Old/New Testament
Batas tungkol sa Handog na Pinaraan sa Apoy
15 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagpasok ninyo sa lupain na inyong titirahan na ibibigay ko sa inyo,
3 at maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy mula sa bakahan o sa mga kawan, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng kusang loob na handog, o sa inyong mga takdang kapistahan, upang gawing mabangong samyo sa Panginoon,
4 kung gayon ang sinumang mag-aalay ng kanyang handog ay mag-alay sa Panginoon ng isang handog na butil, na ikasampung bahagi ng isang efa[a] ng piling harina na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis;
5 at ng alak na handog na inumin, na ikaapat na bahagi ng isang hin,[b] ang iyong ihahanda na kasama ng handog na sinusunog, o ng alay sa bawat kordero.
6 O kung isang lalaking tupa, ang iyong ihahanda para sa handog na butil ay dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis.
7 At bilang handog na inumin ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na mabangong samyo sa Panginoon.
8 Kapag maghahanda ka ng isang toro bilang handog na sinusunog, o bilang alay upang tuparin ang isang panata, o bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon,
9 ay iyong ihahandog nga na kasama ng toro ang isang handog na butil na tatlong ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis.
10 At ang iyong iaalay na handog na inumin ay kalahating hin ng alak na handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
11 Gayon ang gagawin sa bawat toro, bawat tupang lalaki, bawat korderong lalaki, o sa mga anak ng kambing.
12 Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyo gagawin sa bawat isa ayon sa kanilang bilang.
13 Lahat ng katutubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.
14 At kung ang isang dayuhan ay nakikipamayan kasama ninyo, o sinumang kasama ninyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon ay kanyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa.
15 Sa kapulungan ay magkakaroon ng isang tuntunin sa inyo, at sa dayuhang nakikipamayang kasama ninyo, isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi. Kung paano kayo ay magiging gayundin ang dayuhan sa harap ng Panginoon.
16 Magkakaroon(A) sa inyo at sa dayuhan na nakikipamayan sa inyo ng isang kautusan at isang batas.’”
17 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
18 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Pagpasok ninyo sa lupaing aking pagdadalhan sa inyo,
19 ay maghahandog kayo ng isang alay sa Panginoon tuwing kakain kayo ng tinapay ng lupain.
20 Sa pinakauna sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay bilang isang handog. Kung paano ninyo ginagawa ang handog na mula sa giikan, ay gayon ninyo ihahandog ito.
21 Sa pinakauna sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa Panginoon ng isang handog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
22 “‘Ngunit kapag kayo'y nagkamali at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinabi ng Panginoon kay Moises,
23 samakatuwid ay lahat ng iniutos ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na binigyan kayo ng Panginoon ng utos at mula noon, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi;
24 ay mangyayari na kung iyon ay ginawa nang hindi sinasadya, at hindi nalalaman ng kapulungan, ang buong kapulungan ay maghahandog ng isang batang toro na handog na sinusunog, na mabangong samyo sa Panginoon, kasama ng handog na butil niyon at handog na inumin niyon, ayon sa batas at isang lalaking kambing na handog pangkasalanan.
25 Tutubusin ng pari ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sila'y patatawarin. Iyon ay hindi sinasadya at sila'y nagdala ng kanilang alay na handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog pangkasalanan sa harap ng Panginoon, dahil sa kanilang pagkakamali.
26 Ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang dayuhan na nakikipamayan sa kanila, sapagkat ang buong bayan ay kasama sa pagkakamali.
Handog sa Pagkakasalang Hindi Sinasadya
27 “‘Kung(B) ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae na isang taong gulang na handog pangkasalanan.
28 At tutubusin ng pari ang taong nagkamali sa harap ng Panginoon, kung tunay na siya'y nagkasala nang hindi sinasadya upang tubusin siya at siya'y patatawarin.
29 Kayo'y magkakaroon ng isang batas sa kanya na nagkasala nang hindi sinasadya, sa kanya na katutubo sa bayan ng Israel, at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila.
30 Ngunit ang tao na makagawa ng anuman nang buong kapusukan, maging katutubo sa lupain o dayuhan ay lumalapastangan sa Panginoon at ang taong iyon ay ititiwalag sa gitna ng kanyang bayan.
31 Sapagkat kanyang hinamak ang salita ng Panginoon, at sinira ang kanyang utos; ang taong iyon ay lubos na ititiwalag. Ang kanyang kasamaan ay tataglayin niya.’”
Ang Parusa sa Pagsuway sa Batas ng Sabbath
32 Samantalang ang mga anak ni Israel ay nasa ilang, nakakita sila ng isang lalaking namumulot ng kahoy sa araw ng Sabbath.
33 Ang mga nakakita sa taong namumulot ng kahoy, ay dinala siya kina Moises at Aaron, at sa buong kapulungan.
34 Kanilang inilagay siya sa kulungan, sapagkat hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kanya.
35 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang lalaki ay tiyak na papatayin; babatuhin siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo.”
36 Inilabas siya ng buong kapulungan sa kampo at siya'y kanilang pinagbabato hanggang sa mamatay, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
Ipinag-utos ang Paglalagay ng Tirintas
37 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
38 “Sabihin(C) mo sa mga anak ni Israel na sila'y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawat laylayan ng isang panaling asul.
39 At sa inyo'y magiging isang tirintas upang inyong pagmasdan, at inyong maaalala ang lahat ng mga utos ng Panginoon at gawin ang mga iyon, upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata, na sanhi ng inyong pakikiapid.
40 Sa gayon, inyong maaalala at gawin ang lahat ng aking mga utos, at maging banal kayo sa inyong Diyos.
41 Ako ang Panginoon ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos. Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
Ang Paghihimagsik nina Kora, Datan at Abiram
16 Si Kora na anak ni Izar, na anak ni Kohat, na anak ni Levi, kasama sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet, na mga anak ni Ruben,
2 ay kumuha ng mga tao. Sila'y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel. Sila'y dalawandaan at limampung pinuno na mga lalaking kilala at pinili mula sa kapulungan.
3 Sila'y nagtipon laban kina Moises at Aaron at sinabi nila sa kanila, “Sumusobra na kayo! Ang buong kapulungan ay banal, bawat isa sa kanila, at ang Panginoon ay nasa gitna nila; bakit nga ninyo itinataas ang inyong sarili sa kapulungan ng Panginoon?”
4 Nang marinig ito ni Moises, siya ay nagpatirapa;
5 at sinabi niya kay Kora at sa kanyang buong pangkat, “Sa kinaumagahan ay ipapakita ng Panginoon kung sino ang kanya, at kung sino ang banal, at kung sino ang palalapitin niya sa kanya. Samakatuwid, ang piliin niya ay siyang kanyang palalapitin sa kanya.
6 Gawin ninyo ito: Kumuha kayo ng mga suuban, si Kora at ang kanyang buong pangkat.
7 Lagyan ninyo ng apoy at patungan ninyo ng insenso bukas sa harap ng Panginoon at ang taong piliin ng Panginoon ay siyang banal. Lumalabis na kayo, kayong mga anak ni Levi!”
8 At sinabi ni Moises kay Kora, “Pakinggan ninyo ngayon, kayong mga anak ni Levi!
9 Minamaliit pa ba ninyo na kayo'y ibinukod ng Diyos ng Israel sa sambayanan ng Israel, upang ilapit niya kayo sa kanya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng Panginoon, at upang kayo'y tumayo sa harap ng kapulungan na mangasiwa sa kanila?
10 At inilapit ka niya at ang lahat ng iyong mga kapatid na mga anak ni Levi, at inyong hinahangad pa ang pagkapari?
11 Kaya't ikaw at ang iyong buong pangkat ay nagtitipon laban sa Panginoon; sino si Aaron, na nagrereklamo kayo laban sa kanya?
12 At ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab; ngunit kanilang sinabi, “Hindi kami pupunta!”
13 Maliit na bagay pa ba na kami ay iyong pinaalis sa isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang at gawin mo pa ang iyong sarili na aming pinuno?
14 Bukod dito'y hindi mo kami dinala sa isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, ni binigyan mo kami ng manang bukid at mga ubasan. Dudukitin mo ba pati ang mga mata ng mga taong ito? Hindi kami pupunta!”
15 At si Moises ay galit na galit, at sinabi sa Panginoon, “Huwag mong igalang ang kanilang handog. Hindi ako kumuha ng isang asno sa kanila, ni gumawa ng masama sa kanino man sa kanila.”
16 At sinabi ni Moises kay Kora, “Humarap ka bukas at ang iyong buong pangkat sa Panginoon, ikaw, sila, at si Aaron.
17 Kumuha ang bawat isa ng kanyang suuban, at lagyan ninyo ng insenso, at dalhin ninyo sa harap ng Panginoon, na bawat isa'y magdala ng kanyang suuban, na dalawandaan at limampung suuban; ikaw naman at si Aaron, bawat isa sa inyo'y may kanyang suuban.”
18 Kaya't kinuha ng bawat isa ang kanyang suuban, at kanilang nilagyan ng apoy at kanilang pinatungan ng insenso at sila'y tumayo sa pintuan ng toldang tipanan na kasama nina Moises at Aaron.
19 At tinipon ni Kora ang buong kapulungan laban sa kanila sa pintuan ng toldang tipanan, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagpakita sa buong kapulungan.
Pinarusahan ang Naghimagsik
20 Nagsalita ang Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,
21 “Humiwalay kayo sa kapulungang ito, upang malipol ko sila sa isang iglap.”
22 Sila'y nagpatirapa, at nagsabi, “O Diyos, na Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapulungan?”
23 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
24 “Sabihin mo sa kapulungan, ‘Lumayo kayo sa palibot ng tirahan nina Kora, Datan at Abiram.’”
25 At si Moises ay tumayo at pumaroon kina Datan at Abiram; at ang matatanda sa Israel ay sumunod sa kanya.
26 Sinabi ni Moises sa kapulungan, “Lumayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag ninyong hawakan ang anumang bagay na kanila, baka kayo'y mamatay kasama ng lahat nilang kasalanan.”
27 Kaya't lumayo sila sa tolda nina Kora, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram ay lumabas at tumayo sa pintuan ng kanilang mga tolda kasama ng kanilang mga asawa, mga anak, at mga bata.
28 At sinabi ni Moises, “Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng Panginoon na gawin ang lahat ng mga gawang ito, at ito'y hindi ko sariling kagustuhan.
29 Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o dumating sa kanila ang likas na kapalaran ng lahat ng tao, hindi nga ako sinugo ng Panginoon.
30 Ngunit kung ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay, at ibuka ng lupa ang kanyang bibig at sila'y lamunin, kasama ng lahat ng nauukol sa kanila, at sila'y buháy na ibaba sa Sheol, inyo ngang malalaman na hinamak ng mga taong ito ang Panginoon.”
31 Nangyari nga, pagkatapos na masabi niya ang lahat ng salitang ito, ang lupa na nasa ilalim nila ay nahati.
32 At ibinuka ng lupa ang kanyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sambahayan, at ang lahat ng lalaki na kabilang kay Kora, at lahat ng kanilang ari-arian.
33 Anupa't sila at lahat ng kabilang sa kanila ay buháy na bumaba sa Sheol at sila'y pinagsarhan ng lupa, at sila'y nalipol mula sa sambayanan.
34 Ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa sigawan nila; sapagkat kanilang sinabi, “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa!”
35 May apoy na lumabas mula sa Panginoon, at nilamon ang dalawandaan at limampung lalaki na naghandog ng insenso.
Pinitpit ang mga Suuban ng mga Naghimagsik
36 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
37 “Sabihin mo kay Eleazar na anak ng paring si Aaron, na kanyang kunin ang mga suuban mula sa sunog, at magkalat ng apoy doon; sapagkat mga banal iyon;
38 pati ang mga suuban ng mga makasalanang ito laban sa kanilang sariling buhay, at gawin mo ang mga ito na mga pinitpit na pantakip sa dambana, sapagkat kanilang inihandog sa harap ng Panginoon, kaya't banal ang mga ito. Sa gayon, magiging isang tanda ito sa mga anak ni Israel.”
39 Kaya't kinuha ng paring si Eleazar ang mga tansong suuban na inihandog ng mga nasunog; at kanilang pinitpit bilang pantakip sa dambana,
40 upang maging alaala sa mga anak ni Israel, upang sinumang ibang tao na hindi pari, na hindi mga anak ni Aaron ay huwag lumapit upang magsunog ng insenso sa harap ng Panginoon at nang huwag maging tulad ni Kora at ng kanyang mga kasama; gaya ng sinabi ng Panginoon kay Eleazar sa pamamagitan ni Moises.
Nagreklamo ang Kapulungan kina Moises at Aaron
41 Subalit kinabukasan ay nagreklamo ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel kina Moises at Aaron, na sinasabi, “Pinatay ninyo ang bayan ng Panginoon.”
42 At nang magtipon ang kapulungan laban kina Moises at Aaron, sila'y tumingin sa dako ng toldang tipanan; at nakita nilang tinakpan iyon ng ulap at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw.
43 At sina Moises at Aaron ay pumunta sa harapan ng toldang tipanan.
44 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
45 “Lumayo kayo sa gitna ng kapulungang ito, upang aking lipulin sila sa isang iglap.” At sila'y nagpatirapa.
46 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Kunin mo ang iyong suuban, at lagyan mo ng apoy mula sa dambana at patungan ng insenso, at dalhin mo agad sa kapulungan, at tubusin mo sila sapagkat ang poot ay lumabas mula sa Panginoon, ang salot ay nagpapasimula na.
47 Kinuha iyon ni Aaron gaya ng sinabi ni Moises, at siya'y tumakbo sa gitna ng kapulungan na doon ang salot ay nagpasimula na sa gitna ng bayan at siya'y naglagay ng insenso at itinubos para sa bayan.
48 Siya'y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buháy at ang salot ay tumigil.
49 Ang namatay sa salot ay labing-apat na libo at pitong daan, bukod pa sa mga namatay dahil sa nangyari kay Kora.
50 Nang ang salot ay tumigil, si Aaron ay bumalik kay Moises sa pintuan ng toldang tipanan.
Hindi Kinilala si Jesus sa Nazaret(A)
6 Umalis siya roon at pumunta sa kanyang sariling bayan at sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad.
2 Nang sumapit ang Sabbath, nagpasimula siyang magturo sa sinagoga at marami sa mga nakinig sa kanya ay namangha na sinasabi, “Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng ito? Anong karunungan ito na ibinigay sa kanya? Anong mga makapangyarihang gawa ang ginagawa ng kanyang mga kamay!
3 Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naritong kasama natin ang kanyang mga kapatid na babae?” At sila'y natisod sa kanya.
4 Kaya't(B) sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang propeta ay hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, sa kanyang sariling mga kamag-anak, at sa kanyang sariling bahay.”
5 Hindi siya nakagawa roon ng anumang makapangyarihang gawa, maliban sa ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ilang mga maysakit at pinagaling sila.
6 Nanggilalas siya sa kanilang hindi pagsampalataya. Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligid.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)
7 Tinawag niya ang labindalawa, at pinasimulang isugo sila na dala-dalawa. Sila'y binigyan niya ng kapangyarihan laban sa mga masasamang espiritu.
8 At ipinagbilin niya sa kanila na huwag silang magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay maliban sa isang tungkod; walang tinapay, walang balutan, walang salapi sa kanilang mga pamigkis,
9 kundi magsusuot ng sandalyas at hindi magsusuot ng dalawang tunika.
10 Sinabi niya sa kanila, “Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang sa umalis kayo roon.
11 Kung(D) (E) mayroong lugar na hindi kayo tanggapin at ayaw kayong pakinggan, sa pag-alis ninyo ay ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”
12 Kaya't sila'y humayo at ipinangaral na ang mga tao ay dapat magsisi.
13 Nagpalayas(F) sila ng maraming demonyo, pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)
14 Nabalitaan(H) ito ni Haring Herodes, sapagkat ang pangalan ni Jesus ay naging tanyag. Sinasabi ng iba, “Si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay mula sa mga patay at dahil dito, gumagawa ang mga kapangyarihang ito sa kanya.”
15 Ngunit sinasabi ng iba, “Siya'y si Elias.” At sinasabi naman ng iba, “Siya'y propeta, na tulad ng isa sa mga propeta noong una.”
16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Si Juan na aking pinugutan ng ulo ay muling nabuhay.”
17 Sapagkat(I) si Herodes mismo ang nagsugo sa mga kawal na dumakip kay Juan, at nagpagapos sa kanya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kanyang kapatid; sapagkat pinakasalan siya ni Herodes.
18 Sapagkat sinasabi ni Juan kay Herodes, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.”
19 Kaya't si Herodias ay nagtanim ng galit sa kanya at hinangad siyang patayin ngunit hindi niya magawa,
20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Nalalaman niyang si Juan[a] ay isang lalaking matuwid at banal at siya'y ipinagtanggol niya. Nang kanyang mapakinggan siya, labis siyang nabagabag gayunma'y masaya siyang nakinig sa kanya.
21 Ngunit dumating ang isang pagkakataon na si Herodes sa kanyang kaarawan ay nagbigay ng isang salu-salo para sa kanyang mga mahistrado, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing tao sa Galilea.
22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw, siya'y nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang maibigan mo at ibibigay ko sa iyo.”
23 At sumumpa siya sa kanya, “Ang anumang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.”
24 Lumabas siya at sinabi sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” At sinabi niya, “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”
25 At nagmamadali siyang pumasok sa kinaroroonan ng hari at humiling na sinasabi, “Ibig kong ibigay mo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nasa isang pinggan.”
26 At lubhang nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, ayaw niyang tumanggi sa kanya.
27 Agad na isinugo ng hari ang isang kawal na bantay at ipinag-utos na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[b] Umalis nga ang kawal[c] at pinugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan.
28 At dinala ang ulo ni Juan na nasa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina.
29 Nang mabalitaan ito ng kanyang mga alagad, pumaroon sila at kinuha ang kanyang bangkay at inilagay sa isang libingan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001