Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 4-6

Tinulungan ni Eliseo ang Dukhang Balo

Ang asawa ng isa sa mga anak ng mga propeta ay dumaing kay Eliseo, “Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na. Nalalaman mo na ang iyong lingkod ay takot sa Panginoon, ngunit ang nagpapautang ay naparito upang kunin ang aking dalawang anak upang maging mga alipin niya.”

At sinabi ni Eliseo sa kanya, “Anong gagawin ko para sa iyo? Sabihin mo sa akin; anong mayroon ka sa bahay?” At sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay walang anumang bagay sa bahay liban sa isang bangang langis.”

Nang magkagayo'y sinabi niya, “Lumabas ka, manghiram ka ng mga sisidlan sa lahat mong mga kapitbahay, mga sisidlang walang laman at huwag iilan lamang.

Pagkatapos ay pumasok ka, ikaw at ang iyong mga anak ay magsasara ng pintuan, at iyong salinan ang lahat ng sisidlang iyon; at kapag punô na ang isa, itabi mo iyon.”

Kaya't iniwan siya, at siya at ang kanyang mga anak ay nagsara ng pintuan; at habang kanilang dinadala ang mga sisidlan sa kanya, kanyang sinasalinan.

Nang mapuno ang mga sisidlan, sinabi niya sa kanyang anak, “Dalhan mo pa ako ng isang sisidlan.” At sinabi niya sa kanya, “Walang iba pang sisidlan.” Pagkatapos ay tumigil ang langis sa pagdaloy.

Ang babae ay dumating at sinabi ito sa tao ng Diyos. Sumagot ito sa babae, “Humayo ka at ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong mga utang, at ikaw at ang iyong mga anak ay mabubuhay sa nalabi.”

Si Eliseo at ang Babaing Mayaman Mula sa Sunem

Isang araw, si Eliseo ay dumaan sa Sunem, na roon ay nakatira ang isang mayamang babae, na humimok sa kanya na kumain ng tinapay. Kaya't tuwing siya'y daraan doon ay pumupunta siya roon upang kumain ng tinapay.

Sinabi niya sa kanyang asawa, “Tingnan mo, aking nahahalata na ito'y isang banal na tao ng Diyos na laging nagdaraan sa atin.

10 Gumawa tayo ng isang maliit na silid na may dingding, at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, isang hapag, isang upuan, at ng isang ilawan, upang tuwing siya'y darating sa atin, siya'y makakatuloy doon.”

11 Isang araw, nang siya'y dumating doon, siya'y pumasok sa silid at nagpahinga roon.

12 Sinabi niya kay Gehazi na kanyang lingkod, “Tawagin mo ang Sunamitang ito.” Nang matawag niya, siya'y tumayo sa harapan niya.

13 Sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo sa kanya, Yamang ikaw ay nag-abala ng lahat ng ito para sa amin, ano nga ang magagawa para sa iyo? Ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong-kawal ng mga hukbo?” At siya'y sumagot, “Ako'y naninirahang kasama ang aking kababayan.”

14 At kanyang sinabi, “Ano ang dapat gawin para sa babae?” At sumagot si Gehazi, “Sa katunayan, siya'y walang anak, at ang kanyang asawa ay matanda na.”

15 Kanyang sinabi, “Tawagin mo siya.” Nang kanyang matawag siya, ang babae ay tumayo sa pintuan.

16 Sinabi(A) niya, “Sa panahong ito, sa pag-ikot ng panahon, ikaw ay yayakap sa isang anak na lalaki.” At kanyang sinabi, “Hindi, panginoon ko, ikaw na tao ng Diyos; huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod.”

17 Ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki nang panahong iyon, sa pag-ikot ng panahon, gaya ng sinabi ni Eliseo sa kanya.

18 Isang araw, nang malaki na ang bata, siya'y umalis patungo sa kanyang ama na kasama ng mga manggagapas.

19 Kanyang idinaing sa kanyang ama, “Ang ulo ko, ang ulo ko!” At sinabi ng kanyang ama sa kanyang utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina.”

20 Kanyang binuhat siya at dinala sa kanyang ina; ang bata'y nakaupo sa kanyang kandungan hanggang sa katanghaliang-tapat; at siya'y namatay.

21 Pumanhik ang babae at inihiga ang bata sa higaan ng tao ng Diyos, at kanyang pinagsarhan siya ng pintuan at lumabas.

22 At kanyang tinawag ang kanyang asawa, at sinabi, “Pasamahin mo sa akin ang isa sa mga utusan, at ang isa sa mga asno, upang ako'y madaling makatungo sa tao ng Diyos, at makabalik uli.”

23 At kanyang sinabi, “Bakit ka pupunta sa kanya ngayon? Hindi bagong buwan o Sabbath man.” At kanyang sinabi, “Ayos lang.”[a]

24 Nang magkagayo'y siniyahan ng babae ang isang asno, at sinabi niya sa kanyang tauhan, “Patakbuhin mo at humayo ka, huwag mong pabagalin ang takbo para sa akin, malibang sabihin ko sa iyo.”

25 Kaya't humayo siya at dumating sa tao ng Diyos sa bundok ng Carmel. Nang matanaw siya ng tao ng Diyos mula sa malayo na siya ay dumarating, kanyang sinabi kay Gehazi na kanyang lingkod, “Tingnan mo, naroon ang Sunamita;

26 tumakbo ka agad upang salubungin siya, at iyong sabihin sa kanya, Mabuti ka ba? Mabuti ba ang iyong asawa? Mabuti ba ang bata?” At siya'y sumagot, “Mabuti.”

27 Nang siya'y dumating sa tao ng Diyos sa burol, siya'y humawak sa kanyang mga paa. At lumapit si Gehazi upang ilayo siya. Ngunit sinabi ng tao ng Diyos, “Hayaan mo siya, sapagkat siya'y nasa mapait na pagkabahala; at ito ay inilihim ng Panginoon sa akin, at hindi sinabi sa akin.”

28 Nang magkagayo'y sinabi niya, “Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? Di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?”

29 Sinabi niya kay Gehazi, “Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at humayo ka. Kung ikaw ay makakasalubong ng sinumang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinuman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin. At ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata.”

30 At sinabi ng ina ng bata, “Habang buháy ang Panginoon, at ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan.” Kaya't siya'y tumindig at sumunod sa kanya.

31 Si Gehazi ay nauna sa kanila at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; ngunit walang tunog o palatandaan ng buhay. Kaya't siya'y bumalik upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, “Ang bata'y hindi pa nagigising.”

32 Nang si Eliseo ay dumating sa bahay, nakita niyang ang bata ay patay at nakahiga sa kanyang higaan.

33 Kaya't siya'y pumasok at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at nanalangin sa Panginoon.

34 Pagkatapos,(B) siya'y sumampa at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kanyang bibig sa bibig nito, at ang kanyang mga mata sa mga mata nito, at ang kanyang mga kamay sa mga kamay nito; at habang siya'y nakadapa sa kanya, ang laman ng bata ay uminit.

35 Muli siyang tumayo at minsang lumakad sa bahay na paroo't parito, at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya. At ang bata'y pitong ulit na bumahin, at iminulat ng bata ang kanyang mga mata.

36 Tinawag niya si Gehazi, at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Kaya't kanyang tinawag siya. Nang siya'y lumapit sa kanya, sinabi niya, “Kunin mo ang iyong anak.”

37 Siya'y pumasok at nagpatirapa sa kanyang mga paa at yumukod sa lupa. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang anak at umalis.

Dalawa Pang Kababalaghan

38 Nang si Eliseo ay bumalik sa Gilgal, may taggutom sa lupain. Habang ang mga anak ng mga propeta ay nakaupo sa harapan niya, sinabi niya sa kanyang lingkod, “Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng pagkain ang mga anak ng mga propeta.”

39 Ang isa sa kanila ay lumabas sa parang upang manguha ng mga gulayin, at nakakita ng isang baging na ligaw. Namitas siya roon hanggang sa ang kanyang kandungan ay napuno ng ligaw na bunga. Siya'y bumalik at pinagputul-putol ang mga iyon sa palayok ng pagkain, na hindi nalalaman kung ano ang mga iyon.

40 Kanilang inihain ang ilan upang kainin ng mga tao. Subalit nang sila'y kumakain ng niluto, sila'y nagsisigaw, “O tao ng Diyos, may kamatayan sa palayok.” Hindi nila makain iyon.

41 Ngunit kanyang sinabi, “Magdala rito ng kaunting harina.” Iyon ay kanyang inilagay sa palayok, at kanyang sinabi, “Ihain ninyo sa mga tao ninyo upang sila'y makakain.” At hindi na nagkaroon pa ng anumang nakakasama sa palayok.

42 Dumating ang isang lalaki mula sa Baal-salisa, na may dala para sa tao ng Diyos na tinapay mula sa mga unang bunga, dalawampung tinapay na sebada, at mga sariwang uhay ng trigo na nasa kanyang sako. At sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo sa mga tao, upang sila'y makakain.”

43 Ngunit sinabi ng kanyang lingkod, “Paano ko ito maihahain sa harapan ng isandaang katao?” Kaya't kanyang inulit, “Ibigay mo sa mga tao upang sila'y makakain, sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sila'y kakain, at may matitira pa.’”

44 Kaya't inihain niya ang mga iyon sa harapan nila. Sila'y kumain, at mayroong natira, ayon sa salita ng Panginoon.

Gumaling si Naaman

Si(C) Naaman na punong-kawal ng hukbo ng hari ng Siria, ay dakilang lalaki sa harapan ng kanyang panginoon at iginagalang, sapagkat sa pamamagitan niya'y nagbigay ang Panginoon ng pagtatagumpay sa Siria. Siya ay isang makapangyarihang lalaki na may kagitingan, subalit siya'y ketongin.

Ang mga taga-Siria, sa isa sa kanilang pagsalakay ay nagdala ng bihag na dalagita mula sa lupain ng Israel, at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman.

Sinabi niya sa kanyang babaing panginoon, “Sana'y naroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong.”

Kaya't si Naaman ay pumasok at sinabi sa kanyang panginoon kung ano ang sinabi ng dalagitang mula sa lupain ng Israel.

At sinabi ng hari ng Siria, “Humayo ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari ng Israel.” Kaya't siya'y humayo at nagdala ng sampung talentong pilak, anim na libong pirasong ginto, at sampung magagarang bihisan.

Kanyang dinala ang sulat sa hari ng Israel, na nagsasaad, “Kapag dumating sa iyo ang sulat na ito, alam mo na aking sinugo sa iyo si Naaman na aking lingkod upang iyong pagalingin siya mula sa kanyang ketong.”

Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, kanyang pinunit ang kanyang suot at nagsabi, “Ako ba'y Diyos upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ang taong ito sa kanyang ketong? Tingnan mo lamang at makikita mong siya'y naghahanap ng pag-aawayan namin.”

Ngunit nang mabalitaan ni Eliseo na tao ng Diyos na pinunit ng hari ng Israel ang kanyang suot, siya'y nagsugo sa hari, na sinasabi, “Bakit mo hinapak ang iyong damit? Paparituhin mo siya sa akin at nang kanyang malaman na may isang propeta sa Israel.”

Kaya't dumating si Naaman na dala ang kanyang mga kabayo at karwahe at huminto sa tapat ng pintuan ng bahay ni Eliseo.

10 Si Eliseo ay nagpadala ng sugo sa kanya, na sinasabi, “Humayo ka at maligo sa Jordan ng pitong ulit. Ang iyong laman ay manunumbalik at ikaw ay magiging malinis.”

11 Ngunit si Naaman ay nagalit, at umalis, na sinasabi, “Akala ko'y tiyak na lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos, at iwawasiwas ang kanyang kamay sa lugar at pagagalingin ang ketongin.

12 Hindi ba ang Abana at ang Farpar, na mga ilog ng Damasco, ay higit na mabuti kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba ako maaaring maligo sa mga iyon, at maging malinis?” Kaya't siya'y pumihit at umalis na galit na galit.

13 Ngunit ang kanyang mga lingkod ay nagsilapit at sinabi sa kanya, “Ama ko, kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? Lalo na nga kung sabihin niya sa iyo, ‘Maligo ka at maging malinis ka?’”

14 Kaya't lumusong siya at pitong ulit na lumubog sa Jordan, ayon sa sinabi ng tao ng Diyos. Ang kanyang laman ay nanumbalik na gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis.

15 Pagkatapos, siya at ang buong pulutong niya ay bumalik sa tao ng Diyos. Siya'y dumating, tumayo sa harapan niya, at kanyang sinabi, “Ngayo'y nalalaman ko na walang Diyos sa buong daigdig maliban sa Israel; kaya't tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod.”

16 Ngunit kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng anuman.” At ipinilit niya na ito'y kanyang kunin, ngunit siya'y tumanggi.

17 At sinabi ni Naaman, “Kung hindi, hayaan mong bigyan ang iyong lingkod ng lupang kasindami ng mapapasan ng dalawang mola; sapagkat buhat ngayon ang iyong lingkod ay hindi na maghahandog ng handog na susunugin o alay man sa ibang mga diyos, kundi sa Panginoon.

18 Sa bagay na ito'y patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod: kapag ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimon upang sumamba roon, at siya'y humilig sa aking kamay, at ako'y yumukod sa bahay ni Rimon. Pagyukod ko sa bahay ni Rimon, patawarin nawa ng Panginoon ang iyong lingkod sa isang bagay na ito.”

19 Sinabi niya sa kanya, “Humayo kang payapa.” Kaya't siya ay lumayo sa kanya sa di-kalayuan.

20 Ngunit si Gehazi, na lingkod ni Eliseo na tao ng Diyos ay nagsabi, “Tingnan mo, pinalampas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga-Siria, sa di pagtanggap mula sa kanyang mga kamay ng kanyang dala. Habang buháy ang Panginoon, hahabulin ko siya, at kukuha ako ng kahit ano sa kanya.”

21 Kaya't sinundan ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman na may humahabol sa kanya, siya'y bumaba sa karwahe upang salubungin siya at sinabi, “Lahat ba'y mabuti?”

22 At kanyang sinabi, “Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon upang sabihin na, ‘May kararating pa lamang sa akin mula sa lupaing maburol ng Efraim na dalawang binata sa mga anak ng mga propeta. Bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pampalit na bihisan.’”

23 Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana ang dalawang talento.” Kanyang hinimok siya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, pati ang dalawang pampalit na bihisan, at ipinasan sa dalawa sa kanyang mga tauhan, na nagdala ng mga iyon sa harapan ni Gehazi.

24 Nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya ang mga iyon sa kanila at itinago niya sa bahay. Pinahayo niya ang mga lalaki at sila'y umalis.

25 Siya'y pumasok at tumayo sa harapan ng kanyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kanya, “Saan ka nanggaling, Gehazi?” At kanyang sinabi, “Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan.”

26 Ngunit kanyang sinabi sa kanya, “Hindi ba sumama ako sa iyo sa espiritu nang ang lalaki ay bumalik mula sa kanyang karwahe upang salubungin ka? Panahon ba upang tumanggap ng salapi at mga bihisan, ng mga olibohan at mga ubasan, ng mga tupa at mga baka, ng mga aliping lalaki at babae?

27 Kaya't ang ketong ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman.” At siya'y umalis sa kanyang harapan na isang ketongin, na kasimputi ng niyebe.

Naibalik ang Talim ng Palakol

At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, “Tingnan mo, ang lugar na aming tinitirhan sa pangangasiwa mo ay napakaliit para sa amin.

Papuntahin mo kami sa Jordan, at kukuha roon ang bawat isa sa amin ng troso at hayaan mong gumawa kami roon ng isang lugar na aming matitirahan.” Siya'y sumagot, “Sige.”

At sinabi ng isa sa kanila, “Maaari bang ikalugod mo na sumama ka sa iyong mga lingkod?” At siya'y sumagot, “Ako'y sasama.”

Kaya't siya'y sumama sa kanila. Nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng mga punungkahoy.

Ngunit samantalang ang isa'y pumuputol ng troso, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig; at siya'y sumigaw, “Naku, panginoon ko! Iyon ay hiram lamang.”

Sinabi ng tao ng Diyos, “Saan iyon bumagsak?” Nang ituro sa kanya ang lugar, pumutol siya ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.

At kanyang sinabi, “Kunin mo.” Kaya't kanyang iniabot iyon ng kanyang kamay at kinuha iyon.

Nagapi ang Hukbo ng Siria

Minsan, nang ang hari ng Siria ay nakikipagdigma sa Israel, siya'y sumangguni sa kanyang mga lingkod. Kanyang sinabi, “Sa gayo't gayong lugar ay ilalagay ko ang aking kampo.”

Ngunit ang tao ng Diyos ay nagsugo sa hari ng Israel, na nagsasabi, “Mag-ingat ka na huwag dumaan sa lugar na ito, sapagkat darating ang mga taga-Siria doon.”

10 Nagsugo ang hari ng Israel sa lugar na sinabi sa kanya ng tao ng Diyos. Ganoon niya laging binabalaan siya, kaya't kanyang iningatan ang kanyang sarili roon na hindi lamang minsan o makalawa.

11 Ang isipan ng hari ng Siria ay lubhang nabagabag dahil sa bagay na ito. Kanyang tinawag ang kanyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, “Sabihin ninyo sa akin! Sino sa atin ang nasa panig ng hari ng Israel?”

12 Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, “Wala po, panginoon ko, O hari. Si Eliseo, ang propetang nasa Israel, ang nagsasabi sa hari ng Israel ng mga salita na iyong sinabi sa iyong silid-tulugan.”

13 At kanyang sinabi, “Humayo ka at tingnan mo kung saan siya naroroon, upang ako'y makapagsugo at dakpin siya.” At sinabi sa kanya, “Naroon siya sa Dotan.”

14 Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo, mga karwahe, at isang malaking hukbo. Sila'y dumating nang gabi, at pinaligiran ang lunsod.

15 Kinaumagahan, nang ang lingkod ng tao ng Diyos ay bumangong maaga at lumabas, isang hukbo na may mga kabayo at mga karwahe ang nakapaligid sa bayan. At sinabi ng kanyang lingkod, “Kahabag-habag tayo, panginoon ko! Paano ang ating gagawin?”

16 At siya'y sumagot, “Huwag kang matakot, sapagkat ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila.”

17 Si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na buksan mo ang kanyang mga mata upang siya'y makakita.” At binuksan ng Panginoon ang mga mata ng binata, at siya'y nakakita. Ang bundok ay punô ng mga kabayo at ng mga karwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo.

18 Nang ang mga taga-Siria ay dumating laban sa kanya, nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang mga taong ito.” At kanyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.

19 At sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi ito ang daan, at hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong inyong hinahanap.” At kanyang dinala sila sa Samaria.

20 Pagkarating nila sa Samaria, sinabi ni Eliseo, “O Panginoon, imulat mo ang mga mata ng mga lalaking ito upang sila'y makakita.” Iminulat ng Panginoon ang kanilang mga mata at kanilang nakita na sila'y nasa loob ng Samaria.

21 Nang sila'y makita ng hari ng Israel, sinabi niya kay Eliseo, “Ama ko, papatayin ko ba sila? Papatayin ko ba sila?”

22 Siya'y sumagot, “Huwag mo silang papatayin. Papatayin mo ba ang binihag ng iyong tabak at ng iyong pana? Maghain ka ng tinapay at tubig sa harapan nila, upang sila'y makakain at makainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.”

23 Kanyang ipinaghanda sila ng malaking handaan; at nang sila'y makakain at makainom, kanyang pinahayo sila, at sila'y pumunta sa kanilang panginoon. At ang mga taga-Siria ay hindi na sumalakay pa sa lupain ng Israel.

Ang Pagsakop sa Samaria

24 Pagkatapos nito, tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang kanyang buong hukbo, at sila'y umahon, at kinubkob ang Samaria.

25 Nagkaroon ng malaking taggutom sa Samaria, habang kanilang kinukubkob ito, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay ipinagbili sa halagang walumpung siklo ng pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati sa halagang limang siklo ng pilak.

26 Habang ang hari ng Israel ay dumaraan sa ibabaw ng pader, sumigaw ang isang babae sa kanya, na nagsasabi, “Saklolo, panginoon ko, O hari.”

27 Kanyang sinabi, “Hindi! Hayaang saklolohan ka ng Panginoon. Paano kita matutulungan? Mula sa giikan o sa ubasan?”

28 Ngunit tinanong siya ng hari, “Ano ang iyong daing?” Siya'y sumagot, “Sinabi ng babaing ito sa akin, ‘Ibigay mo ang iyong anak, kakainin natin siya ngayon, at kakainin natin ang anak ko bukas.’

29 Kaya't(D) niluto namin ang anak ko, at kinain namin siya. Nang sumunod na araw, sinabi ko sa kanya, ‘Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya’; ngunit kanyang ikinubli ang kanyang anak.”

30 Nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, kanyang pinunit ang kanyang suot (nagdaraan siya noon sa ibabaw ng pader;) at ang taong-bayan ay nakatingin, at siya noon ay may suot na pang-ilalim na damit-sako—

31 at kanyang sinabi, “Gawing gayon ng Diyos sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Shafat ay manatili sa kanyang mga balikat sa araw na ito.”

32 Kaya't ang hari ay nagsugo ng isang tao mula sa kanyang harapan. Noon si Eliseo ay nakaupo sa kanyang bahay, at ang matatanda ay nakaupong kasama niya. Bago dumating ang sugo, sinabi ni Eliseo sa matatanda, “Nakikita ba ninyo kung paanong ang anak ng mamamatay-taong ito ay nagsugo ng isang tao upang pugutin ang aking ulo? Pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at hawakan ninyo ang pinto laban sa kanya: Di ba ang tunog ng mga paa ng kanyang panginoon ay nasa likuran niya?”

33 Samantalang siya'y nakikipag-usap sa kanila, dumating ang sugo at kanyang sinabi, “Ang kasamaang ito'y mula sa Panginoon! Bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?”

Lucas 24:36-53

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(A)

36 Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus[a] ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan.”[b]

37 Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

38 Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso?

39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”

[40 Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.]

41 Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, “Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?”

42 At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda.

43 Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila.

44 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit.”

45 At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan.

46 Sinabi niya sa kanila, “Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw;

47 at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem.

48 Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito.

49 At(B) tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas.”

Dinalang Paitaas sa Langit si Jesus(C)

50 Kanyang(D) inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan.

51 At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit].

52 Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan.

53 At sila'y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos.[c]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001