog?
Upang ako'y makalakad sa harap ng Dios
(K)Sa liwanag ng buhay.
Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Al-tashheth. (L)Awit ni David. Michtam; nang kaniyang takasan si Saul, sa yungib.
57 (M)Maawa ka sa akin, Oh Dios, maawa ka sa akin;
Sapagka't ang aking kaluluwa ay nanganganlong sa iyo.
Oo, sa (N)lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako,
(O)Hanggang sa makaraan ang mga kasakunaang ito.
2 Ako'y dadaing sa Dios na Kataastaasan;
Sa Dios na nagsagawa ng lahat na mga bagay sa akin.
3 (P)Siya'y magsusugo mula sa langit, at ililigtas ako,
Pagka yaong lulunok sa akin ay dumuduwahagi; (Selah)
(Q)Susuguin ng Dios ang kaniyang kagandahang-loob at ang kaniyang katotohanan.
4 Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon:
Ako'y nahihiga sa gitna niyaong mga pinaningasan ng apoy,
Sa mga anak ng tao, na ang mga ngipin ay sibat at mga pana,
At ang kanilang dila ay (R)matalas na tabak.
5 (S)Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit;
Mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.
6 Kanilang hinandaan ng (T)silo ang aking mga hakbang.
Ang aking kaluluwa ay nakayuko:
Sila'y nagsihukay ng isang (U)lungaw sa harap ko.
Sila'y nangahulog sa gitna niyaon. (Selah)
7 (V)Ang aking puso ay matatag, Oh Dios, ang aking puso ay matatag:
Ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri.
8 (W)Gumising ka, (X)kaluwalhatian ko; gumising ka, salterio at alpa:
Ako'y gigising na maaga.
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo, Oh Panginoon, sa gitna ng mga bayan:
Ako'y aawit sa iyo ng mga pagpuri sa gitna ng mga bansa.
10 (Y)Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay dakila hanggang sa mga langit,
At ang iyong katotohanan hanggang sa mga alapaap.
11 Mabunyi ka, Oh Dios, sa itaas ng mga langit;
Mataas ang iyong kaluwalhatian sa buong lupa.
Ang pagsamsam sa Juda. Ang Panginoon ay hindi kaaway na dapat katakutan.
8 At sinabi ng Panginoon sa akin, Kumuha ka ng malapad na tabla, at (A)sulatan mo ng panulat ng tao, Kay Maher-salalhash-baz;
2 At magdadala ako ng mga tapat na saksi upang mangagpaalaala, si (B)Urias na saserdote, at si Zacarias na anak ni Jeberechias.
3 At ako'y naparoon sa propetisa; at siya'y naglihi, at nanganak ng isang lalake. Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon sa akin, Tawagin mo ang kaniyang pangalan na Maher-salalhash-baz.
4 Sapagka't bago ang anak ay (C)matutong dumaing ng, Ama ko, at: Ina ko, ang mga kayamanan ng (D)Damasco at ang samsam sa Samaria ay dadalahin sa harap ng hari ng Asiria.
5 At nagsalita pa ang Panginoon uli sa akin, na nagsasabi,
6 Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng (E)Siloe na nagsisiagos na marahan, at siya'y nagagalak (F)kay Rezin at sa anak ni Remalias;
7 Ngayon nga, narito, iniaahon ng Panginoon sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, sa makatuwid baga'y ang hari sa Asiria at ang buo niyang kaluwalhatian: at siya'y aahon sa lahat niyang bangbang, at aapaw sa buo niyang baybayin:
8 At magpapatuloy sa dako ng loob ng Juda; aapaw at lalampas; (G)aabot hanggang sa leeg; at ang laganap ng kaniyang mga pakpak ay siyang magpupuno ng kaluwangan ng iyong lupain, (H)Oh Emmanuel.
9 Kayo'y magsamasama, Oh mga bayan, at kayo'y mangagkakawatakwatak; at kayo'y mangakinig, kayong lahat na taga malayong lupain: mangagbigkis kayo, at kayo'y mangagkakawatakwatak; kayo'y mangagbigkis, at kayo'y mangagkakawatakwatak.
10 Mangagsanggunian kayo, at yao'y mauuwi sa wala; mangagsalita kayo ng salita at hindi matatayo: (I)sapagka't ang Dios ay sumasaamin.
11 Sapagka't ang Panginoon ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at tinuruan ako na huwag lumakad ng lakad ng bayang ito, na sinasabi,
12 Huwag ninyong sabihin, Pagbabanta; tungkol sa lahat na sasabihin ng bayang ito, Pagbabanta, o (J)huwag mang mangatakot kayo ng kanilang takot, o mangilabot man doon.
13 Ang Panginoon ng mga hukbo, (K)siya ang inyong aariing banal; at (L)sumakaniya ang inyong takot, at sumakaniya ang inyong pangingilabot.
14 At (M)siya'y magiging pinakasantuario; nguni't (N)pinakabatong katitisuran at pinaka malaking batong pangbuwal sa dalawang sangbahayan ng Israel, na (O)pinakabitag at pinakasilo sa mga nananahan sa Jerusalem.
15 At marami ang mangatitisod doon, at mangabubuwal, at mangababalian, at mangasisilo, at mangahuhuli.
16 Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang kautusan sa gitna ng aking mga alagad.
17 At aking hihintayin ang Panginoon na (P)nagkukubli ng kaniyang mukha sa sangbahayan ni Jacob, at aking (Q)hahanapin siya.
18 Narito, (R)ako at (S)ang mga anak na ibinigay ng Panginoon sa akin ay mga (T)pinakatanda at (U)pinaka kababalaghan sa Israel na mula sa Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa bundok ng Sion.
Masasamang espiritu at manghuhula ay sinumpa.
19 At pagka kanilang sasabihin sa inyo, (V)Hanapin ninyo silang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu at mga manghuhula, na (W)nagsisihuni at nagsisibulong; (X)hindi ba marapat na sanggunian ng bayan ang kanilang Dios? (Y)dahil baga sa mga buháy ay sasangguni sila sa mga patay?
20 (Z)Sa kautusan at sa patotoo! (AA)kung hindi sila magsalita ng ayon sa salitang ito, (AB)tunay na walang umaga sa kanila.
21 At sila'y magsisidaan doon, na nahihirapan at gutom: at mangyayari, na pagka sila'y mangagugutom, sila'y mangagagalit, at (AC)magsisisumpa alangalang sa kanilang hari at sa kanilang Dios, at ititingala nila ang kanilang mga mukha:
22 At (AD)sila'y titingin sa lupa, at, narito, kahirapan at kadiliman, (AE)ulap ng kahapisan, at sa salimuot na kadiliman ay itataboy sila.
Kapanganakan at paghahari ng prinsipe ng kapayapaan.
9 Gayon man ay (AF)hindi magkakaroon ng paguulap sa kaniya na nasa kahapisan. (AG)Nang unang panahon ay dinala niya sa pagkawalang kabuluhan ang (AH)lupain ng Zabulon at ang lupain ng Nephtali, nguni't sa huling panahon ay ginawa niyang maluwalhati, sa daang patungo sa dagat, sa dako roon ng Jordan, ng Galilea ng mga bansa.
2 Ang (AI)bayan na (AJ)lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag: silang nagsisitahan sa lupain ng lilim ng kamatayan, sa kanila sumilang ang liwanag.
3 (AK)Iyong pinarami ang bansa, iyong pinalago ang kanilang kagalakan: sila'y nangagagalak sa harap mo ayon sa kagalakan sa pagaani, gaya ng mga tao na nangagagalak pagka nangagbabahagi ng samsam.
4 Sapagka't ang pamatok na kaniyang (AL)pasan, at ang pingga sa kaniyang balikat, ang panghampas ng mamimighati sa kaniya, ay iyong sinira na gaya sa kaarawan ng (AM)Madian.
5 Sapagka't ang lahat na sakbat ng nasasakbatang tao sa kaguluhan, at ang mga kasuutang puno ng dugo ay magiging para sa pagkasunog, para sa mitsa ng apoy.
6 Sapagka't sa atin ay ipinanganak ang (AN)isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang (AO)anak na lalake; at ang (AP)pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat: at ang kaniyang pangalan ay tatawaging (AQ)Kamanghamangha, Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang hanggang Ama, (AR)Pangulo ng Kapayapaan.
7 Ang paglago ng kaniyang pamamahala at ng kapayapaan ay (AS)hindi magkakaroon ng wakas, sa luklukan ni David, at sa kaniyang kaharian, upang itatag, at (AT)upang alalayan ng kahatulan at ng katuwiran mula ngayon hanggang sa magpakailan man. Isasagawa ito ng (AU)sikap ng Panginoon ng mga hukbo.
2 Mga kapatid ko, (A)yayamang mayroon kayong pananampalataya ng ating Panginoong Jesucristo, na Panginoon (B)ng kaluwalhatian ay huwag magtatangi sa mga tao.
2 Sapagka't kung may pumapasok sa inyong sinagoga ang isang tao na may singsing na ginto, at may magandang kasuotan, at may pumapasok namang isang dukha na may damit na hamak;
3 At inyong itangi ang may suot na damit na maganda, at inyong sabihin, Maupo ka rito sa dakong mabuti; at sa dukha ay inyong sabihin, Tumayo ka riyan, o maupo ka sa ibaba ng aking tungtungan;
4 Hindi baga kayo'y nagtatangi sa inyong sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pagiisip?
5 Dinggin ninyo, mga minamahal kong kapatid; (C)hindi baga pinili ng Dios ang mga dukha sa sanglibutang ito upang maging (D)mayayaman sa pananampalataya, at mga (E)tagapagmana (F)ng kahariang (G)ipinangako niya sa mga nagsisiibig sa kaniya?
6 Nguni't (H)inyong niwalang-puri ang dukha. Hindi baga kayo'y pinahihirapan ng mayayaman, (I)at sila rin ang kumakaladkad sa inyo sa harapan ng mga hukuman?
7 Hindi baga (J)nilalapastangan nila yaong marangal na pangalan na sa inyo'y (K)itinatawag?
8 Gayon man kung inyong ganapin (L)ang kautusang hari, ayon sa kasulatan, (M)Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sa iyong sarili, ay nagsisigawa kayo ng mabuti:
9 Datapuwa't kung kayo'y nagtatangi ng mga tao, ay nangagkakasala kayo, at kayo'y hinahatulan ng kautusan na gaya ng mga suwail.
10 Sapagka't ang sinomang gumaganap ng buong kautusan, at gayon ma'y natitisod sa isa, (N)ay nagiging makasalanan sa lahat.
11 Sapagka't ang nagsabi, (O)Huwag kang mangalunya, ay nagsabi, naman, Huwag kang pumatay. Ngayon, kung ikaw ay hindi nangangalunya, nguni't pumapatay ka, ay nagiging suwail ka sa kautusan.
12 Gayon ang inyong salitain, at gayon ang inyong gawin, na gaya ng mga taong huhukuman sa pamamagitan (P)ng kautusan ng kalayaan.
13 Sapagka't ang (Q)paghuhukom ay walang awa doon sa hindi nagpakita ng awa: ang awa ay lumuluwalhati laban sa paghuhukom.
14 Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya'y may pananampalataya, nguni't walang mga gawa? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan?
15 Kung ang isang kapatid na lalake o babae ay hubad at walang kakanin araw-araw,
16 At (R)ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, Magsiyaon kayong payapa, kayo'y mangagpainit at mangagpakabusog; at gayon ma'y hindi ninyo ibinibigay sa kanila ang mga bagay na kinakailangan ng katawan; anong mapapakinabang dito?
17 Gayon din naman ang pananampalataya na walang mga gawa, ay patay sa kaniyang sarili.
18 Oo, sasabihin ng isang tao, Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa: ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang hiwalay sa mga gawa, at ako sa pamamagitan ng aking mga gawa ay ipakita sa iyo ang aking (S)pananampalataya.
19 (T)Ikaw ay sumasampalataya na ang Dios ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa: (U)ang mga demonio man ay nagsisisampalataya, at nagsisipanginig.
20 Datapuwa't ibig mo bagang maalaman, Oh taong walang kabuluhan, na ang pananampalataya na (V)walang mga gawa ay baog?
21 Hindi baga ang ating amang si (W)Abraham ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa kaniyang inihain si Isaac na kaniyang anak sa ibabaw ng dambana?
22 Nakikita mo (X)na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kaniyang mga gawa, at sa pamamagitan ng mga gawa ay naging sakdal ang pananampalataya;
23 At natupad (Y)ang kasulatan na nagsasabi, At si (Z)Abraham ay sumampalataya sa Dios, at yao'y ibinilang na katuwiran sa kaniya; at siya'y tinawag na (AA)kaibigan ng Dios.
24 Nakikita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa'y inaaring ganap ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang.
25 At gayon din naman hindi rin baga si (AB)Rahab na patutot ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, dahil sa tinanggap niya ang mga sugo, at kaniyang pinapagdaan sila sa ibang daan?
26 Sapagka't kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, ay gayon din ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978