Old/New Testament
Handog para sa Kasalanang Hindi Sinasadya
4 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya sa alinman sa mga iniutos ng Panginoon tungkol sa mga bagay na hindi dapat gawin, at nakagawa ang alinman sa mga ito:
3 Kapag ang pari na binuhusan ng langis ang nagkasala at nagbunga ng pagkakasala sa bayan, ay maghahandog siya sa Panginoon ng isang guyang toro na walang kapintasan, bilang handog pangkasalanan dahil sa nagawa niyang kasalanan.
4 Dadalhin niya ang toro sa pintuan ng toldang tipanan sa harapan ng Panginoon; at ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro, at papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon.
5 Ang pari na binuhusan ng langis ay kukuha ng dugo ng toro at dadalhin sa toldang tipanan;
6 ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik nang pitong ulit ang dugo sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng tabing ng dakong banal.
7 Maglalagay ang pari ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana ng mabangong insenso sa harapan ng Panginoon, na nasa toldang tipanan at ang nalabi sa dugo ng toro ay ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan ng kapulungan.
8 Kanyang aalisin ang lahat ng taba ng toro na handog pangkasalanan; ang tabang bumabalot sa lamang-loob at ang lahat ng tabang nasa lamang-loob;
9 ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato,
10 gaya ng pag-aalis ng mga ito sa bakang lalaki na alay ng handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog.
11 Subalit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, pati ang ulo, mga hita, lamang-loob, dumi,
12 at ang buong toro ay ilalabas niya sa kampo sa isang dakong malinis, sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo, at kanyang susunugin sa apoy sa ibabaw ng kahoy; ito ay susunugin sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo.
13 “At kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang hindi sinasadya, at ito ay hindi alam ng kapulungan, at sila'y nakagawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin at sila'y nagkasala,
14 kapag nalaman na ang kasalanang kanilang nagawa, ang kapulungan ay magdadala ng isang guyang toro bilang handog pangkasalanan, at dadalhin ito sa harapan ng toldang tipanan.
15 Ipapatong ng matatanda ng kapulungan ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harapan ng Panginoon, at papatayin ang toro sa harapan ng Panginoon.
16 Pagkatapos, dadalhin ang dugo ng toro sa toldang tipanan ng paring binuhusan ng langis,
17 at ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo, at iwiwisik nang pitong ulit sa harapan ng Panginoon sa harap ng tabing.
18 Maglalagay siya ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana na nasa harapan ng Panginoon na nasa toldang tipanan, at ang nalabi sa dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan.
19 At aalisin niya ang lahat ng taba niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana.
20 Gagawin niya sa toro kung paano ang ginawa niya sa torong handog pangkasalanan, gayundin ang gagawin niya rito. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanila, at sila ay patatawarin.
21 Ilalabas niya ang toro sa kampo at susunugin ito gaya ng pagkasunog sa unang toro; ito ay handog pangkasalanan para sa kapulungan.
22 “Kapag ang isang pinuno ay nagkasala at nakagawa nang hindi sinasadya sa alinman sa lahat ng bagay na iniutos ng Panginoon niyang Diyos na hindi dapat gawin, at nagkasala;
23 kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanang kanyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog, isang lalaking kambing na walang kapintasan.
24 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing, at papatayin niya ito sa dakong pinagkakatayan ng handog na sinusunog sa harapan ng Panginoon; ito ay handog pangkasalanan.
25 Pagkatapos ay kukuha ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri ng kaunting dugo mula sa handog pangkasalanan at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo'y ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog.
26 At ito ay susunugin niya sa dambana, kasama ang lahat nitong taba, gaya ng taba ng handog pangkapayapaan. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanyang kasalanan, at siya ay patatawarin.
Ang Batas ng Handog Pangkasalanan ng mga Pangkaraniwang Tao
27 “At(A) kung ang sinumang pangkaraniwang tao sa mga mamamayan ay magkasala nang hindi sinasadya sa paggawa ng bagay na hindi dapat gawin, laban sa isa sa mga utos ng Panginoon at nagkasala,
28 kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanan niyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog na isang babaing kambing na walang kapintasan para sa kasalanang nagawa niya.
29 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan, at papatayin ang handog pangkasalanan sa lugar ng handog na sinusunog.
30 Pagkatapos ay kukuha ng kaunting dugo nito ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo niyon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
31 Lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa alay na handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa dambana bilang mabangong samyo sa Panginoon. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya ay patatawarin.
32 “Kapag kordero ang kanyang dinala bilang handog pangkasalanan, siya ay magdadala ng babaing walang kapintasan.
33 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan at papatayin ito bilang handog pangkasalanan sa lugar na pinagpapatayan ng handog na sinusunog.
34 Pagkatapos ay kukuha ang pari ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabing dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana.
35 Ang lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa kordero na alay bilang handog pangkapayapaan, at ang mga ito ay susunugin ng pari sa dambana, sa ibabaw ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, para sa kanyang kasalanan na kanyang nagawa at siya'y patatawarin.
Mga Pangyayaring Nangangailangan ng Handog Pangkasalanan
5 “Kapag may hayagang panawagan upang sumaksi, at magagawa ng isang tao na sumaksi bilang isa na nakakita o nakarinig, ngunit ayaw namang magsalita, ang taong iyon ay nagkakasala at dapat parusahan.
2 O kung ang sinuman ay nakahipo ng alinmang bagay na marumi, o maging ito ay bangkay ng mabangis na hayop na marumi, o bangkay ng umuusad na marumi, at di niya iyon nalaman, siya'y magiging marumi at nagkakasala.
3 O kung siya'y nakahipo ng karumihan ng tao, maging anumang karumihan niya, at hindi niya iyon nalalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.
4 O kapag ang isang tao ay sumumpa nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kanyang mga labi, upang gumawa ng masama o ng mabuti, anumang padalus-dalos na panunumpa na isinumpa ng tao, at iyon ay hindi niya nalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon.
5 Kapag nagkasala ka sa isa sa mga ito, ipahayag mo ang iyong kasalanang nagawa.
6 Dadalhin niya sa Panginoon ang kanyang handog para sa budhing maysala dahil sa kasalanang nagawa niya, isang babaing hayop mula sa kawan, isang kordero o isang kambing bilang handog pangkasalanan, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya.
7 “Subalit kung hindi niya kaya ang halaga ng isang kordero, siya na nagkasala ay magdadala sa Panginoon bilang handog para sa kasalanang kanyang ginawa, ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati—ang isa'y bilang handog pangkasalanan at ang isa'y bilang handog na sinusunog.
8 Kanyang dadalhin ang mga ito sa pari na siyang maghahandog nito, ang una ay para sa handog pangkasalanan. Pipilipitin niya ang ulo mula sa leeg, ngunit hindi ito paghihiwalayin.
9 Magwiwisik siya ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa gilid ng dambana; at ang nalabi sa dugo ay patutuluin sa paanan ng dambana; ito ay handog pangkasalanan.
10 Ihahandog niya ang ikalawa bilang handog na sinusunog ayon sa tuntunin; at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya alang-alang sa kasalanan na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.
11 “Subalit kung hindi niya kayang magdala ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, ang nagkasala ay magdadala ng ikasampung bahagi ng isang efa[a] ng piling harina bilang handog pangkasalanan niya. Hindi niya ito lalagyan ng langis ni lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito'y handog pangkasalanan.
12 Dadalhin niya ito sa pari at ang pari ay kukuha ng isang dakot mula roon bilang handog na pinakaalaala at ito'y susunugin sa dambana, sa ibabaw ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog pangkasalanan.
13 Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa nagkasala laban sa alinman sa mga bagay na ito, at siya ay patatawarin. Ang nalabi ay para sa pari gaya ng butil na handog.”
14 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
15 “Kung ang sinuman ay nakagawa ng pagsira sa pagtitiwala at nagkasala nang hindi sinasadya sa mga banal na bagay ng Panginoon, magdadala siya sa Panginoon ng handog para sa budhing maysala ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan, na ayon sa halagang itinakda ng santuwaryo para sa siklong[b] pilak. Ito ay handog para sa budhing maysala.
16 At isasauli niya ang kanyang ipinagkasala laban sa banal na bagay, at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa pari. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa nagkasala sa pamamagitan ng lalaking tupang handog para sa budhing maysala at siya ay patatawarin.
17 “At kung ang isang tao ay magkasala at gumawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng Panginoon na huwag gawin, kahit hindi niya nalalaman, siya ay nagkasala at mananagot sa kanyang kasamaan.
18 Kaya't siya'y magdadala sa pari ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan ayon sa halagang itinakda mo bilang handog para sa budhing maysala. At ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya dahil sa kasalanang hindi sinasadya na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin.
19 Ito ay handog para sa budhing maysala, siya'y nagkasala sa Panginoon.”
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(A)
29 “At(B) pagkatapos ng paghihirap sa mga panahong iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit, at yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit.
30 Pagkatapos(C) ay lilitaw ang tanda ng Anak ng Tao sa langit, at tatangis ang lahat ng mga lipi sa lupa, at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
31 Isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(D)
32 “Kaya, pag-aralan ninyo mula sa puno ng igos ang kanyang talinghaga: kapag malambot na ang sanga nito at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw.
33 Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alam ninyong siya'y[a] malapit na, nasa mga pintuan na.
34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito.
35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(E)
36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak[b] kundi ang Ama lamang.
37 Kung(F) paano sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
38 Sapagkat kung paano sa mga araw na iyon bago bumaha, sila'y kumakain at umiinom, at nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko,[c]
39 at(G) hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat, ay gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao.
40 Kaya, may dalawang taong pupunta sa bukid, ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
41 May dalawang babaing magtatrabaho[d] sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan.
42 Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw[e] darating ang inyong Panginoon.
43 Ngunit(H) unawain ninyo ito, na kung nalalaman ng puno ng sambahayan kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magpupuyat sana siya at hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay.
44 Kaya, maging handa rin naman kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.
Ang Tapat at ang Di-tapat na Alipin(I)
45 “Sino nga ba ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng kanyang panginoon na pangasiwaan ang kanyang sambahayan, upang magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon?
46 Mapalad ang alipin na kung dumating ang kanyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang kanyang ginagawa.
47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakatiwala niya sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian.
48 Ngunit kung ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kanyang puso, ‘Magtatagal ang aking panginoon,’
49 at pinasimulan niyang bugbugin ang mga kapwa niya alipin, at nakisalo at nakipag-inuman sa mga lasing,
50 darating ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman,
51 at siya'y pagpuputul-putulin at ilalagay na kasama ng mga mapagkunwari, kung saan ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001