Old/New Testament
Ang Tungkod ni Aaron ay Namulaklak
17 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawat sambahayan ng mga ninuno; sa lahat nilang mga pinuno ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawat isa sa kanyang tungkod.
3 Isusulat mo ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi, sapagkat magkakaroon ng isa lamang tungkod para sa bawat pinuno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.
4 Ilagay mo ang mga ito sa toldang tipanan sa harap ng patotoo, kung saan ako nakikipagtagpo sa inyo.
5 Mamumulaklak ang tungkod ng lalaking aking pipiliin, at patitigilin ko ang mga pagrereklamo ng mga anak ni Israel, na kanilang inerereklamo laban sa inyo.
6 Si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel, at ang lahat ng kanilang mga pinuno ay nagbigay sa kanya ng tungkod, isa sa bawat pinuno ayon sa mga sambayanan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod, at ang tungkod ni Aaron ay nasa kalagitnaan ng kanilang mga tungkod.
7 Inilagay ni Moises ang mga tungkod sa harap ng Panginoon sa tolda ng patotoo.
8 Kinabukasan,(A) nang si Moises ay pumasok sa tolda ng patotoo; ang tungkod ni Aaron sa sambahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.
9 Mula sa harap ng Panginoon ay inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod sa harap ng lahat ng mga anak ni Israel at kanilang pinagmasdan. Kinuha ng bawat lalaki ang kanyang tungkod.
10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo, upang ingatan bilang tanda laban sa mga mapaghimagsik; at nang iyong wakasan ang kanilang mga pagrereklamo laban sa akin, upang hindi sila mamatay.”
11 Gayon ang ginawa ni Moises; kung paanong iniutos ng Panginoon sa kanya ay gayon niya ginawa.
12 Sinabi ng mga anak ni Israel kay Moises, “Narito, kami ay patay, kami ay napahamak, kaming lahat ay napahamak.”
13 Lahat ng lumalapit sa tabernakulo ng Panginoon ay mamamatay. Kami bang lahat ay malilipol?”
Ang Bahagi ng mga Pari sa mga Bagay na Banal
18 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak at ang sambahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ukol sa santuwaryo, at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ng inyong pagiging pari.
2 Isama mo rin ang iyong mga kapatid mula sa lipi ni Levi, na lipi ng iyong ama upang sila'y makasama mo at maglingkod sa iyo samantalang ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay nasa harap ng tolda ng patotoo.
3 Sila'y maglilingkod para sa iyo at para sa buong tolda. Huwag lamang silang lalapit sa mga kasangkapan ng santuwaryo, ni sa dambana, upang hindi sila mamatay, maging kayo man.
4 Sila'y makikisama sa iyo, at maglilingkod sa toldang tipanan, sa buong paglilingkod sa tolda at walang sinumang ibang dapat lumapit sa iyo.
5 Gampanan ninyo ang mga gawain sa santuwaryo, at ang gawain sa dambana upang huwag nang magkaroon pa ng kapootan sa mga anak ni Israel.
6 Ako ang pumili sa inyong mga kapatid na mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila ay isang kaloob sa inyo, na ibinigay sa Panginoon, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan.
7 At gagampanan mo at ng iyong mga anak na kasama mo ang inyong gawain bilang pari sa bawat bagay ng dambana at doon sa nasa loob ng tabing at kayo'y maglilingkod. Ibinibigay ko sa inyo ang pagiging pari bilang kaloob at ang sinumang ibang lumapit ay papatayin.”
8 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako'y narito, ibinigay ko sa iyo ang katungkulan sa mga handog na para sa akin, lahat ng mga banal na bagay ng mga anak ni Israel. Ibinigay ko sa iyo ang mga ito bilang bahagi; at sa iyong mga anak bilang marapat na bahagi ninyo magpakailanman.
9 Ito'y magiging iyo sa mga pinakabanal na bagay, na hindi pinaraan sa apoy: bawat alay nila, bawat handog na butil at bawat handog pangkasalanan, at bawat handog nila para sa may salang budhi na kanilang ihahandog sa akin ay magiging pinakabanal sa iyo at sa iyong mga anak.
10 Gaya ng mga kabanal-banalang bagay ay kakain ka ng mga iyan: bawat lalaki ay kakain niyon; iyon ay banal na bagay para sa iyo.
11 Ito ay iyo rin, ang handog na iwinagayway na kanilang kaloob, samakatuwid ay ang lahat ng mga handog na iwinagayway ng mga anak ni Israel; ibinigay ko ang mga ito sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na kasama mo bilang walang hanggang bahagi magpakailanman. Bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.
12 Lahat ng pinakamabuting langis, at lahat ng pinakamabuting alak at trigo, ang mga unang bunga ng mga iyon na kanilang ibibigay sa Panginoon ay ibibigay ko sa iyo.
13 Ang mga unang hinog na bunga ng lahat na nasa kanilang lupain, na kanilang dinadala sa Panginoon ay magiging iyo; bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.
14 Lahat(B) ng mga bagay na nakatalaga sa Israel ay magiging iyo.
15 Lahat ng mga bagay na nagbubukas ng bahay-bata, sa lahat ng laman na kanilang inihahandog sa Panginoon, sa mga tao at gayundin sa mga hayop, ay magiging iyo. Gayunman, ang panganay sa tao ay tunay na iyong tutubusin, at ang panganay sa maruruming hayop ay iyong tutubusin.
16 At ang halaga ng pantubos sa kanila, mula sa isang buwang gulang ay iyong tutubusin, ayon sa halaga ng limang siklong pilak, ayon sa siklo ng santuwaryo (na dalawampung gera[a]).
17 Ngunit ang panganay ng baka, o ang panganay ng tupa, o ang panganay ng kambing ay huwag mong tutubusin; banal ang mga iyon. Iyong iwiwisik ang kanilang dugo sa ibabaw ng dambana, at iyong susunugin ang kanilang taba bilang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo para sa Panginoon.
18 Ngunit ang laman nila ay magiging iyo, gaya ng dibdib na iwinagayway at gaya ng kanang hita ay magiging iyo.
19 Lahat ng banal na handog na ihahandog ng mga anak ni Israel sa Panginoon ay aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na walang hanggang bahagi. Iyon ay tipan ng asin magpakailanman sa harap ng Panginoon para sa iyo at sa iyong binhi na kasama mo.”
20 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Hindi ka magkakaroon ng mana sa kanilang lupain, ni magkakaroon ka ng anumang bahagi sa gitna nila. Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.
Ang Ikasampung Bahagi ay Ipinamana sa mga Levita
21 Sa(C) mga anak ni Levi, narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasampung bahagi sa Israel bilang mana, na ganti sa kanilang paglilingkod na kanilang ipinaglilingkod, samakatuwid ay sa paglilingkod sa toldang tipanan.
22 Mula ngayon ay huwag lalapit ang mga anak ni Israel sa toldang tipanan, baka sila'y magtaglay ng kasalanan, at mamatay.
23 Ngunit gagawin ng mga Levita ang paglilingkod sa toldang tipanan at kanilang papasanin ang kanilang kasamaan; ito'y magiging tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.
24 Sapagkat ang ikapu ng mga anak ni Israel na kanilang ihahandog bilang handog sa Panginoon ay aking ibinigay sa mga Levita bilang mana. Kaya't aking sinabi sa kanila, ‘Sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.’”
25 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
26 “Bukod dito'y sasabihin mo sa mga Levita, ‘Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasampung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila bilang inyong mana, ay inyong ihahandog bilang handog na ibinigay sa Panginoon, ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi.
27 Ang inyong mga handog ay ibibilang sa inyo na parang trigo ng giikan at ng kasaganaan ng pisaan ng ubas.
28 Ganito rin kayo maghahandog ng handog sa Panginoon sa inyong buong ikasampung bahagi, na inyong tinatanggap sa mga anak ni Israel; at ganito ninyo ibibigay sa paring si Aaron ang handog sa Panginoon.
29 Sa lahat ng inyong natanggap na kaloob ay inyong ihahandog ang bawat handog na ukol sa Panginoon, ang lahat ng pinakamabuti sa mga iyon, samakatuwid ay ang banal na bahagi niyon.
30 Kaya't iyong sasabihin sa kanila, “Kapag inyong naialay na ang pinakamabuti sa handog, ang nalabi ay ibibilang sa mga Levita, na parang bunga ng giikan at parang pakinabang sa pisaan ng ubas.
31 Maaari ninyong kainin saanmang lugar, kayo at ang inyong mga kasambahay sapagkat ito'y inyong gantimpala dahil sa inyong paglilingkod sa toldang tipanan.
32 At hindi kayo magtataglay ng kasalanan dahil dito, kapag naialay na ninyo ang pinakamabuti sa mga iyon at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, upang huwag kayong mamatay.’”
Ang Paglilinis sa Pamamagitan ng Abo ng Babaing Baka
19 Ang Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi:
2 “Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon, ‘Sabihin mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang dumalagang baka, na walang kapintasan, walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok.
3 Ibibigay ninyo ito sa paring si Eleazar, at kanyang ilalabas sa kampo at papatayin sa kanyang harapan.
4 Ang paring si Eleazar ay kukuha ng dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri, at pitong ulit na magwiwisik ng dugo sa dakong harap ng toldang tipanan.
5 At susunugin sa paningin niya ang dumalagang baka; ang balat nito at ang laman, ang dugo, at ang dumi nito ay susunugin.
6 Ang pari ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng pulang tela, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa dumalagang baka.
7 Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang mga damit at kanyang paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo at ang pari ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
8 Ang sumunog sa baka ay maglalaba ng kanyang damit sa tubig at kanyang huhugasan ang kanyang katawan sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
9 At(D) titipunin ng isang taong malinis ang mga abo ng dumalagang baka at ilalagay sa labas ng kampo sa isang dakong malinis; at iingatan para sa kapulungan ng mga anak ni Israel bilang tubig para sa karumihan para sa pag-aalis ng kasalanan.
10 Ang pumulot ng mga abo ng dumalagang baka ay maglalaba ng kanyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa gabi; at sa mga anak ni Israel at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila ay magiging isang tuntunin magpakailanman.
11 Ang humawak sa bangkay ng sinumang tao ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.
12 Siya ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na iyon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis, ngunit kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.
13 Sinumang humipo ng patay, na bangkay ng namatay at hindi maglilinis, ay dinudungisan ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong iyon ay ititiwalag sa Israel, sapagkat ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya; siya'y magiging marumi; ang kanyang karumihan ay nasa kanya pa.
14 Ito ang batas kapag ang isang tao ay namatay sa isang tolda. Lahat ng pumapasok sa tolda at lahat ng nasa tolda ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.
15 Bawat sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon ay marumi sa loob.
16 Sinumang nasa parang na humawak sa pinatay ng tabak, o sa bangkay, o sa buto ng tao, o sa libingan, ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.
17 Para sa taong marumi ay kukuha sila ng mga abo sa sinunog na handog pangkasalanan at kukuha ng tubig na umaagos at ilalagay sa isang sisidlan.
18 Pagkatapos, ang malinis na tao ay kukuha ng isopo at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda, sa lahat ng kasangkapan, sa mga taong naroon, sa humawak ng buto o ng bangkay ng patay, o ng libingan.
19 Wiwisikan ng taong malinis ang taong marumi sa ikatlo at ikapitong araw; kaya't kanyang lilinisin siya sa ikapitong araw. Siya'y maglalaba ng kanyang mga kasuotan, maliligo sa tubig at magiging malinis sa paglubog ng araw.
20 “Ngunit ang taong marumi at hindi maglilinis ay ititiwalag mula sa gitna ng kapulungan, sapagkat kanyang dinungisan ang santuwaryo ng Panginoon, yamang ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya, siya'y marumi.
21 Ito'y magiging isang tuntunin magpakailanman sa kanila at ang nagwiwisik ng tubig para sa karumihan ay maglalaba ng kanyang mga suot; at yaong humawak ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
22 Anumang hawakan ng taong marumi ay magiging marumi, at ang taong humawak niyon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
Ang Pagpapakain sa Limang Libo(A)
30 Ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at ibinalita nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro.
31 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo ng bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang sandali.” Sapagkat marami ang nagpaparoo't parito at sila'y hindi man lamang nagkaroon ng panahong kumain.
32 Umalis nga silang bukod, sakay ng isang bangka patungo sa isang dakong ilang.
33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at sila'y nakilala. Kaya't tumakbo sila mula sa lahat ng mga bayan at nauna pang dumating sa kanila.
34 Pagbaba(B) niya sa pampang nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad sa mga tupa na walang pastol. At sila'y sinimulan niyang turuan ng maraming bagay.
35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ito ay isang ilang na dako at gumagabi na.
36 Paalisin mo na sila upang makapunta sa mga bukid at mga nayon sa paligid at makabili sila ng anumang makakain.”
37 Ngunit sumagot siya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila sa kanya, “Aalis ba kami upang bumili ng dalawang daang denariong tinapay at ipapakain namin sa kanila?”
38 At sinabi niya sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo? Humayo kayo at inyong tingnan.” Nang malaman nila ay kanilang sinabi, “Lima, at dalawang isda.”
39 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo.
40 Kaya't umupo sila nang pangkat-pangkat, nang tig-iisandaan at tiglilimampu.
41 Kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.
42 Kumain silang lahat at nabusog.
43 Kanilang pinulot ang labindalawang kaing na punô ng pira-pirasong tinapay at mga isda.
44 Ang mga kumain ng mga tinapay ay limang libong lalaki.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(C)
45 Agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kanya sa kabilang ibayo, sa Bethsaida, hanggang sa mapauwi na niya ang maraming tao.
46 Pagkatapos na makapagpaalam siya sa kanila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat at siya'y nag-iisa sa lupa.
48 Pagkakita sa kanila na sila'y nahihirapan sa pagsagwan, sapagkat salungat sa kanila ang hangin, nang malapit na ang madaling araw,[a] lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Balak niyang lampasan sila,
49 ngunit nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, inakala nilang iyon ay isang multo at sila'y sumigaw;
50 sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila'y nasindak. Ngunit agad siyang nagsalita sa kanila at sinabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito; huwag kayong matakot.”
51 Sumakay siya sa bangka kasama nila at tumigil ang hangin. At sila'y lubhang nanggilalas,
52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi tumigas ang kanilang mga puso.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(D)
53 Nang makatawid na sila, narating nila ang lupain ng Genesaret at dumaong doon.
54 At nang bumaba sila sa bangka, agad siyang nakilala ng mga tao.
55 Tumakbo sila sa palibot ng buong lupaing iyon at pinasimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila mabalitaan na naroon siya.
56 At saanman siya pumasok sa mga nayon, o sa mga lunsod o bukid inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at pinapakiusapan siya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng humipo nito[b] ay pawang gumaling.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001