Old/New Testament
Si Haring Josias ng Juda(A)
22 Si(B) Josias ay walong taong gulang nang magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Idida na anak ni Adaya na taga-Boscat.
2 Siya'y gumawa ng kabutihan sa mga mata ng Panginoon, at lumakad sa lahat ng daan ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa.
Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(C)
3 Nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, sinugo ng hari si Safan na anak ni Azalia, na anak ni Mesulam, na kalihim sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,
4 “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari, upang kanyang matimbang ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon na nilikom mula sa bayan ng mga bantay-pinto;
5 at ibigay iyon sa kamay ng mga manggagawa na silang nangangasiwa sa bahay ng Panginoon. Ibibigay naman nila iyon sa mga manggagawa na nasa bahay ng Panginoon, na nag-aayos ng bahay,
6 samakatuwid ay sa mga karpintero, mga tagapagtayo, mga kantero, at gayundin para sa pagbili ng kahoy at ng batong tinibag upang ayusin ang mga sira ng bahay.
7 Gayunma'y(D) walang ulat ng nagugol ang hihingin sa kanila mula sa salaping ibinigay sa kanilang kamay, sapagkat sila'y tapat makitungo.”
8 At sinabi ni Hilkias na pinakapunong pari kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito.
9 Si Safan na kalihim ay pumaroon sa hari, at iniulat sa hari, na sinasabi, “Inilabas na ng iyong mga lingkod ang salaping natagpuan sa bahay, at ibinigay na sa kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng Panginoon.”
10 Sinabi ni Safan na kalihim sa hari, na sinasabi, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At ito ay binasa ni Safan sa harapan ng hari.
11 Nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, kanyang pinunit ang kanyang kasuotan.
12 At ang hari ay nag-utos ng ganito kay Hilkias na pari, kay Ahicam na anak ni Safan, kay Acbor na anak ni Micaya, kay Safan na kalihim, at kay Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,
13 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon para sa akin sa bayan, at para sa buong Juda tungkol sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Malaki ang poot ng Panginoon na nag-aalab laban sa atin, sapagkat hindi sinunod ng ating mga ninuno ang mga salita ng aklat na ito, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat tungkol sa atin.”
14 Kaya't sina Hilkias na pari, Ahicam, Acbor, Safan, at si Asaya, ay nagsiparoon kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum, na anak ni Ticvah, na anak ni Haras, na katiwala ng mga kasuotan (siya nga'y tumira sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipag-usap sa kanya.
15 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,
16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito at sa mamamayan nito, ang lahat ng salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda.
17 Sapagkat kanilang tinalikuran ako, at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, upang ako'y galitin nila sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay. Kaya't ang aking poot ay mag-aalab sa dakong ito, at ito'y hindi mapapatay.
18 Ngunit tungkol sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,
19 sapagkat ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, nang iyong marinig kung paanong ako'y nagsalita laban sa dakong ito, at laban sa mamamayan nito, na sila'y magiging kapanglawan at sumpa, at pinunit mo ang iyong kasuotan at umiyak ka sa harapan ko, narinig din kita, sabi ng Panginoon.
20 Kaya't narito, titipunin kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay payapang malalagay sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito.’” At kanilang dinala ang kasagutan sa hari.
Pinatigil ang Pagsambang Pagano(E)
23 Pagkatapos ang hari ay nagsugo, at tinipon niya ang lahat ng matatanda ng Juda at Jerusalem.
2 At pumunta ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat na lalaki ng Juda at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem, mga pari, mga propeta, at ang buong bayan, hamak at dakila. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.
3 Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon at upang ingatan ang kanyang mga utos at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin, ng kanyang buong puso at buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito; at ang buong bayan ay nakiisa sa tipan.
4 Inutusan(F) ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel.
5 Kanyang tinanggal ang mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na itinalaga ng mga hari ng Juda na magsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga palibot ng Jerusalem; gayundin yaong mga nagsunog ng insenso kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga tala, at sa lahat ng hukbo sa mga langit.
6 At kanyang inilabas ang Ashera mula sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem, sa batis ng Cedron, sinunog ito sa batis ng Cedron, at dinurog at inihagis ang alabok nito sa libingan ng mga karaniwang tao.
7 Kanyang giniba ang mga bahay ng mga lalaking nagbibili ng aliw na nasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga babae ng tabing para sa Ashera.
8 Kanyang inilabas ang lahat ng mga pari mula sa mga lunsod ng Juda, at nilapastangan ang matataas na dako na pinagsusunugan ng insenso ng mga pari, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba. At kanyang ibinagsak ang matataas na dako ng mga pintuang-bayan na nasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng lunsod, na nasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng lunsod.
9 Gayunma'y ang mga pari sa matataas na dako ay hindi umahon sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng kanilang mga kapatid.
10 Kanyang(G) nilapastangan ang Tofet, na nasa libis ng mga anak ni Hinom, upang hindi paraanin sa apoy para kay Molec ang sinuman ng kanyang anak na lalaki o babae.
11 Kanyang inalis ang mga kabayo na itinalaga ng hari ng Juda sa araw, na nasa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa tabi ng silid ni Natan-melec na eunuko, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karwahe ng araw.
12 Ang(H) mga dambana na nasa bubungan ng silid sa itaas ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon ay kanyang pinabagsak, dinurog, at inihagis ang alabok ng mga iyon sa batis ng Cedron.
13 Nilapastangan(I) ng hari ang matataas na dako na nasa silangan ng Jerusalem, hanggang sa timog ng Bundok ng Kasiraan, na itinayo ng Haring Solomon para kay Astarte na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Cemos na karumaldumal ng Moab, at kay Malcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon.
14 At kanyang pinagputul-putol ang mga haligi, at pinutol ang mga sagradong poste,[a] at pinuno ang kanilang mga kinatatayuan ng mga buto ng tao.
15 Bukod(J) dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste.[b]
16 Sa(K) pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng Panginoon na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito.
17 Pagkatapos(L) ay kanyang sinabi, “Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?” Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, “Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel.”
18 Kanyang sinabi, “Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya.” Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.
19 At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang Panginoon, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel.
20 Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem.
Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(M)
21 At iniutos ng hari sa buong bayan, “Ipagdiwang ninyo ang paskuwa sa Panginoon ninyong Diyos, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.”
22 Walang gayong paskuwa ang ipinagdiwang mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa panahon ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o ng mga hari man ng Juda;
23 ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, ipinangilin sa Jerusalem ang paskuwang ito sa Panginoon.
Iba pang mga Pagbabagong Ginawa ni Josias
24 Bukod dito'y pinag-aalis ni Josias ang mga sumasangguni sa masamang espiritu at ang mga mangkukulam, ang mga terafim, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng karumaldumal na nakita sa lupain ng Juda at Jerusalem, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa bahay ng Panginoon.
25 Sa mga haring nauna sa kanya ay walang naging gaya niya na bumalik sa Panginoon ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas niya ayon sa lahat ng kautusan ni Moises, ni may lumitaw mang gaya niya pagkamatay niya.
26 Gayunma'y hindi tinalikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang malaking pagkapoot laban sa Juda, dahil sa lahat ng panggagalit na ipinanggalit ni Manases sa kanya.
27 At sinabi ng Panginoon, “Aalisin ko rin ang Juda sa aking paningin, gaya ng pag-aalis ko sa Israel, at aking itatakuwil ang lunsod na ito na aking pinili, ang Jerusalem, at ang bahay na dito ay aking sinabi, Ang pangalan ko'y doroon.”
Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias(N)
28 Ang iba pa sa mga gawa ni Josias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Juda?
29 Nang mga araw niya, si Faraon-neco na hari ng Ehipto ay umahon laban sa hari ng Asiria sa Ilog Eufrates. Si Haring Josias ay pumaroon laban sa kanya; at pinatay siya ni Faraon-neco sa Megido, nang kanyang makita siya.
30 Dinala siyang patay ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe mula sa Megido, dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang sariling libingan. At kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias, binuhusan siya ng langis, at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama.
Si Haring Jehoahaz ng Juda(O)
31 Si Jehoahaz[d] ay dalawampu't tatlong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlong buwan sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.
32 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga magulang.
33 Ibinilanggo siya ni Faraon-neco sa Ribla sa lupain ng Hamat, upang siya'y hindi makapaghari sa Jerusalem; at pinapagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at isang talentong ginto.
34 At(P) ginawa ni Faraon-neco si Eliakim na anak ni Josias bilang haring kapalit ni Josias, na kanyang ama, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim. Ngunit kanyang dinala si Jehoahaz at siya'y dumating sa Ehipto at namatay doon.
Si Haring Jehoiakim ng Juda(Q)
35 Ibinigay ni Jehoiakim ang pilak at ang ginto kay Faraon; ngunit kanyang pinapagbuwis ang lupain upang ibigay ang salapi ayon sa utos ni Faraon. Kanyang siningilan ng pilak at ginto ang taong-bayan ng lupain, sa bawat isa ayon sa kanyang paghahalaga, upang ibigay kay Faraon-neco.
36 Si(R) Jehoiakim ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Zebida na anak ni Pedaya na taga-Ruma.
37 Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga ninuno.
31 Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, kumain ka.”
32 Subalit sinabi niya sa kanila, “Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman.”
33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?”
34 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain.
35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid[a] at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin.
36 Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak.
37 Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, ‘Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’
38 Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran.”
39 At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae, na nagpatotoo, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.”
40 Kaya nang dumating sa kanya ang mga Samaritano, nakiusap sila sa kanya na manatili sa kanila; at siya'y nanatili roon ng dalawang araw.
41 At marami pang sumampalataya sa kanya dahil sa kanyang salita.
42 Sinabi nila sa babae, “Ngayo'y sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi, sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno
43 Pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya roon at nagtungo sa Galilea,
44 sapagkat(A) si Jesus din ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa kanyang sariling lupain.
45 Kaya't(B) nang siya'y dumating sa Galilea ay tinanggap siya ng mga taga-Galilea, nang kanilang makita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan, sapagkat sila ay pumunta rin sa kapistahan.
46 Pagkatapos(C) ay pumunta siyang muli sa Cana ng Galilea na doo'y kanyang ginawang alak ang tubig. At sa Capernaum ay naroroon ang isang pinuno ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay maysakit.
47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pumunta siya roon at nakiusap sa kanya na siya'y pumunta at pagalingin ang kanyang anak na lalaki sapagkat siya'y malapit nang mamatay.
48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kababalaghan ay hindi kayo mananampalataya.”
49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta ka na bago mamatay ang aking anak.”
50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka na, ang anak mo ay mabubuhay.” Pinaniwalaan ng lalaki ang salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at siya'y humayo sa kanyang lakad.
51 Habang siya'y papunta, sinalubong siya ng kanyang mga alipin na nagsasabing ang kanyang anak ay ligtas na.[b]
52 Kaya't itinanong niya sa kanila ang oras nang siya'y nagsimulang gumaling. At sinabi nila sa kanya, “Kahapon, nang ika-isa ng hapon, nawalan siya ng lagnat.”
53 Kaya't nalaman ng ama na sa oras na iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang anak mo ay mabubuhay.” Kaya't siya'y sumampalataya, at ang kanyang buong sambahayan.
54 Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus pagkatapos na siya'y pumunta sa Galilea mula sa Judea.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001