Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 13-14

Ang Pakikidigma ni Abias kay Jeroboam(A)

13 Nang ikalabingwalong taon ni Haring Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda.

Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Micaya na anak ni Uriel na taga-Gibea. Noon ay mayroong digmaan sa pagitan nina Abias at Jeroboam.

Si Abias ay nakipaglabang kasama ang isang hukbo ng matatapang na mandirigma, apatnaraang libong mga piling lalaki. At si Jeroboam ay humanay sa pakikipaglaban sa kanya na may walong daang libong piling malalakas na mandirigma.

At si Abias ay tumayo sa Bundok ng Zemaraim na nasa lupaing maburol ng Efraim, at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, O Jeroboam at buong Israel!

Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng Panginoong Diyos ng Israel ang paghahari sa Israel magpakailanman kay David at sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang tipan ng asin?

Gayunma'y si Jeroboam na anak ni Nebat, na lingkod ni Solomon na anak ni David, ay tumindig at naghimagsik laban sa kanyang panginoon;

at may ilang mga walang-hiyang lalaki na nagtipun-tipon sa paligid niya at hinamon si Rehoboam na anak ni Solomon, nang si Rehoboam ay bata pa at walang matatag na pasiya at hindi makapanalo sa kanila.

“At ngayo'y inyong inaakalang madadaig ang kaharian ng Panginoon sa kamay ng mga anak ni David, sapagkat kayo'y napakarami at may dala kayong mga gintong batang baka, na ginawa ni Jeroboam upang maging mga diyos ninyo.

Hindi ba pinalayas ninyo ang mga pari ng Panginoon, ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita, at kayo'y gumawa ng mga pari para sa inyo gaya ng mga bayan ng ibang mga lupain? Sinumang dumarating upang italaga ang sarili sa pamamagitan ng isang batang baka o ng pitong lalaking tupa ay nagiging pari ng hindi mga diyos.

10 Ngunit sa ganang amin, ang Panginoon ang aming Diyos, at hindi namin siya tinalikuran. Mayroon kaming mga pari na naglilingkod sa Panginoon na mga anak ni Aaron at mga Levita para sa kanilang paglilingkod.

11 Sila'y naghahandog sa Panginoon tuwing umaga at hapon ng mga handog na sinusunog at ng kamanyang, at nag-aalay ng tinapay na handog sa hapag na dalisay na ginto, at iniingatan ang ilawang ginto upang ang mga ilawan nito ay magningas tuwing hapon, sapagkat aming iningatan ang bilin ng Panginoon naming Diyos; ngunit inyong tinalikuran siya.

12 Tingnan ninyo, ang Diyos ay kasama namin sa aming unahan, at ang kanyang mga pari na may mga trumpetang pandigma upang patunugin ang hudyat upang digmain kayo. O mga anak ni Israel, huwag kayong lumaban sa Panginoon, sa Diyos ng inyong mga ninuno; sapagkat hindi kayo magtatagumpay.”

13 Si Jeroboam ay nagsugo ng isang pagtambang upang lumigid at sumalakay sa kanila mula sa likuran; kaya't ang kanyang mga kawal ay nasa harapan ng Juda at ang pagtambang ay nasa likuran nila.

14 Nang ang Juda ay lumingon, ang labanan ay nasa harapan at likuran nila at sila'y sumigaw sa Panginoon, at hinipan ng mga pari ang mga trumpeta.

15 Pagkatapos ay sumigaw ng pakikipaglaban ang mga lalaki ng Juda; at nang sumigaw ang mga anak ng Juda, ginapi ng Diyos si Jeroboam at ang buong Israel sa harapan ni Abias at ng Juda.

16 At ang mga Israelita ay tumakas sa harapan ng Juda; at sila'y ibinigay ng Diyos sa kamay ng Juda.[a]

17 Tinalo sila ni Abias at ng kanyang mga tauhan sa isang napakalaking patayan; sa gayon, ang napatay sa Israel ay limang daang libong mga piling lalaki.

18 Gayon nagapi ang mga anak ni Israel nang panahong iyon, at ang mga anak ni Juda ay nagtagumpay, sapagkat sila'y nagtiwala sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.

19 Hinabol ni Abias si Jeroboam, at inagawan siya ng mga bayan, ang Bethel at ang mga nayon niyon, ang Jeshana at ang mga nayon niyon, at ang Efron at ang mga nayon niyon.

20 Hindi na nabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan sa mga araw ni Abias; at sinaktan siya ng Panginoon at siya'y namatay.

21 Ngunit si Abias ay naging makapangyarihan. Kumuha siya ng labing-apat na asawa at nagkaroon ng dalawampu't dalawang anak na lalaki, at labing-anim na anak na babae.

22 Ang iba pa sa mga gawa ni Abias, ang kanyang mga lakad, at ang kanyang mga sinabi ay nakasulat sa kasaysayan ni propeta Iddo.

Nilupig ni Haring Asa ang Taga-Etiopia

14 Kaya't natulog si Abias na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, at si Asa na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Sa kanyang mga araw ang lupain ay nagpahinga ng sampung taon.

At si Asa ay gumawa ng mabuti at matuwid sa paningin ng Panginoon niyang Diyos.

Inalis niya ang mga ibang dambana at ang matataas na dako, at winasak ang mga haligi at ibinagsak ang mga sagradong poste,[b]

at inutusan ang Juda na hanapin ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at tuparin ang batas at ang utos.

Kanya ring inalis sa lahat ng bayan ng Juda ang matataas na dako at ang mga dambana ng kamanyang. At ang kaharian ay nagpahinga sa ilalim niya.

Siya'y nagtayo ng mga lunsod na may kuta sa Juda sapagkat ang lupain ay nagkaroon ng kapahingahan. Siya'y hindi nagkaroon ng pakikidigma sa mga taong iyon sapagkat binigyan siya ng Panginoon ng kapahingahan.

At sinabi niya sa Juda, “Itayo natin ang mga lunsod na ito, at palibutan ng mga pader at mga muog, mga pintuan at mga halang. Ang lupain ay sa atin pa rin, sapagkat hinanap natin ang Panginoon nating Diyos. Ating hinanap siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa lahat ng dako.” Kaya't sila'y nagtayo at umunlad.

Si Asa ay may hukbo na binubuo ng tatlong daang libo mula sa Juda, may sandata ng mga kalasag at mga sibat, at dalawandaan at walumpung libo mula sa Benjamin, na may dalang mga kalasag at pana. Lahat ng mga ito ay mga lalaking malalakas at matatapang.

Si Zera na taga-Etiopia ay lumabas laban sa kanila na may hukbo na isang milyong katao at tatlong daang karwahe; at siya'y dumating hanggang sa Maresha.

10 At lumabas si Asa upang harapin siya at sila'y humanay sa pakikipaglaban sa libis ng Sefata sa Maresha.

11 Si Asa ay tumawag sa Panginoon niyang Diyos, “ Panginoon, walang iba liban sa iyo na makakatulong, sa pagitan ng malakas at ng mahina. Tulungan mo kami, O Panginoon naming Diyos, sapagkat kami ay nananalig sa iyo, at sa iyong pangalan ay pumarito kami laban sa karamihang ito. O Panginoon, ikaw ang aming Diyos; huwag mong papagtagumpayin ang tao laban sa iyo.”

12 Kaya't ginapi ng Panginoon ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at sa harapan ng Juda; at ang mga taga-Etiopia ay nagsitakas.

13 At si Asa at ang mga tauhang kasama niya ay humabol sa kanila hanggang sa Gerar, at ang mga taga-Etiopia ay nabuwal hanggang sa walang naiwang buháy; sapagkat sila'y nawasak sa harapan ng Panginoon at ng kanyang hukbo. Ang mga taga-Juda ay nagdala ng napakaraming samsam.

14 Kanilang tinalo ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar, sapagkat ang takot sa Panginoon ay nasa kanila. Kanilang sinamsaman ang lahat ng bayan, sapagkat napakaraming samsam sa kanila.

15 Kanila ring sinalakay ang mga tolda ng mga taong may mga hayop, at nagdala ng napakaraming tupa at mga kamelyo. Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem.

Juan 12:1-26

Pinahiran ng Pabango si Jesus sa Betania(A)

12 Anim na araw bago magpaskuwa ay pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na muling binuhay ni Jesus mula sa mga patay.

Siya'y ipinaghanda nila roon ng isang hapunan. Si Marta ay naglilingkod, at si Lazaro ay isa sa nakaupo[a] sa may hapag-kainan na kasalo niya.

Si(B) Maria ay kumuha ng isang libra[b] ng mamahaling pabango mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang mga buhok. At ang bahay ay napuno ng amoy ng pabango.

Subalit si Judas Iscariote, isa sa kanyang mga alagad na magkakanulo sa kanya, ay nagsabi,

“Bakit hindi ipinagbili ang pabangong ito ng tatlong daang denario,[c] at ibinigay sa mga dukha?”

Ngunit ito'y sinabi niya, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga dukha, kundi sapagkat siya'y isang magnanakaw. At palibhasa'y nasa kanya ang supot ay kinukuha niya ang inilalagay doon.

Kaya't sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyo siya. Inilaan niya ito sa araw ng paglilibing sa akin.

Sapagkat(C) ang mga dukha ay laging nasa inyo; ngunit ako'y hindi laging nasa inyo.”

Sabwatan Laban kay Lazaro

Nang malaman ng maraming mga Judio na siya'y naroroon, sila'y pumunta hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro, na muling binuhay mula sa mga patay.

10 Kaya't pinanukala ng mga punong pari na kanilang patayin din si Lazaro,

11 sapagkat dahil sa kanya'y marami sa mga Judio ang umaalis at naniniwala kay Jesus.

Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(D)

12 Kinabukasan, nang mabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay darating sa Jerusalem,

13 sila'y(E) kumuha ng mga palapa ng puno ng palma, at lumabas upang sumalubong sa kanya, na sumisigaw, “Hosana! Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon, ang Hari ng Israel.”

14 Nakakita si Jesus ng isang batang asno, at sumakay siya roon, gaya ng nasusulat,

15 “Huwag(F) kang matakot, anak na babae ng Zion, tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating, na nakasakay sa isang anak ng asno.”

16 Sa simula ang mga bagay na ito ay hindi naunawaan ng kanyang mga alagad. Ngunit nang si Jesus ay niluwalhati na, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kanya, at nangyari ang mga bagay na ito sa kanya.

17 Kaya't ang maraming tao na kasama niya, nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y buhayin mula sa mga patay, ay siyang nagpapatunay.

18 Ang dahilan kung bakit ang maraming tao ay sumalubong sa kanya ay sapagkat nabalitaan nila na ginawa niya ang tandang ito.

19 Sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, “Tingnan ninyo, wala kayong magagawa. Ang sanlibutan ay sumusunod sa kanya.”

Hinanap ng Ilang Griyego si Jesus

20 Kabilang sa mga umahon upang sumamba sa kapistahan ay ilang mga Griyego.

21 Ang mga ito'y lumapit kay Felipe, na taga-Bethsaida ng Galilea, at sinabi sa kanya, “Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus.”

22 Umalis si Felipe at sinabi kay Andres. Sumama si Andres kay Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus.

23 Sinagot sila ni Jesus, “Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin.

24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, ay nagbubunga ng marami.

25 Ang(G) umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito para sa buhay na walang hanggan.

26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung saan ako naroroon, ay naroroon din ang lingkod ko. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya'y pararangalan ng Ama.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001