Old/New Testament
Pinatay ang mga Anak ni Ahab
10 Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Kaya't gumawa si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa matatanda, at sa mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab, na sinasabi,
2 “Pagdating ng sulat na ito sa inyo, yamang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karwahe at mga kabayo, at mga lunsod na may kuta, at mga sandata,
3 piliin ninyo ang pinakamahusay at ang pinakamarapat sa mga anak ng inyong panginoon at iupo ninyo sa trono ng kanyang ama, at ipaglaban ninyo ang sambahayan ng inyong panginoon.”
4 Ngunit sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi nakatagal sa kanya ang dalawang hari; paano nga tayo makakatagal sa kanya?”
5 Kaya't ang tagapamahala ng palasyo, at ang tagapamahala ng lunsod, gayundin ang matatanda, at ang mga tagapag-alaga, ay nagsugo kay Jehu, na nagsasabi, “Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat ng iyong iuutos sa amin. Hindi namin gagawing hari ang sinuman; gawin mo ang mabuti sa iyong paningin.”
6 Nang magkagayo'y gumawa siya ng ikalawang sulat sa kanila, na nagsasabi, “Kung kayo'y nasa aking panig, at kung kayo'y handang sumunod sa akin, kunin ninyo ang mga ulo ng mga anak na lalaki ng inyong panginoon, at pumarito kayo sa akin sa Jezreel bukas sa ganitong oras.” Ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao ay kasama ng mga pinuno sa lunsod na nag-aalaga sa kanila.
7 Nang ang sulat ay dumating sa kanila, kanilang kinuha ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao; at pinagpapatay sila, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga basket, at ipinadala sa kanya sa Jezreel.
8 Nang dumating ang sugo at sinabi sa kanya, “Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari,” ay kanyang sinabi, “Ilagay ninyo sila ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan.”
9 Kinaumagahan, nang siya'y lumabas, siya'y tumayo at sinabi sa buong bayan, “Kayo'y mga walang sala. Ako ang nakipagsabwatan laban sa aking panginoon at pumatay sa kanya; ngunit sinong pumatay sa lahat ng ito?
10 Talastasin ninyo ngayon na walang salita ng Panginoon ang mahuhulog sa lupa, na sinabi ng Panginoon tungkol sa sambahayan ni Ahab; sapagkat ginawa ng Panginoon ang kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias.”
11 Kaya't(A) pinatay ni Jehu ang lahat ng nalabi sa sambahayan ni Ahab sa Jezreel, ang lahat niyang mga pinuno, at ang kanyang mga malapit na kaibigan, at ang kanyang mga pari, hanggang sa wala siyang itinira.
Pinatay ang mga Kapatid ni Haring Ahazias
12 Pagkatapos siya'y naghanda at nagtungo sa Samaria. Sa daan, samantalang siya'y nasa Bet-eked ng mga Pastol,
13 nakasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ahazias na hari ng Juda, at sinabi niya, “Sino kayo?” At sila'y nagsisagot, “Kami ay mga kapatid ni Ahazias, at kami ay nagsilusong upang dalawin ang mga anak ng hari at ang mga anak ng reyna.”
14 Sinabi niya, “Hulihin ninyo silang buháy.” Kanilang hinuli silang buháy, at pinatay sila sa hukay ng Bet-eked; wala siyang itinirang buháy sa kanila na binubuo ng apatnapu't dalawang katao.
15 Nang siya'y makaalis mula roon, nasalubong niya si Jonadab na anak ni Recab na dumarating upang salubungin siya. Kanyang binati siya at sinabi sa kanya, “Ang iyo bang puso ay tapat, gaya ng aking puso sa iyong puso?” At sumagot si Jonadab, “Oo.” At sinabi ni Jehu, “Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay.” At iniabot niya sa kanya ang kanyang kamay. At isinama siya ni Jehu at isinakay sa karwahe.
16 At kanyang sinabi, “Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sigasig sa Panginoon.” Kaya't kanilang pinasakay sila sa kanyang karwahe.
17 Nang siya'y dumating sa Samaria, kanyang pinatay ang lahat ng nalabi kay Ahab sa Samaria, hanggang sa kanyang malipol sila, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi kay Elias.
Pinatay ang mga Sumasamba kay Baal
18 Pagkatapos ay tinipon ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, “Si Ahab ay naglingkod kay Baal ng kaunti, ngunit si Jehu ay maglilingkod sa kanya ng marami.
19 Ngayon nga'y tawagin ninyo sa akin ang lahat ng propeta ni Baal, ang lahat ng mga sumasamba sa kanya, at ang lahat niyang mga pari; walang sinuman ang mawawala, sapagkat mayroon akong dakilang handog na iaalay kay Baal. Sinumang wala roon ay hindi mabubuhay.” Ngunit ito'y ginawa ni Jehu na may katusuhan upang kanyang malipol ang mga sumasamba kay Baal.
20 Iniutos ni Jehu, “Magdaos kayo ng isang taimtim na pagpupulong para kay Baal.” At kanilang ipinahayag iyon.
21 Nagpasugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng sumasamba kay Baal ay nagsidating, kaya't walang taong naiwan na hindi dumating. Sila'y pumasok sa bahay ni Baal; at ang templo ni Baal ay napuno mula sa isang dulo hanggang sa kabila.
22 Sinabi niya sa katiwala ng silid-bihisan, “Ilabas mo ang lahat ng mga kasuotang para sa lahat ng sumasamba kay Baal.” Kaya't inilabas niya ang mga kasuotan para sa kanila.
23 Sina Jehu at Jonadab na anak ni Recab ay pumasok sa bahay ni Baal, at kanyang sinabi sa mga sumasamba kay Baal, “Maghanap kayo at tiyakin ninyo na wala kayo ritong kasamang lingkod ng Panginoon, kundi mga sumasamba kay Baal lamang.”
24 At sila'y nagsipasok upang mag-alay ng mga handog at ng mga handog na sinusunog. Si Jehu naman ay nagtalaga ng walumpung lalaki sa labas, at sinabi, “Ang taong magpapatakas sa sinumang mga taong ibinigay ko sa inyong mga kamay, ang kanyang buhay ay ibibigay bilang kapalit.”
25 Kaya't pagkatapos niyang makapag-alay ng mga handog na sinusunog, sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong-kawal, “Kayo'y pumasok at patayin ninyo sila; huwag patatakasin ang sinuman.” Pinatay sila ng mga bantay at mga punong-kawal sa pamamagitan ng talim ng tabak at inihagis sila sa labas ng mga bantay at ng mga punong-kawal; pagkatapos ay pumasok sila sa loob ng bahay ni Baal,
26 at kanilang inilabas ang mga haligi ng bahay ni Baal, at sinunog ito.
27 At kanilang winasak ang haligi ni Baal, at winasak ang bahay ni Baal, at ginawang tapunan ng dumi hanggang sa araw na ito.
28 Sa gayon pinawi ni Jehu si Baal mula sa Israel.
29 Gayunma'y(B) hindi humiwalay si Jehu sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, samakatuwid ay ang mga guyang ginto na nasa Bethel at Dan.
30 Sinabi ng Panginoon kay Jehu, “Sapagkat ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa aking paningin, at iyong ginawa sa sambahayan ni Ahab ang ayon sa lahat ng nasa aking puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel.”
31 Ngunit si Jehu ay hindi maingat sa paglakad ng kanyang buong puso sa kautusan ng Panginoong Diyos ng Israel. Siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel.
Ang Kamatayan ni Jehu
32 Nang mga araw na iyon ay pinasimulan ng Panginoon na putulan ng mga bahagi ang Israel. Ginapi sila ni Hazael sa buong nasasakupan ng Israel,
33 mula sa Jordan patungong silangan, ang buong lupain ng Gilead, ang mga Gadita, ang mga Rubenita, ang mga Manasita, mula sa Aroer na nasa libis ng Arnon, na ito'y ang Gilead at ang Basan.
34 Ang iba pang mga gawa ni Jehu, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang lahat niyang kagitingan, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Israel?
35 At si Jehu ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa Samaria. At si Jehoahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
36 At ang panahong naghari si Jehu sa Israel sa Samaria ay dalawampu't walong taon.
Si Reyna Atalia ng Juda(C)
11 Nang makita ni Atalia na ina ni Ahazias, na ang kanyang anak ay patay na, siya'y tumindig at nilipol ang lahat ng binhi ng hari.
2 Ngunit kinuha ni Jehosheba, na anak na babae ni Haring Joram, na kapatid na babae ni Ahazias, si Joas na anak ni Ahazias, at lihim na kinuha siya mula sa mga anak ng hari na malapit nang patayin, at kanyang inilagay siya at ang kanyang yaya sa isang silid-tulugan. Sa gayon niya ikinubli ang bata kay Atalia, kaya't siya'y hindi napatay.
3 Siya'y nanatiling kasama niya sa loob ng anim na taon na nakatago sa bahay ng Panginoon, samantalang si Atalia ay naghari sa lupain.
4 Ngunit nang ikapitong taon, si Jehoiada ay nagsugo at dinala ang mga punong-kawal ng mga Cariteo, at ang mga bantay, at sila'y pinapasok niya sa bahay ng Panginoon. Siya'y nakipagtipan sa kanila at pinasumpa sila sa bahay ng Panginoon, at ipinakita sa kanila ang anak ng hari.
5 At kanyang iniutos sa kanila, “Ito ang bagay na inyong gagawin: ang ikatlong bahagi sa inyo, na nagpapahinga sa Sabbath at nagbabantay sa bahay ng hari
6 (ang isa pang ikatlong bahagi ay nakatalaga sa pintuang-bayan ng Sur; at ang ikatlong bahagi ay sa pintuang-bayan sa likod ng bantay), ay magiging bantay sa bahay ng hari;
7 ang dalawang pulutong naman sa inyo, na hindi nagbantay sa Sabbath na ito ay siyang magbabantay sa bahay ng Panginoon para sa hari.
8 Inyong paliligiran ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang lumapit sa hanay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari kapag siya'y lumalabas at pumapasok.”
9 At ginawa ng mga pinuno ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehoiada na pari, at kinuha ng bawat isa ang kanyang mga tauhan, yaong hindi magbabantay sa araw ng Sabbath, kasama ng mga nagbabantay sa araw ng Sabbath, at nagsiparoon kay Jehoiada na pari.
10 Ibinigay ng pari sa mga pinuno ang mga sibat at ang mga kalasag na naging pag-aari ni Haring David, na nasa bahay ng Panginoon;
11 at ang mga bantay ay tumayo, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa may dambana at sa may bahay, sa palibot ng hari.
12 Pagkatapos ay inilabas niya ang anak ng hari, at ipinutong ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo; at kanilang ipinahayag siyang hari, at binuhusan siya ng langis, at kanilang ipinalakpak ang kanilang mga kamay, at nagsipagsabi, “Mabuhay ang hari!”
13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng bantay at ng taong-bayan, pumasok siya sa loob ng bahay ng Panginoon patungo sa mga tao.
14 Nang(D) siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng haligi, ayon sa kaugalian, at ang mga pinuno at ang mga manunugtog ng trumpeta sa tabi ng hari; at ang buong bayan ng lupain na nagsasaya at humihihip ng trumpeta. Kaya't hinapak ni Atalia ang kanyang kasuotan, at sumigaw, “Pagtataksil! Pagtataksil!”
15 At ang paring si Jehoiada ay nag-utos sa mga kapitan ng tig-iisandaan na itinalaga sa hukbo, “Ilabas ninyo siya sa pagitan ng mga hanay, at patayin ninyo ng tabak ang sinumang sumunod sa kanya.” Sapagkat sinabi ng pari, “Huwag siyang papatayin sa bahay ng Panginoon.”
16 Sa gayo'y kanilang binigyan siya ng daan, at siya'y pumasok sa pasukan ng mga kabayo patungo sa bahay ng hari, at doon siya pinatay.
Pagbabagong Ginawa ni Jehoiada(E)
17 Si Jehoiada ay nakipagtipan sa Panginoon, sa hari, at sa mamamayan, na sila'y magiging bayan ng Panginoon; gayundin sa pagitan ng hari at ng bayan.
18 At ang lahat ng mamamayan ng lupain ay pumunta sa bahay ni Baal, at ito'y ibinagsak. Ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan ay kanilang pinagputul-putol ng lubusan at kanilang pinatay si Matan na pari ni Baal sa harap ng mga dambana. At ang pari ay naglagay ng mga bantay sa bahay ng Panginoon.
19 Kanyang isinama ang mga punong-kawal, ang mga Cariteo, ang mga bantay, at ang buong mamamayan ng lupain. Kanilang ibinaba ang hari mula sa bahay ng Panginoon, at nagsidaan sa pintuang-bayan ng mga bantay patungo sa bahay ng hari. At siya'y naupo sa trono ng mga hari.
20 Kaya't ang lahat ng mamamayan ng lupain ay nagsaya. Ang lunsod ay tumahimik pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak sa bahay ng hari.
21 [b] Si Jehoas ay pitong taon nang siya'y nagsimulang maghari.
Si Haring Jehoas ng Juda(F)
12 Nang ikapitong taon ni Jehu, nagsimulang maghari si Jehoas at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba.
2 Gumawa si Jehoas ng matuwid sa mga mata ng Panginoon sa lahat ng kanyang araw, sapagkat tinuruan siya ni Jehoiada na pari.
3 Gayunma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ang mga tao ay patuloy na naghandog at nagsunog ng insenso sa mga mataas na dako.
4 Sinabi(G) ni Jehoas sa mga pari, “Ang lahat ng salaping inihandog bilang mga banal na bagay na ipinasok sa bahay ng Panginoon, ang salaping umiiral, na salaping inihalaga sa mga pagkatao na hiniling sa bawat isa, at ang salapi na iniudyok ng puso ng tao na kanyang dalhin sa bahay ng Panginoon,
5 ay kukunin ng mga pari para sa kanila, bawat isa sa kanyang kakilala; at kanilang aayusin ang mga sira ng bahay saanman matuklasang may anumang sira.”
6 Ngunit nang ikadalawampu't tatlong taon ni Haring Jehoas, ang mga pari ay hindi nag-ayos ng mga sira sa bahay.
7 Kaya't tinawag ni Haring Jehoas si Jehoiada na pari at ang iba pang mga pari at sinabi sa kanila, “Bakit hindi ninyo inaayos ang mga sira ng bahay? Ngayon ay huwag na kayong tumanggap ng salapi sa inyong mga kakilala, kundi ibigay ninyo para sa mga sira ng bahay.”
8 Kaya't pinagkasunduan ng mga pari na hindi na sila kukuha pa ng salapi mula sa taong-bayan, at hindi na nila aayusin ang mga sira ng bahay.
9 At si Jehoiada na pari ay kumuha ng isang kaban, at binutasan ang takip niyon, at inilagay sa tabi ng dambana sa gawing kanan ng pagpasok sa bahay ng Panginoon. Isinilid doon ng mga pari na nagtatanod sa pintuan ang lahat ng salapi na dinala sa bahay ng Panginoon.
10 Tuwing makikita nila na marami ng salapi sa kaban, ang kalihim ng hari at ang pinakapunong pari ay umaakyat, at kanilang binibilang at isinisilid sa mga supot ang mga salapi na natagpuan sa bahay ng Panginoon.
11 Pagkatapos ay ibinibigay nila ang salaping tinimbang sa mga kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng Panginoon; at ito ay kanilang ibinayad sa mga karpintero at sa mga manggagawa na gumawa sa bahay ng Panginoon,
12 at sa mga mason at nagtatabas ng bato, gayundin upang ibili ng mga kahoy at mga batong tinibag para sa pag-aayos ng mga sira sa bahay ng Panginoon, at para sa lahat ng magugugol sa bahay sa pag-aayos nito.
13 Ngunit walang ginawa para sa bahay ng Panginoon na mga palangganang pilak, mga pamutol ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta, o anumang kasangkapang ginto, o kasangkapang pilak, mula sa salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon,
14 sapagkat iyon ay kanilang ibinigay sa mga gumawa ng gawain at sa pamamagitan niyon ay inayos nila ang bahay ng Panginoon.
15 Hindi(H) sila humingi ng pagsusulit mula sa mga lalaki na sa kanilang mga kamay ay ibinigay ang salapi upang ibayad sa mga manggagawa, sapagkat sila'y nagsigawang may katapatan.
16 Ang(I) salapi mula sa handog para sa budhing nagkasala, at ang salapi mula sa handog pangkasalanan ay hindi ipinasok sa bahay ng Panginoon; ang mga iyon ay nauukol sa mga pari.
17 Nang panahong iyon, si Hazael na hari ng Siria ay umahon at nilabanan ang Gat, at nasakop iyon at iniharap ni Hazael ang kanyang mukha upang umahon sa Jerusalem upang ito ay labanan,
18 at kinuha ni Jehoas na hari ng Juda ang lahat ng bagay na itinalaga ni Jehoshafat, at ni Jehoram, at ni Ahazias, na kanyang mga ninuno, na mga hari sa Juda, at ang kanyang mga itinalagang bagay, at ang lahat ng ginto na natagpuan sa mga kabang-yaman ng bahay ng Panginoon at sa bahay ng hari, at ipinadala kay Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos si Hazael ay umalis sa Jerusalem.
19 Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Juda?
20 At ang kanyang mga lingkod ay nagsitindig at nagsabwatan, at pinatay nila si Joas sa bahay ng Milo, sa daang palusong sa Silah.
21 Si Josakar na anak ni Shimeat at si Jozabad na anak ni Somer, na kanyang mga lingkod, ang sumunggab sa kanya, kaya't siya'y namatay. At kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga magulang sa lunsod ni David; at si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Ang Kordero ng Diyos
29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya, at kanyang sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!
30 Siya yaong aking sinasabi, ‘Kasunod ko'y dumarating ang isang lalaki na higit pa sa akin,[a] sapagkat siya'y nauna sa akin.
31 Hindi ko siya nakilala, dahil dito'y naparito ako na nagbabautismo sa tubig upang siya'y mahayag sa Israel.”
32 Nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit at dumapo sa kanya.
33 Hindi ko siya nakilala subalit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Ang nakita mong babaan ng Espiritu at manatili sa kanya, ay siya ang nagbabautismo sa Espiritu Santo.’
34 Aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos.”
Ang Unang mga Alagad ni Jesus
35 Kinabukasan, muling naroon si Juan kasama ng dalawa sa kanyang mga alagad.
36 At kanyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad at sinabi, “Narito ang Kordero ng Diyos!”
37 Narinig siya ng dalawang alagad na nagsalita nito, at sila'y sumunod kay Jesus.
38 Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod ay sinabi niya sa kanila, “Ano ang inyong hinahanap?” At sinabi nila sa kanya, “Rabi (na kung isasalin ang kahulugan ay Guro), saan ka nakatira?”
39 Sinabi niya sa kanila, “Halikayo at tingnan ninyo.” Pumunta nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at sila'y nanatiling kasama niya nang araw na iyon. Noon ang oras ay mag-iikasampu.[b]
40 Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kanya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro.
41 Una niyang natagpuan ang kanyang kapatid na si Simon, at sa kanya'y sinabi, “Natagpuan na namin ang Mesiyas”—na kung isasalin ay Cristo.
42 Kanyang dinala si Simon kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus at sinabi, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Cefas”—(na kung isasalin ang kahulugan ay Pedro.)
Tinawagan ni Jesus sina Felipe at Nathanael
43 Kinabukasan ay ipinasiya ni Jesus na pumunta sa Galilea. Kanyang nakita si Felipe, at sa kanya'y sinabi ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.”
44 Si Felipe nga ay taga-Bethsaida, sa lunsod nina Andres at Pedro.
45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael, at sinabi sa kanya, “Natagpuan namin iyong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose.”
46 Sinabi sa kanya ni Nathanael, “Mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Halika at tingnan mo.”
47 Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit sa kanya, at sinabi ang tungkol sa kanya, “Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya!”
48 Tinanong siya ni Nathanael, “Paano mo ako nakilala?” Si Jesus ay sumagot, “Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos ay nakita kita.”
49 Sumagot si Nathanael sa kanya, “Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang Hari ng Israel.”
50 Si Jesus ay sumagot sa kanya, “Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, ‘Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos,’ kaya ikaw ay sumasampalataya? Higit na dakilang mga bagay ang makikita mo kaysa rito.”
51 Sinabi(A) niya sa kanya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa Anak ng Tao.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001