Old/New Testament
Ang Habilin ni David kay Solomon
22 Pagkatapos ay sinabi ni David, “Dito itatayo ang bahay ng Panginoong Diyos, at dito ang dambana ng handog na sinusunog para sa Israel.”
2 Iniutos ni David na tipunin ang mga dayuhang nasa lupain ng Israel at siya'y naglagay ng mga kantero upang magtapyas ng bato para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos.
3 Naglaan din si David ng napakaraming bakal bilang pako sa mga pinto ng mga tarangkahan at sa mga dugtungan, at ng tanso na hindi na matimbang sa dami,
4 at ng mga troso ng sedro na di mabilang, sapagkat ang mga Sidonio at ang mga taga-Tiro ay nagdala kay David ng napakaraming puno ng sedro.
5 Sapagkat sinabi ni David, “Si Solomon na aking anak ay bata pa at wala pang karanasan, at ang bahay na itatayo para sa Panginoon ay kailangang maging kahanga-hanga, bantog at maluwalhati sa buong lupain. Ako'y maghahanda para doon.” Kaya't naghanda si David ng maraming kagamitan bago sumapit ang kanyang kamatayan.
6 Pagkatapos ay ipinatawag niya si Solomon na kanyang anak, at inatasan niyang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
7 Sinabi(A) ni David kay Solomon na kanyang anak, “Sa ganang akin, nasa aking puso ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos.
8 Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi, ‘Ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo at nagsagawa ng malalaking pakikidigma. Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan sapagkat ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin.
9 Narito, ipapanganak para sa iyo ang isang lalaki; siya ay magiging isang mapayapang tao. Bibigyan ko siya ng kapayapaan sa lahat ng kanyang mga kaaway sa palibot, sapagkat ang kanyang magiging pangalan ay Solomon,[a] at bibigyan ko ng kapayapaan[b] at katahimikan ang Israel sa kanyang mga araw.
10 Siya ay magtatayo ng bahay para sa aking pangalan. Siya'y magiging aking anak, at ako'y magiging kanyang ama; at itatatag ko ang trono ng kanyang kaharian sa Israel magpakailanman.’
11 Ngayon, anak ko, sumaiyo ang Panginoon, upang magtagumpay ka sa iyong pagtatayo ng bahay ng Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi tungkol sa iyo.
12 Pagkalooban ka lamang ng Panginoon ng dunong at pang-unawa, upang kapag ipinagkatiwala na niya sa iyo ang Israel ay matupad mo ang kautusan ng Panginoon mong Diyos.
13 Kung(B) magkagayo'y magtatagumpay ka kung maingat mong susundin ang mga tuntunin at ang mga batas na ipinag-utos ng Panginoon kay Moises para sa Israel. Magpakalakas ka at magpakatapang; huwag kang matakot o manlupaypay man.
14 Pinagsikapan kong lubos na ipaghanda ang bahay ng Panginoon ng isandaang libong talentong ginto, isang milyong talentong pilak at ng tanso at bakal na hindi na matimbang sa dami. Naghanda rin ako ng kahoy at bato. Dagdagan mo pa ang mga ito.
15 Bukod dito'y may kasama kang maraming manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at napakaraming uri ng mga manggagawa na bihasa sa iba't ibang uri ng trabaho
16 sa ginto, sa pilak, sa tanso, at sa bakal, na hindi mabilang. Bumangon ka at gawin mo na. Sumaiyo nawa ang Panginoon.”
17 Iniutos din ni David sa lahat ng pinuno ng Israel na tulungan si Solomon na kanyang anak, na sinasabi,
18 “Hindi ba't ang Panginoon ninyong Diyos ay sumasainyo? Hindi ba't binigyan niya kayo ng kapahingahan sa lahat ng dako? Sapagkat kanyang ibinigay sa aking kamay ang mga naninirahan sa lupain; at ang lupain ay napasuko sa harap ng Panginoon at sa harap ng kanyang bayan.
19 Ngayo'y inyong ilagak ang inyong puso at pag-iisip upang hanapin ang Panginoon ninyong Diyos. Humayo kayo at itayo ninyo ang santuwaryo ng Panginoong Diyos, upang ang kaban ng tipan ng Panginoon at ang mga banal na kagamitan ng Diyos ay madala sa loob ng bahay na itatayo para sa pangalan ng Panginoon.”
Itinatag ni David ang Katungkulan ng mga Levita
23 Nang(C) si David ay matanda na at puspos na ng mga araw, ginawa niyang hari sa Israel si Solomon na kanyang anak.
2 Tinipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at ang mga Levita.
3 Ang mga Levita na mula sa tatlumpung taong gulang pataas ay binilang at ang kanilang kabuuang bilang ay tatlumpu't walong libong lalaki.
4 “Dalawampu't apat na libo sa mga ito,” sabi ni David, “ang mamamahala sa gawain sa bahay ng Panginoon, at anim na libo ay mga pinuno at mga hukom,
5 at apat na libong bantay ng pinto, apat na libo ang mang-aawit sa Panginoon na may mga panugtog na aking ginawa para sa pagpupuri.”
6 Hinati sila ni David sa mga pangkat ayon sa mga anak ni Levi: si Gershon, si Kohat, at si Merari.
7 Sa mga Gershonita ay sina Ladan, at Shimei.
8 Ang mga anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam, at si Joel, tatlo.
9 Ang mga anak ni Shimei: sina Shelomot, Haziel, at Haran, tatlo. Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang ni Ladan.
10 Ang mga anak ni Shimei: sina Jahat, Zinat, Jeus, at Beriah. Ang apat na ito ang mga anak ni Shimei.
11 Si Jahat ang pinuno at si Ziza ang ikalawa. Ngunit si Jeus at si Beriah ay hindi nagkaroon ng maraming anak, kaya't sila'y itinuring na isang sambahayan ng mga magulang.
12 Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, apat.
13 Ang(D) mga anak ni Amram: sina Aaron at Moises. Si Aaron ay ibinukod upang kanyang italaga ang mga kabanal-banalang bagay, upang siya at ang kanyang mga anak na lalaki ay magsunog ng insenso sa harap ng Panginoon at maglingkod sa kanya, at magbasbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan magpakailanman.
14 Ngunit ang mga anak ni Moises na tao ng Diyos ay ibinilang na kasama ng lipi ni Levi.
15 Ang mga anak ni Moises: sina Gershom at Eliezer.
16 Ang mga anak ni Gershom: si Sebuel na pinuno.
17 Ang mga anak ni Eliezer: si Rehabias na pinuno. Si Eliezer ay hindi nagkaroon ng ibang mga anak na lalaki, ngunit ang mga anak ni Rehabias ay napakarami.
18 Ang mga anak ni Izar: si Shelomit na pinuno.
19 Ang mga anak ni Hebron: si Jerias ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jecaman ang ikaapat.
20 Ang mga anak ni Uziel: si Micaias ang pinuno, at si Ishias ang ikalawa.
21 Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ang mga anak ni Mahli: sina Eleazar at Kish.
22 Si Eleazar ay namatay na hindi nagkaanak ng lalaki, kundi mga babae lamang; at naging asawa nila ang kanilang mga kamag-anak na mga anak ni Kish.
23 Ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder, at Jerimot, tatlo.
24 Ito ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, samakatuwid ay mga puno ng mga sambahayan na nakatala ayon sa bilang ng mga pangalan ng mga tao mula sa dalawampung taong gulang pataas na maglilingkod sa bahay ng Panginoon.
25 Sapagkat sinabi ni David, “Ang Panginoon, ang Diyos ng Israel ay nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan; at siya'y naninirahan sa Jerusalem magpakailanman.
26 Hindi(E) na kailangan pang pasanin ng mga Levita ang tabernakulo at ang alinman sa mga kasangkapan niyon sa paglilingkod doon.”
27 Sapagkat ayon sa mga huling salita ni David, ang mga ito ang nabilang sa mga anak ni Levi, mula sa dalawampung taong gulang pataas.
28 “Ang(F) kanilang katungkulan ay tumulong sa mga anak ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, na silang may pangangasiwa sa mga bulwagan, sa mga silid, at sa paglilinis ng lahat ng banal na bagay, at sa lahat ng gawain ng paglilingkod sa bahay ng Diyos.
29 Gayundin sa tinapay na handog, at sa piling harina para sa handog na butil, maging sa mga manipis na tinapay na walang pampaalsa, at sa niluto sa kawali, at sa handog na pinirito; at sa lahat ng sari-saring takalan at sukatan.
30 Sila'y tatayo tuwing umaga upang magpasalamat at magpuri sa Panginoon, at gayundin naman sa hapon;
31 at sa tuwing maghahandog ng lahat ng handog na sinusunog sa Panginoon sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan na ang bilang ay alinsunod sa itinatakda sa kanila at patuloy sa harap ng Panginoon.
32 Sa gayo'y pangangasiwaan nila ang toldang tipanan, ang santuwaryo, at ang mga anak ni Aaron na kanilang mga kapatid para sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.”
Ang Pagkakabahagi ng mga Anak ni Aaron
24 Ang pagkakabahagi ng mga anak ni Aaron ay ito. Ang mga anak ni Aaron: sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar.
2 Ngunit(G) si Nadab at si Abihu ay naunang namatay sa kanilang ama, at hindi nagkaroon ng anak. Kaya't si Eleazar at si Itamar ang naglingkod bilang mga pari.
3 Sa tulong ni Zadok na isa sa mga anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na isa sa mga anak ni Itamar, pinangkat-pangkat sila ni David ayon sa kanilang mga gawain sa kanilang paglilingkod.
4 Palibhasa'y mas maraming pinuno na natagpuan sa mga anak ni Eleazar kaysa sa mga anak ni Itamar, sila'y hinati sa ilalim ng labing-anim na mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno sa mga anak ni Eleazar, at walo naman sa mga anak ni Itamar.
5 Pinagpangkat-pangkat sila sa pamamagitan ng palabunutan, bawat isa sa kanila; sapagkat mayroong mga pinuno sa santuwaryo, at mga pinuno para sa Diyos sa mga anak ni Eleazar at sa mga anak ni Itamar.
6 Itinala ang mga ito ni Shemaya na eskriba na anak ni Natanael na Levita, sa harapan ng hari, at ng mga pinuno, at ng paring si Zadok, at ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga pari, at ng mga Levita. Isang sambahayan ng mga ninuno ang pinili para kay Eleazar, at ang isa'y pinili para kay Itamar.
7 Ang unang palabunutan ay napapunta kay Jehoiarib, ang ikalawa'y kay Jedias;
8 ang ikatlo ay kay Harim, ang ikaapat ay kay Seorim;
9 ang ikalima ay kay Malkia, ang ikaanim ay kay Mijamin;
10 ang ikapito ay kay Hakoz, ang ikawalo ay kay Abias;
11 ang ikasiyam ay kay Jeshua, ang ikasampu ay kay Shecanias;
12 ang ikalabing-isa ay kay Eliasib, ang ikalabindalawa ay kay Jakim;
13 ang ikalabintatlo ay kay Hupa, ang ikalabing-apat ay kay Isebeab;
14 Ang ikalabinlima ay kay Bilga, ang ikalabing-anim ay kay Imer;
15 ang ikalabimpito ay kay Hezir, ang ikalabingwalo ay kay Hapizez,
16 ang ikalabinsiyam ay kay Petaya, ang ikadalawampu ay kay Jehezkel;
17 ang ikadalawampu't isa ay kay Jakin, ang ikadalawampu't dalawa ay kay Hamul;
18 ang ikadalawampu't tatlo ay kay Delaias, ang ikadalawampu't apat ay kay Maasias.
19 Ito ang pagkakasunud-sunod nila sa kanilang paglilingkod, sa kanilang pagpasok sa bahay ng Panginoon ayon sa tuntuning itinakda para sa kanila sa pamamagitan ni Aaron na kanilang ninuno, gaya ng iniutos sa kanya ng Panginoong Diyos ng Israel.
Ang Iba Pang mga Anak ni Levi
20 At sa iba pang mga anak ni Levi: sa mga anak ni Amram, si Subael; sa mga anak ni Subael, si Jehedias.
21 Kay Rehabias: sa mga anak ni Rehabias, si Ishias ang pinuno.
22 Sa mga Izarita, si Shelomot; sa mga anak ni Shelomot, si Jahat.
23 Sa mga anak ni Hebron: si Jerias ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, si Jecaman ang ikaapat.
24 Ang mga anak ni Uziel: si Micaias; sa mga anak ni Micaias, si Samir.
25 Ang kapatid ni Micaias, si Ishias; sa mga anak ni Ishias, si Zacarias.
26 Ang mga anak ni Merari: si Mahli at si Musi: ang mga anak ni Jaazia: si Beno.
27 Ang mga anak ni Merari: kay Jaazia, sina Beno, Soam, Zacur, at Ibri.
28 Kay Mahli: si Eleazar, na hindi nagkaroon ng anak na lalaki.
29 Kay Kish: ang mga anak ni Kish, si Jerameel.
30 Ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder, at Jerimot. Ang mga ito ang mga anak ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ama.
31 Ang mga ito nama'y nagpalabunutan din gaya ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Aaron, sa harap ni Haring David, at ni Zadok, Ahimelec at ng mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga pari at mga Levita, ang pinuno gayundin ang nakababatang kapatid.
28 Sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, saka ninyo makikilala na ako nga siya, at wala akong ginagawa mula sa aking sarili kundi sinasabi ko ang mga bagay ayon sa itinuro sa akin ng Ama.
29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko, hindi niya ako pinabayaang nag-iisa; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya.”
30 Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito ay marami ang sumasampalataya sa kanya.
Ang Malalaya at ang mga Alipin
31 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasampalataya sa kanya, “Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko.
32 At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”
33 Sumagot(A) sila sa kanya, “Kami'y mula sa binhi ni Abraham, at kailanma'y hindi pa naging alipin ng sinuman. Bakit mo sinasabing, ‘Kayo'y magiging malaya’?”
34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan.
35 Ang alipin ay walang palagiang lugar sa sambahayan. Ang anak ay may lugar doon magpakailanman.
36 Kaya't kung kayo'y palayain ng Anak, kayo'y magiging tunay na malaya.
37 Nalalaman ko na kayo'y binhi ni Abraham; subalit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagkat ang salita ko'y walang paglagyan sa inyo.
38 Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama, at kayo, ginagawa naman ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama.”
Si Jesus at si Abraham
39 Sila'y sumagot sa kanya, “Si Abraham ang aming ama.” Sa kanila'y sinabi ni Jesus, “Kung kayo'y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham.
40 Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos. Ito'y hindi ginawa ni Abraham.
41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid. Mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.”
42 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung ang Diyos ang inyong ama, ay inibig ninyo sana ako, sapagkat ako'y nagmula sa Diyos at ngayon ay naririto ako. Hindi ako naparito mula sa aking sarili kundi sinugo niya ako.
43 Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking sinasabi? Sapagkat hindi ninyo matanggap ang aking salita.
44 Kayo'y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kanyang sariling likas, sapagkat siya'y isang sinungaling, at ama ng kasinungalingan.
45 Ngunit dahil sa sinasabi ko ang katotohanan ay hindi kayo nananampalataya sa akin.
46 Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin?
47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.”
48 Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay isang Samaritano at mayroon kang demonyo?”
49 Sumagot si Jesus, “Ako'y walang demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at inyong sinisira ang aking karangalan.
50 Ngunit hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian. Mayroong isa na humahanap nito at siya ang hukom.
51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, hindi siya makakakita ng kamatayan kailanman.”
52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, at sinasabi mo, ‘Kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailanman ang kamatayan.’
53 Mas dakila ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham, na namatay? At namatay ang mga propeta? Ano ang palagay mo sa iyong sarili?”
54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin, na sinasabi ninyong siya'y inyong Diyos.
55 Subalit hindi ninyo siya kilala, ngunit kilala ko siya. Kung aking sasabihing hindi ko siya kilala ay magiging katulad ninyo ako na sinungaling. Subalit kilala ko siya, at tinutupad ko ang kanyang salita.
56 Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita niya ang aking araw. Nakita niya ito at siya'y nagalak.”
57 Sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taon, at nakita mo na si Abraham?”
58 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham ay Ako Nga.”[a]
59 Kaya't sila'y dumampot ng mga bato upang ibato sa kanya, subalit nagtago si Jesus at lumabas sa templo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001