Old/New Testament
Ang Pagtawag kina Bezaleel at Aholiab(A)
31 Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2 “Tingnan mo, aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda.
3 Aking pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, may kakayahan, katalinuhan, may kaalaman sa iba't ibang uri ng gawain,
4 upang magdibuho ng magagandang disenyo, upang gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso,
5 upang umukit ng mga batong pang-enggaste, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat ng sari-saring gawain.
6 Aking itinalagang kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan; at sa lahat ng may kakayahang gumawa ay nagbigay ako ng karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo:
7 ang toldang tipanan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyon, at ang lahat ng kasangkapan ng tolda,
8 ang hapag at ang mga kasangkapan niyon at ang dalisay na ilawan, kasama ng lahat na mga kasangkapan; ang dambana ng insenso,
9 ang dambana ng handog na sinusunog kasama ng lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon;
10 at ang mga kasuotang mahusay ang pagkagawa, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari;
11 at ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso para sa dakong banal. Ayon sa lahat ng iniutos ko sa iyo ay gagawin nila ang mga ito.”
Ang Pangingilin sa Sabbath
12 At sinabi ng Panginoon kay Moises,
13 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Inyong ipapangilin ang aking mga Sabbath, sapagkat ito'y isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang inyong makilala na akong Panginoon ang nagpapabanal sa inyo.
14 Inyong ipapangilin ang Sabbath, sapagkat iyon ay banal para sa inyo. Bawat lumapastangan dito ay walang pagsalang papatayin, sapagkat sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.
15 Anim(B) na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath ng taimtim na pagpapahinga, banal sa Panginoon; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath ay walang pagsalang papatayin.
16 Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng Sabbath, na iingatan ang Sabbath sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, bilang isang palagiang tipan.
17 Ito'y(C) isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailanman na sa loob ng anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw siya ay nagpahinga at naginhawahan.’”
Tinanggap ni Moises ang Dalawang Tapyas ng Bato
18 Pagkatapos na makapagsalita ang Diyos[a] sa kanya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, kanyang ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng tipan, ang mga tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos.
Ang Gintong Guya(D)
32 Nang(E) makita ng bayan na nagtatagal si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagtipon ang bayan kay Aaron, at sinabi sa kanya, “Tumindig ka at igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat ang Moises na ito na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.”
2 At sinabi ni Aaron sa kanila, “Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto na nasa tainga ng inyu-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalaki at babae, at dalhin ninyo sa akin.”
3 Kaya't inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nasa kanilang mga tainga, at dinala ang mga ito kay Aaron.
4 Kanyang(F) tinanggap ang ginto mula sa kanila at hinubog ito sa pamamagitan ng isang kagamitang panlilok, at ginawang isang hinulmang guya. At kanilang sinabi, “Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!”
5 Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyon. Nagpahayag si Aaron at sinabi, “Bukas ay isang pista sa Panginoon.”
6 Kinaumagahan,(G) sila'y bumangon nang maaga, nag-alay ng mga handog na sinusunog at nagdala ng mga handog pangkapayapaan; at ang taong-bayan ay naupo upang kumain at mag-inuman at bumangon upang magkatuwaan.
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka agad! Ang iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto ay nagpapakasama.
8 Sila'y madaling lumihis sa daan na aking iniutos sa kanila. Sila'y gumawa ng isang hinulmang guya at kanilang sinamba, at hinandugan ito, at kanilang sinabi, ‘Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!’”
9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Aking nakita ang bayang ito, napakatigas ng kanilang ulo.
10 Kaya ngayo'y hayaan mo ako upang ang aking poot ay mag-alab laban sa kanila, at aking lipulin sila. Ngunit ikaw ay aking gagawing isang dakilang bansa.”
11 Ngunit(H) nagsumamo si Moises sa Panginoon niyang Diyos, at sinabi, “ Panginoon, bakit ang iyong poot ay pinag-aalab mo laban sa iyong bayan na iyong inilabas sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?
12 Bakit kailangang sabihin ng mga Ehipcio, ‘Dahil sa masamang layunin ay kanyang inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila mula sa balat ng lupa?’ Iurong mo ang iyong mabangis na poot, at baguhin mo ang iyong isip sa kasamaang ito laban sa iyong bayan.
13 Alalahanin(I) mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod. Sa kanila ay sumumpa ka sa iyong sarili, at sinabi mo sa kanila, ‘Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking ipinangako ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin ito magpakailanman.’”
14 At nagbago ang isip ng Panginoon sa masama na kanyang sinabing gagawin niya sa kanyang bayan.
Nagalit si Moises
15 Si Moises ay tumalikod at bumaba sa bundok, dala ang dalawang tapyas ng tipan sa kanyang mga kamay, mga tapyas na may sulat sa magkabilang panig niyon, sa isang panig at sa kabilang panig ay nakasulat ang mga iyon.
16 Ang mga tapyas ay gawa ng Diyos, at ang sulat ay sulat ng Diyos, na nakaukit sa mga tapyas.
17 Nang marinig ni Josue ang ingay ng bayan habang sila'y nagsisigawan, sinabi niya kay Moises, “May ingay ng digmaan sa kampo.”
18 Ngunit kanyang sinabi, “Hindi iyon ingay ng sigaw ng pagtatagumpay, o ingay man ng sigaw ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig.”
19 Nang makalapit siya sa kampo, at kanyang makita ang guya at ang pagsasayawan, ang galit ni Moises ay nag-alab, at kanyang ibinato ang mga tapyas na nasa kanyang mga kamay at binasag ang mga ito sa paanan ng bundok.
20 Kanyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, sinunog ng apoy, giniling hanggang sa naging pulbos, isinaboy sa tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel.
21 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking kasalanan?”
22 Sinabi ni Aaron, “Huwag mag-alab ang galit ng aking Panginoon; kilala mo ang taong-bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan.
23 Sapagkat kanilang sinabi sa akin, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol sa Moises na ito, ang lalaking naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.’
24 At aking sinabi sa kanila, ‘Sinumang may ginto ay hubarin ito,’ at kanila namang ibinigay sa akin, at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito!”
Pinarusahan ang mga Tao
25 Nang makita ni Moises na ang bayan ay nagwawala (sapagkat pinabayaan sila ni Aaron na magwala, sa kanilang kahihiyan sa gitna ng kanilang mga kaaway),
26 tumayo si Moises sa pintuan ng kampo, at nagsabi, “Sino ang nasa panig ng Panginoon? Lumapit kayo sa akin.” At lahat ng mga anak ni Levi ay nagtipon sa kanya.
27 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Ilagay ng bawat lalaki ang kanyang tabak sa kanyang tagiliran. Humayo kayong paroo't parito sa mga pintuan sa buong kampo, at patayin ng bawat lalaki ang kanyang kapatid na lalaki, ng bawat lalaki ang kanyang kasama, at ng bawat lalaki ang kanyang kapwa.’”
28 Ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises; at nabuwal ang halos tatlong libong katao sa mamamayan nang araw na iyon.
29 Sinabi ni Moises, “Itinalaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa paglilingkod sa Panginoon, bawat isa sa halaga ng kanyang anak na lalaki o kapatid na lalaki, kaya't kayo ay nagdala sa inyo ng pagpapala sa araw na ito.”
30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan, “Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan. Ngayo'y aakyat ako sa Panginoon; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan.”
31 Kaya't bumalik si Moises sa Panginoon, at sinabi, “O, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan; at gumawa sila para sa kanilang sarili ng mga diyos na ginto.
32 Ngunit(J) ngayon, kung maaari ay patawarin mo ang kanilang kasalanan—at kung hindi, ay burahin mo ako sa aklat na isinulat mo.”
33 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang sinumang nagkasala laban sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat.
34 Subalit ngayo'y humayo ka, iyong pangunahan ang bayan patungo sa dakong aking sinabi sa iyo; ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo. Gayunman kapag dumating ang araw ng pagpaparusa, aking parurusahan sila sa kanilang mga kasalanan.”
35 At ang Panginoon ay nagpadala ng isang salot sa bayan, sapagkat kanilang ginawa ang guya—yaong ginawa ni Aaron.
Lumayo ang Panginoon sa Israel
33 Sinabi(K) ng Panginoon kay Moises, “Humayo ka, umakyat ka mula rito, ikaw at ang bayan na iyong inilabas mula sa lupain ng Ehipto, patungo sa lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na aking sinasabi, ‘Sa iyong mga anak at inapo ay aking ibibigay iyon!’
2 Magsusugo ako ng isang anghel sa unahan mo, at aking palalayasin ang mga Cananeo, mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo.
3 Pumunta ka sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, ngunit hindi ako pupuntang kasama ninyo, baka ikaw ay lipulin ko sa daan, sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.”
4 Nang marinig ng taong-bayan ang masasamang balitang ito ay tumangis sila, at walang taong nagsuot ng kanyang mga palamuti.
5 Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kayo'y isang bayang matigas ang ulo; kung ako'y aakyat na kasama ninyo nang sandali, ay malilipol ko kayo. Kaya't ngayo'y alisin ninyo ang inyong mga palamuti upang aking malaman kung ano ang aking gagawin sa inyo.’”
6 Kaya't hinubad ng mga anak ni Israel ang kanilang mga palamuti, magmula sa bundok ng Horeb.
7 Kinaugalian na ni Moises na dalhin ang tolda at itayo sa labas ng kampo, na malayo sa kampo; kanyang tinawag iyon na toldang tipanan. At bawat maghanap sa Panginoon ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, na nasa labas ng kampo.
8 Kapag si Moises ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, ang buong bayan ay tumatayo, bawat lalaki sa pintuan ng kanyang tolda at pinanonood si Moises hanggang sa makapasok siya sa tolda.
9 At kapag si Moises ay pumapasok sa tolda, bumababa ang haliging ulap at tumitigil sa pintuan ng tolda, at ang Panginoon ay nakikipag-usap kay Moises.
10 Kapag nakikita ng buong bayan na ang haliging ulap ay tumitigil sa pintuan ng tolda, ang buong bayan ay tumitindig at sumasamba, bawat isa sa pintuan ng kanyang tolda.
11 Sa gayon nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises nang mukhaan, gaya ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kaibigan. Kapag siya'y bumabalik uli sa kampo, ang kanyang lingkod na si Josue, anak ni Nun, na may kabataan pa, ay hindi umaalis sa tolda.
Si Moises ay Nakipag-usap sa Panginoon
12 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Tingnan mo, iyong sinasabi sa akin, ‘Dalhin mo ang bayang ito,’ ngunit hindi mo ipinakilala sa akin kung sino ang susuguin mo na kasama ko. Gayunma'y iyong sinabi, ‘Aking nakikilala ka sa pangalan, at ikaw rin naman ay nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.’
13 Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ituro mo sa akin ngayon ang iyong mga daan, upang ikaw ay aking makilala, at ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin. Alalahanin mo rin na ang bansang ito ay iyong bayan.”
14 Kanyang sinabi, “Ako'y sasaiyo, at ikaw ay aking bibigyan ng kapahingahan.”
15 At sinabi niya sa kanya, “Kung ikaw ay hindi sasaakin, huwag mo na kaming paahunin mula rito.
16 Sapagkat paano ngayon malalaman na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, ako at ang iyong bayan? Hindi ba dahil sa ikaw ay lumalakad na kasama namin, kaya't kami ay naiiba, ako at ang iyong bayan, sa lahat ng bayan sa balat ng lupa?”
17 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gagawin ko ang bagay na ito na iyong sinabi, sapagkat ikaw ay nakatagpo ng biyaya sa aking paningin, at ikaw ay aking nakikilala sa pangalan.”
18 Sinabi ni Moises, “Hinihiling ko sa iyo na ipakita mo sa akin ang iyong kaluwalhatian.”
19 At(L) kanyang sinabi, “Aking pararaanin ang lahat kong kabutihan sa harapan mo, at aking ipahahayag ang aking pangalang ‘Ang Panginoon’[b] sa harapan mo. Ako'y magkakaloob ng biyaya sa kaninumang aking ibig pagkalooban, at ako'y magpapakita ng habag sa kaninumang aking ibig kahabagan.
20 Ngunit, kanyang sinabi, “Hindi mo maaaring makita ang aking mukha; sapagkat hindi ako maaaring makita ng tao at siya'y mabubuhay.”
21 At sinabi ng Panginoon, “Masdan mo, may isang dako sa tabi ko, at ikaw ay tatayo sa ibabaw ng bato;
22 at samantalang ang aking kaluwalhatian ay dumaraan, aking ilalagay ka sa isang bitak ng bato, at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa ako'y makaraan.
23 Pagkatapos, aking aalisin ang aking kamay, at iyong makikita ang aking likod; subalit ang aking mukha ay hindi makikita.”
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)
22 Si Jesus ay muling nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, na sinasabi,
2 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki.
3 Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa handaan ng kasalan; ngunit ayaw nilang dumalo.
4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin, na sinasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking handaan; pinatay na ang aking mga baka at matatabang hayop at handa na ang lahat. Halina kayo sa handaan ng kasalan.’
5 Ngunit hindi nila ito pinansin, at sila'y humayo, ang isa'y sa kanyang sariling bukid, ang isa'y sa kanyang pangangalakal.
6 Hinuli naman ng iba ang kanyang mga alipin at ginawan ng masama at pinagpapatay.
7 Kaya't nagalit ang hari. Sinugo niya ang kanyang mga hukbo, pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lunsod.
8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.
9 Kaya pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at anyayahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’
10 Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang kasalan.
11 “Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang tao na hindi nakadamit pangkasal.
12 Sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasal?’ Ngunit hindi siya nakapagsalita.
13 Kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.’
14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Pagbabayad ng Buwis(C)
15 Pagkatapos ay umalis ang mga Fariseo at pinag-uusapan nila kung paano siyang mabibitag sa kanyang pananalita.
16 Kaya't sinugo nila ang kanilang mga alagad sa kanya, kasama ng mga Herodiano,[a] na nagsasabi, “Guro, alam naming ikaw ay tapat, at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan at wala kang pinapanigang sinuman, sapagkat hindi ka nagtatangi ng tao.[b]
17 Sabihin mo nga sa amin, ano sa palagay mo? Matuwid bang magbuwis kay Cesar,[c] o hindi?”
18 Ngunit batid ni Jesus ang kanilang kasamaan, sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari?
19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At dinala sa kanya ang isang denario.
20 Sinabi niya sa kanila, “Kaninong larawan ito at ang nakasulat?”
21 Sinabi nila sa kanya, “Kay Cesar.” Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.”
22 Nang marinig nila ito ay namangha sila. Kanilang iniwan siya at sila'y umalis.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001