Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Exodo 39-40

39 Sa telang asul, kulay-ube, at pula ay gumawa sila ng mga kasuotang mahusay ang pagkayari para sa pangangasiwa sa dakong banal; kanilang ginawa ang mga banal na kasuotan para kay Aaron; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Paggawa ng Efod, Pektoral, at ng Balabal(A)

Kanyang ginawa ang efod na ginto, na telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.

At kanilang pinukpok ang ginto na pinanipis na pahaba at pinutol na ginawang kawad na ginto, upang itahi sa telang asul, sa kulay-ube, sa pula, at sa lino na gawa ng bihasang manggagawa.

Kanilang iginawa ang efod ng mga pambalikat, na magkakabit sa dalawang dulo.

Ang pamigkis na mainam ang pagkayari na nasa ibabaw ng efod upang ibigkis, ay kaputol at gaya ng pagkayari ng efod—ginto, telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Kanilang ginawa ang mga batong onix na pinalibutan ng ginto, na ayos ukit ng isang pantatak, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel.

Kanyang inilagay sa ibabaw ng pambalikat ng efod upang maging mga batong pang-alaala para sa mga anak ni Israel; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Kanyang ginawa ang pektoral, na gawa ng bihasang manggagawa, gaya ng pagkayari ng efod—ginto, at telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino.

Parisukat iyon; ang pektoral ay doble, isang dangkal ang haba at isang dangkal ang luwang niyon, kapag nakatiklop.

10 Kanilang nilagyan ito ng apat na hanay na mga bato: isang hanay sa sardio, topacio, at karbungko na siyang unang hanay.

11 Ang ikalawang hanay ay isang esmeralda, isang zafiro, at isang diamante.

12 Ang ikatlong hanay ay isang jacinto, isang agata, at isang ametista.

13 Ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang jaspe, na natatakpan ng mga enggasteng ginto sa kanilang mga pagkakakalupkop.

14 Mayroong labindalawang bato na may mga pangalan ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel; ang mga iyon ay gaya ng mga singsing-pantatak, bawat isa'y may nakaukit na pangalan na ukol sa labindalawang lipi.

15 At kanilang iginawa ang pektoral ng mga tanikalang parang tirintas, na yari sa lantay na ginto.

16 Sila'y gumawa ng dalawang pangkalupkop na ginto, at ng dalawang singsing na ginto; at inilagay ang dalawang singsing sa dalawang dulo ng pektoral.

17 Kanilang ikinabit ang dalawang tanikalang lantay na ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral.

18 Ang ibang dalawang dulo ng dalawang tanikalang ayos singsing ay kanilang ikinabit sa dalawang pangkalupkop, at ikinabit sa mga pambalikat ng efod sa dakong harapan niyon.

19 Sila'y gumawa pa ng dalawang singsing na ginto at inilagay sa dalawang sulok ng pektoral sa gilid niyon, na nasa dakong loob ng efod.

20 Sila'y gumawa ng dalawang singsing na ginto at ikinabit sa dakong ibaba ng dalawang pambalikat ng efod, sa may harapan na malapit sa pagkakadugtong, sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod.

21 Kanilang itinali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing, sa mga singsing ng efod ng isang panaling kulay asul upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod; upang ang pektoral ay hindi matanggal mula sa efod gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 Kanyang ginawa ang balabal ng efod na hinabing lahat sa kulay asul;

23 at ang butas ng balabal ay gaya ng sa kasuotan, na may tahi sa palibot ng pinakaleeg upang huwag mapunit.

24 Kanilang ginawan ang mga palda ng balabal ng mga granadang telang asul, kulay-ube, pula, at pinong lino.

25 Sila'y gumawa rin ng mga kampanilyang yari sa lantay na ginto, at inilagay ang mga kampanilya sa pagitan ng mga granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot, sa pagitan ng mga granada;

26 isang kampanilya at isang granada, isang kampanilya at isang granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot para sa paglilingkod; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

27 Ginawa rin nila ang mga tunika na hinabi mula sa pinong lino, para kay Aaron at sa kanyang mga anak,

28 at ang turbanteng yari sa pinong lino, at ang mga gora na yari sa pinong lino, at ang mga salawal na lino na yari sa hinabing pinong lino,

29 at ang bigkis na yari sa hinabing pinong lino, telang asul at kulay-ube, at pula na gawa ng mambuburda; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 Kanilang ginawa ang plata ng banal na korona na lantay na ginto, at nilagyan ito ng sulat na tulad ng ukit ng isang singsing na pantatak: “Banal sa Panginoon.”

31 Kanilang tinalian ito ng isang panaling asul, upang ilapat sa ibabaw ng turbante; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

Sinuri ni Moises ang Pagkagawa(B)

32 Gayon natapos ang lahat ng paggawa sa tabernakulo ng toldang tipanan; at ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises; gayon ang ginawa nila.

33 At kanilang dinala ang tabernakulo kay Moises, ang tolda, at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang mga kawit, ang mga tabla, ang mga biga, ang mga haligi, at ang mga patungan;

34 ang takip na mga balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, at ang takip na balat ng mga kambing, at ang lambong na pantabing;

35 ang kaban ng patotoo at ang mga pasanan niyon, at ang luklukan ng awa;

36 ang hapag pati ang lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang tinapay na handog;

37 ang ilawan na dalisay na ginto, ang mga ilaw niyon, at ang mga lalagyan ng ilaw, at lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang langis na para sa ilaw;

38 ang dambanang ginto, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan ng tolda;

39 ang dambanang tanso, ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon;

40 ang mga tabing ng bulwagan, ang mga haligi niyon, at ang mga patungan at ang tabing na para sa pintuan ng bulwagan, ang mga panali, at ang mga tulos, at lahat ng mga kasangkapan sa paglilingkod sa tabernakulo, para sa toldang tipanan;

41 ang mga kasuotang mainam ang pagkagawa para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, upang maglingkod bilang mga pari.

42 Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises, gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat ng gawa.

43 At nakita ni Moises ang lahat ng gawain at kanilang ginawa iyon; kung paanong iniutos ng Panginoon ay gayon nila ginawa. At binasbasan sila ni Moises.

Itinayo ang Tabernakulo

40 At nagsalita ang Panginoon kay Moises na sinasabi,

“Sa unang araw ng unang buwan ay iyong itatayo ang tabernakulo ng toldang tipanan.

Iyong ilalagay doon ang kaban ng patotoo, at iyong tatabingan ng lambong ang kaban.

Iyong ipapasok ang hapag, at iyong aayusin ang mga bagay na nasa ibabaw niyon; at iyong ipapasok ang ilawan at iyong iaayos ang mga ilaw niyon.

At iyong ilalagay ang dambanang ginto para sa insenso sa harap ng kaban ng patotoo, at ilalagay mo ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo.

Iyong ilalagay ang dambana ng handog na sinusunog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng toldang tipanan.

Ilagay mo ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan iyon ng tubig.

Iyong ilalagay ang bulwagan sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuan ng bulwagan.

Pagkatapos ay kukunin mo ang langis na pambuhos at bubuhusan mo ang tabernakulo at ang lahat na naroon, at iyong pakakabanalin, at ang lahat ng kasangkapan niyon ay magiging banal.

10 Bubuhusan mo rin ng langis ang dambana ng handog na sinusunog at ang lahat ng kasangkapan niyon, at iyong pakakabanalin ang dambana at ang dambana ay magiging kabanal-banalan.

11 Bubuhusan mo rin ng langis ang lababo at ang patungan nito, at iyong pakakabanalin.

12 Iyong dadalhin si Aaron at ang kanyang mga anak sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan ng tubig.

13 Iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuotan; at iyong bubuhusan siya ng langis at iyong pababanalin siya, upang ako'y mapaglingkuran niya bilang pari.

14 Pagkatapos ay iyong dadalhin ang kanyang mga anak at iyong susuotan sila ng mga kasuotan:

15 Iyong bubuhusan sila ng langis gaya ng iyong pagbubuhos sa kanilang ama, upang sila'y makapaglingkod sa akin bilang pari, at ang pagbubuhos sa kanila ay maging para sa walang hanggang pagkapari sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi.”

16 Gayon nga ang ginawa ni Moises, ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya, gayon ang kanyang ginawa.

17 Sa unang buwan ng ikalawang taon, ng unang araw ng buwan, ang tabernakulo ay itinayo.

18 Itinayo ni Moises ang tabernakulo, inilagay niya ang mga saligan, at ipinatong ang malalaking tabla, at isinuot ang mga biga, at itinayo ang mga haligi niyon.

19 Kanyang inilatag ang tolda sa ibabaw ng tabernakulo, at kanyang inilagay ang takip ng tabernakulo sa itaas ng ibabaw niyon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

20 Kanyang kinuha ang patotoo at inilagay ito sa loob ng kaban, at kanyang inilagay ang mga pasanan sa kaban, at kanyang inilagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban:

21 Kanyang ipinasok ang kaban sa tabernakulo, at inayos ang kurtinang pantabing, at tinabingan ang kaban ng patotoo; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

22 Kanyang inilagay ang hapag sa loob ng toldang tipanan, sa dakong hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing.

23 Kanyang inayos ang tinapay sa ibabaw ng hapag sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

24 Kanyang inilagay ang ilawan sa toldang tipanan, sa tapat ng hapag, sa gawing timog ng tabernakulo.

25 Kanyang sinindihan ang mga ilaw sa harap ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

26 Kanyang inilagay ang dambanang ginto sa loob ng toldang tipanan sa harap ng lambong.

27 Siya'y nagsunog doon ng mabangong insenso; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

28 Kanyang inilagay ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo.

29 Kanyang inilagay ang dambana ng handog na sinusunog sa pintuan ng toldang tipanan, at nag-alay doon ng handog na sinusunog, at ng handog na harina; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

30 Kanyang inilagay ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at sinidlan ng tubig upang paghugasan.

31 Si Moises at si Aaron at ang kanyang mga anak ay nagsipaghugas doon ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa;

32 kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan at kapag sila'y lumalapit sa dambana ay naghuhugas sila; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.

33 At kanyang inilagay ang bulwagan sa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at iniayos ang tabing ng pintuan ng bulwagan. Gayon tinapos ni Moises ang gawain.

Ang Ulap sa Ibabaw ng Tabernakulo(C)

34 Pagkatapos(D) ay tinakpan ng ulap ang toldang tipanan at pinuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo.

35 Si Moises ay hindi makapasok sa toldang tipanan, sapagkat nanatili sa ibabaw niyon ang ulap, at pinuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon ang tabernakulo.

36 Kapag ang ulap ay napapaitaas mula sa tabernakulo ay nagpapatuloy ang mga anak ni Israel sa kanilang paglalakbay.

37 Subalit kapag ang ulap ay hindi napapaitaas ay hindi sila naglalakbay hanggang sa araw na iyon ay pumaitaas.

38 Sapagkat sa kanilang buong paglalakbay ang ulap ng Panginoon ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyon sa gabi, sa paningin ng buong sambahayan ng Israel.

Mateo 23:23-39

23 “Kahabag-habag(A) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nag-iikapu kayo ng yerbabuena, ng anis at ng komino, at inyong pinababayaan ang higit na mahahalagang bagay ng kautusan: ang katarungan, ang habag, at ang pananampalataya. Subalit dapat sana ninyong gawin ang mga ito nang hindi pinababayaan ang iba.

24 Kayong mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo!

25 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay punô sila ng kasakiman at kalayawan.

26 Ikaw na bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan,[a] upang luminis din naman ang labas nito.

27 “Kahabag-habag(B) kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat tulad kayo sa mga pinaputing libingan na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay at ng lahat ng uri ng karumihan.

28 Gayundin naman kayo, na sa labas ay mistulang matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay punô kayo ng pagkukunwari at kasamaan.

Paunang Sinabi ni Jesus ang Kanilang Magiging Kaparusahan(C)

29 “Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at pinapalamutian ninyo ang mga bantayog ng mga matuwid,

30 at sinasabi ninyo, ‘Kung nabuhay sana kami sa mga araw ng aming mga ninuno, hindi kami makikibahagi sa kanila sa dugo ng mga propeta.’

31 Kaya't kayo'y nagpapatotoo na rin laban sa inyong sarili, na kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta.

32 Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang.

33 Kayong(D) mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong, paano kayo makakatakas sa kahatulan sa impiyerno?[b]

34 Kaya't, narito, nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng mga pantas, at ng mga eskriba, na ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus, at ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at inyong uusigin sa bayan-bayan,

35 upang(E) mapasainyong lahat ang matuwid na dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa buhat sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na inyong pinaslang sa pagitan ng templo at ng dambana.

36 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito.

Ang Pag-ibig ni Jesus sa Jerusalem(F)

37 “O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo!

38 Masdan(G) ninyo, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak.[c]

39 Sapagkat(H) sinasabi ko sa inyo na mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, ‘Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.’”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001