Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 6-7

Nagsalita(A) ang Panginoon kay Moises, na sinasabi:

“Kung ang sinuman ay magkasala at sumuway sa Panginoon sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sangla, o sa pagnanakaw, o pangingikil sa kanyang kapwa,

o nakatagpo ng nawawalang bagay at nagsinungaling tungkol doon, at sumumpa ng kasinungalingan tungkol sa alinman sa lahat ng ito na ginawa ng tao, at nagkasala;

kapag siya'y nagkasala at naunawaan na niya ang kanyang kasalanan, isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pangingikil, o ang habiling inihabilin sa kanya, o ang bagay na nawala na kanyang natagpuan,

o lahat ng bagay na kanyang sinumpaan ng kabulaanan. Isasauli niya itong buo at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyon sa kaninumang nagmamay-ari sa araw ng kanyang handog para sa budhing maysala.

Dadalhin niya sa pari ang kanyang handog para sa budhing maysala sa Panginoon, ang isang tupang lalaki na walang kapintasan na mula sa kawan, ayon sa iyong halagang itinakda para sa isang handog para sa budhing maysala.

Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng Panginoon tungkol sa bagay na kanyang nagawa at napatunayang nagkasala; siya ay patatawarin.”

Mga Handog na Sinusunog

Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

“Iutos mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak: Ito ang kautusan tungkol sa handog na sinusunog. Ang handog na sinusunog ay mananatili sa ibabaw ng dambana sa buong magdamag hanggang umaga, samantalang ang apoy sa dambana ay pananatilihing nagniningas doon.

10 At isusuot ng pari ang kanyang mahabang kasuotang lino sa ibabaw ng kanyang mga pang-ilalim na lino kasunod ng kanyang katawan; at kukunin niya ang mga abo ng handog na sinusunog na sinunog sa apoy sa ibabaw ng dambana, at ilalagay niya sa tabi ng dambana.

11 Pagkatapos nito, maghuhubad siya ng kanyang mga suot at magbibihis ng ibang mga kasuotan, at ilalabas ang mga abo sa kampo sa isang malinis na pook.

12 Ang apoy sa ibabaw ng dambana ay pananatilihing nagniningas doon, at hindi ito papatayin. Ang pari ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw niyon tuwing umaga, at aayusin niya sa ibabaw niyon ang handog na kanyang susunugin, at kanyang susunugin ito kasama ang taba ng mga handog pangkapayapaan.

13 Ang apoy ay pananatilihing nagniningas sa ibabaw ng dambana; hindi ito papatayin.

Mga Butil na Handog

14 “Ito ang kautusan tungkol sa butil na handog: dadalhin ito ng mga anak ni Aaron sa harapan ng Panginoon, sa harap ng dambana.

15 Kukuha siya roon ng isang dakot ng magandang uri ng harina at ng langis ng butil na handog, at ng lahat na kamanyang na nasa ibabaw ng handog. Ito ay susunugin bilang bahaging alaala sa ibabaw ng dambana, isang mabangong samyo sa Panginoon.

16 Ang nalabi sa handog ay kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ito ay kakainin na walang pampaalsa sa dakong banal; kakainin nila ito sa bulwagan ng toldang tipanan.

17 Hindi ito lulutuing may pampaalsa. Aking ibinigay iyon bilang kanilang bahagi mula sa handog sa akin na pinaraan sa apoy; ito ay kabanal-banalan gaya ng handog pangkasalanan at handog para sa budhing maysala.

18 Bawat lalaki sa mga anak ni Aaron ay kakain niyon mula sa handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. Ito ay iniutos magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi. Sinumang humipo sa mga iyon ay magiging banal.”

19 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

20 “Ito ang alay ni Aaron at ng kanyang mga anak na kanilang ihahandog sa Panginoon sa araw na siya'y buhusan ng langis: ang ikasampung bahagi ng isang efa[a] ng piling harina bilang isang nagpapatuloy na butil na handog, ang kalahati nito ay sa umaga at ang kalahati ay sa hapon.

21 Ito ay gagawin sa kawaling may langis; ito ay mamasahing mabuti at pipira-pirasuhin tulad sa butil na handog, at ihahandog ito bilang mabangong samyo sa Panginoon.

22 Ang paring mula sa mga anak ni Aaron na binuhusan ng langis upang humalili sa kanya ay maghahandog niyon gaya ng ipinag-utos ng Panginoon magpakailanman; ito ay susunuging buo.

23 Bawat butil na handog ng pari ay susunuging buo, hindi ito kakainin.”

24 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

25 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ito ang kautusan tungkol sa handog pangkasalanan: sa dakong pinagpapatayan ng handog na sinusunog ay doon papatayin sa harapan ng Panginoon ang handog pangkasalanan; ito ay kabanal-banalang bagay.

26 Ang paring naghandog niyon para sa kasalanan ay kakain niyon. Ito ay kakainin sa banal na dako sa bulwagan ng toldang tipanan.

27 Lahat ng humipo ng laman niyon ay magiging banal; at kapag tumilamsik ang dugo sa damit, ang natilamsikan ay lalabhan sa banal na dako.

28 Ang palayok na pinaglagaan nito ay babasagin; at kung ito'y inilaga sa sisidlang tanso, ito ay lilinisin at babanlawan ng tubig.

29 Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay kabanal-banalan.

30 At alinmang handog pangkasalanan na ang dugo'y ipinasok sa toldang tipanan upang ipantubos sa santuwaryo ay huwag kakainin. Ito ay susunugin ng apoy.

Handog sa Pagkakasala

“Ito ang batas tungkol sa handog para sa budhing maysala: ito ay kabanal-banalan.

Sa dakong pinagpapatayan nila ng handog na sinusunog ay doon papatayin ang handog para sa budhing maysala at ang dugo niyon ay iwiwisik niya sa palibot ng dambana.

Lahat ng taba nito ay ihahandog; ang buntot na mataba at ang taba na bumabalot sa lamang loob,

at ang dalawang bato at ang tabang nasa mga iyon na nasa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay na iyong aalisin na kasama ng mga bato.

Ang mga iyon ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog para sa budhing maysala.

Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay dapat kainin sa dakong banal.

Kung ano ang handog pangkasalanan ay gayundin ang handog para sa budhing maysala, ang dalawa'y may iisang batas. Ang pari na gumawa ng pagtubos sa pamamagitan nito ay siyang tatanggap nito.

Ang paring naghahandog ng handog na sinusunog ng sinumang tao ay siyang magmamay-ari ng balat ng handog na sinusunog na inialay.

Bawat butil na handog na niluto sa hurno, at lahat na inihanda sa kawali ay mapupunta sa pari na naghahandog niyon.

10 Ngunit bawat butil na handog na tuyo o hinaluan ng langis ay pantay-pantay na paghahatian ng lahat ng anak ni Aaron.

Handog Pangkapayapaan

11 “Ito ang batas tungkol sa alay na mga handog pangkapayapaan na ihahandog sa Panginoon.

12 Kung ihahandog niya iyon bilang pasasalamat, ihahandog niyang kasama ng alay ang mga maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis, mga munting tinapay na hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na gawa sa magandang uri ng harina na hinaluan ng langis.

13 Ihahandog niya ang kanyang alay na munting tinapay na walang pampaalsa kasama ng alay na handog pangkapayapaan para sa pasasalamat.

14 At mula sa mga iyon, siya ay mag-aalay ng isang tinapay sa bawat handog, bilang isang handog sa Panginoon; ito ay mapupunta sa paring magwiwisik ng dugo ng mga handog pangkapayapaan.

Ang Pagkain ng Handog Pangkapayapaan

15 Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pasasalamat ay kakainin sa araw ng paghahandog nito; hindi siya magtitira nito hanggang sa umaga.

16 Ngunit kung ang alay na kanyang inihahandog ay isang panata o kusang-loob na handog, ito ay kakainin sa araw ng kanyang paghahandog; at sa kinaumagahan ay kanyang kakainin ang nalabi rito;

17 subalit ang nalabi sa laman ng alay sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.

18 Kung kakainin sa ikatlong araw ang alinmang bahagi ng laman ng alay na handog pangkapayapaan, ito ay hindi tatanggapin. Ito ay hindi ibibilang sa kanya na naghahandog niyon; ito ay magiging kasuklamsuklam, at ang taong kumain nito ay magkakasala.[b]

19 “Ang laman na mapasagi sa anumang bagay na marumi ay hindi kakainin; ito ay susunugin sa apoy. Tanging ang lahat na malinis ang makakakain ng gayong laman.

20 Ngunit ang taong kumakain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon na nasa maruming kalagayan ay ititiwalag sa kanyang bayan.

21 Kapag ang isang tao ay humipo sa anumang maruming bagay, maging ng dumi ng tao, o ng hayop na marumi, o anumang kasuklamsuklam, at pagkatapos ay kumain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

22 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

23 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, huwag kayong kakain ng anumang taba ng baka, ng tupa, o ng kambing.

24 Ang taba ng namatay sa kanyang sarili, at ang taba ng nilapa ng hayop, ay magagamit sa anumang paggagamitan, ngunit sa anumang paraan ay huwag ninyong kakainin.

25 Sapagkat sinumang kumain ng taba ng hayop na iyon kung saan ang handog ay pinaraan sa apoy para sa Panginoon, ay ititiwalag sa kanyang bayan.

26 At(B) huwag kayong kakain ng anumang dugo maging ng ibon o ng hayop, sa lahat ng inyong tahanan.

27 Sinumang kumain ng anumang dugo ay ititiwalag sa kanyang bayan.”

28 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:

29 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ang naghahandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng handog na mula sa kanyang mga handog pangkapayapaan.

30 Ang kanyang sariling mga kamay ang magdadala sa Panginoon ng mga handog na pinaraan sa apoy; dadalhin niya ang taba kasama ang dibdib upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.

31 Susunugin ng pari ang taba sa ibabaw ng dambana, subalit ang dibdib ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak.

32 At ang kanang hita ay ibibigay ninyo sa pari bilang handog mula sa alay ng inyong mga handog pangkapayapaan.

33 Ang anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog pangkapayapaan at ng taba ang tatanggap ng kanang hita bilang bahagi.

34 Sapagkat aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga alay na mga handog pangkapayapaan, ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay, at aking ibinigay sa paring si Aaron at sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng isang walang hanggang bahagi na nauukol sa kanila, mula sa mga anak ni Israel.

35 Ito ang bahagi ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa mga handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon, nang araw na sila ay buhusan ng langis upang maglingkod bilang mga pari ng Panginoon;

36 iniutos ng Panginoon na ibibigay sa kanila sa araw na kanyang buhusan sila ng langis mula sa mga anak ni Israel. Ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng kanilang salinlahi.”

37 Ito ang batas tungkol sa handog na sinusunog, sa butil na handog, sa handog pangkasalanan, sa handog para sa budhing maysala, sa pagtatalaga, at sa mga handog pangkapayapaan,

38 na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang dalhin ang kanilang mga handog sa Panginoon sa ilang ng Sinai.

Mateo 25:1-30

Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Birhen

25 “Ang(A) kaharian ng langit ay maihahambing sa sampung birhen na kumuha ng kanilang mga ilawan at lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.

Ang lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino.

Sapagkat nang kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis.

Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan.

Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog.

Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.’

Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan.

At sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng inyong langis, sapagkat namamatay na ang aming mga ilawan.’

Ngunit sumagot ang matatalino na nagsasabi, ‘Maaaring hindi sapat para sa amin at para sa inyo. Kaya't pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.’

10 At habang pumupunta sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.

11 Pagkatapos(B) ay dumating naman ang ibang mga birhen, na nagsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.’

12 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo nakikilala.’

13 Kaya maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw o ang oras.

Ang Talinghaga tungkol sa mga Talento(C)

14 “Sapagkat(D) tulad sa isang tao na maglalakbay, tinawag niya ang kanyang sariling mga alipin, at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian.

15 Ang isa ay binigyan niya ng limang talento,[a] ang isa ay dalawa, at ang isa ay isa; sa bawat isa'y ayon sa kanyang kakayahan. Pagkatapos ay humayo na siya sa paglalakbay.

16 Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ipinangalakal niya ang mga iyon, at nakinabang siya ng lima pang talento.

17 Gayundin, ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang pa ng dalawa.

18 Subalit ang tumanggap ng isa ay umalis at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.

19 Pagkalipas ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at nakipag-ayos sa kanila.

20 Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Heto, ako'y nakinabang ng lima pang talento.’

21 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’

22 At lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Heto, ako'y nakinabang ng dalawa pang talento.’

23 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’

24 At lumapit din ang tumanggap ng isang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, alam kong ikaw ay taong malupit, na gumagapas ka roon sa hindi mo hinasikan, at nagtitipon ka roon sa hindi mo kinalatan ng binhi.

25 Kaya ako'y natakot at ako'y umalis at itinago ko sa lupa ang talento mo. Heto, iyo na ang sa iyo.’

26 Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masama at tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagtitipon sa hindi ko kinalatan ng binhi.

27 Dapat sana'y inilagak mo ang aking salapi sa mga mangangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay matanggap ko kung ano ang akin pati na ang pakinabang.

28 Kaya't kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa kanya na may sampung talento.

29 Sapagkat(E) ang bawat mayroon ay bibigyan at siya'y magkakaroon ng kasaganaan, ngunit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.

30 At(F) ang aliping walang pakinabang ay itapon ninyo sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001