Old/New Testament
Ang Pagtatalaga kay Aaron at sa Kanyang mga Anak(A)
8 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:
2 “Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak, ang mga kasuotan, ang langis na pambuhos, ang torong handog pangkasalanan, ang dalawang tupang lalaki, at ang bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa,
3 at tipunin ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan.”
4 At ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon; at ang kapulungan ay nagkatipon sa pintuan ng toldang tipanan.
5 Sinabi ni Moises sa kapulungan, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin.”
6 At dinala ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at hinugasan sila ng tubig.
7 At isinuot sa kanya ang tunika, binigkisan ng pamigkis, inilagay sa kanya ang balabal, ipinatong ang efod, at ibinigkis sa kanya ang pamigkis na efod na mahusay ang pagkakahabi at itinali ito sa kanya.
8 Ipinatong ni Moises[a] sa kanya ang pektoral, at inilagay ang Urim at ang Tumim sa pektoral.
9 At ipinatong ang turbante sa kanyang ulo; at ipinatong sa harapan ng turbante ang ginintuang plata, ang banal na korona; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
10 Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang langis na pambuhos at binuhusan ang tabernakulo, at ang lahat ng naroon, at ang mga iyon ay itinalaga.
11 Iwinisik niya ang iba nito sa ibabaw ng dambana ng pitong ulit, at binuhusan ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyon, ang hugasan at ang tuntungan niyon, upang italaga ang mga iyon.
12 Kanyang binuhusan ng kaunting langis ang ulo ni Aaron upang italaga siya.
13 At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y dinamitan ng mga kasuotan, binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga turbante, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
14 Kanyang inilapit ang torong handog pangkasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog pangkasalanan,
15 at pinatay ito. Kinuha ni Moises ang kaunting dugo at ipinahid ito ng kanyang daliri sa ibabaw ng mga sungay sa palibot ng dambana, at nilinis ang dambana. Pagkatapos ay ibinuhos niya ang dugo sa paanan ng dambana sa gayo'y itinalaga niya ito upang makagawa ng pagtubos.
16 Kinuha ni Moises ang lahat ng taba na nasa mga lamang-loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga iyon, at sinunog ang mga iyon sa ibabaw ng dambana.
17 Subalit ang toro, at ang balat nito, ang laman, at ang dumi, ay sinunog niya sa labas ng kampo; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
18 Pagkatapos ay inilapit niya ang tupang lalaki na handog na sinusunog, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa,
19 at iyon ay pinatay. Iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana.
20 Kinatay ang tupa at ito ay sinunog ni Moises kasama ang ulo, ang mga bahagi, at ang taba.
21 Pagkatapos hugasan sa tubig ang lamang-loob at ang mga paa, ito ay sinunog ni Moises kasama ang buong tupa sa ibabaw ng dambana. Ito ay handog na sinusunog na mabangong samyo, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
22 At inilapit niya ang ikalawang tupa, ang tupa ng pagtatalaga, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa.
23 Iyon ay pinatay ni Moises at kumuha siya ng kaunting dugo at nilagyan ang dulo ng kanang tainga ni Aaron, ang hinlalaki ng kanyang kanang kamay at ng kanang paa.
24 Pinalapit naman ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugo ang dulo ng kanilang kanang tainga, ang hinlalaki ng kanilang kanang kamay at ng kanang paa; at iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana.
25 Pagkatapos ay kinuha niya ang taba, ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob, ang lamad ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba ng mga iyon, at ang kanang hita.
26 Mula sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na inilagay sa harapan ng Panginoon, ay kumuha siya ng isang tinapay na walang pampaalsa, at ng isang tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at inilagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita.
27 Lahat ng mga ito ay inilagay niya sa mga kamay ni Aaron at sa kamay ng kanyang mga anak, at iwinawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.
28 Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang mga iyon sa kanilang mga kamay, at sinunog sa ibabaw ng dambana kasama ng handog na sinusunog bilang handog sa pagtatalaga na mabangong samyo. Ito ay handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.
29 Kinuha ni Moises ang dibdib at iwinagayway ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon. Ito ang bahagi ni Moises sa tupa ng pagtatalaga, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
30 At kumuha si Moises ng langis na pambuhos, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iwinisik kay Aaron at sa kanyang mga suot, gayundin sa kanyang mga anak at sa mga suot ng kanyang mga anak. Itinalaga niya si Aaron at ang kanyang mga suot, ang kanyang mga anak, gayundin ang mga suot ng kanyang mga anak.
31 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng toldang tipanan at doon ninyo kainin kasama ng tinapay ng pagtatalaga na nasa bakol, gaya ng iniutos ko, ‘Si Aaron at ang kanyang mga anak ay kakain nito.’
32 Ang nalabi sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy.
33 Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan sa loob ng pitong araw, hanggang sa maganap ang mga araw ng inyong pagtatalaga. Kailangan ang pitong araw upang maitalaga kayo;
34 gaya ng ginawa niya sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng Panginoon na gawin ninyo upang ipantubos sa inyo.
35 Mananatili kayo sa pintuan ng toldang tipanan gabi't araw sa loob ng pitong araw, at inyong tutuparin ang kautusan ng Panginoon, upang huwag kayong mamatay; sapagkat gayon ang iniutos sa akin.”
36 Ginawa ni Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Si Aaron ay Nag-alay ng mga Handog
9 Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron, ang kanyang mga anak, at ang matatanda sa Israel.
2 Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro bilang handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog na kapwa walang kapintasan at ihandog mo sa harapan ng Panginoon.
3 At sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kumuha kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang batang baka, at isang kordero na kapwa na may gulang na isang taon at walang kapintasan, bilang handog na sinusunog,
4 ng isang bakang lalaki at isang tupang lalaki na mga handog pangkapayapaan, upang ialay sa harapan ng Panginoon, at ng isang butil na handog na hinaluan ng langis, sapagkat magpapakita sa inyo ngayon ang Panginoon.’”
5 Kanilang dinala sa harapan ng toldang tipanan ang iniutos ni Moises, at ang buong kapulungan ay lumapit at tumayo sa harap ng Panginoon.
6 At sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon na gawin ninyo upang magpakita sa inyo ang kaluwalhatian ng Panginoon.”
7 Pagkatapos(B) ay sinabi ni Moises kay Aaron, “Lumapit ka sa dambana at mag-alay ka ng handog pangkasalanan at handog na sinusunog, at gumawa ka ng pagtubos para sa iyong sarili at sa bayan. Ialay mo ang handog ng bayan at gumawa ka ng pagtubos para sa kanila, gaya ng iniutos ng Panginoon.”
8 Lumapit naman si Aaron sa dambana at pinatay ang guyang handog pangkasalanan na para sa kanya.
9 At dinala sa kanya ng mga anak ni Aaron ang dugo, inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at ipinahid iyon sa ibabaw ng mga sungay ng dambana at ang nalabing dugo ay ibinuhos sa paanan ng dambana.
10 Subalit ang taba, ang mga bato, at ang lamad na nasa atay ng handog pangkasalanan ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
11 Ang laman at balat ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampo.
12 At pinatay niya ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng mga anak ni Aaron ang dugo, at kanyang iwinisik sa palibot ng dambana.
13 At kanilang ibinigay sa kanya ang handog na sinusunog, na isa-isang putol, at ang ulo at iyon ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana.
14 Kanyang hinugasan ang lamang-loob at ang mga paa at sinunog ang mga ito para sa handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana.
15 Kasunod niyon inialay niya ang handog ng bayan. Kinuha niya ang kambing na handog pangkasalanan na para sa bayan, at pinatay ito at inihandog bilang handog pangkasalanan, gaya ng una.
16 Dinala niya ang handog na sinusunog at inihandog ayon sa tuntunin.
17 At dinala niya ang butil na handog at pinuno nito ang kanyang palad at sinunog ito sa ibabaw ng dambana, bukod sa handog na sinusunog sa umaga.
18 Pinatay(C) niya ang bakang lalaki at ang tupang lalaki na alay na mga handog pangkapayapaan na para sa bayan. At ibinigay ng mga anak ni Aaron sa kanya ang dugo at kanyang iwinisik sa palibot ng dambana;
19 at ang taba ng toro at ng tupang lalaki, ang matabang buntot at ang tabang bumabalot, at ang mga bato, at ang lamad ng atay.
20 Kanilang inilagay ang mga taba sa ibabaw ng mga dibdib at kanyang sinunog ang taba sa ibabaw ng dambana.
21 At iwinagayway ni Aaron ang mga dibdib at ang kanang hita na handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon; gaya ng iniutos ni Moises.
22 Itinaas(D) ni Aaron ang kanyang mga kamay paharap sa taong-bayan at binasbasan sila. Bumaba siya pagkatapos ng paghahandog ng handog pangkasalanan, ng handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan.
23 Pumasok sina Moises at Aaron sa toldang tipanan, at sila'y lumabas at binasbasan ang bayan; at lumitaw ang kaluwalhatian ng Panginoon sa taong-bayan.
24 Lumabas ang apoy mula sa harapan ng Panginoon at tinupok ang handog na sinusunog at ang taba sa ibabaw ng dambana. Nang makita iyon ng buong bayan, sila ay nagsigawan at nagpatirapa.
Ang Kasalanan nina Nadab at Abihu
10 Noon, sina Nadab at Abihu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ng kanya-kanyang suuban, at nilagyan ng apoy ang mga ito at pinatungan ng insenso. Sila'y naghandog sa harapan ng Panginoon ng ibang apoy na hindi niya iniutos sa kanila.
2 At lumabas ang apoy sa harapan ng Panginoon, nilamon sila, at namatay sila sa harapan ng Panginoon.
3 Pagkatapos ay sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang sinabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapakita na banal sa mga lumalapit sa akin; at ako'y maluluwalhati sa harapan ng buong bayan.’” At si Aaron ay nanahimik.
4 Tinawag ni Moises sina Misael at Elzafan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, “Magsilapit kayo, dalhin ninyo ang inyong mga kapatid mula sa harapan ng santuwaryo tungo sa labas ng kampo.”
5 Kaya't sila'y lumapit at binuhat sa kanilang mga kasuotan papalabas sa kampo, gaya ng iniutos ni Moises.
6 At sinabi ni Moises kina Aaron, Eleazar, at Itamar na kanyang mga anak, “Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o punitin man ninyo ang inyong mga damit upang huwag kayong mamatay at nang siya'y huwag magalit laban sa buong kapulungan. Tungkol sa inyong mga kapatid, ang buong sambahayan ni Israel, sila ay tataghoy sa apoy na pinapag-alab ng Panginoon.
7 Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan, baka kayo'y mamatay; sapagkat ang langis na pambuhos ng Panginoon ay nasa inyo.” At kanilang ginawa ang ayon sa mga salita ni Moises.
Mga Alituntunin para sa mga Pari
8 At ang Panginoon ay nagsalita kay Aaron, na sinasabi,
9 “Huwag kayong iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak na kasama mo, kapag kayo'y papasok sa toldang tipanan, upang kayo'y huwag mamatay. Ito ay isang walang hanggang batas sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.
10 Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, ang marumi at ang malinis,
11 at inyong ituturo sa mga anak ni Israel ang lahat ng batas na sinabi sa kanila ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.”
Ang Tungkulin at Bahagi ng mga Pari
12 Nagsalita(E) si Moises kay Aaron at sa nalabi nitong mga anak, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang butil na handog na nalabi mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at inyong kaining walang pampaalsa sa tabi ng dambana, sapagkat ito ay kabanal-banalan.
13 Ito ay inyong kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ang bahagi ninyo at ng inyong mga anak mula sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, sapagkat gayon ang iniutos sa akin.
14 Ang(F) dibdib ng handog na iwinawagayway at ang hita na inialay ay kakainin ninyo sa isang malinis na lugar, ikaw at ng iyong mga anak na lalaki at babae. Ang mga iyon ay ibinigay bilang bahagi mo at ng iyong mga anak mula sa mga alay ng handog pangkapayapaan ng mga anak ni Israel.
15 Ang hita na inialay at ang dibdib na iwinawagayway ay kanilang dadalhin kasama ng mga handog na pinaraan sa apoy, ang mga taba, ay kanilang dadalhin upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon. Ito ay bahagi mo at ng iyong mga anak, gaya ng iniutos ng Panginoon.”
16 At buong sikap na hinanap ni Moises ang kambing na handog pangkasalanan, at iyon ay sinunog na! Siya ay nagalit kina Eleazar at Itamar na mga nalalabing anak ni Aaron, at kanyang sinabi,
17 “Bakit(G) hindi ninyo kinain ang handog pangkasalanan sa banal na lugar? Ito ay kabanal-banalang bagay at ibinigay niya ito sa inyo upang alisin ang kasamaan ng kapulungan, upang gumawa ng pagtubos para sa kanila sa harapan ng Panginoon?
18 Ang dugo niyon ay hindi ipinasok sa loob ng dakong banal. Tiniyak sana ninyong kinain ito sa banal na dako, gaya ng iniutos ko.”
19 At sinabi ni Aaron kay Moises, “Tingnan mo, kanilang inihandog nang araw na ito ang kanilang handog pangkasalanan, at ang kanilang handog na sinusunog sa harapan ng Panginoon; gayunman ang gayong mga bagay ay nangyari sa akin! Kung ako nga'y nakakain ngayon ng handog para sa kasalanan, ito kaya ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon?”
20 Nang marinig ito ni Moises, siya ay sumang-ayon.
Ang Paghuhukom sa mga Bansa
31 “Kapag(A) dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya'y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian.
32 At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao[a] na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing,
33 at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa.
34 Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.
35 Sapagkat ako'y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako'y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako'y taga-ibang bayan, at ako'y inyong pinatuloy.
36 Ako'y naging hubad at inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’
37 Pagkatapos ay sasagutin siya ng mga matuwid, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at pinakain ka namin, o uhaw, at binigyan ka ng inumin?
38 Kailan ka namin nakitang isang taga-ibang bayan at pinatuloy ka, o hubad, at dinamitan ka?
39 At kailan ka namin nakitang maysakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?’
40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.’
41 Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel.
42 Sapagkat ako'y nagutom, at hindi ninyo ako binigyan ng pagkain. Ako'y nauhaw, at hindi ninyo binigyan ng inumin.
43 Ako'y taga-ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy. Hubad, at hindi ninyo ako dinamitan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ninyo dinalaw.’
44 Pagkatapos ay sasagot din sila, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang taga-ibang bayan, o hubad, o maysakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?’
45 At sila'y sasagutin niya, na nagsasabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakamaliliit na ito, ay hindi ninyo ito ginawa sa akin.’
46 At(B) ang mga ito'y mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001