Old/New Testament
Ang Pagkamatay ni Miriam(A)
20 Ang mga anak ni Israel, ang buong kapulungan, ay dumating sa ilang ng Zin nang unang buwan; at ang bayan ay nanatili sa Kadesh. Si Miriam ay namatay, at inilibing doon.
Ang Tubig ng Meriba
2 At(B) walang tubig na mainom ang kapulungan at sila'y nagpulong laban kina Moises at Aaron.
3 Nakipag-away ang bayan kay Moises at nagsabi, “Sana ay namatay na kami nang mamatay ang aming mga kapatid sa harap ng Panginoon!
4 Bakit ninyo dinala ang kapulungan ng Panginoon sa ilang na ito upang kami at ang aming mga hayop ay mamatay dito?
5 At bakit ninyo kami pinaahon mula sa Ehipto upang dalhin kami sa masamang lugar na ito? Hindi ito lugar na bukirin, o ng igos, o ng ubasan, o ng mga granada; at dito'y walang tubig na mainom.”
6 Sina Moises at Aaron ay umalis sa harap ng kapulungan at nagtungo sa pintuan ng toldang tipanan at nagpatirapa. Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagpakita sa kanila.
7 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
8 “Kunin mo ang tungkod at tipunin mo ang kapulungan, ikaw at ang kapatid mong si Aaron, at magsalita kayo sa bato sa harapan nila upang magbigay ito ng kanyang tubig. Sa gayon ka maglalabas ng tubig para sa kanila mula sa bato; gayon ka magbibigay ng inumin para sa kapulungan at sa kanilang mga hayop.”
9 At kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ng Panginoon, na gaya ng iniutos sa kanya.
10 Tinipon nina Moises at Aaron ang kapulungan sa harap ng malaking bato, at kanyang sinabi sa kanila, “Makinig kayo ngayon, mga mapaghimagsik! Ikukuha ba namin kayo ng tubig sa malaking batong ito?”
11 Itinaas ni Moises ang kanyang kamay at dalawang ulit na hinampas ng kanyang tungkod ang malaking bato at ang tubig ay lumabas na sagana, at uminom ang kapulungan at ang kanilang mga hayop.
12 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Sapagkat hindi kayo sumampalataya sa akin upang ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng mga anak ni Israel, kaya't hindi ninyo dadalhin ang kapulungang ito sa lupain na aking ibinigay sa kanila.”
13 Ito ang tubig ng Meriba[a] na kung saan nakipag-away ang mga anak ni Israel sa Panginoon at ipinakita niya sa kanila na siya ay banal.
Ayaw Paraanin ng Edom ang Israel
14 Si Moises ay nagsugo sa mga hari sa Edom mula sa Kadesh, “Ganito, ang sabi ng iyong kapatid na Israel, ‘Alam mo ang lahat ng kahirapan na dumating sa amin.
15 Kung paanong ang aming mga ninuno ay pumunta sa Ehipto, at kami ay nanirahan sa Ehipto ng matagal na panahon at pinahirapan kami at ang aming mga ninuno ng mga Ehipcio.
16 Nang kami ay dumaing sa Panginoon ay pinakinggan niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Ehipto. At ngayon, kami ay nasa Kadesh, na isang bayan na nasa dulo ng iyong nasasakupan.
17 Ipinapakiusap ko sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa kabukiran o sa ubasan, ni hindi kami iinom ng tubig sa mga balon. Kami ay daraan sa Daan ng Hari. Hindi kami liliko sa dakong kanan o sa kaliwa man hanggang sa makaraan kami sa iyong nasasakupan.’”
18 Sinabi ni Edom sa kanya, “Huwag kang daraan sa aking lupain, baka salubungin kita ng tabak.”
19 At sinabi ng mga anak ni Israel sa kanya, “Kami ay aahon sa lansangan at kung kami at ang aming mga hayop ay iinom ng iyong tubig, ito ay babayaran ko. Pahintulutan mo lamang ako na makaraan. Wala ng iba pa.”
20 Ngunit kanyang sinabi, “Hindi ka makakaraan.” Ang Edom ay lumabas laban sa kanya na may dalang maraming tao, at may malakas na hukbo.
21 Ganito tumanggi ang Edom na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan kaya't ang Israel ay lumayo sa kanya.
Ang Kamatayan ni Aaron
22 Sila at ang buong kapulungan ng mga Israelita ay naglakbay mula sa Kadesh at nakarating sa bundok ng Hor.
23 At sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron sa bundok ng Hor, sa hangganan ng lupain ng Edom,
24 “Si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan. Siya'y hindi papasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagkat kayo'y naghimagsik laban sa aking utos sa tubig ng Meriba.
25 Dalhin mo sina Aaron at Eleazar na kanyang anak sa bundok ng Hor.
26 Hubaran mo si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isuot mo kay Eleazar na kanyang anak at si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan, at doon siya mamamatay.”
27 Ginawa ni Moises ang iniutos ng Panginoon at sila'y umahon sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapulungan.
28 Hinubaran(C) ni Moises si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isinuot kay Eleazar na kanyang anak. Namatay si Aaron doon sa tuktok ng bundok at sina Moises at Eleazar ay bumaba sa bundok.
29 Nang makita ng buong kapulungan na si Aaron ay patay na, ang buong sambahayan ni Israel ay tumangis para kay Aaron sa loob ng tatlumpung araw.
Ang Ahas na Tanso
21 Nang(D) mabalitaan ng Cananeo, na hari ng Arad, na naninirahan sa Negeb, na ang Israel ay daraan sa Atarim, nilabanan niya ang Israel at binihag ang iba sa kanila.
2 Ang Israel ay gumawa ng sumpa sa Panginoon at nagsabi, “Kung tunay na ibibigay mo ang bayang ito sa aking kamay, aking lubos na gigibain ang kanilang mga bayan.”
3 Pinakinggan ng Panginoon ang tinig ng Israel at ibinigay sa kanila ang Cananeo. Kanilang lubos na nilipol sila at ang kanilang mga bayan. Kaya't ang ipinangalan sa dakong iyon ay Horma.[b]
4 Sila'y(E) naglakbay mula sa bundok ng Hor patungo sa Dagat na Pula upang umikot sa lupain ng Edom; at ang damdamin ng mga tao ay nainip sa daan.
5 Ang(F) bayan ay nagsalita laban sa Diyos at laban kay Moises, “Bakit ninyo kami iniahon mula sa Ehipto, upang mamatay sa ilang? Sapagkat walang pagkain at walang tubig at ang kaluluwa namin ay nasusuya na sa walang kuwentang pagkaing ito.”
6 Pagkatapos, ang Panginoon ay nagsugo ng mga makamandag[c] na ahas sa mga taong-bayan, at tinuklaw ng mga ito ang mga tao, kaya't marami sa Israel ang namatay.
7 Ang bayan ay pumunta kay Moises at nagsabi, “Kami ay nagkasala, sapagkat kami ay nagsalita laban sa Panginoon at laban sa iyo. Idalangin mo sa Panginoon, na kanyang alisin sa amin ang mga ahas. At idinalangin ni Moises ang bayan.
8 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gumawa ka ng isang makamandag[d] na ahas at ipatong mo sa isang tikin, at bawat taong nakagat ay mabubuhay kapag tumingin doon.”
9 Kaya't(G) si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin, at kapag may nakagat ng ahas, at tumingin ang taong iyon sa ahas na tanso ay nabubuhay.
Naglakbay mula sa Obot at Nagkampo sa Bundok ng Pisga
10 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at nagkampo sa Obot.
11 Sila'y naglakbay mula sa Obot, at nagkampo sa Ije-abarim sa ilang na nasa tapat ng Moab, patungo sa dakong sinisikatan ng araw.
12 Mula roon ay naglakbay sila, at nagkampo sa libis ng Zared.
13 Mula roon ay naglakbay sila, at nagkampo sa kabilang ibayo ng Arnon, na nasa ilang na humahantong sa hangganan ng mga Amoreo; sapagkat ang Arnon ay hangganan ng Moab, na nasa pagitan ng Moab at ng mga Amoreo.
14 Kaya't sinasabi sa aklat ng Mga Pakikipaglaban ng Panginoon,
Ang Waheb sa Sufa,
at ang mga libis ng Arnon,
15 at ang tagiliran ng mga libis
na hanggang sa dakong tahanan ng Ar,
at humihilig sa hangganan ng Moab.
16 At mula roon ay nagpatuloy sila patungo sa Beer, na siyang balon kung saan sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin mo ang bayan at bibigyan ko sila ng tubig.”
17 Nang magkagayo'y inawit ng Israel ang awit na ito:
“Bumukal ka, O balon; awitan ninyo siya!
18 Ang balong hinukay ng mga pinuno,
na pinalalim ng mga maharlika ng bayan,
ng kanilang setro at mga tungkod.”
At mula sa ilang, sila'y nagpatuloy patungo sa Matana,
19 mula sa Matana patungong Nahaliel; at mula sa Nahaliel patungong Bamot;
20 mula sa Bamot patungo sa libis na nasa bukid ng Moab, sa tuktok ng Pisga, na pababa sa ilang.
Pinatay sina Sihon at Og(H)
21 Pagkatapos, ang Israel ay nagpadala ng mga sugo kay Sihon, na hari ng mga Amoreo, na sinasabi,
22 “Paraanin mo ako sa iyong lupain. Kami ay hindi liliko sa bukid o sa ubasan. Kami ay hindi iinom ng tubig mula sa mga balon; kami ay daraan sa Daan ng Hari hanggang sa makaraan kami sa iyong nasasakupan.”
23 Ngunit hindi pinahintulutan ni Sihon ang Israel na dumaan sa kanyang nasasakupan. Tinipon ni Sihon ang kanyang buong bayan, at lumabas sa ilang laban sa Israel at dumating sa Jahaz, at nilabanan ang Israel.
24 Pinatay siya ng Israel sa talim ng tabak, at inangkin ang kanyang lupain mula sa Arnon hanggang Jaboc, hanggang sa mga anak ni Ammon; sapagkat ang hangganan ng mga anak ni Ammon ay matibay.
25 At sinakop ng Israel ang lahat ng mga bayang ito. Ang Israel ay nanirahan sa lahat ng mga bayan ng mga Amoreo, sa Hesbon at sa lahat ng mga bayan niyon.
26 Sapagkat ang Hesbon ay siyang bayan ni Sihon na hari ng mga Amoreo, na siyang nakipaglaban sa unang hari sa Moab, at sumakop ng buong lupain niyon sa kanyang kamay hanggang sa Arnon.
27 Kaya't ang mga nagsasalita ng mga kawikaan ay nagsasabi,
“Halina kayo sa Hesbon,
itayo at itatag ang lunsod ni Sihon.
28 Sapagkat(I) may isang apoy na lumabas sa Hesbon,
isang liyab mula sa bayan ni Sihon.
Tinupok nito ang Ar ng Moab,
at winasak[e] ang matataas na dako ng Arnon.
29 Kahabag-habag ka, Moab!
Ikaw ay napahamak, O bayan ni Cemos!
Hinayaan niyang maging takas ang kanyang mga anak na lalaki,
at ipinabihag ang kanyang mga anak na babae,
kay Sihon na hari ng mga Amoreo.
30 Aming pinana sila. Ang Hesbon ay namatay hanggang sa Dibon,
at aming winasak hanggang Nofa, na umaabot hanggang Medeba.
31 Kaya't nanirahan ang Israel sa lupain ng mga Amoreo.
32 Si Moises ay nagsugo upang tiktikan ang Jazer, at kanilang sinakop ang mga bayan niyon at pinalayas nila ang mga Amoreo na naroroon.
33 Sila'y lumiko at umahon sa daan ng Basan. Si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa kanila, siya at ang buong bayan niya, upang makipaglaban sa Edrei.
34 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Huwag mo siyang katakutan, sapagkat ibinigay ko siya sa iyong kamay, at ang buong bayan niya, at ang kanyang lupain, at iyong gagawin sa kanya ang gaya ng iyong ginawa kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon.”
35 Gayon nila pinatay siya at ang kanyang mga anak, at ang buong bayan niya hanggang sa walang natira sa kanya, at kanilang inangkin ang kanyang lupain.
Nagpasugo si Balak kay Balaam
22 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan sa Jerico.
2 Nakita ni Balak na anak ni Zipor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amoreo.
3 Ang Moab ay takot na takot sa taong-bayan, sapagkat sila'y marami. Ang Moab ay nanghina sa takot dahil sa mga anak ni Israel.
4 At sinabi ng Moab sa matatanda sa Midian, “Ngayon ay hihimurin ng karamihang ito ang lahat na nasa palibot natin, gaya ng baka na humihimod sa damo sa parang.” Kaya't si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab ng panahong iyon
5 ay(J) nagpadala ng mga sugo kay Balaam na anak ni Beor, hanggang sa Petor na nasa tabi ng ilog, hanggang sa lupain ng mga anak ng kanyang bayan, upang tawagin siya, at sabihin, “May isang bayan na lumabas mula sa Ehipto, sila'y nakakalat sa ibabaw ng lupa, at sila'y naninirahan sa tapat ko.
6 Pumarito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, at sumpain mo ang bayang ito para sa akin; sapagkat sila'y totoong makapangyarihan para sa akin. Baka sakaling ako'y manalo at aming matalo sila, at mapalayas ko sila sa lupain, sapagkat alam ko na ang iyong pinagpala ay nagiging pinagpala at ang iyong sinusumpa ay isusumpa.”
7 Ang matatanda ng Moab at Midian ay pumaroon na dala sa kanilang kamay ang mga upa para sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinabi nila sa kanya ang mga sinabi ni Balak.
8 Kanyang sinabi sa kanila, “Dito na kayo tumuloy ngayong gabi at ibibigay ko sa inyo ang kasagutan, kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin.” Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam.
9 At ang Diyos ay pumunta kay Balaam at nagtanong, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?”
10 Sinabi ni Balaam sa Diyos, “Si Balak na anak ni Zipor, hari ng Moab ay nagpasugo sa akin na sinasabi,
11 “Tingnan mo! Ang bayan na lumabas sa Ehipto ay nangalat sa ibabaw ng lupa. Ngayo'y pumarito ka, sumpain mo sila para sa akin. Baka sakaling malalabanan ko sila at sila'y aking mapalayas.”
12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Huwag kang paroroon na kasama nila. Huwag mong susumpain ang bayan, sapagkat sila'y pinagpala.”
13 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at sinabi sa mga pinuno ni Balak, “Umuwi na kayo sa inyong lupain, sapagkat ang Panginoon ay tumanggi na ako'y sumama sa inyo.”
14 Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumindig at sila'y pumunta kay Balak at nagsabi, “Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.”
15 Si Balak ay muling nagsugo ng marami pang pinuno at lalong higit na marangal kaysa kanila.
16 Sila'y pumunta kay Balaam at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Balak na anak ni Zipor, ‘Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mong hayaang may makahadlang sa iyong pagparito sa akin.
17 Sapagkat ikaw ay aking bibigyan ng malaking karangalan, at anumang sabihin mo sa akin ay gagawin ko. Ipinapakiusap ko na pumarito ka at sumpain mo para sa akin ang bayang ito.’”
18 Ngunit si Balaam ay sumagot sa mga lingkod ni Balak, “Kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto, hindi ako maaaring lumampas sa utos ng Panginoon kong Diyos na ako'y gumawa ng kulang o higit.
19 Manatili kayo rito, gaya ng iba, upang aking malaman kung ano pa ang sasabihin sa akin ng Panginoon.”
20 Nang gabing iyon, ang Diyos ay dumating kay Balaam at sinabi sa kanya, “Kung ang mga taong iyan ay pumarito upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila. Ngunit ang salita lamang na sasabihin ko sa iyo ang siya mong gagawin.”
Si Balaam at ang Asno ay Sinalubong ng Anghel ng Panginoon
21 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at inihanda ang kanyang asno, at sumama sa mga pinuno ng Moab.
22 Ngunit ang galit ng Diyos ay nag-aalab sapagkat siya'y pumunta. Ang anghel ng Panginoon ay tumayo sa daan bilang kalaban niya. Siya noon ay nakasakay sa kanyang asno at ang kanyang dalawang alipin ay kasama niya.
23 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at ang asno ay lumiko sa daan, at nagtungo sa parang. Pinalo ni Balaam ang asno upang ibalik siya sa daan.
24 Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng Panginoon sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan na may bakod sa magkabilang panig.
25 Nakita ng asno ang anghel ng Panginoon at siya'y itinulak sa bakod at naipit ang paa ni Balaam sa bakod at kanyang pinalo uli ang asno.
26 Pagkatapos, ang anghel ng Panginoon ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daang lilikuan maging sa kanan o sa kaliwa.
27 Nang makita ng asno ang anghel ng Panginoon, ito ay lumugmok sa ilalim ni Balaam. Ang galit ni Balaam ay nag-alab at kanyang pinalo ng tungkod ang asno.
28 Ibinuka ng Panginoon ang bibig ng asno at ito'y nagsabi kay Balaam, “Ano ang ginawa ko sa iyo upang ako'y paluin mo nang tatlong ulit?”
29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Sapagkat pinaglaruan mo ako. Kung mayroon lamang akong tabak sa aking kamay, sana'y pinatay na kita ngayon.”
30 At sinabi ng asno kay Balaam, “Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? Gumawa na ba ako kailanman ng ganito sa iyo?” At kanyang sinabi, “Hindi.”
Ang Sabi ng Anghel ng Panginoon
31 Nang magkagayo'y iminulat ng Panginoon ang mga mata ni Balaam, at kanyang nakita ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at kanyang iniyukod ang kanyang ulo at nagpatirapa.
32 At sinabi sa kanya ng anghel ng Panginoon, “Bakit mo pinalo ang iyong asno ng ganitong tatlong ulit? Narito, ako'y naparito bilang kalaban, sapagkat ang iyong lakad ay masama sa harap ko.
33 Nakita ako ng asno at lumihis sa harap ko nang tatlong ulit. Kung hindi siya lumihis sa akin, napatay na sana kita ngayon, at hinayaan itong mabuhay.”
34 At sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, “Ako'y nagkasala sapagkat hindi ko alam na ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin. Ngayon, kung inaakala mong masama ay babalik ako.”
35 At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, “Sumama ka sa mga lalaki ngunit ang salita lamang na aking sasabihin sa iyo ang siyang sasabihin mo.” Kaya't sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak.
Lumabas si Balak Upang Salubungin si Balaam
36 Nang mabalitaan ni Balak na si Balaam ay dumarating, lumabas siya upang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang dulong bahagi ng hangganan.
37 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Di ba ikaw ay aking pinapuntahan upang tawagin? Bakit nga ba hindi ka naparito sa akin? Hindi ba kita kayang parangalan?”
38 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ngayon, ako'y naparito sa iyo. Mayroon ba ako ngayong anumang kapangyarihan na makapagsalita ng anumang bagay? Ang salitang inilagay ng Diyos sa aking bibig ang aking sasabihin.”
39 At si Balaam ay sumama kay Balak at sila'y pumunta sa Kiryat-huzot.
40 Naghandog si Balak ng mga baka at mga tupa at ipinadala kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya.
41 Nangyari nga, kinaumagahan, isinama ni Balak si Balaam at dinala siya sa matataas na dako ni Baal, at nakita niya ang isang bahagi ng sambayanan.
Ang mga Tradisyon(A)
7 Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem,
2 kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan.
3 (Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda.
4 Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.)[a]
5 Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, “Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?”
6 At(B) sinabi niya sa kanila, “Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!’
8 Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao.”
9 Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.
10 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’
11 Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’
12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,
13 kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001