Old/New Testament
Si Elias at si Haring Ahazias
1 Pagkamatay ni Ahab, ang Moab ay naghimagsik laban sa Israel.
2 Si Ahazias ay nahulog sa sala-sala ng kanyang silid sa itaas sa Samaria, at nagkasakit. Kaya't siya'y nagpadala ng mga sugo, at sinabi sa kanila, “Humayo kayo, sumangguni kayo kay Baal-zebub, na diyos ng Ekron, kung ako'y gagaling sa sakit na ito.”
3 Ngunit sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias na Tisbita, “Bumangon ka, umahon ka upang salubungin ang mga sugo ng hari ng Samaria, at sabihin mo sa kanila, ‘Dahil ba sa walang Diyos sa Israel, kaya't kayo'y nagsisihayo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?’
4 Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ikaw ay hindi aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay.’” Kaya't si Elias ay pumaroon.
5 Nang ang mga sugo ay nagsibalik sa hari, at sinabi niya sa kanila. “Bakit kayo'y nagsibalik?”
6 At sinabi nila sa kanya, “May dumating na isang lalaki at sinalubong kami, at sinabi sa amin, ‘Kayo'y bumalik sa haring nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, “Dahil ba sa walang Diyos sa Israel kaya't ikaw ay nagsusugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?” Kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay.’”
7 Sinabi niya sa kanila, “Ano ang anyo ng lalaking iyon na dumating at sumalubong sa inyo, at nagsabi sa inyo ng mga bagay na ito?”
8 Sila'y(A) sumagot sa kanya, “Siya'y lalaking mabalahibo[a] at may pamigkis na balat ng hayop sa kanyang mga balakang.” At kanyang sinabi, “Iyon ay si Elias na Tisbita.”
9 Nang magkagayo'y nagsugo ang hari sa kanya ng isang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. Umahon siya kay Elias na nakaupo sa tuktok ng burol, at sinabi sa kanya, “O tao ng Diyos, sinabi ng hari, ‘Bumaba ka.’”
10 Ngunit(B) si Elias ay sumagot at sinabi sa kapitan, “Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu.” At bumaba ang apoy mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya.
11 Muling nagsugo ang hari sa kanya ng isa pang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. At siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “O tao ng Diyos, ganito ang sabi ng hari, ‘Bumaba ka agad!’”
12 Subalit si Elias ay sumagot at sinabi sa kanila, “Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu.” At ang apoy ng Diyos ay bumabang mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya.
13 At muling nagsugo ang hari ng kapitan ng ikatlong limampu kasama ng kanyang limampu. At ang ikatlong kapitan ng limampu ay umahon, at dumating at lumuhod sa harapan ni Elias, at nakiusap sa kanya, “O tao ng Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo na ang aking buhay, at ang buhay ng limampung ito na iyong mga lingkod ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin.
14 Bumaba ang apoy mula sa langit, at tinupok ang dalawang unang kapitan ng limampu pati ang limampung kawal nila; ngunit ang aking buhay nawa'y maging mahalaga sa iyong paningin.”
15 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Elias, “Bumaba kang kasama niya; huwag kang matakot sa kanya.” At siya'y tumindig at bumabang kasama niya hanggang sa hari.
16 At sinabi niya sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sapagkat ikaw ay nagpadala ng mga sugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron, dahil ba sa walang Diyos sa Israel na mapagsasanggunian ng kanyang salita?—kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na mamamatay ka.’”
Si Jehoram ang Humalili sa Kanya
17 Kaya't namatay siya ayon sa salita ng Panginoon na sinabi ni Elias. Si Jehoram ay nagharing kapalit niya, nang ikalawang taon ni Jehoram na anak ni Jehoshafat na hari ng Juda, sapagkat si Ahazias ay walang anak na lalaki.
18 Ang iba sa mga gawa ni Ahazias na kanyang ginawa, hindi ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga Hari ng Israel?
Si Elias ay Iniakyat sa Langit
2 Nang malapit nang iakyat ng Panginoon si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, sina Elias at Eliseo ay magkasamang umalis mula sa Gilgal.
2 Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maghintay ka rito sapagkat sinugo ako ng Panginoon hanggang sa Bethel.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Habang buháy ang Panginoon, at habang ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't pumunta sila sa Bethel.
3 Ang mga anak ng mga propeta na nasa Bethel ay lumapit kay Eliseo, at sinabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At kanyang sinabi, “Oo, nalalaman ko, manahimik kayo.”
4 Sinabi ni Elias sa kanya, “Eliseo, maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jerico.” Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't sila'y dumating sa Jerico.
5 Lumapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, at nagsipagsabi sa kanya, “Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng Panginoon ang iyong panginoon mula sa iyo?” At siya'y sumagot, “Oo, nalalaman ko; manahimik kayo.”
6 At sinabi ni Elias sa kanya, “Maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng Panginoon sa Jordan.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, at habang buháy ka, hindi kita iiwan.” Kaya't humayo silang dalawa.
7 Limampu sa mga anak ng mga propeta ay humayo rin, at tumayo sa tapat nila sa di-kalayuan habang silang dalawa ay nakatayo sa tabi ng Jordan.
8 At kinuha ni Elias ang kanyang balabal at tiniklop ito, at hinampas ang tubig, at nahawi ang tubig sa isang panig at sa kabila, hanggang sa ang dalawa ay makatawid sa tuyong lupa.
9 Nang(C) sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo.” At sinabi ni Eliseo, “Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu.”
10 Siya ay tumugon, “Ang hinihingi mo ay isang mahirap na bagay; gayunma'y kung makita mo ako habang ako'y kinukuha sa iyo, iyon ay ipagkakaloob sa iyo. Ngunit kung hindi mo ako makita, iyon ay hindi mangyayari.”
11 Samantalang sila'y naglalakad at nag-uusap, isang karwaheng apoy at mga kabayong apoy ang naghiwalay sa kanilang dalawa. At si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.
12 Iyon(D) ay nakita ni Eliseo at siya'y sumigaw, “Ama ko, ama ko! Mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito!” Ngunit siya'y hindi na niya nakita. Kaya't kanyang hinawakan ang kanyang sariling kasuotan, at pinunit sa dalawang piraso.
13 Kinuha niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at siya'y bumalik, at tumayo sa pampang ng Jordan.
14 Kanyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at hinampas ang tubig, na sinasabi, “Nasaan ang Panginoon, ang Diyos ni Elias?” Nang kanyang mahampas ang tubig, ito ay nahawi sa isang panig at sa kabila, at si Eliseo ay tumawid.
Si Elias ay Hinanap Ngunit Hindi Nakita
15 At nang makita siya sa may di-kalayuan ng mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, ay kanilang sinabi, “Ang espiritu ni Elias ay na kay Eliseo.” Sila'y lumapit upang salubungin siya at nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.
16 Kanilang sinabi sa kanya, “Tingnan mo, ang iyong mga lingkod ay may limampung malalakas na lalaki. Hayaan mo silang humayo, at hanapin ang inyong panginoon. Baka tinangay siya ng Espiritu ng Panginoon at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis.” At kanyang sinabi, “Hindi, huwag mo silang susuguin.”
17 Subalit nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya'y mapahiya, ay kanyang sinabi, “Suguin sila.” Kaya't sila'y nagsugo ng limampung lalaki, at naghanap sila sa loob ng tatlong araw, ngunit hindi siya natagpuan.
18 Nang sila'y bumalik sa kanya, samantalang siya'y naghihintay sa Jerico at kanyang sinabi sa kanila, “Di ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong humayo?”
Mga Kababalaghan ni Eliseo
19 At sinabi ng mga mamamayan sa lunsod kay Eliseo, “Tingnan mo, ang kinalalagyan ng lunsod na ito ay mabuti, gaya ng nakikita ng aking panginoon, ngunit ang tubig ay masama, at ang lupa ay walang bunga.”
20 Sinabi niya, “Dalhan ninyo ako ng isang bagong banga, at lagyan ninyo ng asin.” At kanilang dinala sa kanya.
21 At siya'y pumaroon sa bukal ng tubig at hinagisan niya ng asin, at sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ginawa kong mabuti ang tubig na ito; mula ngayo'y hindi na magkakaroon mula rito ng kamatayan o ng pagkalaglag.’”
22 Sa gayo'y bumuti ang tubig hanggang sa araw na ito, ayon sa salita ni Eliseo na kanyang sinabi.
23 Mula roo'y pumunta siya sa Bethel; at samantalang siya'y nasa daan, may mga kabataan na dumating mula sa bayan, na sinasabi, “Humayo ka, ikaw na kalbo! Humayo ka, ikaw na kalbo!”
24 Nang siya'y lumingon at makita sila, kanyang sinumpa sila sa pangalan ng Panginoon. May lumabas na dalawang osong babae mula sa gubat at nilapa ang apatnapu't dalawang kabataan sa kanila.
25 Mula roo'y pumunta siya sa Bundok ng Carmel, at pagkatapos ay bumalik siya sa Samaria.
Digmaan ng Israel at Moab
3 Nang ikalabingwalong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, si Jehoram na anak ni Ahab ay naging hari sa Israel sa Samaria, at siya ay naghari sa loob ng labindalawang taon.
2 Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon; bagama't hindi gaya ng kanyang ama at ina, sapagkat kanyang inalis ang haligi ni Baal na ginawa ng kanyang ama.
3 Gayunma'y kumapit siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y nagkasala ang Israel; hindi niya ito hiniwalayan.
4 Si Mesha na hari ng Moab ay nagpapalahi ng mga tupa. Siya'y nagbubuwis sa hari ng Israel ng isandaang libong tupa, at ng balahibo ng isandaang libong kordero.
5 Ngunit nang mamatay si Ahab, ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa hari ng Israel.
6 Kaya't si Haring Jehoram ay lumabas sa Samaria nang panahong iyon, at tinipon ang buong Israel.
7 Sa kanyang paghayo ay nagsugo siya kay Jehoshafat na hari ng Juda, na sinasabi, “Ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa akin. Sasama ka ba sa akin upang labanan ang Moab?” At kanyang sinabi, “Sasama ako; ako'y gaya mo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”
8 At kanyang sinabi, “Saan tayo dadaan?” At siya'y sumagot, “Sa daan ng ilang ng Edom.”
9 Kaya't humayo ang hari ng Israel kasama ang hari ng Juda, at ang hari ng Edom. Nang sila'y nakalibot ng pitong araw na paglalakbay, walang tubig para sa hukbo o para sa mga hayop na nagsisisunod sa kanila.
10 At sinabi ng hari ng Israel, “Kahabag-habag tayo! Tinawag ng Panginoon ang tatlong haring ito upang ibigay sa kamay ng Moab.”
11 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta ng Panginoon upang tayo'y makasangguni sa Panginoon sa pamamagitan niya?” At isa sa mga lingkod ng hari ng Israel ay sumagot, “Si Eliseo na anak ni Shafat na siyang nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias ay narito.”
12 Sinabi ni Jehoshafat, “Ang salita ng Panginoon ay nasa kanya.” Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat, at ang hari ng Edom ay pumunta sa kanya.
13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Anong pakialam ko sa iyo? Pumaroon ka sa mga propeta ng iyong ama at sa mga propeta ng iyong ina.” Ngunit sinabi ng hari ng Israel sa kanya, “Hindi; ang Panginoon ang tumawag sa tatlong haring ito upang ibigay sila sa kamay ng Moab.”
14 Sinabi ni Eliseo, “Hanggang nabubuhay ang Panginoon ng mga hukbo, na aking pinaglilingkuran, kung hindi dahil sa paggalang ko kay Jehoshafat na hari ng Juda, hindi ako titingin sa iyo ni makikipagkita sa iyo.
15 Ngunit ngayo'y dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” At nang ang manunugtog ay tumugtog, ang kapangyarihan ng Panginoon ay dumating sa kanya.
16 At kanyang sinabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Punuin ninyo ang libis na ito ng mga hukay.’
17 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Kayo'y hindi makakakita ng hangin ni ng ulan; ngunit ang libis na iyon ay mapupuno ng tubig, at kayo'y makakainom, kayo at ang inyong mga baka, at ang inyong mga hayop.’
18 Ito'y magaan lamang sa paningin ng Panginoon; ibibigay rin niya ang mga Moabita sa inyong kamay.
19 Inyong masasakop ang bawat lunsod na may kuta, at ang bawat piling lunsod at inyong ibubuwal ang bawat mabuting punungkahoy, at inyong patitigilin ang lahat ng bukal ng tubig, at inyong sisirain ng mga bato ang bawat mabuting pirasong lupa.”
20 Kinaumagahan, sa panahon ng paghahandog ng alay, dumating ang tubig mula sa dako ng Edom, hanggang sa ang buong lupain ay mapuno ng tubig.
21 Nang mabalitaan ng lahat ng Moabita na ang mga hari ay umahon upang makipaglaban sa kanila, ang lahat na may kakayahang makapagsakbat ng sandata, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda ay pinalabas at inihanay sa hangganan.
22 Kinaumagahan, nang sila'y maagang bumangon at ang araw ay sumikat na sa tubig, nakita ng mga Moabita na ang tubig sa tapat nila ay mapulang gaya ng dugo.
23 At kanilang sinabi, “Ito'y dugo; ang mga hari ay naglabanan at nagpatayan sa isa't isa. Kaya't ngayon, Moab, sugod sa samsam!”
24 Ngunit nang sila'y dumating sa kampo ng Israel, ang mga Israelita ay nagsitindig at sinalakay ang mga Moabita, hanggang sila'y tumakas sa harapan nila; at sila'y nagpatuloy sa lupain na pinapatay ang mga Moabita.
25 Kanilang winasak ang mga lunsod at sa bawat mabuting bahagi ng lupain ay naghagis ang bawat tao ng bato, hanggang sa ito ay matabunan. Kanilang pinatigil ang lahat ng bukal ng tubig, at ibinuwal ang lahat ng mabuting punungkahoy, hanggang sa ang maiwan lamang ay ang mga bato sa Kir-hareseth at kinubkob at sinalakay iyon ng mga maninirador.
26 Nang makita ng hari ng Moab na ang labanan ay nagiging masama para sa kanya, nagsama siya ng pitong daang lalaki na gumagamit ng tabak upang makalusot sa tapat ng hari ng Edom; ngunit hindi nila magawa.
27 Nang magkagayo'y kinuha niya ang kanyang pinakamatandang anak na lalaki na maghahari sanang kapalit niya, at inihandog niya ito bilang handog na sinusunog sa ibabaw ng pader. At nagkaroon ng malaking poot laban sa Israel; kaya't kanilang iniwan siya, at bumalik sa kanilang sariling lupain.
Nabuhay Muli si Jesus(A)
24 Subalit nang unang araw ng sanlinggo sa pagbubukang-liwayway, pumunta sila sa libingan, dala ang mga pabango na kanilang inihanda.
2 At nakita nilang naigulong na ang bato mula sa libingan.
3 Subalit nang sila'y pumasok ay hindi nila nakita ang bangkay.[a]
4 Habang sila'y nagtataka tungkol dito, biglang may dalawang lalaki na nakasisilaw ang mga damit ang tumayo sa tabi nila.
5 Ang mga babae ay natakot at isinubsob ang kanilang mga mukha sa lupa, subalit sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa gitna ng mga patay?
6 Wala(B) siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya'y nasa Galilea pa,
7 na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng mga makasalanan, at ipako sa krus, at muling mabuhay sa ikatlong araw.”
8 At naalala nila ang kanyang mga salita,
9 at pagbabalik mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa.
10 Ang nagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila.
11 Subalit ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan.
[12 Subalit tumayo si Pedro at tumakbo sa libingan. Siya'y yumukod at pagtingin niya sa loob ay nakita niya ang mga telang lino na nasa isang tabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na nagtataka sa nangyari.]
Ang Paglalakad Patungong Emaus(C)
13 Nang araw ding iyon, dalawa sa kanila ang patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, na may animnapung estadia[b] ang layo sa Jerusalem,
14 at pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari.
15 Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit at naglakbay na kasama nila.
16 Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya.
17 At sinabi niya sa kanila, “Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?” At sila'y tumigil na nalulungkot.
18 Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, “Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?”
19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” At sinabi nila sa kanya, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan,
20 at kung paanong siya ay ibinigay ng mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan, at siya'y ipinako sa krus.
21 Subalit umasa kami na siya ang tutubos sa Israel.[c] Oo, at bukod sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito.
22 Bukod dito, binigla kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Sila ay maagang pumunta sa libingan,
23 at nang hindi nila matagpuan ang kanyang bangkay, sila ay bumalik. Sinabi nilang sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya'y buháy.
24 Pumaroon sa libingan ang ilang kasama namin at nakita nila ang ayon sa sinabi ng mga babae, subalit siya'y hindi nila nakita.”
25 At sinabi niya sa kanila, “O napakahangal naman ninyo at napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta!
26 Hindi ba kailangang ang Cristo ay magdusa ng mga bagay na ito at pagkatapos ay pumasok sa kanyang kaluwalhatian?”
27 At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan.
28 Nang sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa.
29 Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, “Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw.” At pumasok siya upang tumuloy sa kanila.
30 Habang siya'y nakaupong kasalo nila sa hapag, kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan. Ito'y kanyang pinagputul-putol at ibinigay sa kanila.
31 Nabuksan ang kanilang mga mata, siya'y nakilala nila, at siya'y nawala sa kanilang mga paningin.
32 Sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin,[d] habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?”
33 Sa oras ding iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem at naratnang nagkakatipon ang labing-isa at ang kanilang mga kasama.
34 Sinasabi nila, “Talagang bumangon ang Panginoon at nagpakita kay Simon!”
35 At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001