Old/New Testament
Si Rehoboam ay Naghari(A)
12 Si Rehoboam ay nagtungo sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay nagtungo sa Shekem upang gawin siyang hari.
2 Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto pa, na doon siya'y tumakas mula sa harapan ni Haring Solomon), siya ay bumalik mula sa Ehipto.
3 Sila'y nagsugo at kanilang ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong kapulungan ng Israel ay dumating, at nagsabi kay Rehoboam,
4 “Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin. Ngayon ay pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang pamatok na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”
5 At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo, at pagkaraan ng tatlong araw ay bumalik kayo sa akin.” Umalis nga ang taong-bayan.
6 Pagkatapos si Haring Rehoboam ay humingi ng payo sa matatandang lalaki na tumayo sa harap ni Solomon na kanyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Anong payo ang maibibigay ninyo sa akin, upang isagot sa bayang ito?”
7 At sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging lingkod sa bayang ito sa araw na ito at maglilingkod sa kanila, at magsasabi ng mabubuting salita kapag sinasagot mo sila, ay magiging mga lingkod mo nga sila magpakailanman.”
8 Ngunit tinalikuran niya ang payo ng matatanda na kanilang ibinigay sa kanya, at humingi ng payo sa mga kabataang lalaking nagsilaking kasama niya na tumayo sa harap niya.
9 At sinabi niya sa kanila, “Anong maipapayo ninyo na dapat nating isagot sa bayang ito, na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin’?”
10 Ang kanyang mga kababata ay nagsabi sa kanya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayang ito na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin, ngunit pagaanin mo sa amin.’ Ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay mas makapal kaysa mga balakang ng aking ama.
11 At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, ay aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo; ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’”
12 Kaya't naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Rehoboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”
13 Mabagsik na sinagot ng hari ang mga tao at tinalikuran ang payo na ibinigay sa kanya ng matatanda.
14 At nagsalita siya sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan na nagsasabi, “Pinabigat ng aking ama ang inyong pasanin, ngunit pabibigatan ko pa ang inyong pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”
15 Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan sapagkat iyon ay pinapangyari ng Panginoon upang kanyang matupad ang kanyang salita na sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.
Naghimagsik ang Israel
16 Nang(B) makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Sa iyong mga tolda, O Israel! Ngayon ikaw na ang bahala sa iyong sariling sambahayan, David.” Sa gayo'y humayo ang Israel sa kanya-kanyang tolda.
17 Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na naninirahan sa mga lunsod ng Juda.
18 Nang magkagayo'y sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, at siya'y binato ng buong Israel, hanggang siya'y mamatay. At nagmadali si Haring Rehoboam na sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem.
19 Gayon naghimagsik ang Israel laban sa sambahayan ni David, hanggang sa araw na ito.
20 Nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik na, sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapulungan, at ginawa siyang hari sa buong Israel. Walang sumunod sa sambahayan ni David kundi ang lipi ni Juda lamang.
21 Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang buong sambahayan ng Juda at ang lipi ni Benjamin na binubuo ng isandaan at walumpung libong piling lalaking mandirigma upang lumaban sa sambahayan ng Israel at ibalik ang kaharian kay Rehoboam na anak ni Solomon.
22 Ngunit ang salita ng Diyos ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos, na nagsasabi,
23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari sa Juda, at sa buong sambahayan ng Juda, ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na nagsasabi,
24 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong aahon o makikipaglaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Bumalik ang bawat isa sa kanyang bahay, sapagkat ang bagay na ito ay mula sa akin.’” Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y umuwi, ayon sa salita ng Panginoon.
Si Jeroboam ay Naghari
25 Itinayo ni Jeroboam ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at nanirahan doon; at siya'y umalis roon at itinayo ang Penuel.
26 At sinabi ni Jeroboam sa kanyang sarili, “Ngayo'y maibabalik ang kaharian sa sambahayan ni David,
27 kapag ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga alay sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso ng bayang ito'y babalik sa kanilang panginoon, samakatuwid ay kay Rehoboam na hari sa Juda. Ako'y papatayin nila at babalik sila kay Rehoboam na hari ng Juda.”
28 Kaya't(C) ang hari ay humingi ng payo at gumawa ng dalawang guyang ginto. Sinabi niya sa kanila, “Kalabisan na sa inyo ang pumunta pa sa Jerusalem. Masdan mo O Israel, ang iyong mga diyos na nagdala sa inyo mula sa lupain ng Ehipto.”
29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa'y sa Dan.
30 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sapagkat ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng nasa Bethel at nagtungo rin sila sa Dan.
31 Gumawa rin siya ng mga bahay sa matataas na dako, at nagtalaga ng mga pari mula sa taong-bayan na hindi kabilang sa mga anak ni Levi.
32 Si(D) Jeroboam ay nagtakda ng isang kapistahan sa ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y naghandog sa ibabaw ng dambana. Gayon ang ginawa niya sa Bethel, na kanyang hinahandugan ang mga guya na kanyang ginawa. At kanyang inilagay sa Bethel ang mga pari ng matataas na dako na kanyang ginawa.
33 Siya'y umakyat sa dambana na kanyang ginawa sa Bethel nang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, sa buwan na binalak ng kanyang sariling puso. Nagtakda siya ng isang kapistahan sa mga anak ni Israel at umakyat sa dambana upang magsunog ng insenso.
Si Jeroboam ay Pinaalalahanan ng Isang Propeta
13 Dumating ang isang tao ng Diyos mula sa Juda ayon sa salita ng Panginoon sa Bethel. Si Jeroboam ay nakatayo sa tabi ng dambana upang magsunog ng insenso.
2 Ang(E) lalaki ay sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng Panginoon, “O dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon: ‘Isang batang lalaki ang ipapanganak sa sambahayan ni David na ang pangalan ay Josias; at iaalay niya sa ibabaw mo ang mga pari ng matataas na dako, na nagsusunog ng insenso sa iyo, at mga buto ng mga taong susunugin sa ibabaw mo.’”
3 At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding iyon na sinasabi, “Ito ang tanda na sinabi ng Panginoon, ‘Ang dambana ay mawawasak at ang mga abo na nasa ibabaw nito ay matatapon.’”
4 Nang marinig ng hari ang salita ng tao ng Diyos na kanyang isinigaw laban sa dambana sa Bethel, iniunat ni Jeroboam ang kanyang kamay mula sa dambana, at sinabi, “Hulihin siya.” At ang kanyang kamay na kanyang iniunat laban sa kanya ay natuyo, anupa't hindi niya ito maibalik sa kanyang sarili.
5 Ang dambana ay nawasak at ang mga abo ay natapon mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng tao ng Diyos sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.
6 Ang hari ay sumagot at sinabi sa tao ng Diyos, “Hilingin mo ngayon ang biyaya ng Panginoon mong Diyos, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay bumalik sa kanyang sarili.” At idinalangin siya ng tao ng Diyos sa Panginoon, at ang kamay ng hari ay bumalik sa kanyang sarili, at naging gaya ng dati.”
7 At sinabi ng hari sa tao ng Diyos, “Umuwi kang kasama ko, kumain ka, at bibigyan kita ng gantimpala.”
8 Sinabi ng tao ng Diyos sa hari, “Kung ibibigay mo sa akin ang kalahati ng iyong bahay ay hindi ako hahayong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito.
9 Sapagkat iyon ang iniutos sa akin ng salita ng Panginoon, ‘Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan.’”
10 Kaya't dumaan siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kanyang dinaanan patungo sa Bethel.
Ang Propeta ay Naakay sa Pagsuway
11 Noon ay may naninirahang isang matandang propeta sa Bethel. Ang isa sa kanyang mga anak ay naparoon, at isinalaysay sa kanya ang lahat ng mga ginawa ng tao ng Diyos sa araw na iyon sa Bethel; ang mga salita na kanyang sinabi sa hari ay siya ring isinalaysay nila sa kanilang ama.
12 Sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Saan siya dumaan?” At itinuro sa kanya ng kanyang mga anak ang daang dinaraanan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda.
13 Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Ihanda ninyo para sa akin ang asno.” Sa gayo'y kanilang inihanda ang asno para sa kanya at kanyang sinakyan.
14 Kanyang sinundan ang tao ng Diyos at natagpuan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng ensina, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw ba ang tao ng Diyos na nanggaling sa Juda?” At sinabi niya, “Ako nga.”
15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanya, “Umuwi kang kasama ko, at kumain ka ng tinapay.”
16 At sinabi niya, “Hindi ako makababalik na kasama mo, o makakapasok na kasama mo, ni makakakain man ng tinapay o makakainom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito.
17 Sapagkat sinabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man sa daan na iyong dinaanan.’”
18 Sinabi niya sa kanya, “Ako man ay isang propetang gaya mo, at isang anghel ang nagsabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig.’” Ngunit siya'y nagsinungaling sa kanya.
19 Kaya't siya ay bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kanyang bahay at uminom ng tubig.
20 Samantalang sila'y nakaupo sa hapag, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kanya.
21 At siya'y sumigaw sa tao ng Diyos na nanggaling sa Juda, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sapagkat ikaw ay sumuway sa salita ng Panginoon, at hindi mo tinupad ang utos na iniutos ng Panginoon mong Diyos sa iyo,
22 kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kanyang sinabi sa iyo na, ‘Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig;’ ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga ninuno.”
23 Pagkatapos na makakain siya ng tinapay at makainom, inihanda niya ang asno para sa propeta na kanyang pinabalik.
24 Habang siya'y papaalis, sinalubong siya ng isang leon sa daan at pinatay siya. Ang kanyang bangkay ay napahagis sa daan at ang asno ay nakatayo sa tabi nito; ang leon ay nakatayo rin sa tabi ng bangkay.
25 May mga taong dumaan at nakita ang bangkay na nakahandusay sa daan at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Sila'y humayo at isinalaysay iyon sa lunsod na tinitirhan ng matandang propeta.
26 Nang marinig iyon ng propeta na nagpabalik sa kanya sa daan, sinabi niya: “Iyon ang tao ng Diyos na sumuway sa salita ng Panginoon, kaya't ibinigay siya ng Panginoon sa leon na lumapa at pumatay sa kanya ayon sa salitang sinabi ng Panginoon sa kanya.”
27 Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Ihanda ninyo para sa akin ang asno.” At inihanda nila iyon.
28 Siya'y pumaroon at natagpuan ang kanyang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at ang asno ay nakatayo sa tabi ng bangkay. Hindi kinain ng leon ang bangkay, o nilapa man ang asno.
29 Kinuha ng propeta ang bangkay ng tao ng Diyos, ipinatong sa asno, at ibinalik sa bayan ng matandang propeta upang tangisan at ilibing.
30 Inilagay niya ang bangkay nito sa kanyang sariling libingan at kanilang tinangisan siya na sinasabi, “Ay, kapatid ko!”
31 Pagkatapos na kanyang mailibing siya, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Kapag ako'y namatay, ilibing ninyo ako sa puntod na pinaglibingan sa tao ng Diyos. Ilagay ninyo ang aking mga buto sa tabi ng kanyang mga buto.
32 Sapagkat ang salita na kanyang isinigaw sa pamamagitan ng salita ng Panginoon laban sa dambana sa Bethel at laban sa mga bahay sa mga mataas na dako na nasa mga bayan ng Samaria ay tiyak na mangyayari.”
Ang mga Pari ni Jeroboam
33 Pagkatapos ng bagay na ito, si Jeroboam ay hindi tumalikod sa kanyang masamang pamamaraan, bagkus ay muling humirang ng mga pari mula sa taong-bayan para sa matataas na dako; sinumang may ibig ay kanyang itinatalaga upang maging mga pari sa matataas na dako.
34 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sa sambahayan ni Jeroboam na sanhi ng kanilang pagkahiwalay at pagkapuksa mula sa ibabaw ng lupa.
Ang Pakana Laban kay Jesus(A)
22 Ang(B) pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskuwa, ay papalapit na.
2 Naghahanap ng paraan ang mga punong pari at ang mga eskriba kung paano nila maipapapatay si Jesus[a] sapagkat natatakot sila sa mga tao.
Sumang-ayon si Judas na Ipagkanulo si Jesus(C)
3 Pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na isa sa labindalawa.
4 Siya'y umalis at nakipag-usap sa mga punong pari at mga punong-kawal kung paanong kanyang maipagkakanulo siya sa kanila.
5 At sila'y natuwa at nagkasundong bigyan siya ng salapi.
6 Kaya't pumayag siya at humanap ng tamang pagkakataon upang kanyang maipagkanulo siya sa kanila na hindi kaharap ang maraming tao.
Ang Paghahanda para sa Paskuwa(D)
7 Dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na noon ay kailangang ihandog ang kordero ng Paskuwa.
8 Kaya't isinugo ni Jesus[b] sina Pedro at Juan, na sinasabi, “Humayo kayo at ihanda ninyo ang paskuwa para sa atin, upang ating kainin ito.”
9 At kanilang sinabi sa kanya, “Saan mo gustong ihanda namin ito?”
10 At kanyang sinabi sa kanila, “Narito, pagpasok ninyo sa lunsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kanyang papasukan.
11 At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Sinasabi ng Guro sa iyo, “Saan ang silid para sa panauhin na doon ay aking kakainin ang Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?”’
12 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan. Doon kayo maghanda.”
13 At humayo sila, at natagpuan ito ayon sa sinabi niya sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa.
Ang Hapunan ng Panginoon(E)
14 Nang dumating ang oras ay naupo siya sa hapag, at ang mga apostol ay kasama niya.
15 Sinabi niya sa kanila, “Pinakahahangad kong kainin na kasalo kayo ang kordero ng Paskuwang ito bago ako magdusa,
16 sapagkat sinasabi ko sa inyo, ito'y hindi ko kakainin[c] hanggang sa ito'y ganapin sa kaharian ng Diyos.”
17 At siya'y tumanggap ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat, sinabi niya, “Kunin ninyo ito, at inyong paghati-hatian.
18 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos.”
19 At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, kanyang pinagputul-putol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, “Ito'y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”
20 Gayundin(F) naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan, na sinasabi, “Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo.[d]
21 Subalit(G) tingnan ninyo, ang nagkakanulo sa akin ay kasama ko, at ang kamay niya ay nasa hapag.
22 Sapagkat ang Anak ng Tao ay patungo ayon sa itinakda, subalit kahabag-habag ang taong nagkakanulo sa kanya!”
23 At sila'y nagsimulang magtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa nito.
Ang Pagtatalu-talo tungkol sa Kadakilaan
24 Nagkaroon(H) ng isang pagtatalu-talo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ituturing na pinakadakila.
25 At(I) kanyang sinabi sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay nagpapapanginoon sa kanila; at ang mga may awtoridad sa kanila'y tinatawag na mga tagapagpala.
26 Subalit(J) sa inyo'y hindi gayon. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang maging pinakabata at ang pinuno ang siyang naglilingkod.
27 Sapagkat(K) alin ang higit na dakila, ang nakaupo ba sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Subalit ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod.
28 “Kayo'y yaong patuloy na kasama ko sa mga pagsubok sa akin.
29 At inilalaan ko sa inyo kung paanong ang Ama ay naglaan para sa akin ng isang kaharian,
30 upang(L) kayo'y kumain at uminom sa aking hapag sa kaharian ko, at kayo'y umupo sa mga trono, na hinuhukuman ang labindalawang lipi ni Israel.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001