Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Cronica 4-6

Mga Kagamitan para sa Templo(A)

Gumawa(B) siya ng dambanang tanso na dalawampung siko ang haba, dalawampung siko ang luwang, at sampung siko ang taas.

Pagkatapos ay gumawa siya ng hinulmang lalagyan ng tubig; ito ay pabilog, sampung siko mula sa labi't labi, at ang taas nito ay limang siko; at ang sukat sa palibot ay tatlumpung siko.

Sa ilalim nito ay mga anyo ng mga baka na sampung siko na nakapaligid sa sisidlan ng tubig. Ang mga baka ay dalawang hanay na hinulmang kasama niyon.

Ito ay nakatayo sa ibabaw ng labindalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa hilaga, at ang tatlo'y nakaharap sa kanluran, ang tatlo'y nakaharap sa timog, at ang tatlo'y nakaharap sa silangan. Ang sisidlan ng tubig ay nakapatong sa ibabaw ng mga iyon, at lahat ng kanilang bahaging likuran ay nasa paloob.

Ang kapal nito ay isang dangkal at ang labi nito ay yaring gaya ng labi ng isang saro, gaya ng bulaklak ng liryo, ito'y naglalaman ng tatlong libong bat.[a]

Gumawa(C) rin siya ng sampung hugasan, at inilagay ang lima sa timog, at lima sa hilaga. Sa mga ito nila huhugasan ang mga ginamit sa handog na sinusunog, at ang lalagyan ng tubig ay paliguan ng mga pari.

Siya'y(D) gumawa ng sampung ilawang ginto ayon sa utos at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa timog at lima sa hilaga.

Gumawa(E) rin siya ng sampung hapag at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa dakong timog at lima sa hilaga. Siya'y gumawa ng isandaang palangganang ginto.

Ginawa niya ang bulwagan ng mga pari, ang malaking bulwagan, at ang mga pinto para sa bulwagan at binalot ng tanso ang kanilang mga pinto;

10 at kanyang inilagay ang sisidlan ng tubig sa dakong timog-silangang sulok ng bahay.

11 Gumawa rin si Huramabi ng mga palayok, mga pala, at mga palanggana. Gayon tinapos ni Huramabi ang gawain na ginawa niya para kay Haring Solomon sa bahay ng Diyos:

12 ang dalawang haligi, mga mangkok, ang dalawang kapitel na nasa dulo ng mga haligi, at ang dalawang korona na tumatakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;

13 at ang apatnaraang granada para sa dalawang korona; dalawang hanay ng granada para sa bawat korona, upang tumakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi.

14 Gumawa rin siya ng mga patungan, at ng mga hugasan sa ibabaw ng mga patungan;

15 ng isang malaking sisidlan ng tubig,[b] at ng labindalawang baka na nasa ilalim nito.

16 Ang mga palayok, mga pala, mga pantusok, at lahat ng kasangkapan nito ay ginawa ni Huramabi mula sa tansong binuli para kay Haring Solomon para sa bahay ng Panginoon.

17 Sa kapatagan ng Jordan ipinahulma ng hari ang mga iyon, sa lupang luwad sa pagitan ng Sucot at Zereda.

18 Ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na ito nang maramihan, anupa't hindi matiyak ang timbang ng tanso.

19 Sa gayon ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na nasa bahay ng Diyos: ang gintong dambana, ang mga hapag para sa tinapay na handog,

20 ang mga ilawan at mga ilaw nito na dalisay na ginto na magniningas sa loob ng santuwaryo ayon sa iniutos;

21 ang mga bulaklak, mga ilawan, mga panipit na ginto, na pawang yari sa pinakadalisay na ginto;

22 ang mga gunting, mga palanggana, mga sandok, mga pinggan para sa insenso na dalisay na ginto; at ang pintuan ng templo, para sa panloob na pintuan patungo sa dakong kabanal-banalan, at para sa pintuan ng templo ay yari sa ginto.

Kaya't(F) natapos ang lahat ng gawaing ginawa ni Solomon para sa bahay ng Panginoon. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama; at itinago ang pilak, ginto, at ang lahat ng mga kagamitan sa kabang-yaman ng bahay ng Diyos.

Ang Kaban ng Tipan ay Dinala sa Templo(G)

Pinulong(H) ni Solomon sa Jerusalem ang matatanda ng Israel, at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel, upang dalhin ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa lunsod ni David na siyang Zion.

Ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipun-tipon sa harapan ng hari sa kapistahan na nasa ikapitong buwan.

Dumating ang lahat ng matatanda sa Israel at pinasan ng mga Levita ang kaban.

Kanilang dinala ang kaban, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapang nasa tolda; ang mga ito'y dinala ng mga pari at ng mga Levita.

Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipun-tipon sa harapan niya ay nasa harapan ng kaban, na naghahandog ng napakaraming mga tupa at mga baka, na ang mga ito ay hindi mabilang.

Ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng Panginoon sa kalalagyan sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa kabanal-banalang dako, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin.

Sapagkat iniladlad ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak sa ibabaw ng kaban, kaya't ang mga kerubin ay lumulukob sa kaban at sa mga pasanan nito.

Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa banal na dako sa harapan ng panloob na santuwaryo, ngunit ang mga ito ay hindi nakikita sa labas; at ang mga iyon ay naroroon hanggang sa araw na ito.

10 Walang(I) anumang bagay sa loob ng kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay doon ni Moises sa Horeb, na doon ang Panginoon ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Ehipto.

Ang Kaluwalhatian ng Panginoon

11 Nang ang mga pari ay lumabas sa banal na dako (sapagkat ang lahat ng pari na naroroon ay nagtalaga ng kanilang mga sarili, at hindi sinunod ang kanilang pagkakapangkat-pangkat.

12 Lahat ng mga mang-aawit na mga Levita, sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang mga anak at mga kapatid, na nakadamit ng pinong lino, na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ay nakatayo sa gawing silangan ng dambana na may kasamang isandaan at dalawampung pari na umiihip ng mga trumpeta.

13 Katungkulan(J)(K) ng mga umiihip ng trumpeta at ng mga mang-aawit na sila'y marinig na sama-sama sa pagpupuri at pasasalamat sa Panginoon), at nang ang awit ay inilakas, na may mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang kagamitang panugtog, sa pagpupuri sa Panginoon,

“Sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,”

ang bahay ng Panginoon ay napuno ng ulap,

14 kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang makapaglingkod dahil sa ulap; sapagkat ang kaluwalhatian ng Panginoon ang pumuno sa bahay ng Diyos.

Ang Talumpati ni Solomon sa mga Tao(L)

Pagkatapos ay sinabi ni Solomon,

“Sinabi ng Panginoon na siya'y titira sa makapal na kadiliman.
Ipinagtayo kita ng isang marangyang bahay,
isang lugar na titirhan mo magpakailanman.”

Pumihit ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, samantalang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo.

Kanyang(M) sinabi, “Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang kanyang ipinangako sa pamamagitan ng kanyang bibig kay David na aking ama na sinasabi,

‘Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayan buhat sa lupain ng Ehipto, hindi pa ako pumili ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay manatili roon; at hindi ako pumili ng sinumang lalaki bilang pinuno ng aking bayang Israel.

Ngunit aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay manatili roon at aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.’

Nasa puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

Ngunit sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Yamang nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na ito ay nasa iyong puso.

Gayunma'y hindi ikaw ang magtatayo ng bahay, kundi ang iyong anak na ipapanganak sa iyo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’

10 Ngayo'y tinupad ng Panginoon ang kanyang ginawang pangako, sapagkat ako'y naging kapalit ni David na aking ama, at umupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng Panginoon, at itinayo ko ang bahay para sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.

11 Doo'y aking inilagay ang kaban na kinalalagyan ng tipan ng Panginoon na kanyang ginawa sa mga anak ni Israel.”

Ang Panalangin ni Solomon(N)

12 Pagkatapos si Solomon ay tumayo sa harapan ng dambana ng Panginoon sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at iniunat ang kanyang mga kamay.

13 Si Solomon ay may ginawang isang tuntungang tanso na limang siko ang haba, limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas. Inilagay niya ito sa gitna ng bulwagan at tumayo siya sa ibabaw nito. Pagkatapos ay lumuhod siya sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at itinaas ang kanyang mga kamay sa langit.

14 Kanyang sinabi, “O Panginoon, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit o sa lupa, na nag-iingat ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad nang buong puso sa harapan mo;

15 ikaw na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kanya. Tunay na ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at sa pamamagitan ng iyong kamay ay tinupad mo sa araw na ito.

16 Ngayon,(O) O Panginoon, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang iyong ipinangako sa kanya, na sinasabi, ‘Hindi ka mawawalan ng kahalili sa aking paningin na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa aking kautusan, gaya ng paglakad mo sa harapan ko.’

17 Kaya't ngayon, O Panginoon, Diyos ng Israel, pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David.

18 “Ngunit(P) totoo bang ang Diyos ay maninirahang kasama ng mga tao sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo!

19 Isaalang-alang mo ang panalangin ng iyong lingkod at ang kanyang pagsamo, O Panginoon kong Diyos, iyong pakinggan ang daing at dalangin na idinudulog ng iyong lingkod sa iyo.

20 Ang(Q) iyong mga mata ay maging bukas nawa sa araw at gabi sa bahay na ito, ang dakong iyong ipinangako na paglalagyan mo ng iyong pangalan, at nawa'y pakinggan mo ang panalangin na iniaalay ng iyong lingkod sa dakong ito.

21 Pakinggan mo ang mga samo ng iyong lingkod at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalangin paharap sa dakong ito; pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tirahan; at kapag iyong narinig, magpatawad ka.

22 “Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa at pinasumpa siya, at siya'y dumating at nanumpa sa harapan ng iyong dambana sa bahay na ito,

23 ay pakinggan mo nawa mula sa langit, at kumilos ka, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang nagkasala sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo at pawalang-sala ang matuwid sa pamamagitan ng pagganti sa kanya ayon sa kanyang matuwid na gawa.

24 “Kung ang iyong bayang Israel ay matalo ng kaaway, sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, kapag sila'y nanumbalik at kilalanin ang iyong pangalan, at manalangin at dumaing sa iyo sa bahay na ito,

25 dinggin mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at muli mo silang dalhin sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga ninuno.

26 “Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, kung sila'y manalangin paharap sa dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikuran ang kanilang kasalanan, kapag pinarurusahan mo sila,

27 pakinggan mo nawa mula sa langit, at patawarin ang kasalanan ng iyong mga lingkod, ng iyong bayang Israel, kapag iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na dapat nilang lakaran; at bigyan ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana.

28 “Kung may taggutom sa lupain, kung may salot o pagkalanta, o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa alinman sa kanilang mga lunsod, anumang salot o anumang sakit mayroon;

29 anumang panalangin, anumang pagsamong gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, na bawat isa'y nakakaalam ng sarili niyang kahirapan, at sarili niyang kalungkutan at iniunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito,

30 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan, at magpatawad ka, at humatol sa bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman, ayon sa lahat niyang mga lakad (sapagkat ikaw, ikaw lamang, ang nakakaalam ng puso ng mga anak ng mga tao);

31 upang sila'y matakot sa iyo at lumakad sa iyong mga daan sa lahat ng mga araw na sila'y nabubuhay sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno.

32 “Gayundin naman, kapag ang isang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel ay dumating mula sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig, kapag siya'y dumating at nanalangin paharap sa bahay na ito,

33 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng itinatawag sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan at matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.

34 “Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makipagdigma sa kanilang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa iyo paharap sa lunsod na ito na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,

35 pakinggan mo nawa mula sa langit ang kanilang panalangin at ang kanilang samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan.

36 “Kung sila'y magkasala laban sa iyo,—sapagkat walang taong hindi nagkakasala,—at ikaw ay galit sa kanila, at ibinigay mo sila sa isang kaaway, kaya't sila'y dinalang-bihag sa isang lupaing malayo o malapit;

37 ngunit kung sila'y magising sa lupaing pinagdalhan sa kanila bilang bihag, at sila'y magsisi at magsumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sinasabi, ‘Kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng may kalikuan at kasamaan,’

38 kung sila'y magsisi ng kanilang buong pag-iisip at buong puso sa lupain ng kanilang pagkabihag, kung saan sila'y dinalang-bihag at manalangin paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan,

39 pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan ang kanilang panalangin at ang kanilang mga samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo.

40 Ngayon, O Diyos ko, mabuksan nawa ang iyong mga mata at makinig ang iyong mga tainga sa panalangin sa dakong ito.

41 “Ngayon(R) nga'y bumangon ka, O Panginoong Diyos, at pumunta ka sa iyong pahingahang dako, ikaw at ang kaban ng iyong kapangyarihan. Mabihisan nawa ng kaligtasan, O Panginoong Diyos, ang iyong mga pari, at ang iyong mga banal ay magalak sa iyong kabutihan.

42 O Panginoong Diyos, huwag mong tatalikuran ang iyong hinirang.[c] Alalahanin mo ang iyong tapat na pag-ibig kay David na iyong lingkod.”

Juan 10:24-42

24 Kaya't pinalibutan siya ng mga Judio, at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami ilalagay sa alanganin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mong maliwanag sa amin.”

25 Sinagot sila ni Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo naniwala. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ay siyang nagpapatotoo sa akin.

26 Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.

27 Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking kilala, at sila'y sumusunod sa akin.

28 Sila'y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay.

29 Ang mga ibinigay sa akin ng aking Ama ay higit na dakila kaysa lahat, at walang makakaagaw ng mga ito sa kamay ng Ama.[a]

30 Ako at ang Ama ay iisa.”

31 Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin.

32 Sinagot sila ni Jesus, “Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan at babatuhin ninyo ako?”

33 Sumagot(A) sa kanya ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabuting gawa ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan. Sapagkat ikaw, na isang tao, ay nag-aangkin na Diyos.”

34 Sinagot(B) sila ni Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong kautusan, ‘Aking sinabi, kayo'y mga diyos?’

35 Kung tinawag niyang mga diyos ang mga dinatnan ng salita ng Diyos (at hindi maaaring masira ang kasulatan),

36 sinasabi ba ninyo tungkol sa kanya na hinirang ng Ama at sinugo sa sanlibutan, ‘Ikaw ay lumalapastangan,’ sapagkat sinasabi ko, ‘Ako ay Anak ng Diyos?’

37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag kayong sumampalataya sa akin.

38 Subalit kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa akin, ay sumampalataya kayo sa mga gawa; upang inyong malaman at maunawaan na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama.”

39 Muli nilang pinagsikapang siya'y hulihin, subalit siya'y tumakas sa kanilang mga kamay.

40 Siya'y(C) muling pumunta sa kabila ng Jordan, sa pook na noong una'y pinagbautismuhan ni Juan, at siya'y nanatili doon.

41 Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi, “Si Juan ay hindi gumawa ng tanda, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.”

42 At marami ang sumampalataya sa kanya roon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001