Old/New Testament
Ginawang Muli ang Dalawang Tapyas(A)
34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tumabas ka ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una, at aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag.
2 Maghanda ka sa kinaumagahan, at umakyat ka kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka sa akin doon sa tuktok ng bundok.
3 Walang sinumang aakyat na kasama mo, at huwag hayaang may makitang sinuman sa buong bundok; kahit ang mga kawan at ang mga baka ay huwag manginain sa harapan ng bundok na iyon.”
4 Kaya't si Moises ay tumabas ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una; kinaumagahan, siya ay bumangon nang maaga at umakyat sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya, at hinawakan ang dalawang tapyas na bato.
5 Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at tumayong kasama niya roon at ipinahayag ang pangalan ng Panginoon.
6 Ang(B) Panginoon ay nagdaan sa harapan niya, at nagpahayag,
“Ang Panginoon, ang Panginoon,
isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala,
hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan,
7 na nag-iingat ng wagas na pag-ibig para sa libu-libo,
nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan,
ngunit sa anumang paraan ay hindi ituturing na walang sala ang may sala;
na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama
sa mga anak,
at sa mga anak ng mga anak,
hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”
8 Nagmadali si Moises na itinungo ang kanyang ulo sa lupa at sumamba.
9 Kanyang sinabi, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, O Panginoon, ay ipahintulot nawa ng Panginoon, idinadalangin ko sa iyo, na humayo ka sa kalagitnaan namin. Bagaman ang bayang ito ay matigas ang ulo, ipatawad mo ang aming kasamaan at mga kasalanan, at tanggapin mo kami bilang iyong mana.”
Ang Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan(C)
10 At kanyang sinabi, “Ako ngayo'y nakikipagtipan. Sa harap ng iyong buong bayan ay gagawa ako ng mga kababalaghan na kailanma'y hindi ginawa sa buong lupa, o sa alinmang bansa; at ang buong bayan na kasama ay makakakita ng gawa ng Panginoon, sapagkat kakilakilabot na bagay ang aking gagawing kasama mo.
11 “Tuparin mo ang mga iniutos ko sa iyo sa araw na ito. Tingnan mo, aking pinalalayas sa harap mo ang mga Amoreo, mga Cananeo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at ang mga Jebuseo.
12 Mag-ingat ka na huwag makipagtipan sa mga nakatira sa lupain na iyong patutunguhan, baka ito'y maging isang bitag sa gitna mo.
13 Inyong(D) wawasakin ang kanilang mga dambana, at sisirain ninyo ang kanilang mga haligi at inyong ibubuwal ang kanilang mga sagradong poste.[a]
14 Sapagkat hindi ka sasamba sa ibang diyos, sapagkat ang Panginoon na ang pangalan ay Mapanibughuin ay Diyos na mapanibughuin.
15 Huwag kang makipagtipan sa mga nakatira sa lupain, sapagkat kapag sila ay nagpapakasama sa kanilang mga diyos at naghahandog sa kanilang mga diyos, mayroon sa kanilang mag-aanyaya sa inyo, at ikaw ay kakain ng kanilang handog.
16 At iyong papag-asawahin ang iyong mga anak na lalaki sa kanilang mga anak na babae, at ang kanilang mga anak na babae na nagpapakasama sa kanilang mga diyos ay pasusunurin ang inyong mga anak na magpakasama sa kanilang mga diyos.
17 “Huwag(E) kang gagawa para sa iyo ng mga diyos na hinulma.”
Ang Batas ng Pangako
18 “Ang(F) Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay iyong ipapangilin. Pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa na gaya ng iniutos ko sa iyo sa takdang panahon sa buwan ng Abib, sapagkat sa buwan ng Abib ay umalis ka sa Ehipto.
19 Ang(G) lahat na nagbubukas ng bahay-bata ay akin, at gayundin ang lahat ng hayop na lalaki, ang panganay ng baka at ng tupa.
20 Ang(H) panganay ng isang asno ay iyong tutubusin ng isang kordero, o kung hindi mo ito tutubusin ay iyong babaliin ang kanyang leeg. Lahat ng panganay sa iyong mga anak ay iyong tutubusin. At walang lalapit sa harapan ko na walang dala.
21 “Anim(I) na araw na gagawa ka, ngunit sa ikapitong araw ay magpapahinga ka; sa panahon ng pagbubungkal at sa pag-aani ay magpapahinga ka.
22 Iyong(J) ipapangilin ang Pista ng mga Sanlinggo, ang mga unang bunga ng pag-aani ng trigo, at ang kapistahan ng pagtitipon ng ani sa katapusan ng taon.
23 Tatlong ulit sa isang taon na haharap ang lahat ng iyong mga kalalakihan sa Panginoong Diyos, ang Diyos ng Israel.
24 Sapagkat palalayasin ko ang mga bansa sa harap mo at palalakihin ko ang iyong mga hangganan; at hindi pagnanasaan ng sinuman ang iyong lupain, kapag ikaw ay umaakyat upang humarap sa Panginoon mong Diyos, tatlong ulit sa isang taon.
25 “Huwag(K) kang mag-aalay sa akin ng dugo ng handog na may pampaalsa; o magtitira man ng handog sa pista ng paskuwa hanggang sa kinaumagahan.
26 Ang(L) pinakaunang bunga ng iyong lupa ay dadalhin mo sa bahay ng Panginoon mong Diyos. Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.”
27 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ang mga salitang ito; ayon sa mga salitang ito ay nakipagtipan ako sa iyo at sa Israel.”
28 At siya'y naroon na kasama ng Panginoon, na apatnapung araw at apatnapung gabi; hindi siya kumain ng tinapay, o uminom man ng tubig. At isinulat niya sa mga tapyas ang mga salita ng tipan, ang sampung utos.
Nagliwanag ang Mukha ni Moises
29 Nang(M) bumaba si Moises sa bundok ng Sinai, na dala ang dalawang tapyas na bato ng patotoo sa kamay niya habang bumababa siya sa bundok, ay hindi nalalaman ni Moises na ang balat ng kanyang mukha ay nagliliwanag dahil sa pakikipag-usap niya sa Diyos.
30 Nang makita ni Aaron at ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises, ang balat ng kanyang mukha ay nagliliwanag at sila'y natakot na lumapit sa kanya.
31 Ngunit tinawag sila ni Moises; at si Aaron at ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagbalik sa kanya at si Moises ay nagsalita sa kanila.
32 Pagkatapos, ang lahat ng mga anak ni Israel ay lumapit at kanyang ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng utos ang lahat ng salita ng Panginoon na binigkas sa kanya sa bundok ng Sinai.
33 At pagkapagsalita sa kanila ni Moises ay naglagay siya ng isang talukbong sa kanyang mukha.
34 Subalit kapag si Moises ay pumapasok sa harapan ng Panginoon upang makipag-usap sa kanya ay nag-aalis siya ng talukbong hanggang siya'y makalabas; at nang siya'y lumabas ay kanyang sinabi sa mga anak ni Israel ang iniutos sa kanya.
35 Nakita ng mga anak ni Israel na ang balat ng mukha ni Moises ay nagliliwanag; at muling inilalagay ni Moises ang talukbong sa kanyang mukha, hanggang sa siya'y makapasok upang makipag-usap sa Diyos.[b]
Ang Batas Ukol sa Sabbath
35 Tinipon ni Moises ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel, at sinabi sa kanila, “Ito ang mga salita na iniutos ng Panginoon na inyong gagawin.
2 Anim(N) na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay banal na Sabbath na taimtim na pagpapahinga sa Panginoon; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay papatayin.
3 Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa lahat ng inyong tinitirhan sa araw ng Sabbath.”
Handog at mga Manggagawa sa Tabernakulo(O)
4 Sinabi ni Moises sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon:
5 Kumuha kayo sa inyo ng isang handog para sa Panginoon; sinumang may mapagbigay na puso ay magdala ng handog sa Panginoon: ginto, pilak, at tanso;
6 lanang asul, kulay-ube at pula; hinabing pinong lino; balahibo ng kambing,
7 mga balat ng tupang lalaki na kinulayan ng pula, mga balat ng kambing; at kahoy na akasya,
8 langis para sa ilaw, mga pabango para sa langis na pambuhos at para sa mabangong insenso,
9 at mga batong onix, at mga batong pang-enggaste, para sa efod at para sa pektoral.
10 “Ang bawat taong may kakayahan sa inyo ay pumarito, at gawin ang lahat ng iniutos ng Panginoon:
11 ang tabernakulo, ang tolda at ang takip niyon, ang mga kawit at ang mga tabla niyon, ang mga biga, ang mga haligi at ang mga patungan niyon;
12 ang kaban kasama ang mga pasanan niyon, ang luklukan ng awa, at ang tabing;
13 ang hapag kasama ang mga pasanan niyon, at ang lahat ng kasangkapan niyon at ang tinapay na handog;
14 ang ilawan din para sa ilaw, kasama ang mga kasangkapan at ang mga ilawan niyon, at ang langis para sa ilaw;
15 at ang dambana ng insenso, kasama ang mga pasanan niyon, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan na nasa pasukan ng tabernakulo;
16 ang dambana ng handog na sinusunog, at ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan niyon, lahat ng mga kasangkapan niyon, ang hugasan at ang patungan niyon.
17 Ang mga tabing sa bulwagan, ang mga haligi at ang mga patungan ng mga iyon, at ang tabing sa pasukan ng bulwagan;
18 ang mga tulos ng tabernakulo, ang mga tulos ng bulwagan, at ang mga lubid ng mga iyon;
19 ang mga kasuotang ginawang mainam para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari.”
20 Pagkatapos, ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises.
21 At sila'y dumating, ang lahat ng taong napukaw ang kalooban, at lahat ng pinakilos ng kanyang espiritu at nagdala ng handog sa Panginoon upang gamitin sa toldang tipanan, at para sa lahat ng paglilingkod doon at para sa mga banal na kasuotan.
22 Kaya't sila'y naparoon, mga lalaki at mga babae, ang lahat na mayroong kusang loob, at nagdala ng mga aspile, mga hikaw, mga singsing na pantatak, mga pulseras, at sari-saring alahas na ginto; samakatuwid, lahat na nag-alay ng handog na ginto sa Panginoon.
23 At bawat taong may telang asul, o kulay-ube, o pula, o pinong lino, o balahibo ng mga kambing, o balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, o mga balat ng kambing ay nagdala ng mga iyon.
24 Ang lahat na nakapaghandog ng handog na pilak at tanso ay nagdala ng handog sa Panginoon at lahat ng taong may kahoy na akasya na magagamit sa anumang gawain ay nagdala nito.
25 Lahat ng mga babaing may kakayahan ay naghabi sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi na telang asul, kulay-ube at pula, at hinabing pinong lino.
26 Lahat ng mga babae na ang mga puso ay pinakilos na may kakayahan ay naghabi ng balahibo ng kambing.
27 At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, mga batong pang-enggaste para sa efod at sa pektoral,
28 ng mga pabango at langis para sa ilawan at para sa langis na pambuhos, at para sa mabangong insenso.
29 Lahat ng lalaki at babae ng mga anak ni Israel na ang puso'y nagpakilos sa kanila na magdala ng anuman para sa gawain na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na gawin ay nagdala ng mga iyon bilang kusang-loob na handog sa Panginoon.
Ang Manggagawa ay Tinawag(P)
30 Sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, “Tingnan ninyo, tinawag ng Panginoon sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda.
31 Kanyang pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, ng kakayahan, katalinuhan, kaalaman, at kahusayan sa lahat ng sari-saring gawain;
32 upang gumawa ng magagandang dibuho, gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso,
33 sa pagputol ng mga batong pang-enggaste, at sa pag-ukit sa kahoy, upang gumawa sa lahat ng mahuhusay na gawa.
34 At kanyang kinasihan siya upang makapagturo, siya at gayundin si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan.
35 Sila'y kanyang pinuspos ng kakayahan upang gumawa ng lahat ng sari-saring gawa ng tagaukit o ng tagakatha o mambuburda sa telang asul, kulay-ube, pula, at sa hinabing pinong lino, o ng manghahabi, ng mga gumagawa ng anumang gawain, at ng mga kumakatha ng magagandang disenyo.
Tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)
23 Nang(B) araw ding iyon ay lumapit kay Jesus[a] ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay na muli; at kanilang tinanong siya,
24 na(C) sinasabi, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang tao na walang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang asawa niya, at magkakaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’
25 Ngayon, mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. Sapagkat hindi siya nagkaroon ng anak ay iniwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki.
26 Gayundin naman ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito.
27 At kahuli-hulihan sa lahat ay namatay ang babae.
28 Kaya sa muling pagkabuhay, alin sa pito ang magiging asawa ng babae? Yamang siya'y napangasawa nilang lahat.”
29 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos.
30 Sapagkat sa muling pagkabuhay ay hindi sila nag-aasawa o pinag-aasawa pa kundi sila'y tulad sa mga anghel sa langit.
31 At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos,
32 ‘Ako(D) ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.”
33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, namangha sila sa kanyang aral.
Ang Dakilang Utos(E)
34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus[b] ang mga Saduceo, ay nagtipon sila.
35 At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin.
36 “Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?”
37 At(F) sinabi sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.’
38 Ito ang dakila at unang utos.’
39 At(G) ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’
40 Sa(H) dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”
Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(I)
41 Habang nagkakatipon ang mga Fariseo ay tinanong sila ni Jesus,
42 na sinasabi, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kanya, “Kay David.”
43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit si David nang nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,
44 ‘Sinabi(J) ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa”’?
45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y naging kanyang anak?”
46 Walang nakasagot sa kanya kahit isang salita, at wala na ring sinumang nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman buhat sa araw na iyon.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001