Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 19-20

Mga Batas tungkol sa Kabanalan at Katarungan

19 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsalita(A) ka sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kayo'y magpakabanal, sapagkat akong Panginoon ninyong Diyos ay banal.

Ang(B) bawat isa ay gumalang sa kanyang ina at sa kanyang ama, at inyong ingatan ang aking mga Sabbath; ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Huwag(C) kayong babaling sa mga diyus-diyosan, ni huwag kayong gagawa para sa inyong sarili ng mga diyos na inanyuan; ako ang Panginoon ninyong Diyos.

“At kapag kayo'y naghahandog sa Panginoon ng alay na mga handog pangkapayapaan, inyong ialay ito upang kayo'y tanggapin.

Ito ay kakainin sa araw na ito na inialay, o sa kinabukasan. Ang nalabi sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.

At kapag ito ay kinain sa ikatlong araw, ito ay karumaldumal; ito'y hindi tatanggapin,

at ang sinumang kumain nito ay magpapasan ng kanyang kasamaan, sapagkat nilapastangan niya ang isang banal na bagay ng Panginoon; at ititiwalag ang gayong tao sa kanyang bayan.

“Kapag(D) inyong ginagapas ang anihin sa inyong lupain, huwag ninyong gagapasan ang inyong bukid hanggang sa mga sulok nito, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ginapasan.

10 Huwag uubusin ang bunga ng inyong ubasan, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ubasan; iiwan ninyo ang mga iyon para sa mga dukha at sa dayuhan: ako ang Panginoon ninyong Diyos.

11 “Huwag(E) kayong magnanakaw, ni mandaraya, ni magsisinungaling sa isa't isa.

12 At(F) huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng aking pangalan sa kasinungalingan; sa gayo'y lalapastanganin ninyo ang pangalan ng inyong Diyos: Ako ang Panginoon.

13 “Huwag(G) mong gigipitin ang iyong kapwa o pagnakawan siya. Ang sahod ng isang upahang lingkod ay hindi dapat manatili sa iyo sa buong gabi hanggang sa umaga.

14 Huwag(H) mong mumurahin ang bingi, ni maglalagay ng katitisuran sa harap ng bulag, kundi katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang Panginoon.

15 “Huwag(I) kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol; huwag kang magtatangi sa pagkatao ng dukha ni itatangi ang pagkatao ng makapangyarihan, kundi hahatulan mo ang iyong kapwa ayon sa katarungan.

16 Huwag kang magpaparoo't-parito sa iyong bayan bilang tagapagdala ng tsismis, ni huwag kang titindig laban sa dugo ng iyong kapwa: Ako ang Panginoon.

17 “Huwag(J) mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso; tunay na sasawayin mo ang iyong kapwa, upang hindi ka magpasan ng kasalanan dahil sa kanya.

18 Huwag(K) kang maghihiganti o magtatanim ng galit laban sa mga anak ng iyong bayan; kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili: Ako ang Panginoon.

19 “Tutuparin(L) ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag mong palalahian ang iyong mga hayop sa ibang uri; huwag mong hahasikan ang iyong bukid ng magkaibang binhi; ni huwag kang magsusuot ng damit na hinabi mula sa dalawang magkaibang uri ng hibla.

20 “Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ipakasal sa isang lalaki, at hindi pa natutubos ang babae, o hindi pa nabibigyan ng kalayaan, ay dapat magkaroon ng pagsisiyasat. Hindi sila papatayin yamang siya'y hindi pa malaya.

21 Ngunit magdadala ang lalaki ng kanyang handog na tupang lalaki para sa Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan para sa budhing maysala.

22 At ipantutubos sa kanya ng pari ang tupang handog para sa budhing maysala sa harapan ng Panginoon, para sa kasalanang kanyang nagawa; at ipatatawad sa kanya ang kasalanan na kanyang nagawa.

23 “Pagdating ninyo sa lupain at nakapagtanim na kayo ng sari-saring punungkahoy bilang pagkain, ay ituturing ninyo ang bunga niyon na ipinagbabawal;[a] tatlong taon itong ipagbabawal para sa inyo; hindi ito dapat kainin.

24 Subalit sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga niyon ay magiging banal, isang alay na papuri sa Panginoon.

25 At sa ikalimang taon ay makakakain na kayo ng bunga niyon upang lalong magbunga ang mga ito para sa inyo: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

26 “Huwag(M) kayong kakain ng anumang kasama ang dugo; ni huwag kayong mang-eengkanto ni manggagaway.

27 Huwag(N) ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni sisirain ang mga sulok ng iyong balbas.

28 Huwag ninyong hihiwaan ang inyong laman dahil sa namatay; ni huwag kayong maglalagay ng tatu na tanda sa inyong sarili: Ako ang Panginoon.

29 “Huwag(O) mong durungisan ang iyong anak na babae, na siya'y iyong gagawing upahang babae, baka ang lupain ay masadlak sa pakikiapid, at mapuno ng kasamaan.

30 Ipapangilin(P) ninyo ang aking mga Sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuwaryo: Ako ang Panginoon.

31 “Huwag(Q) kayong sasangguni sa mga nakikiugnay sa masasamang espiritu ni sa mga mangkukulam; huwag ninyo silang hanapin upang madungisan nila: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

32 “Titindig ka sa harapan ng may gulang at igagalang mo ang matanda, at katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang Panginoon.

33 “Kapag(R) ang isang dayuhan ay nanirahang kasama ninyo sa inyong lupain, huwag ninyo siyang gagawan ng masama.

34 Ang dayuhang kasama ninyo ay magiging kagaya ng isang katutubong kasama ninyo. Iibigin mo siya na gaya ng sa iyong sarili; sapagkat kayo ay naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.

35 “Huwag(S) kayong mandaraya sa pagsukat ng haba, timbang, o dami.

36 Magkakaroon kayo ng wastong pamantayan, wastong timbangan, wastong efa[b] at wastong hin.[c] Ako ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto.

37 Inyong tutuparin ang lahat ng aking mga tuntunin, at ang lahat ng aking kahatulan, at gagawin ninyo ang mga iyon: Ako ang Panginoon.”

Mga Parusa sa Pagsuway

20 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Sasabihin mo sa mga anak ni Israel: Sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga dayuhan na naninirahan sa Israel, na nagbibigay ng kanyang anak kay Molec ay tiyak na papatayin; siya'y babatuhin ng mga tao ng lupain hanggang sa mamatay.

Ako mismo ay haharap laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, sapagkat ibinigay niya ang kanyang anak kay Molec, kaya't nadungisan ang aking santuwaryo, at nilapastangan ang aking banal na pangalan.

At kapag ipinikit ng mga tao sa lupain ang kanilang mga mata sa taong iyon, habang ibinibigay niya ang kanyang anak kay Molec, at hindi siya pinatay,

ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon at sa kanyang sambahayan. Ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, siya at lahat ng sumusunod sa kanya sa pagpapakasama kay Molec.

“Ang taong nakikipag-ugnay sa masasamang espiritu at sa mga mangkukulam, na nagpapakasamang kasama nila, ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan.

Italaga ninyo ang inyong mga sarili at kayo'y maging banal; sapagkat ako ang Panginoon ninyong Diyos.

Tutuparin ninyo ang aking mga tuntunin, at isasagawa ang mga iyon, ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo.

Sinumang(T) lumalait sa kanyang ama o sa kanyang ina ay tiyak na papatayin; kanyang nilait ang kanyang ama o ang kanyang ina, ang kanyang dugo ay nasa kanya.

Batas Laban sa Kasagwaan

10 “Kapag(U) ang isang lalaki ay mangalunya sa asawa ng kanyang kapwa, ang lalaking nangalunya at ang babaing nangalunya ay parehong papatayin.

11 Ang(V) lalaking sumiping sa asawa ng kanyang ama ay naglitaw ng kahubaran ng kanyang ama, sila'y tiyak na kapwa papatayin; ang kanilang dugo ay nasa kanila.

12 At(W) kapag ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang manugang na babae, sila ay kapwa papatayin; sila'y gumawa ng kahalayan, ang kanilang dugo ay nasa kanila.

13 Kapag(X) ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, na gaya ng pagsiping sa babae, sila ay kapwa nakagawa ng bagay na karumaldumal, tiyak na sila'y papatayin, ang kanilang dugo ay nasa kanila.

14 Kung(Y) ang isang lalaki ay mag-asawa sa isang babae at sa kanyang ina, ito ay kasamaan. Kanilang susunugin siya at sila upang huwag magkaroon ng kasamaan sa inyong kalagitnaan.

15 Kapag(Z) ang isang lalaki ay sumiping sa hayop, siya ay tiyak na papatayin, at papatayin din ninyo ang hayop.

16 Kung ang isang babae ay lumapit sa alinmang hayop at nakipagtalik dito, papatayin mo ang babae at ang hayop; sila'y tiyak na papatayin at ang kanilang dugo ay nasa kanila.

17 “Kung(AA) kunin ng isang lalaki ang kanyang kapatid na babae, na anak ng kanyang ama o anak ng kanyang ina, at kanyang makita ang kanyang kahubaran, at makita ng babae ang kahubaran niya, ito ay isang bagay na kahiyahiya. Sila'y ititiwalag sa paningin ng mga anak ng kanilang bayan, sapagkat inilitaw niya ang kahubaran ng kanyang kapatid na babae; kanyang pananagutan ang kasamaan niya.

18 Kung(AB) ang isang lalaki ay sumiping sa isang babaing may regla, at ilitaw ang kahubaran niya; kanyang hinubaran ang kanyang daloy at kanyang pinalitaw ang daloy ng kanyang dugo; at sila'y kapwa ititiwalag sa kalagitnaan ng kanilang bayan.

19 At(AC) huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, ni ng kapatid na babae ng iyong ama, sapagkat hinubaran niya ang kanyang malapit na kamag-anak; sila ay kapwa mananagot ng kanilang kasamaan.

20 Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang amain, kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang amain. Pananagutan nila ang kanilang kasalanan at mamamatay silang walang anak.

21 Kung(AD) ang isang lalaki ay makisama sa asawa ng kanyang kapatid na lalaki, ito ay karumihan; kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang kapatid na lalaki kaya't mabubuhay silang walang anak.

Utos upang Tuparin ang Batas ng Kalinisan

22 “Tuparin ninyo ang lahat ng aking mga tuntunin at mga batas, at gawin ninyo ang mga iyon upang huwag kayong isuka ng lupain na aking pagdadalhan sa inyo na inyong tatahanan.

23 Huwag kayong lalakad ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansang aking palalayasin sa harapan ninyo, sapagkat ang lahat ng kasamaang ito ay ginawa nila, at ako ay nasusuklam sa kanila.

24 Subalit sinabi ko na sa inyo, ‘Tiyak na mamanahin ninyo ang lupain nila, at ibibigay ko sa inyo upang inyong manahin, isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.’ Ako ang Panginoon ninyong Diyos na nagbukod sa inyo sa mga bayan.

25 Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang hayop na malinis at ang marumi, at ang ibong marumi at ang malinis. Huwag ninyong gagawing karumaldumal ang inyong pagkatao sa hayop o sa ibon, o sa anumang bagay na umuusad sa lupa na inihiwalay ko sa inyo bilang mga marurumi.

26 Kayo'y magpakabanal sa akin, sapagkat akong Panginoon ay banal, at kayo'y ibinukod ko sa mga bayan, upang kayo'y maging akin.

27 “Ang isang lalaki o ang isang babae na sumasangguni sa masasamang espiritu, o mangkukulam, ay tiyak na papatayin. Sila'y babatuhin hanggang mamatay, ang kanilang dugo ay pasan nila.”

Mateo 27:51-66

51 At(A) nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato.

52 Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog[a] ay bumangon,

53 at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami.

54 Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, “Tunay na ito ang Anak ng Diyos.”[b]

55 At(B) marami ding babae roon na nakatanaw mula sa malayo na sumunod kay Jesus buhat sa Galilea, na naglingkod sa kanya.

56 Kasama sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

Inilibing si Jesus(C)

57 Kinagabihan, dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na ang pangalan ay Jose, na naging alagad din ni Jesus.

58 Pumunta ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na ibigay iyon.

59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya iyon ng isang malinis na telang lino,

60 at inilagay sa kanyang sariling bagong libingan, na kanyang inukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at siya'y umalis.

61 Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon at nakaupo sa tapat ng libingan.

Binantayan ang Libingan

62 Kinabukasan, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpulong sa harapan ni Pilato,

63 na(D) nagsasabi, “Ginoo, natatandaan namin na sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya, ‘Pagkaraan ng tatlong araw ay babangon akong muli.’

64 Kaya't ipag-utos mo na bantayan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka pumaroon ang kanyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa mga tao, ‘Siya'y bumangon mula sa mga patay,’ at magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.”

65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay,[c] humayo kayo, bantayan ninyo sa paraang alam ninyo.”

66 Kaya't sila'y pumaroon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001