Old/New Testament
Ang Pagpapahirap ng Filisteo
13 Ang mga anak ni Israel ay muling gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon; at ibinigay sila ng Panginoon ng apatnapung taon sa kamay ng mga Filisteo.
2 May isang lalaki sa Sora mula sa lipi ng mga Danita, na ang pangalan ay Manoa; at ang kanyang asawa ay baog, at hindi nagkaanak.
3 At nagpakita ang anghel ng Panginoon sa babae, at sinabi sa kanya, “Bagaman ikaw ay baog at walang anak, ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki.
4 Mag-ingat ka, huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, at huwag kang kumain ng anumang bagay na marumi;
5 ikaw(A) ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo sapagkat ang bata ay magiging Nazirita sa Diyos, mula sa sinapupunan, at kanyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo.”
6 Pagkatapos ang babae'y humayo at sinabi sa kanyang asawa, “Isang tao ng Diyos ang dumating sa akin, at ang kanyang anyo ay gaya ng anyo ng anghel ng Diyos na kagulat-gulat. Hindi ko naitanong kung saan siya nagmula, ni hindi niya sinabi sa akin ang kanyang pangalan.
7 Ngunit sinabi niya sa akin, ‘Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Kaya't huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing at huwag kang kakain ng anumang maruming bagay, sapagkat ang bata'y magiging Nazirita sa Diyos mula sa sinapupunan hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.’”
Ang Pangitain ni Manoa at ng Kanyang Asawa
8 Nang magkagayo'y nanalangin si Manoa sa Panginoon, at sinabi niya, “Ipinapakiusap ko sa iyo, O Panginoon, na pabalikin mo uli ang tao ng Diyos na iyong sinugo sa amin, at ituro sa amin kung ano ang aming gagawin sa batang ipapanganak.”
9 At dininig ng Diyos ang tinig ni Manoa. Nagbalik ang anghel ng Diyos sa babae habang siya'y nakaupo sa bukid, ngunit si Manoa na kanyang asawa ay hindi niya kasama.
10 Nagmamadaling tumakbo ang babae, at sinabi sa kanyang asawa, “Ang lalaking naparito sa akin noong isang araw ay nagpakita sa akin.”
11 Tumindig si Manoa at sumunod sa kanyang asawa, at pumunta sa lalaki, at sinabi sa kanya, “Ikaw ba ang lalaking nagsalita sa babaing ito?” At kanyang sinabi, “Ako nga.”
12 Sinabi ni Manoa, “Kapag nagkatotoo ang iyong mga salita, ano ang magiging uri ng pamumuhay ng bata, at ano ang kanyang gagawin?”
13 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, “Sa lahat ng aking sinabi sa babae ay mag-ingat siya.
14 Siya'y hindi maaaring kumain ng anumang bagay na nanggagaling sa ubasan. Hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, ni kakain ng anumang maruming bagay; lahat ng iniutos ko sa kanya ay sundin niya.”
15 Sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, “Ipahintulot mong ikaw ay aming pigilin, upang maipaghanda ka namin ng isang batang kambing.”
16 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, “Kahit na ako'y iyong pigilin, hindi ako kakain ng iyong pagkain, at kung ikaw ay maghahanda ng handog na sinusunog, ay iyong ihandog sa Panginoon.” (Sapagkat hindi nakilala ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.)
17 Sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, “Ano ang iyong pangalan, upang kapag nangyari ang iyong mga salita ay mabigyan ka namin ng karangalan?”
18 Sinabi ng anghel ng Panginoon sa kanya, “Bakit mo itinatanong ang aking pangalan? Ito ay totoong kagila-gilalas?”
19 Kaya't kumuha si Manoa ng isang batang kambing at ng handog na butil, at inihandog sa Panginoon sa ibabaw ng bato, at sa kanya na gumagawa ng kamangha-mangha, samantalang si Manoa at ang kanyang asawa ay nakamasid.
20 Nang pumapailanglang sa langit ang apoy mula sa dambana, na ang anghel ng Panginoon ay pumailanglang sa apoy ng dambana samantalang minamasdan ni Manoa at ng kanyang asawa; at sila'y nagpatirapa sa lupa.
Si Samson ay Ipinanganak
21 Hindi na muling nagpakita ang anghel ng Panginoon kay Manoa at sa kanyang asawa. Pagkatapos ay nabatid ni Manoa na iyon ay anghel ng Panginoon.
22 At sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na tayo'y mamamatay, sapagkat ating nakita ang Diyos.”
23 Ngunit sinabi kay Manoa ng kanyang asawa,[a] “Kung nalulugod ang Panginoon na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang handog na sinusunog at ang handog na butil sa ating kamay, ni ipinakita man sa atin ang lahat ng mga bagay na ito, ni sinabi man sa panahong ito ang mga bagay na gaya nito.”
24 Nanganak ang babae ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samson. At ang bata'y lumaki at pinagpala ng Panginoon.
25 Nagpasimulang kilusin siya ng Espiritu ng Panginoon sa Mahanedan, sa pagitan ng Sora at Estaol.
Si Samson ay Nag-asawa ng Babaing Filisteo
14 Lumusong si Samson sa Timna, at sa Timna ay nakita niya ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo.
2 At siya'y umahon at sinabi sa kanyang ama at ina, “Nakita ko ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo sa Timna. Kunin ninyo siya ngayon upang mapangasawa ko.”
3 Ngunit sinabi sa kanya ng kanyang ama at ina, “Wala na bang babae sa mga anak ng iyong kapatid, o sa ating buong bayan, na ikaw ay hahayo upang kumuha ng asawa mula sa mga di-tuling Filisteo?” At sinabi ni Samson sa kanyang ama, “Kunin ninyo siya para sa akin, sapagkat siya'y kaakit-akit sa akin.”
4 Ngunit hindi alam ng kanyang ama at ng kanyang ina, na iyon ay mula sa Panginoon; sapagkat siya'y humahanap ng pagkakataon laban sa mga Filisteo. Nang panahong iyon ay nangingibabaw ang mga Filisteo sa mga Israelita.
Si Samson ay Pumatay ng Leon
5 Pagkatapos si Samson at ang kanyang ama at ina ay lumusong sa Timna. Nang siya'y dumating sa mga ubasan ng Timna, may isang batang leon na umuungal laban sa kanya.
6 Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at niluray niya ng kanyang kamay lamang ang leon na parang lumuluray ng isang batang kambing. Ngunit hindi niya sinabi sa kanyang ama o sa kanyang ina kung ano ang kanyang ginawa.
7 Pagkatapos siya'y lumusong at nakipag-usap sa babae, at siya'y lubhang nakakalugod kay Samson.
8 Pagkaraan ng ilang panahon ay bumalik siya upang pakasalan ang babae, at siya'y lumiko upang tingnan ang bangkay ng leon. May isang kawan ng pukyutan at may pulot sa loob ng katawan ng leon.
9 Dinukot niya ito ng kanyang kamay at humayo na kumakain habang siya'y lumalakad. Siya'y pumunta sa kanyang ama at ina, at sila'y binigyan niya nito, at sila'y kumain nito. Ngunit hindi niya sinabi sa kanila na kanyang kinuha ang pulot sa bangkay ng leon.
Ang Bugtong ni Samson sa Kasalan
10 Pinuntahan ng kanyang ama ang babae, at gumawa si Samson ng isang handaan doon gaya nang nakaugaliang gawin ng mga binata.
11 Nang makita ng mga tao si Samson, sila'y nagdala ng tatlumpung kasama upang maging kasama niya.
12 At sinabi ni Samson sa kanila, “Bubugtungan ko kayo ngayon. Kung masasagot at mahuhulaan ninyo sa akin sa loob ng pitong araw ng handaan, at inyong mahulaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan.
13 Ngunit kung hindi ninyo masasagot sa akin, ay bibigyan ninyo ako ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan.” At kanilang sinabi sa kanya, “Sabihin mo ang iyong bugtong upang aming marinig.”
14 At sinabi niya sa kanila,
“Mula sa mangangain ay may lumabas na pagkain,
mula sa malakas ay may lumabas na matamis.”
Ngunit hindi nila masagot ang bugtong sa loob ng tatlong araw.
15 Nang ikapitong araw ay kanilang sinabi sa asawa ni Samson, “Hikayatin mo ang iyong asawa, upang sabihin niya sa amin ang bugtong. Kapag hindi ay susunugin ka namin at ang bahay ng iyong ama. Inanyayahan ba ninyo kami upang papaghirapin?”
16 At umiyak ang asawa ni Samson sa harapan niya, at nagsabi, “Kinapopootan mo lamang ako, at hindi mo ako iniibig. Nagbigay ka ng isang bugtong sa aking mga kababayan, at hindi mo sinabi sa akin kung ano iyon.” At sinabi niya sa kanya, “Hindi ko nga sinabi sa aking ama, o sa aking ina, sa iyo ko pa kaya sasabihin?”
17 Umiyak siya sa harap niya ng pitong araw, habang hindi natatapos ang kanilang kasayahan. Nang ikapitong araw ay sinabi niya sa kanya, sapagkat kanyang pinilit siya. Pagkatapos ay sinabi ng babae ang sagot sa bugtong sa kanyang mga kababayan.
18 Nang ikapitong araw, bago lumubog ang araw, sinabi ng mga lalaki ng lunsod kay Samson,
“Ano kaya ang lalong matamis kaysa pulot?
Ano pa kaya ang lalong malakas kaysa leon?”
At sinabi niya sa kanila,
“Kung hindi kayo nag-araro sa pamamagitan ng aking dumalagang baka,
hindi sana ninyo nasagot ang aking bugtong.”
19 At ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya at siya'y lumusong sa Ascalon. Pumatay siya ng tatlumpung lalaki sa kanila, at kinuha ang kanilang samsam, at ibinigay ang magagarang bihisan sa mga nakapagpaliwanag ng bugtong. Ang kanyang galit ay nagningas, at siya'y umahon sa bahay ng kanyang ama.
20 Ngunit ang asawa ni Samson ay ibinigay sa kanyang kasamahan, na kanyang naging pangunahing abay.
Sinunog ni Samson ang Triguhan ng mga Filisteo
15 Ngunit pagkaraan ng ilang panahon, sa panahon ng pag-aani ng trigo, dumalaw si Samson na may dalang isang batang kambing sa kanyang asawa, at kanyang sinabi, “Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid.” Ngunit ayaw siyang papasukin ng kanyang biyenang lalaki.
2 At sinabi ng kanyang biyenang lalaki, “Ang akala ko'y iyong lubos na kinapootan siya, kaya't ibinigay ko siya sa iyong abay. Di ba ang kanyang nakababatang kapatid ay mas maganda kaysa kanya? Kunin mo siyang kahalili niya.”
3 Sinabi ni Samson sa kanila, “Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan.”
4 Kaya't humayo si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat[b] at kumuha ng mga sulo, at pinagkabit-kabit ang mga buntot, at nilagyan ng sulo sa pagitan ng bawat dalawang buntot.
5 Nang kanyang masindihan ang mga sulo ay kanyang pinakawalan ang mga asong-gubat sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at parehong sinunog ang mga mandala at ang nakatayong trigo, gayundin ang mga taniman ng olibo.
6 Nang magkagayo'y sinabi ng mga Filisteo, “Sinong gumawa nito?” At kanilang sinabi, “Si Samson na manugang ng taga-Timna, sapagkat kanyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kanyang abay.” Kaya't umahon ang mga Filisteo at sinunog ang babae at ang kanyang ama.
7 Sinabi ni Samson sa kanila, “Kung ganito ang ginagawa ninyo, isinusumpa kong gagantihan ko kayo at saka ako titigil.”
8 Pinaghahampas niya ang kanilang mga hita at balakang at gumawa ng napakalaking pagpatay; pagkatapos siya'y bumaba at nanatili sa isang guwang ng bato sa Etam.
Dalawang Bagong Lubid ang Iginapos kay Samson
9 Nang magkagayo'y umahon ang mga Filisteo at nagkampo sa Juda, at sinalakay ang Lehi.
10 At sinabi ng mga lalaki ng Juda, “Bakit kayo'y pumarito laban sa amin?” At kanilang sinabi, “Pumarito kami upang gapusin si Samson, at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin.”
11 Nang magkagayo'y may tatlong libong lalaki sa Juda na lumusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, “Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ay ating mga tagapamahala? Ano itong ginawa mo sa amin?” At sinabi niya sa kanila, “Kung ano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.”
12 At sinabi nila sa kanya, “Kami ay lumusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo.” Sinabi ni Samson sa kanila, “Sumumpa kayo sa akin na hindi kayo ang sasalakay sa akin.”
13 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay. Ngunit hindi ka namin papatayin.” At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid at iniahon mula sa bato.
14 Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay nagsisigawan samantalang kanilang sinasalubong siya. Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at ang mga lubid na nasa kanyang mga bisig ay naging parang lino na natupok sa apoy, at ang kanyang mga tali ay nalaglag sa kanyang mga kamay.
15 Siya'y nakakita ng isang sariwang panga ng asno, at iniunat ang kanyang kamay, at dinampot iyon, at ginamit sa pagpatay sa isang libong lalaki.
16 At sinabi ni Samson,
“Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntun-bunton,
sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay pumatay ako ng isang libong lalaki.”
17 Pagkatapos niyang makapagsalita ay kanyang inihagis ang panga na nasa kanyang kamay, at ang dakong iyon ay tinawag na Ramat-lehi.[c]
18 Siya'y uhaw na uhaw at siya'y tumawag sa Panginoon, “Iyong ibinigay itong dakilang pagliligtas sa kamay ng iyong lingkod, at ngayo'y mamamatay ba ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli?”
19 Ngunit binuksan ng Diyos ang isang guwang na nasa Lehi at nilabasan iyon ng tubig. Nang siya'y makainom, ang kanyang diwa ay nanumbalik at siya'y muling nagkamalay. Kaya't ang pangalan niyon ay tinawag na En-hacore,[d] na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.
20 Siya'y naghukom sa Israel sa mga araw ng mga Filisteo ng dalawampung taon.
Pag-ibig sa mga Kaaway(A)
27 “Subalit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo,
28 pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo.
29 Sa sinumang sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo naman ang kabila, at sa sinumang umagaw ng iyong balabal, huwag mong ipagkait pati ang iyong tunika.
30 Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kapag inagaw ng sinuman ang iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin ang mga iyon.
31 Kung(B) ano ang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.
32 Kung kayo'y umiibig sa mga umiibig sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay umiibig sa mga umiibig sa kanila.
33 At kung gumawa kayo ng mabuti sa mga gumagawa sa inyo ng mabuti, ano ang mapapala ninyo? Sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan.
34 Kung kayo'y magpahiram lamang sa mga taong mayroon kayong inaasahang tatanggapin, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay nagpapahiram sa mga makasalanan, upang tanggapin nilang muli ang gayunding halaga.
35 Subalit ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti, magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya'y mabait sa mga di-mapagpasalamat at sa masasama.
36 Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama na maawain.
Paghatol sa Iba(C)
37 “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong humusga at hindi kayo huhusgahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin.
38 Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo—hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong ipanukat ay doon din kayo susukatin.
39 Sinabi(D) naman niya sa kanila ang isang talinghaga: “Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay?
40 Ang(E) alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro.
41 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata?
42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
Ang Punungkahoy at ang Bunga Nito(F)
43 “Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga.
44 Sapagkat(G) ang bawat punungkahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan.
45 Ang(H) mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.
Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(I)
46 “Bakit tinatawag ninyo akong, ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko?
47 Ipapakita ko sa inyo kung ano ang katulad ng bawat lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang mga ito.
48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at inilagay ang pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumating ang isang baha, humampas ang tubig sa bahay na iyon, ngunit hindi ito natinag, sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito.[a]
49 Subalit ang nakikinig at hindi ginagawa ang mga ito ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang pundasyon. Nang ito'y hampasin ng ilog ay kaagad na nagiba at malaki ang pagkasira ng bahay na iyon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001