Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Bilang 32

Si Ruben, Gad, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay nanirahan sa Galaad.

32 Ang mga anak nga ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay mayroong napakaraming hayop: at nang kanilang makita ang lupain ng (A)Jazer, at ang lupain ng Galaad, na, narito, ang dako ay minagaling nilang dako sa hayop,

Ay lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, at kay Eleazar na saserdote, at sa mga prinsipe ng kapisanan na sinasabi,

Ang Ataroth, at ang Dibon, at ang Jazer, at ang Nimra, at ang Hesbon, at ang Eleale, at ang Saban, at ang (B)Nebo, at ang Beon,

Na lupaing sinaktan ng Panginoon sa harap ng kapisanan ng Israel, ay lupaing mabuti sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.

At sinabi nila, Kung kami ay nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, ay ibigay mong pinakaari ang lupaing ito sa iyong mga lingkod; at huwag mo kaming paraanin sa Jordan.

At sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Ruben, Paroroon ba ang inyong mga kapatid sa pakikipagbaka, at kayo'y mauupo rito?

At bakit pinapanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, na huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?

Ganyan ang ginawa ng inyong mga magulang (C)nang sila'y aking suguin, mula sa Cades-barnea (D)upang tiktikan ang lupain.

(E)Sapagka't nang sila'y makasampa sa libis ng Eskol at matiktikan ang lupain, ay kanilang pinapanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.

10 (F)At ang galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na yaon, at siya'y sumumpa na sinasabi,

11 Tunay na walang taong lumabas sa Egipto, (G)mula sa dalawang pung taong gulang na patanda, ay makakakita ng lupain na aking isinumpa kay (H)Abraham, kay Isaac, at kay Jacob; (I)sapagka't sila'y hindi lubos na sumunod sa akin:

12 Liban si Caleb na anak ni Jephone na (J)Cenezeo, at si Josue na anak ni Nun: (K)sapagka't sila'y sumunod na lubos sa Panginoon.

13 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, (L)at kaniyang pinagala sila sa ilang, na apat na pung taon hanggang sa ang buong lahing yaon na (M)gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ay nalipol.

14 At, narito, kayo'y nagsipagtindig na kahalili ng inyong mga magulang, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang mabangis na galit ng Panginoon sa Israel.

15 (N)Sapagka't kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kaniya ay kaniyang iiwang muli sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.

16 At sila'y nagsilapit sa kaniya, at nagsabi, Gagawa kami rito ng mga kulungan sa aming mga hayop, at ng mga bayan sa aming mga bata:

17 Nguni't (O)kami ay magsisipagalmas upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming maipasok sa kanilang dakong karoroonan: at ang aming mga bata ay magsisitahan sa mga bayang nakukutaan dahil sa mga nagsisitahan sa lupain.

18 (P)Kami ay hindi magsisibalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang mga anak ni Israel ay magari bawa't isa ng kaniyang sariling pagaari.

19 Sapagka't hindi kami makikimana sa kanila sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; (Q)sapagka't tinaglay na namin ang aming mana rito sa dakong silanganan ng Jordan.

20 (R)At sinabi ni Moises sa kanila, Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y magsisipagalmas upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipagbaka,

21 At bawa't may almas sa inyo ay daraan sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kaniyang mapalayas ang kaniyang mga kaaway sa harap niya.

22 At ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon: ay makababalik nga kayo pagkatapos, at hindi kayo magiging salarin sa Panginoon, at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pagaari sa harap ng Panginoon.

23 Nguni't kung hindi ninyo gagawing ganito ay, narito, kayo'y nagkasala laban sa Panginoon: at (S)talastasin ninyo na aabutin kayo ng inyong kasalanan.

24 (T)Igawa ninyo ng mga siyudad ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at isagawa ninyo ang nabuka sa inyong bibig.

25 At sinalita ng mga anak ni Gad at ng mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, Isasagawa ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.

26 Ang aming mga bata, ang aming mga asawa, ang aming kawan at ang aming buong bakahan ay matitira riyan sa mga bayan ng Galaad:

27 Nguni't ang iyong mga lingkod ay magsisitawid, bawa't lalake na may almas sa pakikipagbaka, sa harap ng Panginoon upang makipagbaka, gaya ng sinabi ng aking panginoon.

28 Sa gayo'y ipinagbilin sila ni Moises kay Eleazar na saserdote, at kay (U)Josue na anak ni Nun, at sa mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel.

29 At sinabi sa kanila ni Moises, Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay magsisitawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalake na may almas sa pakikipagbaka, sa harap ng Panginoon, at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo: ay ibibigay nga ninyo sa kanila na pinakaari ang lupain ng Galaad.

30 Nguni't kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may almas, ay magkakaroon sila ng pagaari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.

31 At ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay nagsisagot, na nangagsasabi, Kung paano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin,

32 Kami ay tatawid na may almas sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pagaari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.

33 At ibinigay ni Moises sa (V)kanila, sa mga anak ni Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose, ang (W)kaharian ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain ayon sa mga bayan niyaon, sa loob ng mga hangganan niyaon, sa makatuwid baga'y ang mga bayan sa palibot ng lupain.

34 At itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, at ang Ataroth, at ang Aroer,

35 At ang Ataroth-sophan, at ang Jazer, at ang Jogbaa,

36 At ang Beth-nimra at ang Bet-haran: (X)na mga bayang nakukutaan, at kulungan din naman ng mga tupa.

37 At itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang (Y)Hesbon, at ang Eleale, at ang Ciriathaim,

38 At ang Nebo, at ang Baal-meon, ((Z)na ang pangalan ng mga yaon ay binago,) at ang Sibma: at nilagyan ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.

39 At ang mga anak ni (AA)Machir na anak ni Manases ay nagsiparoon sa Galaad, at kanilang sinakop, at pinalayas ang mga Amorrheo na nandoon.

40 At ibinigay ni (AB)Moises ang Galaad kay Machir na anak ni Manases; at kaniyang tinahanan.

41 At si (AC)Jair na anak ni Manases ay naparoon at sinakop ang mga bayan niyaon at tinawag na (AD)Havoth-jair.

42 At si Noba ay naparoon at sinakop ang Kenath, at ang mga nayon niyaon, at tinawag na Noba, ayon sa kaniyang sariling pangalan.

Mga Awit 77

Sa Pangulong Manunugtog; ayon sa paraan ni Jeduthun. Awit ni Asaph.

77 Ako'y dadaing ng aking tinig sa Dios;
Sa Dios ng aking tinig; at kaniyang didinggin ako.
(A)Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay hinahanap ko ang Panginoon:
Ang kamay ko'y nakaunat sa gabi, at hindi nangangalay;
(B)Tumatangging maaliw ang kaluluwa ko.
Naaalaala ko ang Dios, at ako'y nababalisa:
Ako'y (C)nagdaramdam, at ang diwa ko'y nanglulupaypay. (Selah)
Iyong pinupuyat ang mga mata ko:
Ako'y totoong nababagabag na hindi ako makapagsalita.
(D)Aking ginunita ang mga araw ng una,
Ang mga taon ng dating mga panahon.
Aking inaalaala ang awit ko (E)sa gabi:
Sumasangguni ako sa aking sariling puso;
At ang diwa ko'y masikap na nagsiyasat.
(F)Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailan man?
At (G)hindi na baga siya lilingap pa?
Ang kaniya bang kagandahangloob ay lubos na nawala magpakailan man?
Natapos na bang walang hanggan (H)ang kaniyang pangako?
Nakalimot na ba ang Dios na (I)magmaawain?
Kaniya bang tinakpan ng kagalitan ang kaniyang malumanay na mga kaawaan? (Selah)
10 At aking sinabi, (J)Ito ang sakit ko;
Nguni't aalalahanin ko ang mga taon ng kanan ng Kataastaasan.
11 (K)Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon;
Sapagka't aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una.
12 Bubulayin ko ang lahat ng iyong gawa,
At magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
13 Ang iyong daan, Oh Dios, ay (L)nasa santuario:
(M)Sino ang dakilang dios na gaya ng Dios?
14 Ikaw ay Dios na gumagawa ng mga kagilagilalas:
Iyong ipinakilala ang kalakasan mo sa gitna ng mga tao.
15 Iyong tinubos (N)ng kamay mo ang iyong bayan,
Ang mga anak ng Jacob (O)at ng Jose. (Selah)
16 (P)Nakita ka ng tubig, Oh Dios;
Nakita ka ng tubig, sila'y nangatakot:
Ang mga kalaliman din naman ay nanginig.
17 Ang mga alapaap ay nangaglagpak ng tubig;
(Q)Ang langit ay humugong:
Ang mga (R)pana mo naman ay nagsihilagpos.
18 Ang (S)tinig ng iyong kulog, ay nasa ipoipo;
Tinanglawan (T)ng mga kidlat ang sanglibutan:
Ang lupa ay nayanig at umuga.
19 Ang daan mo'y (U)nasa dagat,
At ang mga landas mo'y nasa malalawak na tubig,
At ang bakas mo'y hindi nakilala.
20 (V)Iyong pinapatnubayan ang iyong bayan na (W)parang kawan,
Sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.

Isaias 24

Ang hatol ng Panginoon sa mga bansa.

24 Narito, pinawawalan ng laman ng Panginoon ang lupa, at sinisira, at binabaligtad, at pinangangalat ang mga nananahan doon.

At mangyayari, (A)na kung paano sa mga tao, gayon sa saserdote; kung paano sa alipin, gayon sa kaniyang panginoon; kung paano sa alilang babae, gayon sa kaniyang panginoong babae; kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili; kung paano sa mapagpahiram, gayon sa manghihiram; kung paano sa mapagpatubo, gayon sa pinatutubuan.

Ang lupa ay lubos na mawawalan ng laman, at lubos na masasamsaman; sapagka't sinalita ng Panginoon ang salitang ito.

Ang lupa ay tumatangis at nasisira, ang sanglibutan ay nanghihina at nanglalata, ang mapagmataas na bayan sa lupa ay nanghihina.

(B)Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka't kanilang sinalangsang ang kautusan, binago ang alituntunin, (C)sinira ang walang hanggang tipan.

Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa, at silang nagsisitahan doon ay nangasumpungang salarin; kaya't ang mga nananahan sa lupa ay nangasunog, at nangagilan ang tao.

Ang bagong alak ay (D)pinabayaan, ang puno ng ubas ay nalanta, lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga.

Ang saya (E)ng mga pandereta ay naglikat, ang kaingay nila na nangagagalak ay nagkawakas, ang galak ng alpa ay naglikat.

Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan; matapang na alak ay magiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyaon.

10 (F)Ang bayan ng pagkalito ay nabagsak: bawa't bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon.

11 May daing sa mga lansangan dahil sa alak; lahat ng kagalakan ay naparam, ang kasayahan sa lupa ay nawala.

12 Naiwan sa bayan ay kagibaan, at ang pintuang-bayan ay nawasak.

13 Sapagka't ganito ang mangyayari sa mga tao sa gitna ng lupain na (G)gaya ng paguga sa isang punong olibo, gaya ng (H)pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani.

14 Ang mga ito ay maglalakas ng kanilang tinig, (I)sila'y magsisihiyaw; dahil sa kamahalan ng Panginoon ay nagsisihiyaw sila ng malakas mula sa dagat.

15 Kaya't luwalhatiin ninyo ang Panginoon sa silanganan, sa makatuwid baga'y (J)ang pangalan ng Panginoon, ng Dios ng Israel, (K)sa mga pulo ng dagat.

16 Mula sa kaduluduluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit, kaluwalhatian sa matuwid. Nguni't aking sinabi, Namamatay ako, namamayat ako, sa aba ko! (L)ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawang may kataksilan, oo, ang mga manggagawang taksil ay nagsisigawa na may lubhang kataksilan.

17 Takot, (M)at ang hukay, at ang silo ay nangasa iyo, Oh nananahan sa lupa.

18 At mangyayari, na siyang tumatakas sa kakilakilabot na kaingay ay mahuhulog sa hukay; at siyang sumasampa mula sa gitna ng hukay ay mahuhuli sa silo: sapagka't ang mga dungawan (N)sa itaas ay nangabuksan, at ang mga patibayan ng lupa ay (O)umuuga.

19 Ang lupa ay nagibang lubos, ang lupa ay lubos na nasira, ang lupa ay nakilos ng di kawasa.

20 Ang lupa ay (P)gigiray na parang lango, at mauuga na parang dampa; (Q)at ang kaniyang pagsalangsang ay magiging mabigat sa kaniya, at mabubuwal, at hindi na magbabangon.

21 At mangyayari, (R)sa araw na yaon, na parurusahan ng Panginoon ang hukbo ng mga mataas sa itaas, at ang (S)mga hari sa lupa sa ibabaw ng lupa.

22 At sila'y mangapipisan, gaya ng mga bilanggo na mangapipisan sa hukay, at masasarhan sa bilangguan, at pagkaraan ng maraming araw ay dadalawin sila.

23 Kung magkagayo'y malilito (T)ang buwan, at ang araw ay mapapahiya; sapagka't ang (U)Panginoon ng mga hukbo ay maghahari (V)sa bundok ng Sion, at sa Jerusalem; at sa harap ng kaniyang mga matanda ay may kaluwalhatian.

1 Juan 2

Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo'y huwag mangagkasala. At kung ang sinoman ay magkasala, ay (A)may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid:

At (B)siya ang pangpalubag-loob sa ating mga kasalanan; at hindi lamang sa ating mga kasalanan, kundi ng sa buong sanglibutan (C)din naman.

At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung (D)tinutupad natin ang kaniyang mga utos.

(E)Ang nagsasabing, (F)Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, (G)ay sinungaling, at ang katotohanan ay (H)wala sa kaniya;

Datapuwa't ang sinomang tumutupad ng kaniyang salita, tunay na sa kaniya ay naging sakdal (I)ang pagibig ng Dios. (J)Dahil dito'y nalalaman nating tayo'y nasa kaniya:

Ang nagsasabing siya'y (K)nananahan sa kaniya ay nararapat din namang lumakad na gaya ng inilakad niya.

Mga minamahal, (L)wala akong isinusulat sa inyo na anomang bagong utos, kundi ang dating utos (M)na nasa inyo buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig.

Muli, (N)isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, bagay na tunay sa kaniya at sa inyo; (O)sapagka't ang kadiliman ay lumilipas, at (P)ang tunay na ilaw ay lumiliwanag na.

Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kaniyang kapatid, ay nasa kadiliman pa hangga ngayon.

10 (Q)Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kaniya'y (R)walang anomang kadahilanang ikatitisod.

11 Nguni't ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman, at lumalakad sa kadiliman, at hindi niya nalalaman kung saan siya naparoroon, sapagka't ang kaniyang mga mata ay binulag ng kadiliman.

12 Kayo'y sinusulatan ko, mumunti kong mga anak, sapagka't ipinatawad sa inyo ang (S)inyong mga kasalanan dahil sa kaniyang pangalan.

13 Kayo'y sinusulatan ko, mga ama, sapagka't inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula (T)ay siya na. Kayo'y sinusulatan ko, mga binata, sapagka't inyong dinaig (U)ang masama. Kayo'y aking sinulatan, mumunting mga anak, sapagka't inyong nakikilala ang Ama.

14 Kayo'y aking sinulatan, mga ama, sapagka't inyong nakikilala yaong buhat pa nang pasimula ay siya na. Kayo'y aking sinulatan, mga binata, sapagka't kayo'y malalakas, at ang salita ng Dios ay nananahan sa inyo, at inyong dinaig ang masama.

15 Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, (V)ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. (W)Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama.

16 Sapagka't ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at (X)ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan.

17 At (Y)ang sanglibutan ay lumilipas, at ang masamang pita niyaon; datapuwa't ang gumagawa ng kalooban ng Dios ay nananahan magpakailan man.

18 Mumunting mga anak, (Z)ito ang huling oras: at gaya ng inyong narinig na darating ang (AA)anticristo, kahit ngayon ay lumitaw ang marami nang anticristo; kaya nga nalalaman natin na ito na ang huling oras.

19 Sila'y nangagsilabas sa atin, (AB)nguni't sila'y hindi sa atin; sapagka't kung sila'y sa atin (AC)ay nagsipanatili sana sa atin: nguni't nangagsilabas, (AD)upang sila'y mahayag na silang lahat ay hindi sa atin.

20 At (AE)kayo'y may pahid ng Banal, at (AF)nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.

21 Hindi ko kayo sinulatan ng dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi (AG)dahil sa inyong nalalaman, at sapagka't alin mang kasinungalingan ay hindi sa katotohanan.

22 Sino ang sinungaling (AH)kundi ang tumatanggi na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anticristo, sa makatuwid ay ang tumatanggi sa Ama at sa Anak.

23 Ang sinomang (AI)tumatanggi sa Anak, (AJ)ay hindi sumasa kaniya ang Ama: ang nagpapahayag sa Anak ay sumasa kaniya naman ang Ama.

24 Tungkol sa inyo, ay manahan sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung manahan sa inyo yaong buhat nang pasimula ay inyong narinig, kayo (AK)naman ay mananahan sa Anak, at sa Ama.

25 At ito ang pangakong (AL)kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.

26 Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga may ibig na magligaw sa inyo.

27 At tungkol sa inyo, ang (AM)pagkapahid na sa kaniya'y inyong tinanggap ay nananahan sa inyo, at hindi ninyo kailangang kayo'y turuan ng sinoman; nguni't kung paanong kayo'y tinuturuan ng kaniyang pahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at siyang totoo, at hindi kasinungalingan, at kung paanong kayo'y tinuruan nito, (AN)ay gayon kayong nananahan sa kaniya.

28 At ngayon, mumunti kong mga anak, manahan kayo sa kaniya; upang, (AO)kung siya'y mahayag, ay magkaroon kayo ng pagkakatiwala, (AP)at huwag tayong mangapahiya sa harapan niya sa kaniyang pagparito.

29 Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, nalalaman naman ninyo (AQ)na ang bawa't gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978