Old/New Testament
Hinangad ni Ahab ang Ubasan ni Nabat
21 Pagkatapos ay naganap ang sumusunod na mga pangyayari: Si Nabat na Jezreelita ay mayroong isang ubasan sa Jezreel na malapit sa bahay ni Ahab na hari sa Samaria.
2 Sinabi ni Ahab kay Nabat, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang mapasaakin bilang taniman ng gulay, sapagkat malapit iyon sa aking bahay. Aking papalitan iyon ng mas mainam na ubasan kaysa roon, o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyon sa salapi.”
3 Ngunit sinabi ni Nabat kay Ahab, “Huwag ipahintulot ng Panginoon na aking ibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno.”
4 Pumasok si Ahab sa kanyang bahay na yamot at malungkot dahil sa sinabi ni Nabat na Jezreelita sa kanya, sapagkat kanyang sinabi, “Hindi ko ibibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno.” Siya'y nahiga sa kanyang higaan, ipinihit ang kanyang mukha, at ayaw kumain ng pagkain.
5 Ngunit si Jezebel na kanyang asawa ay pumaroon sa kanya, at nagsabi, “Bakit ang iyong diwa ay bagabag at ayaw mong kumain ng pagkain?”
6 At sinabi niya sa kanya, “Sapagkat kinausap ko si Nabat na Jezreelita, at sinabi ko sa kanya, ‘Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa halaga nitong salapi; o kung hindi, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan.’ Siya'y sumagot, ‘Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.’”
7 Sinabi ni Jezebel sa kanya, “Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? Bumangon ka, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso; ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita.”
8 Sa gayo'y sumulat siya ng mga liham sa pangalan ni Ahab, at tinatakan ng kanyang tatak. Ipinadala ang mga sulat sa matatanda at sa mga maharlika na naninirahang kasama ni Nabat sa kanyang lunsod.
9 Kanyang isinulat sa mga liham, “Magpahayag kayo ng isang ayuno, at ilagay ninyo si Nabat na puno ng kapulungan,
10 at maglagay kayo ng dalawang lalaking walang-hiya[a] sa harapan niya, at hayaang magsabi sila ng bintang laban sa kanya, na magsabi, ‘Iyong isinumpa ang Diyos at ang hari.’ Kaya't ilabas siya at batuhin upang siya'y mamatay.”
Pinatay si Nabat
11 At ginawa ng mga kalalakihan sa kanyang lunsod, ng matatanda at ng mga maharlika na naninirahan sa kanyang lunsod, kung ano ang ipinag-utos ni Jezebel sa kanila, ayon sa nasusulat sa mga sulat na kanyang ipinadala sa kanila.
12 Sila'y nagpahayag ng isang ayuno, at inilagay si Nabat sa unahan ng kapulungan.
13 Ang dalawang lalaking walang-hiya ay pumasok at umupo sa harapan niya. At isinakdal ng lalaking walang-hiya si Nabat sa harapan ng taong-bayan, na nagsasabi, “Isinumpa ni Nabat ang Diyos at ang hari.” Nang magkagayo'y kanilang inilabas siya sa bayan, at binato nila hanggang sa siya'y namatay.
14 Pagkatapos sila'y nagsugo kay Jezebel, na nagsasabi, “Si Nabat ay pinagbabato na. Patay na siya.”
15 Nang mabalitaan ni Jezebel na si Nabat ay pinagbabato at patay na, sinabi ni Jezebel kay Ahab, “Bumangon ka, angkinin mo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita na kanyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi. Sapagkat si Nabat ay hindi buháy, kundi patay.”
16 Nang mabalitaan ni Ahab na patay na si Nabat, bumangon si Ahab upang bumaba sa ubasan ni Nabat na Jezreelita, at angkinin ang ubasan.
17 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Tisbita, na nagsasabi,
18 “Bumangon ka, lumusong ka upang salubungin si Ahab na hari ng Israel, na nasa Samaria. Siya'y nasa ubasan ni Nabat upang kamkamin ito.
19 Iyong sabihin sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, “Pumatay ka ba at nangamkam din?”’ At iyong sasabihin sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, “Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Nabat ay hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.”’”
20 At sinabi ni Ahab kay Elias, “Natagpuan mo ba ako, O aking kaaway?” At sumagot siya, “Natagpuan kita, sapagkat iyong ipinagbili ang iyong sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
21 Dadalhan kita ng kasamaan, at aking lubos na pupuksain ka at aking tatanggalin kay Ahab ang bawat anak na lalaki, nakabilanggo o malaya, sa Israel.
22 Aking gagawin ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahias, dahil sa ibinunsod mo ako sa galit, at ikaw ang naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.
23 Tungkol(A) kay Jezebel ay nagsalita rin ang Panginoon, na nagsabi, ‘Lalapain ng mga aso si Jezebel sa loob ng hangganan ng Jezreel.’
24 Ang sinumang kabilang kay Ahab na namatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na namatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid.”
25 (Walang gaya ni Ahab na nagbili ng kanyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, na inudyukan ni Jezebel na kanyang asawa.
26 Siya'y gumawa ng totoong karumaldumal sa pagsunod sa mga diyus-diyosan, tulad ng ginawa ng mga Amoreo, na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.)
27 Nang marinig ni Ahab ang mga salitang iyon, kanyang pinunit ang kanyang mga damit, nagsuot ng sako sa kanyang katawan, nag-ayuno, nahiga sa sako, at nagpalakad-lakad na namamanglaw.
28 At ang salita ng Panginoon ay dumating kay Elias na Tisbita, na sinasabi,
29 “Nakita mo ba kung paanong si Ahab ay nagpakababa sa harap ko? Sapagkat siya'y nagpakababa sa harap ko, hindi ko dadalhin ang kapahamakan sa kanyang mga araw, kundi dadalhin ko ang kapahamakan sa kanyang sambahayan sa mga araw ng kanyang mga anak.”
Si Ahab at si Jehoshafat ay Nagsanib Laban sa Siria(B)
22 Sa loob ng tatlong taon ang Siria at ang Israel ay nagpatuloy na walang digmaan.
2 Ngunit nang ikatlong taon, lumusong si Jehoshafat na hari ng Juda sa hari ng Israel.
3 Sinabi ng hari ng Israel sa kanyang mga lingkod, “Alam ba ninyo na ang Ramot-gilead ay atin, at tayo'y tumatahimik, at hindi natin ito inaagaw sa kamay ng hari ng Siria?”
4 Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa akin sa pakikipaglaban sa Ramot-gilead?” At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Ako'y para sa iyo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo.”
Nagtanong sa Propeta
5 Sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, “Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng Panginoon.”
6 Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta, na may apatnaraang lalaki, at sinabi sa kanila, “Hahayo ba ako laban sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpaparaya ako?” At sinabi nila, “Umahon ka sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
7 Ngunit sinabi ni Jehoshafat, “Wala ba ritong ibang propeta ng Panginoon upang makasangguni tayo sa kanya?”
8 At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “May isa pang lalaki na maaari nating sanggunian sa Panginoon, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya sapagkat hindi siya nagpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan.” At sinabi ni Jehoshafat, “Huwag magsalita ng ganyan ang hari.”
9 Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang punong-kawal, at nagsabi, “Dalhin rito agad si Micaya na anak ni Imla.”
10 Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono na nakadamit hari, sa isang giikan sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria. Lahat ng mga propeta ay nagsasalita ng propesiya sa harap nila.
11 At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at nagsabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’”
12 Gayundin ang ipinahayag ng lahat ng propeta, na nagsasabi, “Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay ka, sapagkat ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
Ang Pahayag ni Micaya Laban kay Ahab
13 Ang sugo na humayo upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, “Ang lahat ng mga salita ng mga propeta ay kasiya-siya sa hari; hayaan mong ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kasiya-siya.”
14 At sinabi ni Micaya, “Buháy ang Panginoon, kung ano ang sabihin ng Panginoon sa akin, iyon ang aking sasabihin.”
15 Nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kanya, “Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil kami?” At kanyang isinagot sa kanya, “Humayo ka at magtagumpay; ibibigay iyon ng Panginoon sa kamay ng hari.”
16 Ngunit sinabi ng hari sa kanya, “Ilang ulit kong ipag-uutos sa iyo na wala kang sasabihing anuman sa akin, kundi ang katotohanan sa pangalan ng Panginoon?”
17 At(C) kanyang sinabi, “Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng Panginoon, ‘Ang mga ito ay walang panginoon; hayaang umuwi nang payapa ang bawat lalaki sa kanyang bahay.’”
18 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan?”
19 At(D) sinabi ni Micaya, “Kaya't iyong dinggin ang salita ng Panginoon. Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa.
20 Sinabi ng Panginoon, ‘Sinong hihikayat kay Ahab upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?’ Ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang isa ay ibang bagay.
21 Pagkatapos ay lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng Panginoon, at nagsabi, ‘Hihikayatin ko siya.’
22 At sinabi ng Panginoon sa kanya, ‘Paano?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y lalabas at magiging sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng kanyang mga propeta.’ At kanyang sinabi, ‘Iyong hihikayatin siya at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo.’
23 Kaya't ngayon ay tingnan mo, inilagay ng Panginoon ang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propeta, at ang Panginoon ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo.”
24 Pagkatapos ay lumapit si Zedekias na anak ni Canaana, sinampal si Micaya, at sinabi, “Paanong umalis ang Espiritu ng Panginoon mula sa akin upang magsalita sa iyo?”
25 Sinabi ni Micaya, “Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magkubli.”
26 At sinabi ng hari sa Israel, “Dakpin si Micaya, at ibalik kay Amon na tagapamahala ng lunsod, at kay Joas na anak ng hari;
27 at inyong sabihin, ‘Ganito ang sabi ng hari, “Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at tustusan ninyo siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y dumating na payapa.”’”
28 At sinabi ni Micaya, “Kung ikaw ay bumalik na payapa, ang Panginoon ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko.” At kanyang sinabi, “Makinig kayo, mga mamamayan!”
Sinalakay ang Ramot-gilead(E)
29 Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead.
30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong damit panghari.” At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo at pumunta sa labanan.
31 Ang hari ng Siria ay nag-utos sa tatlumpu't dalawang punong-kawal ng kanyang mga karwahe, “Huwag kayong makipaglaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari ng Israel.”
32 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe si Jehoshafat ay kanilang sinabi, “Tiyak na ito ang hari ng Israel.” Kaya't sila'y bumalik upang makipaglaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw.
33 Nang makita ng mga punong-kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa pagtugis sa kanya.
34 Subalit pinakawalan ng isang lalaki ang kanyang palaso sa pagbabaka-sakali, at tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng dugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't kanyang sinabi sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Pumihit ka, at ilabas mo ako sa labanan, sapagkat ako'y sugatan.”
35 Uminit ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay napigil sa kanyang karwahe sa harap ng mga taga-Siria, at namatay sa kinahapunan. Ang dugo ay dumaloy mula sa sugat hanggang sa ilalim ng karwahe.
36 Nang paglubog ng araw ay may isinigaw sa buong hukbo, “Bawat lalaki ay sa kanyang lunsod, at bawat lalaki ay sa kanyang lupain.”
Si Ahab ay Napatay
37 Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria, at kanilang inilibing ang hari sa Samaria.
38 At kanilang hinugasan ang karwahe sa tabi ng tangke ng Samaria; hinimod ng mga aso ang kanyang dugo at ang mga masasamang babae ay nagsipaligo roon, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi.
39 Ang iba sa mga gawa ni Ahab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kanyang itinayo, at ang lahat ng lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[b] ng mga hari sa Israel?
40 Sa gayo'y natulog si Ahab na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Ahazias na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Jehoshafat ay Naghari sa Juda(F)
41 Si Jehoshafat na anak ni Asa ay nagsimulang maghari sa Juda nang ikaapat na taon ni Ahab na hari ng Israel.
42 Si Jehoshafat ay tatlumpu't limang taon nang magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi.
43 Siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Asa na kanyang ama. Hindi siya lumihis doon at kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, gayunma'y ang matataas na dako ay hindi niya inalis, at ang bayan ay nagpatuloy na naghahandog at nagsusunog ng insenso sa matataas na dako.
44 Si Jehoshafat ay nakipagpayapaan din sa hari ng Israel.
45 Ang iba sa mga gawa ni Jehoshafat, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakita, at kung paanong siya'y nakipagdigma, di ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga hari ng Juda?
46 At ang mga nalabi sa mga sodomita[d] na nanatili sa mga araw ng kanyang amang si Asa ay pinuksa niya sa lupain.
47 Walang hari sa Edom; isang kinatawan ang hari.
48 Si Jehoshafat ay gumawa ng mga sasakyang dagat sa Tarsis upang pumunta sa Ofir dahil sa ginto, ngunit hindi sila nakarating sapagkat ang mga sasakyan ay nasira sa Ezion-geber.
49 Nang magkagayo'y sinabi ni Ahazias na anak ni Ahab kay Jehoshafat, “Hayaan mong sumama ang aking mga lingkod sa iyong mga lingkod sa mga barko.” Ngunit ayaw ni Jehoshafat.
50 At si Jehoshafat ay natulog at nalibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Jehoram na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Ahazias ay Naghari sa Israel
51 Si Ahazias na anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, nang ikalabimpitong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, at siya'y naghari ng dalawang taon sa Israel.
52 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa landas ng kanyang ama at ina, at sa landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.
53 Siya'y naglingkod kay Baal at sumamba sa kanya, at ginalit niya ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang ama.
Ipinako si Jesus(A)
26 Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus.
27 Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya.
28 Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak.
29 Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, ‘Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!’
30 At(B) sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, ‘Bumagsak kayo sa amin,’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami.’
31 Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo?
32 Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal.
33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa.
34 [Sinabi(C) ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit.
35 Nakatayong(D) nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, “Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili.”
36 Nililibak(E) din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka,
37 at sinasabi, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!”
38 Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, “Ito'y ang Hari ng mga Judio.”
39 Patuloy siyang pinagtawanan[a] ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!”
40 Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, “Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan?
41 Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama.”
42 Sinabi niya, “Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian.”
43 At sumagot siya, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”
Ang Kamatayan ni Jesus(F)
44 Nang magtatanghaling-tapat na, nagdilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon,
45 habang(G) madilim ang araw; at napunit sa gitna ang tabing ng templo.
46 Si(H) Jesus ay sumigaw ng malakas at nagsabi, “Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu.” At pagkasabi nito ay nalagot ang kanyang hininga.
47 Nang makita ng senturion ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay na ito'y isang taong matuwid.”
48 At ang lahat ng mga taong nagkatipon upang makita ang panoorin, nang makita nila ang mga bagay na nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib.
49 At(I) ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kanya'y sumunod buhat sa Galilea ay nakatayo sa malayo at nakita ang mga bagay na ito.
Ang Paglilibing kay Jesus(J)
50 Mayroong isang mabuti at matuwid na lalaking ang pangalan ay Jose, na bagaman kaanib ng sanggunian,
51 ay hindi sang-ayon sa kanilang panukala at gawa. Siya'y mula sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at siya'y naghihintay sa kaharian ng Diyos.
52 Ang taong ito'y lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus.
53 At ito'y ibinaba niya, binalot ng isang telang lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang naililibing.
54 Noo'y araw ng Paghahanda, at malapit na ang Sabbath.
55 Ang mga babae na sumama sa kanya mula sa Galilea ay sumunod at tiningnan ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay.
56 Sila'y(K) umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila'y nagpahinga ayon sa kautusan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001